Martes, Mayo 26, 2015

CUPID AT PSYCHE (Mitolohiya) Panitikang Miditerranean

Cupid at Psyche
Isinalin sa Ingles ni Edith Hamilton
Isinalin sa Filipino ni Vilma C. Ambat

Noong unang panahon, may hari na may tatlong magagandang anak na babae. Ang pinakamaganda sa tatlo  ang bunsong si Psyche. Labis siyang hinahangaan at sinasamba ng kalalakihan. Sinasabi nilang kahit si Venus, ang diyosa ng kagandahan, ay hindi makapapantay sa ganda nito. Nalimot na rin ng kalalakihan na magbigay ng  alay at magpuri sa diyosa. Gayundin, ang kaniyang templo ay wala nang mga alay, naging marumi, at unti-unti nang nasisira. Lahat ng papuri’t karangalang dapat sa  kaniya ay napunta na lahat sa isang mortal. Nagalit si Venus at inutusan niya si Cupid, ang kaniyang anak upang paibigin si Psyche sa isang nakatatakot na nilalang. Hindi na niya naisip ang maaaring maidulot ng kagandahan ng dalaga sa kaniyang anak. Agad tumalima si Cupid at hinanap ang nasabing babae. Umibig siya kay Psyche nang nasilayan niya ang kagandahan ng dalaga. Tila ba napana niya ang kaniyang sariling puso. 

Nang makauwi si Cupid, inilihim niya sa kaniyang ina ang nangyari. Labis namang nagtitiwala si Venus at hindi na rin nito inusisa ang anak. Nanabik ang diyosa ng kagandahan sa kahihinatnan ng buhay ni Psyche.

Gayunman, hindi naganap ang inaasahan ni Venus. Hindi umibig si Psyche sa isang nakatatakot na nilalang o kahit kanino. Ang isa pang nakapagtataka ay walang umiibig sa kaniya. Kontento nang pagmasdan at sambahin siya ng mga lalaki subalit hindi ang ibigin siya. Ang kaniyang dalawang kapatid na malayo ang hitsura sa taglay niyang kagandahan ay nakapag-asawa na ng hari at namumuhay nang masaya sa kani-kaniyang palasyo. Naging malungkot si Psyche sa kaniyang pag-iisa. Tila walang nais magmahal sa kaniya.

Nabahala ang magulang ni Psyche. Naglakbay ang haring ama ni Psyche upang humingi ng tulong kay Apollo. Hiniling niyang payuhan siya ni Apollo kung paano makahahanap ng mabuting lalaking iibig sa kaniyang anak. Lingid sa kaalaman ng hari naunang humingi ng tulong si Cupid kay Apollo. Sinabi niya  ang kaniyang sitwasyon at nagmakaawang tulungan siya. Kaya sinabi ni Apollo sa hari na makapangangasawa si Psyche ng isang nakakatakot na nilalang. Pinayuhan niya ang hari na bihisan ng pamburol si Psyche, dalhin siya sa tuktok ng bundok at iwan nang mag-isa. Doon ay susunduin siya ng kaniyang mapapangasawa na isang halimaw, isang ahas na may pakpak.

Labis na kalumbayan ang baon ng hari sa kaniyang pagbabalik sa palasyo subalit agad pa rin siyang tumalima sa payo ni Apollo. Ipinag-utos niyang bihisan si Psyche ng pinakamaganda niyang damit. Pagkatapos mabihisan si Psyche, ipinabuhat ng hari ang anak  na parang ihahatid sa kaniyang libingan papunta sa tuktok ng bundok. Habang naglalakbay sila, nagluluksa ang lahat sa maaaring mangyari kay Psyche. Sa kabila naman ng mabigat na sitwasyon, buong tapang na hinarap ng dalaga ang kaniyang kapalaran. “Dapat noon pa ay iniyakan na ninyo ako. Ang taglay kong kagandahan ang sanhi ng panibugho ng langit,” sumbat niya sa kaniyang ama. Pagkatapos nito ay pinaalis na ni Psyche ang kaniyang mga kasama at sinabing masaya niyang haharapin ang kaniyang katapusan.

