Linggo, Hunyo 7, 2015

ANG TINIG NG LIGAW NA GANSA

Ang Tinig ng Ligaw na Gansa

Ang tinig ng ligaw na gansa 
nahuli sa pain, umiyak
Ako'y hawak ng iyong pag-ibig,
hindi ako makaalpas.

Lambat ko ay aking itatabi,
subalit kay ina'y anong masasabi?
Sa araw-araw ako'y umuuwi, 
karga ang aking mga huli
Di ko inilagay ang bitag
sapagkat sa pag-ibig mo'y nabihag.

Miyerkules, Mayo 27, 2015

DEKADA '70

Dekada ’70 (Buod)
Ni Lualhati Bautista

Ang panahon ng Martial Law ay nagdulot ng ibayong hirap sa  mamamayang Pilipino. Isang di-makatao at di-makatarungang gobyerno na nagbibingi-bingihan sa daing ng mamamayan. Laganap sa bansa ang iba’t ibang klaseng krimen gaya ng salvaging. Magkabila ang rallies at iba pang demonstrasyon na kinabibilangan ng mga estudyanteng imbis na nag-aaral ay nakikipaglaban upang makamit ang kalayaan at ito ang lubhang bumagabag kay Amanda Bartolome, isang tipikal na maybahay, ina ng 5 anak na pulos lalaki. Ang kanyang buhay ay umikot na lang sa pagiging ina at asawa at nakuntento na siya sa pagiging ganito kahit na kakulangan ang nadarama niya para sa sarili. May mga pangarap siyang ninais din niyang matupad, itinuring niya na lang na ang katuparan ng mga pangarap ng kanyang mga anak ay katuparan na niya rin.

Una, ang panganay na si Jules, may liberal na pag-iisip. Naging isang komunista, di man matatawag na isang tunay na propesyon dito na niya natagpuan ang katuparan ng kaniyang pangarap, pangarap ng isang makataong lipunan para sa anak nila niMara at sa iba pang kabataan naghahangad ng mabuting kinabukasan. Sumunod ay si Gani, maagang nag-asawa’t nagkaanak ngunit mabilis din silang nagkahiwalay ni Evelyn. Pagkatapos, siya’y nanirahan na sa abroad kapiling ng kaniyang bagong pamilya. Ang pangatlo si Em, pinakamatalino sa magkakapatid naging isang magaling na manunulat sa isang lingguhang pahayagan na tumutuligsa sa Martial Law.

Ikatlo, ang pinakamalambing na si Jason, ang kakulangan niya bilang estudyande ay matagumpay na napagtatakpan na katangian niya bilang anak. Isang araw, sa di-inaasahang pagkakataon, natagpuan ang kaniyang bangkay sa isang basurahan, hubo’t hubad, labimpito ang saksak, tagos sa baga ang iba tuhog pati puso. May marka din ng itinaling alambre sa pulso, talop halos ang siko, tastas pati hita’t, tuhog, basag pati bayag. Malagim at malupit ang pagkamatay ni Jason, salvage dahil kung bakit at kung sino ang may gawa walang makapagsabi. Ang kaso ng pagkamatay ni Jason ay hindi na nagkamit ng hustisya.

Pagkatapos, ang bunsong si Bingo namulat sa mundong walang katahimikan at walang katiyakan, ngayo’y magtatapos na ng kolehiyo.

Iba’t iba ang kinahinatnan ng buhay ng mga anak ni Amanda. Sa loob ng 27 taon ng pagiging asawa at ina, sa  kaniyang palagay hindi siya ganap na umunlad bilang tao. Nagsilbi na lang siyang bantay sa paghahanap at pagkatagpo ni Julian ng katuparan niya bilang tao, sa paglaki ng kaniyang mga anak at pagtuklas ng kanilang kakayahan at kahalagahan.

Si Julian naman ay naging manhid at parang walang pakialam sa kakulangan nadarama ng kaniyang asawa, naging walang kibot sa mga problemang kinakaharap ng kanilang pamilya. Kaya minsan napag-isip-isip ni Amanda na makipaghiwalay na dito, sa kauna-unahang pagkakataon nagawa niyang ipaalam kay Julian ang pagkukulang niya sa kaniyang pamilya, lalo na kay Amanda. Pinigilan siya ni Julian at nangakong magbabago at kaniya namang tinupad ang pangakong iyon.

