Huwebes, Agosto 6, 2015

SINA THOR AT LOKI SA LUPAIN NG MGA HIGANTE

Sina Thor at Loki sa Lupain ng mga Higante
ni Snorri Sturluson
Isinalin sa Filipino ni Sheila C. Molina
Mga Tauhan:
diyos:   Thor- diyos ng kulog at kidlat; pinakamalakas sa mga diyos ng Aesir
                Loki – kasama ni Thor sa paglalakbay, may kapilyuhan

higante:               Skymir – naninirahan sa kakahuyan
                                Utgaro-Loki -  hari ng mga higante
                                Logi, Hugi, at Elli -  kabilang sa kuta ni Utgaro-Loki

Mga tao:             Thjalfti at Rosvka – anak na lalaki at babae ng magsasaka

Napagpasiyahan nina Thor at Loki na maglakbay patungo sa Utgaro, lupain ng mga higante, ang kalaban ng mga diyos.  Kinaumagahan, sila ay naglakbay sakay ng karuwahe na hinihila ng dalawang kambing.

Nang abutin ng gabi sa paglalakbay, nagpahinga sila sa bahay ng isang magsasaka. Kinatay ni Thor
ang dalang kambing at inilagay sa malaking kaldero. Iniluto at inihain ito sa hapunan.  Inanyayahan ni
Thor na sumalo sa kanila sa pagkain  ang mag-anak na magsasaka. Ang anak na lalaki ng magsasaka ay nagngangalang Thjalfi  at  Roskva naman ang    anak na babae.  Inutos ni Thor sa magsasaka na paghiwalayin ang buto ng kambing sa balat nito.  Ngunit hindi sumunod ang anak na lalaki na si Thjalfi sa halip        ay kinuha ang bahaging pige at hinati ito gamit ang kutsilyo.  Kinabukasan, nagbihis
si Thor, kinuha ang kaniyang maso, itinaas ito at binentidahan ang kambing.  Tumayo ang mga kambing ngunit ang isa ay bali ang paa sa likod.  Napansin ito ni Thor.

Nagalit ito nang husto at  nanlilisik ang kaniyang mga mata. Gayon na lamang ang takot ng buong pamilya.  Halos magmakaawa sila kay Thor at sinabing  handa nilang ibigay ang lahat.  Nang makita ni Thor kung gaano natakot sa kaniya ang  mag-anak, naglubag din ang kaniyang kalooban  at hininging kapalit ang mga anak nito. Kaya’t sina Thjalfi at Roskva ay naging   alipin niya pagkatapos.

Ang kanilang paglalakbay ay nagpatuloy patungo sa silangang bahagi sa lupain ng mga higante. Naglakbay sila buong araw at nang abutan ng dilim humanap sila ng matutuluyan. Doon nila nakita ang malaking pasilyo at nagpasyang manatili roon. 

Hatinggabi na nang gulatin sila ng malakas na lindol, umuuga ang buong paligid at pakiramdam nila ay nagiba ang kanilang kinatatayuan. Nang siyasatin nila ang paligid ay nakakita sila ng isang silid. Natakot ang mga kasama ni Thor kaya’t binunot niyaang kaniyang maso at humanda sa pakikipaglaban. Maya-maya pa ay nakarinig sila nang malakas na ungol. Kinaumagahan, nakita ni Thor sa labas ang isang  higante. 

Natutulog ito at umuungol nang malakas. Akmang pupukpukin ni Thor ng kaniyang maso ang higante nang bigla itong magising.  Tinanong ni Thor ang pangalan ng higante.

Siya raw si Skrymir at nakikilala niya si Asa-Thor.  Tinanong nito kung inalis ba ni Thor ang kaniyang guwantes. Noon nalaman ni Thor na higante na pala ang kanilang tinulugan at ang hintuturo nito ang inaakalang silid.