Naghintay si Psyche habang unti-unting nilalamon ng dilim ang buong bundok. Takot na takot siya sapagkat hindi niya alam kung ano ang naghihintay sa kaniya. Patuloy siyang tumatangis at nanginginig sa takot hanggang sa dumating ang malambing na ihip ng hangin ni Zephyr. Inilipad siya nito at inilapag sa isang damuhang parang na kasinlambot ng kama at pinahalimuyak ng mababangong bulaklak. Napakapayapa ng lugar na tila nawala ang lahat ng kaniyang kalungkutan. Nakatulog siya sa kapayapaan ng gabi. Nang magising si Psyche sa tabi ng ilog, natanaw niya sa pampang nito ang isang mansiyon na parang ipinatayo para sa mga diyos. Nagmasid-masid siya at labis ang kaniyang pagkamangha sa kagandahan nito. Yari sa pilak at ginto ang mga haligi, at ang sahig ay napalamutian ng mga hiyas. Nag-aalinlangan niyang buksan ang pinto subalit may tinig na nangusap sa kaniya. “Pumasok ka, para sa iyo ang mansiyong ito. Maligo ka, magbihis, at ihahanda namin ang piging para sa iyo. Kami ang iyong mga alipin,” wika ng mga tinig.

Nalibang si Psyche sa mansiyon, kumain siya ng masasarap na pagkain. Buong araw siyang inaliw ng mga musika ng lira at ng mga awitin ng koro na hindi niya nakikita. Maliban sa mga tinig na kaniyang mga kasama, nag-iisa siya sa mansiyon. Subalit sa hindi maipaliwanag na dahilan, batid niyang sa pagsapit ng gabi ay darating ang kaniyang mapapangasawa. Lumipas ang maghapon nang hindi niya namamalayan. Pagsapit ng gabi nangyari nga ang inaasahan niya. Naramdaman niya ang pagdating ng lalaki. Tulad ng mga tinig hindi niya ito nakikita. Bumulong ang lalaki sa kaniyang tainga. Nang marinig niya ang tinig ng lalaki, nawala ang lahat ng takot na kaniyang nararamdaman. Sa kaniyang paniniwala, hindi halimaw ang lalaki kundi isang mangingibig at asawang matagal na niyang hinihintay.

Isang gabi ay kinausap siya nang masinsinan ng lalaki. Binalaan siyang may panganib na darating sa pamamagitan ng dalawa niyang kapatid. “Darating ang iyong mga kapatid upang magluksa sa lugar kung saan ka nila iniwan,” wika ng asawa. “Subalit huwag na huwag kang magpapakita sa kanila sapagkat magbubunga ito ng matinding kalungkutan sa akin at kasiraan sa iyo,” habilin ng lalaki. Nangako naman si Psyche na tatalima sa kagustuhan ng asawa.

Kinabukasan, narinig ni Psyche ang panangis ng kaniyang mga kapatid. Labis na naantig ang kaniyang damdamin sa kanilang pagluluksa. Nais niyang ibsan ang kanilang kalungkutan at patahanin sila sa pag-iyak. Hanggang sa maging siya ay umiiyak na rin. Kinagabihan ay inabutan pa siya ng kaniyang asawa na umiiyak. Sinabi ng lalaki na maaari na niyang makita ang kaniyang mga kapatid subalit mahigpit pa rin ang kaniyang babala. “Sige gawin mo ang iyong nais subalit parang hinahanap mo ang sarili mong kapahamakan,” wika ng lalaki. Pinayuhan siya nang masinsinan na huwag siyang pabubuyo kaninuman na subuking sulyapan ang mukha ng lalaki. Kung mangyayari ito, magdurusa si Psyche sa pagkakawalay sa kaniya. “Nanaisin kong mamatay nang isandaang beses kaysa mabuhay nang wala ka sa aking piling. Pagbigyan mo lang ang kaligayahan kong muling makapiling ang aking mga kapatid,” buong pagmamakaawang hiling ni Psyche. Malungkot na sumang-ayon ang lalaki.