Paulit-ulit na binabalikan ni Amanda ang masasayang alaala ng kabataan ng kaniyang mga anak. Masarap ang maging ina habang maliliit pa ang mga anak mo, habang wala pa silang sinasaktan sa ‘yo kundi kalingkingan ng paa mo na natatapakan nila sa kasusunod at kapipilit magpakarga pero hintayin mo ang panahong kasintaas mo na siya, ‘yong panahon ng pagkakaroon niya ng sariling isip at buhay, buhay na hiwalay na sa’yo, at matitikman mo sa kamay niya ang mapapait na kamatayan habang inihahanda mo ang kasal na hindi niya gusto. Habang nagpuputukan sa tapat ng kongreso sa isang pagkakataong hindi pa siya umuuwi. Habang binabasa mo ang balitang nasugatan siya sa isang sagupaan. Habang ibinibigay nila sa’yo ang selyadong kabaong ng batang kailanma’y di mo malilimutan hinugot mula sa tiyan mo.

Ito ang nadama ni Amanda nang pumunta sila sa burol ni Willy, kaibigan at kasamahan ni Jules sa NPA na napatay sa isang engkwentro. Naging mahirap para kay Amanda na tanggapin ang pagkamatay ni Jason at ang pagsali ni Jules sa NPA, hindi niya mapigilan ang sarili sa pag-aalala sa kalagayan nito na minsan pa nga ay nagdadala ng mga kasamahang sugatan sa kanilang tahanan upang ipagamot sa ina. Maging ang pagkasira ng relasyon nila Gani at Evelyn. Ang pagkakamali at mga kabiguan ng kanyang mga anak ay nagagawa niyang isisi sa sarili, iniisip niya na marahil mayroon siyang pagkakamali sa pagpapalaki sa mga ito. Natamo niya ang kaganapan ng kanyang pagkatao sa pagtulong na kaniyang ginagawa sa mga sugatang kasama na dinadala ni Jules. Pagtulong na bukal sa kanyang puso, tungkulin hindi naman iniatas sa kanya ninuman o isang obligasyon, na kahit gaano man kapanganib ay nagawa pa rin niyang gampanan.Tuloy pa rin ang laban tungo sa kalayaan, nakaalpas man tayo sa pagmamalupit ng diktador, tuloy pa rin ang laban na sinumulan pa ng ating mga ninuno at hindi ito matatapos hanggang may mga taong gahaman sa kapangyarihan.


Sa madaling sabi, marami pang buhay na handang ibuwis at marami pang tulad nila Jules at Mara na handang makipaglaban upang makamtan ang kalayaan ng ating bayan. Bilang pagtatapos, natutuhan niyang pangibabawan ang kahinaa’t kahirapan. Sa mga kamay ng kaaway o sa larangan man. Magiting siyang nanindigan

ANG KUBA NG NOTRE DAME

Ang Kuba ng Notre Dame (Buod)
ni Victor Hugo
Isinalin sa Filipino ni Willita A. Enrijo

Sa isang malawak na espasyo ng Katedral nagkikita-kita ang mamamayan upang magsaya para sa “Pagdiriwang ng Kahangalan” na isinasagawa sa loob ng isang araw taon-taon. Taong 1482 nang itanghal si Quasimodo – ang kuba ng Notre Dame bilang “Papa ng Kahangalan” dahil sa taglay niyang labis na kapangitan. Siya ang itinuturing na pinakapangit na nilalang sa Paris. Nang araw na iyon, iniluklok siya sa trono at ipinarada palibot sa ilang lugar sa Paris sa pamamagitan ng pangungutya ng mga taong naroroon na nakikibahagi sa kasiyahan. Naroroon si Pierre Gringoire, ang nagpupunyaging makata at pilosopo sa lugar. Hindi siya naging matagumpay na agawin ang kaabalahan ng mga tao sa panonood ng nasabing parada. Malaki ang kaniyang panghihinayang sapagkat wala man lang nagtangkang manood ang kaniyang inihandang palabas. Habang isinasagawa ang mga panunuya kay Quasimodo, dumating ang paring si Claude Frollo at ipinatigil ang pagdiriwang. Inutusan niya si Quasimodo na bumalik sa Notre Dame na kasama niya.
       
Sa paghahanap ng makakain,  nasilayan ni Gringoire ang kagandahan ni La Esmeralda- ang dalagang mananayaw. Ipinasiya niyang sundan ang dalaga sa kaniyang pag-uwi. Habang binabagtas ni La Esmeralda ang daan, laking gulat niya nang sunggaban siya ng dalawang lalaki – sina Quasimodo at Frollo. Sinubukang tulungan ni Gringoire ang dalaga subalit hindi niya nakaya ang lakas ni Quasimodo kung kaya’t nawalan siya ng malay. Dagli namang nakatakas si Frollo. Dumating ang ilang alagad ng hari sa pangunguna ni Phoebus – ang kapitan ng mga tagapagtanggol sa kaharian.