 Tinanong ni Skrymir si Thor kung maaari siyang sumama sa kanilang paglalakbay at ito ay pumayag naman.  Nang buksan na ni Skrymir ang baon niyang bag at humandang kumain ng almusal wala ang baon nina Thor at ito ay nasa ibang lugar.  Napagkasunduan nila na pagsamahin ang kanilang mga baon.  Pumayag si Thor, kaya’t pinagsama ni Skrymir ang kanilang mga baon sa isang bag at ibinuhol ito.  Sa kanilang paglalakad nauuna ang higante dahil sa malalaki nitong hakbang, sila ay nagpahinga sa isang malabay na puno.  Napagod ang higante kaya’t ito’y nakatulog agad at napakalakas humilik.  Kinuha ni Thor ang baon nilang bag at inalis ang buhol nito ngunit hindi niya maalis kaya’t uminit ang kaniyang ulo at agad kinuha ang kaniyang maso at pinukpok sa ulo ang higante. Nagising si Skrymir at inaakalang may nalaglag na dahon sa kaniyang ulo, tinanong si Thor kung sila ay kumain na.  Sinabi nitong tapos na. Nang handa nang matulog lumipat sila ng ibang puno. Hatinggabi na nang marinig na naman ni Thor ang malakas na hilik ng higante.  Nagising si Thor, kinuha ang kaniyang maso at muling pinukpok ang higante. 

Nagising ang higante at tinanong kung may acorn ba na nahulog sa kaniyang ulo. “Ano ang nangyayari sa iyo Thor?” sabi ng higante. Sinabi nitong siya ay naalimpungatan lamang at mahaba pa ang oras para matulog. Naisip niya na kapag pinukpok niya sa pangatlong beses si Skrymir ay maaaring hindi na nito kayanin kaya’t hinintay niyang muling matulog ang higante.

Kinabukasan, habang natutulog pa ang higante ay hinugot ni Thor ang maso sa ulo nito. Napatayo si Skrymir, kinamot ang kaniyang pisngi at nagwika kung may mga ibon ba sa itaas ng puno.  Nang siya ay magising tila may mga nahuhulog na dahon sa kaniyang ulo. “Gising ka na ba Thor?” wika niya.  Oras na upang bumangon at magbihis.  Malapit na kayo sa kaharian ni Utgaro.  Narinig ko kayong nagbubulungan na ako ay walang kuwentang higante.  Kung makararating kayo kay Utgaro makikita
ninyo ang malalaking tao roon.  Bibigyan ko kayo ng mabuting payo.  Huwag kayong magpapakita ng pagmamataas kay Utgaro Loki.” sabi pa nito.

Nagpatuloy sa paglalakbay ang grupo ni Thor hanggang makita nila ang matibay na tanggulan.  Sinubok na buksan ni Thor ang tarangkahan ngunit hindi niya mabuksan.  Nakakita sila ng mataas na pader, pinanhik iyon at doon ay may daanan. 

Nakita nila ang malalaking tao na nakaupo sa dalawang bangko.  Sumunod na araw ay kaharap na nila ang hari na si Utgaro-Loki. Nakilala niya si Thor ang mahusay na mandirigma. “Ikaw ay malakas kaysa tingin ko lamang.  Anong kakayahan na mahusay kayo ng iyong mga kasama? Hindi namin hinahayaan na manatili rito ang taong walang ipagmamalaki.” wika nito.

Sumagot si Loki. “Mayroon akong kakayahan na nais kong subukin.  Walang sinuman sa naririto ang bibilis pa sa akin sa pagkain.” Tinawag ni Utgaro-Loki ang nakaupo sa dulong upuan na nagngangalang Logi. Inilagay sa gitna ng mesa ang mga hiniwang karne.  Magkatapat sa dulo ng mesa, naupo ang dalawang magkatunggali. 

Kinain nila nang sobrang bilis ang karne, buto na lamang ang naiwan sa parte ni Loki ngunit ni walang butong natira sa parte ni Logi. Kaya’t malinaw na natalo si Loki sa nasabing labanan.