Kinaumagahan, inihatid  ng ihip ng hangin ni Zephyr ang dalawang kapatid ni Psyche. Hindi magkamayaw sa iyakan at yakapan ang magkakapatid. Walang mapagsidlan ang nag-uumapaw nilang kaligayahan. Nang pumasok na sila sa mansiyon labis na pagkamangha ang naramdaman ng magkapatid. Sila ay nakatira sa palasyo subalit walang kasingganda ang mansiyon na ito. Nag-usisa sila kung sino ang napangasawa ni Psyche. Tulad ng kaniyang ipinangako inilihim ni Psyche ang tunay na pagkatao ng asawa. Nang matapos na ang pagdalaw ng kaniyang mga kapatid, dumakot si Psyche ng mga ginto at hiyas upang ibigay sa kaniyang mga kapatid. Ipinahatid niyang muli ang mga kapatid kay Zephyr. Labis na pangingimbulo ang naramdaman ng mga ate ni Psyche sa kaniya. Ang kanilang kayamanan ay hindi maihahambing sa kayamanang kanilang nakita sa tahanan ni Psyche. Binalot nang labis na inggit ang kanilang puso na  humantong sa pagpaplano nila ng ikapapahamak ng kanilang bunsong kapatid.

Noong gabi ring iyon, muling kinausap ng lalaki si  Psyche. Nagmakaawa siyang huwag na muling patuluyin sa kanilang tahanan ang kaniyang mga kapatid. “Tandaan mong hindi mo na ako makikitang muli kapag binali mo ang iyong pangako,” masidhing paalala ng kaniyang asawa. “Bawal na kitang makita, pati ba naman ang mga mahal kong kapatid?” pagmamaktol na sumbat ni Pysche. Muling pinagbigyan ng lalaki ang asawa na makita ang kaniyang mga kapatid.

Kinabukasan, muling dumalaw ang dalawang kapatid na may nabuo nang malagim na balak sa kanilang bunsong kapatid. Nag-usisa sila nang nag-usisa hanggang malito na si Psyche sa kaniyang mga pagsisinungaling. Napilitan siyang sabihin ang katotohanang bawal niyang makita ang mukha ng kaniyang asawa at hindi niya alam ang anyo nito. Ikinumpisal ng magkapatid na alam na nila noon pa
na ang asawa ni Psyche ay isang halimaw batay sa sinabi ng orakulo ni Apollo.

Nagsisisi sila kung bakit nila ito inilihim kay Psyche. Binuyo nila si Psyche na dapat na niyang malaman ang katotohanan bago mahuli ang lahat. Mabait lamang daw ang kaniyang asawa ngayon subalit darating ang araw na siya ay kakainin nito.Takot ang nangibabaw sa puso ni Psyche sa halip na pagmamahal. Ngayon lamang niya napagtagni-tagni ang katanungan sa kaniyang isip. Kaya pala pinagbabawalan siyang makita ang hitsura ng kaniyang asawa sapagkat halimaw ito. At kung hindi man ito halimaw, bakit ito hindi nagpapakita sa liwanag? Magkahalong takot at pagkalito ang naramdaman ni Psyche. Humingi siya ng payo sa kaniyang kapatid. Isinagawa na ng nakatatandang mga kapatid ang masama nilang balak. Pinayuhan nila si Psyche na magtago ng punyal at lampara sa kaniyang silid. Kapag natutulog na ang kaniyang asawa sindihan niya ang lampara at buong tapang niyang itarak ang punyal sa dibdib ng asawa. Humingi lamang daw si Psyche ng tulong at nasa di kalayuan lamang ang dalawa. Kapag napatay na ni Psyche ang asawa sasamahan siya ng kaniyang mga kapatid sa pagtakas. Iniwan nila si Psyche na litong-lito. Mahal na mahal niya ang kaniyang asawa subalit paano kung halimaw nga ito? Nabuo ang isang desisyon sa kaniya. Kailangan niyang makita ang hitsura ng kaniyang asawa.

Sa wakas, nang mahimbing nang natutulog ang lalaki, patiyad na naglakad si Psyche patungo sa pinaglagyan niya ng punyal at lampara. Kinuha niya ang mga ito. Sinindihan niya ang lampara. Dahan-dahan siyang lumapit sa kaniyang asawa. Laking ginhawa at kaligayahan ang nag-uumapaw sa kaniyang puso nang masilayan niya sa unang pagkakataon ang hitsura ng kaniyang asawa. Hindi halimaw ang kaniyang nakita kundi pinakaguwapong nilalang sa mundo. Nang madapuan ng liwanag ang kagandahan ng lalaki ay tila ba mas lalong tumingkad ang liwanag ng lampara. Sa labis na kahihiyan at kawalan ng pagtitiwala, lumuhod siya at binalak na saksakin ang sarili. Nang akma na niyang itatarak ang punyal sa kaniyang dibdib, nanginig ang kaniyang kamay, at nahulog ang punyal. Ang panginginig ng kaniyang kamay ay kapwa nagligtas at nagtaksil sa kaniya. Sa pagnanais niyang pagmasdan pa ang kaguwapuhan ng kaniyang asawa, inilapit niya ang lampara at natuluan ng mainit na langis ang balikat nito. Nagising ang lalaki at natuklasan ang kaniyang pagtataksil. Lumisan ang lalaki nang hindi nagsasalita.