Dinakip nila si Quasimodo. Samantala, hatinggabi na nang pagpasiyahan ng pangkat ng mga pulubi at magnanakaw na bitayin si Gringoire. Lumapit si La Esmeralda sa pinuno ng pangkat at nagmungkahing huwag ituloy ang pagbitay sapagkat handa siyang magpakasal sa lalaki sa loob lamang ng apat na taon, mailigtas lamang ang buhay ni Gringoire sa kamatayan.

Nang sumunod na araw, si Quasimodo ay nilitis at pinarusahan sa tapat ng palasyo sa pamamagitan ng paglatigo sa kaniyang katawan. Matindi ang sakit  ng bawat latay ng latigo na ipinapalo sa kaniyang katawan. Inisip niya ang dahilan ng kaniyang pagdurusa. Ang lahat ng iyon ay kagustuhan at ayon sa kautusan ni Frollo- na kailanman ay hindi niya nagawang tutulan dahil sa utang na loob.

Kasabay ng sakit na nadarama niya ay ang  matinding kirot na  nalalasap sa bawat panghahamak sa kaniya ng mga taong naroroon. Nagmakaawa siya na bigyan siya ng tubig subalit tila bingi ang mga taong nakatingin sa kaniya – na ang tanging gusto  ay lapastanganin at pagtawanan ang kaniyang kahabag-habag na kalagayan. Dumating si La Esmeralda.

Lumapit ang dalaga sa kaniya na may hawak na isang  basong tubig. Pinainom siya. Samantala, sa di kalayuan ay may babaeng baliw na sumisigaw kay La Esmeralda. Tinawag  siya ng babaeng “hamak na mananayaw” at “anak ng magnanakaw.”

Kilala ang babae sa tawag na Sister Gudule. Siya ay  pinaniniwalaan na dating mayaman subalit nawala ang bait nang mawala ang anak na babae, labinlimang taon na ang nakalilipas.

Makaraan ang ilang buwan, habang si La Esmeralda ay sumasayaw sa tapat ng Notre Dame at pinagkakaguluhan ng maraming tao, napagawi ang mga mata ni Phoebus sa mapang-akit na kagandahan ng dalaga. Nang mapuna ni La Esmeralda si Phoebus ay napaibig dito ang dalaga. Tila siya nawalan ng ulirat nang kaniyang marinig ang paanyaya ng binata na magkita sila mamayang gabi upang lubos na magkakilala. Si Frollo ay nakatanaw lamang mula sa tuktok ng Notre Dame at nakaramdam ng matinding panibugho sa nasasaksihan. Ang kaniyang matinding pagnanasa kay La Esmeralda ang nag-udyok sa kaniya na talikuran ang Panginoon at  pag-aralan ang itim na mahika. Mayroon siyang masamang balak. Nais niyang bihagin  ang dalaga at itago sa kaniyang selda sa Notre Dame. Nang sumapit ang hatinggabi, sinundan niya si Phoebus sa pakikipagtipan kay La Esmeralda. Habang masayang nag-uusap ang bagong magkakilala ay biglang may sumunggab ng saksak kay Phoebus ngunit mabilis ding naglaho ang may sala. Hinuli ng mga alagad ng hari si La Esmeralda sa pag-aakalang siya ang may kagagawan ng paglapastangan sa kapitan.