Sumunod na paligsahan naman ang pabilisan sa pagtakbo na nilahukan ng batang  si Thjalfi laban  sa  bata  rin  na  si Hugi. Sa  unang  paglalaban, masyadong malayo ang agwat ni Hugi.  Inulit ito nang tatlong beses ngunit hindi talaga maabutan ni Thjalfi si                Hugi.

Tinanong ni Utgaro-Loki si Thor kung anong kakayahan naman ang ipakikita nito.  Sinabi nitong
gusto niyang subukin ang labanan sa pabilisan ng pag-inom.  Kaya’t tinawag ni Utgaro-Loki ang
cupbearer na dala-dala ang tambuli na madalas inuman ng mga panauhin.

 “Isang mahusay na manginginom ang makauubos nito sa isang lagukan, ang iba ay kaya ito ng dalawa ngunit kadalasan ay nauubos ito nang tatlong lagukan,” sabi ng pinuno ng mga higante.

Hindi pinansin ni Thor ang sukat ng tambuli dahil siya ay uhaw na uhaw.  Nilagok niya nang malaki ang lalagyan ngunit hindi na siya makahinga kaya’t nang tingnan ang lalagyan ay parang wala pa ring nabawas.  Ganito rin ang nangyari sa ikalawang lagok.

Sinabi ni Utgaro-Loki “Kailangan mong lagukin itong lahat sa pangatlong pagkakataon.  Tingin ko ay hindi ka kasinlakas ng inaasahan ko.” Nagalit si Thor kaya’t ininom ang alak gamit ang lahat ng lakas ngunit tila wala pa ring nabawas sa laman ng tambuli kaya’t binitiwan ito hanggang sa matapon lahat ng laman. 

 “Ipinakikita lamang na ang lakas mong taglay ay hindi kasintindi tulad ng aming iniisip.  Gusto mo pa bang subukin ang iba pang uri ng pakikipaglaban?” tanong  ni Utgaro-Loki. “Anong labanan ang maimumungkahi mo?” sagot ni Thor.

“Isang laro na paborito ng kabataan dito buhatin ang aking pusa mula sa lupa.”  Isang abuhing pusa ang lumundag sa lupa.  Malaki ito ngunit hinawakan ni Thor ang palibot ng tiyan nito at sinubok na itaas gamit ang lahat ng lakas.  Ngunit paa lamang ng pusa ang naiangat ni Thor.

 “Tapos na ang labanang ito tulad ng aking inaasahan, walang laban si Thor sa aking malaking pusa, ano pa kaya sa malalaking tao rito?” wika ni Utgaro-Loki.  “Tawagin mo na akong maliit kung gusto mo pero tumawag ka ng sinumang  makikipagbuno sa akin, galit na ako ngayon,” sabi ni Thor.

“Wala akong alam na gustong makipagbuno sa iyo ngayon pero hayaan mong tawagin ko ang aking kinalakihang ina, ang matandang si Elli.  Siya ang labanan  mo ng wrestling, marami na siyang pinatumbang mga lalaki na tulad  mong malakas.”

Hindi na dapat pahabain pa ang kuwento, habang gamit ni Thor ang kaniyang buong lakas lalo lamang matatag ang matandang babae hanggang mawalan ng balanse si Thor.  Pumagitna si Utgaro-Loki at sinabing itigil na ang labanan.  Hindi na kailangang makipagbuno pa ni Thor kaninuman sa tagapaglingkod.  Malalim na noon ang gabi kaya’t sinamahan sila ni Utgaro-Loki kung saan sila makapagpapahinga at inasikaso nang maayos.

Kinaumagahan, si Thor at ang kaniyang mga kasamahan ay nagbihis at humanda na sa paglalakbay. Hinandugan sila ni Utgaro-Loki nang masaganang agahan.  Sa kanilang paghihiwalay tinanong ni Utgaro-Loki si Thor kung ano ang naiisip nito sa kinalabasan ng kanilang paglalakbay at kung may nakilala ba itong lalaki na higit na malakas kaysa kaniya (Utgaro-Loki).  Sumagot si Thor na hindi niya
maikakaila na nalagay siya sa kahihiyan sa kanilang pagtatagpo at marahil iniiisip nito na siya ay walang halaga at hindi niya ito gusto.