Sinundan ni Psyche ang asawa subalit paglabas niya, hindi na niya nakita ang lalaki. Narinig na lamang niya ang tinig ng asawa. Ipinaliwanag nito kung sino siyang  talaga. “ Hindi mabubuhay ang pag-ibig kung walang tiwala,” wika niya bago tuluyang lumipad papalayo. “Si Cupid, ang diyos ng pag-ibig!” ang naisip ni Psyche. “ Siya ang asawa ko. Ako na isang hamak lamang ay hindi tumupad sa aking pangako sa kaniya.

Mawawala na nga ba siya sa akin nang tuluyan?” wika niya sa kaniyang sarili. Inipon niya ang lahat ng nalalabi niyang lakas at nagwikang “Ibubuhos ko ang bawat patak ng aking buhay upang hanapin siya. Kung wala na siyang natitirang pagmamahal sa akin, maipakikita ko sa kaniya kung gaano ko siya kamahal.” At sinimulan ni Psyche ang kaniyang paglalakbay.

Sa kabilang banda, umuwi si Cupid sa kaniyang ina upang pagalingin ang kaniyang sugat. Isinalaysay niya sa kaniyang ina ang nangyari. Nagpupuyos sa galit si Venus at lalong sumidhi ang pagseselos niya kay Psyche. Iniwan niya si Cupid nang hindi man lang tinulungang gamutin ang sugat nito. Determinado si Venus na ipakita kay Psyche kung paano magalit ang isang diyosa kapag hindi nasiyahan sa isang mortal.

Patuloy na naglakbay si Psyche at pinipilit na makuha ang panig ng mga diyos. Siya ay palagiang nag-aalay ng marubdob na panalangin sa mga diyos subalit wala sa kanila ang nais maging kaaway si Venus. Nararamdaman ni Psyche na wala siyang pag-asa sa lupa o sa langit man. Kaya minabuti niyang magtungo sa kaharian ni Venus at ialay ang kaniyang sarili na maging isang alipin. Sa ganitong paraan ay umaasa siyang lalambot din ang puso ni Venus at huhupa rin ang kaniyang galit. Nagbabakasakali rin siyang naroon sa kaniyang ina si Cupid. Sinimulan na niya ang paglalakbay.

Nang dumating si Psyche sa palasyo ni Venus, humalakhak nang malakas ang diyosa. Pakutya niyang tinanong si Psyche, “Nagpunta ka ba rito upang maghanap ng mapapangasawa? Tiyak kong ang dati mong asawa ay wala nang pakialam sa iyo, sapagkat muntik na siyang mamatay dahil sa natamong sugat mula sa kumukulong langis na dulot mo. Isa kang kasumpa-sumpang nilalang. Kailanman ay hindi ka magkakaroon ng asawa kung hindi ka daraan sa butas ng karayom.” Sinabi ng diyosa na tutulungan niya si Psyche sa pagsasanay. Ibinuhos niya sa harap ni Psyche ang isang malaking lalagyan na puno ng iba’t ibang uri ng maliliit na butong pinaghalo-halo niya. Inutusan niya si Pysche na bago dumilim dapat ay napagsama-sama na niya ang magkakauring buto. Agad lumisan ang diyosa.

Tinitigan lamang ni Psyche ang malaking tumpok ng mga buto. Napaka-imposible ng ipinagagawa sa kaniya ng diyosa. Nasa ganitong pagmumuni si Psyche nang pagmasdan siya ng mga langgam. Kung ang mga mortal at imortal ay hindi naaawa sa kaniya, hindi ang maliliit na nilalang. Nagtawag ang mga langgam ng kanilang mga kasama at sinimulan ang pagbubukod-bukod ng mga buto. Agad natapos ang gawain. Pagdating ni Venus, hindi siya nasiyahan sa kaniyang nakita. Sinabi niyang hindi pa tapos ang mga pagsubok ni Psyche. Binigyan niya si Psyche ng matigas na tinapay. Sinabi rin ng diyosa na sa sahig siya matutulog. Inisip ng diyosa na kung pahihirapan at gugutumin niya si Psyche mauubos rin ang nakaiinis nitong ganda. Samantala, tiniyak ni Venus  na hindi makalalabas si Cupid sa kaniyang silid habang pinahihilom nito ang kaniyang sugat. Nasisiyahan si Venus sa magandang takbo ng mga pangyayari.