Matapos pahirapan sa paglilitis, sapilitang pinaako kay La Esmeralda ang kasalanang hindi niya ginawa.  Pinaratangan din siyang mangkukulam.  Siya ay nasintensiyahang bitayin sa harap ng palasyo. Dinalaw siya ni Frollo sa piitan at ipinagtapat ang pag-ibig sa kaniya. Nagmakaawa ang pari na mahalin din siya at magpakita man lang kahit kaunting awa ang dalaga subalit tinawag lamang siya ni La Esmeralda ng  tiyanak na monghe at pinaratangang mamamatay tao.  Tumanggi siya sa lahat ng alok ni Frollo.  Bago ang pagbitay,  iniharap si La Esmeralda sa maraming tao sa tapat ng Notre Dame upang kutyain. Napansin ng dalaga ang anyo ni Phoebus kaya isinigaw niya ang pangalan ng binata. Si Phoebus ay nakaligtas sa tangkang pagpatay sa kaniya. Tumalikod si Phoebus na tila walang naririnig at tinunton ang bahay ng babaeng kaniyang pakakasalan. Ilang sandali’y dumating si Quasimodo  galing sa tuktok ng Notre Dame patungo kay La Esmeralda gamit ang tali. Hinila niya paitaas ang dalaga patungo sa Katedral at tumatangis na isinigaw  ang katagang “Santuwaryo”. Si Quasimodo ay napaibig kay La Esmeralda nang araw na hatiran siya ng dalaga ng tubig sa panahong wala man lang magnasang tumulong sa kaniya. Matagal na niyang pinagplanuhan kung paano itatakas si La Esmeralda sa naging kalagayan ng dalaga. Batid ni Quasimodo na ang dalaga ay mananatiling ligtas hangga’t nasa katedral. Sa mga araw na magkasama ang dalawa, mahirap para kay La Esmeralda na titigan ang pangit na anyo ni Quasimodo. Di nagtagal, naging magkaibigan ang dalawa.

Lumusob sa katedral ang pangkat ng mga taong palaboy at magnanakaw – sila ang kinikilalang pamilya ni La Esmeralda . Naroon sila upang sagipin ang dalaga sapagkat narinig nila na nagbaba ng kautusan ang parliyamentaryo na paaalisin si La Esmeralda sa katedral. Samantala,  inakala naman ni Quasimodo na papatayin ng mga lumusob si La Esmeralda kaya gumawa siya ng paraan upang iligtas ang dalaga.

Malaking bilang ng mga lumusob ang napatay ni Quasimodo.  Habang nagkakagulo, sinamantala ni Frollo na makalapit kay La Esmeralda. Nag-alok siya ng dalawang pagpipilian ng dalaga: ang mahalin siya o ang mabitay? Mas pinili ni La Esmeralda ang mabitay kaysa mahalin ang isang hangal na tulad ni Frollo. Iniwan ni Frollo ang dalaga na kasama si Sister Gudule. Labis ang pagkamangha ng dalawa nang mabatid nila na sila ay mag-ina. Nakilala ni Sister Gudule si La Esmeralda dahil sa kuwintas na suot ng dalaga. Ito ang kaniyang palatandaan na suot ng kaniyang anak bago mawala. Ninasa ni Sister Gudule na iligtas ang anak subalit huli na ang lahat.

Nang mabatid ni Quasimodo na nawawala si La Esmeralda, tinunton niya ang tuktok ng tore at doon hinanap ang dalaga. Sa di kalayuan, napansin niya ang anyo ng dalaga. Si La Esmeralda ay nakaputing bestida at wala ng buhay. Naantig siya sa kaniyang nasaksihan. Labis na galit ang nararamdaman niya kay Frollo na noon pa man ay batid niya na may matinding pagnanasa sa dalaga. Nawala sa katinuan si Quasimodo. Nang mamataan niya si Frollo, hinila niya ito  at sa matinding lungkot na nararamdaman ay inihulog niya ito mula sa tore- ang paring kumupkop sa kaniya.

Inihulog niya sa kamatayan ang taong naghatid ng pagdurusa sa babaeng kaniyang minahal – si La Esmeralda. Habang nakatitig sa wala ng buhay na katawan ng dalaga,

sumigaw si Quasimodo, “walang ibang babae akong minahal.” Mula noon, hindi na muling nakita pa si Quasimodo.


Matapos ang ilang taon, nang matagpuan ng isang lalaking naghuhukay ng puntod ang libingan ni La Esmeralda, nasilayan niya ang hindi kapani-paniwalang katotohanan- nakayakap ang kalansay ng kuba sa katawan ng dalaga.

Martes, Mayo 26, 2015

ANG KUWINTAS

Ang Kuwintas
ni Guy de Maupassant

Siya’y isa sa magaganda’t mapanghalinang babae na sa pagkakamali ng tadhana ay isinilang sa angkan ng mga tagasulat. Pumayag siyang pakasal sa isang abang tagasulat sa Kagawaran ng Instruksyon Publiko sapagkat walang paraan upang siya’y makilala, panuyuan, bigyan ng dote, at pakasalan ng isang mayaman at tanyag na lalaki.

Pangkaraniwan lamang ang mga isinusuot niyang damit dahil sa hindi niya kayang magsuot ng magagara. Hindi siya maligaya. Sa pakiwari niya’y alangan sa kaniya ang lalaking nakaisang-dibdib sapagkat sa mga babae ay walang pagkakaiba-iba ng katayuan sa buhay. Ang ganda’t alindog ay sapat na upang maging kapantay ng sinumang hamak na babae ang isang babaing nagmula sa pinakadakilang angkan.