Sinabi ni Utgaro-Loki, “Ngayong palabas ka na sa aking kuta ay ipagtatapat ko sa iyo ang katotohanan, kung ako ay mabuhay at may kontrol sa mga mangyayari, hindi mo na kailangang bumalik pa ritong muli.  Sa aking salita, ni hindi ka makakapasok dito kung alam ko lang kung gaano ka kalakas, muntik ka nang magdulot ng kapahamakan sa aming lahat.  Ngunit nilinlang kita gamit ang aking mahika.  Noong una tayong magkita sa kakahuyan agad kitang nilapitan at nang tangkain mong alisin ang pagkakatali ng bag hindi mo ito nagawa dahil binuhol ko ito ng alambre. Pagkatapos
noon hinampas mo ako ng iyong maso nang tatlong ulit. Ang una ay mahina pero kung umabot ito sa akin ay patay na ako. Nang makita mo ang burol na tila upuan ng kabayo malapit sa aking kuta kung saan naroon ang tatlong kuwadradong lambak, ang isa ay napakalalim, ito ang marka ng iyong maso.  Inilagay ko talaga ang burol na hugis kabayo sa harap ng iyong mga hampas pero hindi mo ito nakita.  Gayun din ang nangyari nang magkaroon ng paligsahan laban sa aking mga tagapaglingkod.  Ang una, nang kainin nang mabilis ni Loki ang mga hiniwang karne sa sobrang kagutuman pero ano ang laban niya kay Logi na tulad ng mapaminsalang apoy na kayang sunugin ang kakahuyan. At si Thjalfi na lumaban ng takbuhan sa tinatawag naming Hugi, siya   ay lumaban sa aking kaisipan. Walang makatatalo sa bilis ng aking kaisipan.  At noong ikaw naman ay uminom mula sa tambuli inakala mo na ikaw ay mabagal.  Sa aking salita, anong himala na ang dulo ng tambuli ay nakakabit sa dagat pero hindi mo ito nakita pero tingnan mo ang dagat halos masaid ang tubig nito.  Hindi rin kamangha-
mangha sa akin nang maiangat mo ang paa ng pusa sa lupa, pero para sabihin ko sa iyo ang totoo ang lahat ng nakasaksi nito ay nahintakutan.  Ang pusang iyon ay hindi totoong pusa kundi isang Miogaro, isang ahas na ang haba ay sapat na upang yakapin ang daigdig ng kaniyang ulo at buntot.  Iniangat mo ito nang mataas halos abot hanggang langit.  Kamangha-mangha rin nang makipagbuno ka nang matagal at napaluhod ng isang tuhod lamang sa iyong pakikipaglaban kay Elli na wala kahit sino mang makagagawa niyon.  At ngayon tayo ay maghihiwalay  mas makabubuti para sa ating dalawa na tayo’y di na muling magkita.  Ipagpapatuloy ko ang pagtatanggol sa aking kuta gamit ang aking mahika o anumang paraan upang hindi manaig ang iyong kapangyarihan sa akin.

Nang marinig ito ni Thor kinuha niya ang kaniyang maso upang ipukol ngunit wala na si Utgaro-Loki.  Sa kaniyang paglingon wala na rin ang kuta kundi isang malawak lamang na kapatagan. Muli siyang lumisan at ipinagpatuloy ang kaniyang paglalakbay hanggang sa makabalik sa Thruovangar, ang mundo ng mga diyos.



- Mula sa Elements of Literature nina Holt et. al. 2008. Texas, USA

11 komento:

  1. ano ba ang nangyari kina thor at loki sa lupain ng mga higante?

    TumugonBurahin
  2. Mga Tugon
    1. Ang tao ay may kani-kaniyang kakayahan. Ngunit igalang natin anuman ang pagkakaib-iba. At higit sa lahat sa bawar desisyon mong gagawin, tiyaking palawakin ng mabuti ang iyong isipan at pang-unawa.

      Burahin