Kinaumagahan, isang mapanganib na pagsubok ang ipinagawa ni Venus kay Psyche. Pinakukuha niya si Psyche ng gintong balahibo ng mga tupa sa tabi ng ilog. Ang mga tupa ay mababangis at mapanganib. Nang marating ni Psyche ang ilog, natutukso siyang tumalon at magpalunod na lamang upang matapos na ang kaniyang paghihirap. Nakarinig siya ng tinig mula sa halamang nasa tabi ng ilog. “Huwag kang magpapakamatay. Hindi naman ganoon kahirap ang ipinagagawa sa iyo. Kailangan mo lang maghintay ng tamang panahon upang makakuha ng gintong balahibo ng tupa. Pagsapit ng hapon ang lahat ng tupa mula sa malalabay na halamanan ay magtutungo dito sa ilog upang magpahinga. Magtungo ka sa halamanan at doon ka kumuha ng mga gintong balahibong nasabit sa mga sanga.” Sinunod ni Psyche ang payo ng halamang nasa tabi ng ilog. Umuwi siya sa kaharian ni Venus na dala ang mga gintong balahibo ng tupa.

“May tumulong sa iyo!” sumbat ni Venus kay Psyche. “Hindi mo ginagawa nang mag-isa ang mga pinagagawa ko sa iyo. Hindi bale, bibigyan kita ng pagkakataong patunayan na sadyang mapagkunwari kang may mabuting puso at magaling.” Itinuro ni Venus sa malayo ang itim na tubig ng talon. Binigyan niya si Psyche ng praskoat pupunuin ito ng itim na tubig. Nagtungo si Psyche sa ilog ng Styx. Nakita niyang malalim ang bangin at mabato. Tanging may pakpak lamang ang maaaring makaigib ng tubig. Sa lahat ng kaniyang pagsubok, ito na ang pinakamapanganib. Tulad ng inaasahan may tumulong kay Psyche. Isang agila ang dumagit sa praskong tangan ni Psyche at lumipad malapit sa talon. Pagbalik ng agila, puno na ng itim na tubig ang prasko.

Hindi pa rin sumusuko si Venus sa pagpapahirap kay Psyche. Ayaw niyang magmukhang tanga sa harap ng madla. Ipinagpatuloy niya ang pagpapahirap sa kawawang  mortal. Binigyan niya si Psyche ng isang kahon na paglalagyan niya ng kagandahang kukunin ni Psyche mula kay Proserpine, ang reyna sa ilalim ng lupa. Inutos ni Venus na sabihin ni Psyche na kailangan niya ito sapagkat napagod siya sa pag-aalaga ng kaniyang anak na maysakit. Katulad ng mga nauna agad tumalima si Psyche. Dala ang kahon, tinalunton niya ang daan papunta sa kaharian ni Hades.

Tinulungan siya ng isang tore na nagbigay sa kaniya ng detalyadong hakbang patungo sa kaharian sa ilalim ng lupa. Una, kailangan niyang pumasok sa isang butas na lagusan patungo sa ilalim ng lupa sa tabi ng ilog ng kamatayan. Kailangan niyang sumakay sa isang bangkang ang bangkero ay si Charon. Kailangan niyang bayaran ng pera si Charon upang siya ay makatawid. Makikita na niya ang lansangan patungo sa palasyo. Sa pintuan ng palasyo may nagbabantay na isang asong tatlong ulo. Kapag binigyan ng cake ang aso ito ay magiging maamo at papayag nang magpapasok sa palasyo.

Nagawa lahat ni Psyche ang ipinaliwanag ng tore. Pinaunlakan din ni Proserpine ang kahilingan ni Venus. Agad nakabalik si Psyche nang mas mabilis pa kaysa kaniyang pagbaba. Gayunman, nasubok muli ang karupukan ni Psyche. Sa paghahangad niya ng karagdagang kagandahan upang umibig muli si Cupid sa kaniya, natukso siyang kumuha ng kaunting ganda sa loob ng kahon. Nang buksan niya ito, tila walang laman subalit nakadama siya ng matinding panghihina at agad nakatulog.

Sa mga panahong ito ay magaling na si Cupid. Sabik na siyang makita ang kaniyang asawa subalit ibinilanggo siya ng kaniyang ina. Mahirap bihagin ang pagmamahal. Kaya humanap si Cupid ng paraan upang makatakas. Nakita niya ang bukas na bintana at doon siya nakatakas. Nahanap niya agad si Psyche malapit sa palasyo. Agad niyang pinawi ang pagtulog ng asawa at agad sinilid ang gayuma sa kahon. Bahagya niyang tinusok ng kaniyang busog si Psyche upang magising. Pinagalitan niyang muli ang kaniyang asawa dahil sa pagiging mausisa nito  na humantong muli sa kaniyang  kapahamakan. Sinabi niyang magtungo si Psyche sa kaniyang ina at ibigay ang kahon. Dito na magtatapos ang pagpapahirap ng kaniyang ina.

Masayang nagtungo si Psyche sa palasyo samantalang si Cupid naman ay lumipad patungo sa kaharian ni Jupiter, ang diyos ng mga diyos at tao. Hiniling niya na tiyaking hindi na sila gagambalain ng kaniyang ina. Pumayag si Jupiter.

Nagpatawag si Jupiter ng pagpupulong ng mga diyos at diyosa kasama na si Venus. Ipinahayag niya sa lahat na  si Cupid at Psyche ay pormal nang ikinasal at wala nang dapat gumambala sa kanila maging si Venus. Dinala ni Mercury si Psyche sa kaharian ng mga diyos. Dito iniabot ni Jupiter kay Psyche ang ambrosia , ang pagkain ng mga diyos upang maging imortal. Naging panatag na rin si Venus na maging manugang si Psyche sapagkat isa na itong diyosa. At kung maninirahan na ang manugang sa kaharian ng mga diyos, hindi na muling makagagambala si Psyche sa pagsamba ng tao kay Venus.


Ang pag-ibig (Cupid), at kaluluwa (Psyche) ay nagkatagpo sa likod ng mapapait na pagsubok sa kanilang pagsasama ay hindi na mabubuwag kailanman.

21 komento:

  1. ang ganda po ng istorya na ito..!!
    sobra ko po itong naguztuhan..!!
    ang kwentong ito ay tungkol sa isang tao at isang dyos na nag iibigan..!! ang GaLinG po..!!

    TumugonBurahin
  2. wow! nakapulot ako magandang aral sa kwento

    TumugonBurahin
  3. Sometimes you need to sacrifice something that matters to you.. His mythology is amazing. Well-read!

    TumugonBurahin
  4. Sometimes you need to sacrifice something that matters to you.. His mythology is amazing. Well-read!

    TumugonBurahin
  5. Woow..
    I am so touched with it..
    You need to sacrifice just for the power of the greatest love...

    TumugonBurahin
  6. Woow..
    I am so touched with it..
    You need to sacrifice just for the power of the greatest love...

    TumugonBurahin
  7. Hindi ko akalaing maganda pala yung story nila. Medyo tragic pero sa huli they end up with each other naman.

    TumugonBurahin
  8. "Hindi mabubuhay ang pag-ibig kung walang tiwala"

    TumugonBurahin
  9. ang ganda ng kwento .. habang nag-babasa ako iniimagine ko yung mga pangyayari . . hehhehhehheh . . ang ganda po talaga.

    TumugonBurahin
  10. All the relationships will not work if they don't have trust.

    TumugonBurahin
  11. All the relationships will not work if they don't have trust.

    TumugonBurahin
  12. isa sa mga kahanga-hangang mitolohiya na dapat basahin ng mga mag-aaral sapagkat kapupulutan ito ng magagandang aral at halimbawa sa pagharap sa hamon ng buhay.

    TumugonBurahin
  13. ang ganda ng kwento ito na ata yung magandang mythology na nabasa ko^^

    TumugonBurahin
  14. Saang bahagi ng kwento nagsacrifce si Cupid? At paano s'ya naging matapang? Need an answer ASAP. Thanks :)

    TumugonBurahin
  15. Hats off to this story. ❤��

    TumugonBurahin
  16. Mga mensaheng na kapaloob sa akda

    TumugonBurahin
  17. Hay..ang haba naman ng babasahin ko....hayst

    TumugonBurahin