Ang isang babaing nagbuhat sa  karaniwang angkan ay magiging kasinghalaga ng mga maharlika sa pamamagitan ng pinong asal at pag-uugali, pagkakaroon ng pang-unawa sa tunay na kahulugan ng magara at makisig at kakaibang kislap ng diwa.

Labis ang kaniyang pagdurusa at paghihinagpis dahil may paniniwala siyang isinilang siya sa daigdig upang magtamasa ng lubos na kaligayahan sa buhay na maidudulot ng salapi. May taglay siyang alindog na hindi nababagay sa kasalukuyan niyang kalagayan. Ipinaghihinagpis niya ang karukhaan ng kaniyang lumang tahanan, ang nakaaawang anyo ng mga dingding, ang mga kurtinang sa paningin niya ay napakapangit. Malimit na sa pagmamasid niya sa babaing Briton na siyang gumaganap ng ilang abang pangangailangan niya sa buhay ay nakadarama siya ng panghihinayang at napuputos ng lumbay ang kaniyang puso kapag naiisip ang mga pangarap niya sa buhay na hindi yata magkakaroon ng katuparan. Naglalaro sa kaniyang balintataw ang anyo ng tahimik na tanggapang nasasabitan ng mamahaling kurtina, pinaliliwanag ng matatangkad na kandilerong bronse at may nagtatanod na dalawang naglalakihang bantay na dahil sa init ng pugon ay nakatulog na sa dalawang malaking silyon. Naiisip niya ang mahahabang bulwagang nagagayakan ng mga sedang tela ng unang panahon na nagsisilbing palamuti, mga mamahaling kasangkapan na ang mga hiwaga at kababalaghan ay walang kapantay na halaga, mga silid-bihisang marangya at humahalimuyak sa bango, mga taong tanyag na pinagmimithing makilala ng balana at makikisig na ginoong pinananabikang karinggan ng papuri at pinaglulunggatian  ng kababaihan.

Sa hapunan, sa tuwing uupo siya kaharap ang asawa sa harap ng mesang nalalatagan ng isang kayong pansapin na tatlong araw nang ginagamit ay iba ang laman ng kaniyang kaisipan. Kahit na naririnig niya ang malugod na pagsasabi ng asawa pagkabukas ng supera ng “A, ang masarap na potau-feu! Aywan nga ba kung may masarap pa riyan!” Ang nasa isip niya sa mga gayong sandali ay ang nakakainggit na masarap na hapunan, ang mga nagkikinangang kubyertos at ang marangyang kapaligiran. Kaagad na naiisip din niya ang mga malinamnam na pagkaing nakalagay sa magagandang pinggan. Naiisip din niya ang mga papuring ibinubulong sa kaniya na kunwari’y hindi niya napapansin ngunit sa katotohanan ay nakakikiliti sa kaniyang damdamin samantalang nilalasap niya ang malinamnam na mamula-mulang laman ng isda o kaya’y pakpak ng pugo.

Sa pakiwari niya’y iniukol siya ng tadhana na magkaroon ng mga bagay na lubhang malapit sa kaniyang puso katulad ng magagarang damit at mga hiyas ngunit wala siya ng mga iyon. Labis ang pagmimithi niyang masiyahan siya, maging kahali-halina, kaibig-ibig, maging tampulan ng papuri at pangimbuluhan ng ibang babae.

May isang naging kaklase siya sa kumbento na naging kaibigan niya. Mayaman iyon. Dati’y malimit niyang dalawin ang kaibigan ngunit nitong mga huling araw ay iniwasan na niyang dumalaw roon sapagkat lalo lamang tumitindi ang kapighatiang kaniyang nadarama sa kaniyang pag-uwi pagkatapos ng pagdalaw.

Isang gabi’y masayang dumating ang kaniyang asawa. Buong pagmamalaking iniabot sa kaniya ang hawak na malaking sobre. “Para sa iyo ito,” ang sabi sa kaniya.

Kaagad niyang inabot ang sobre at nagmamadaling pinunit ang dulo nito. Nabasa niya ang nakalimbag na mga salitang: “Malugod na inaanyayahan ng Ministro ng Instruksyon Publiko at ni Gng. George Ramponneau sina G. at Gng. Loisel sa isang kasayahang idaraos sa palasyo ng Ministeryo sa Lunes ng gabi, Enero 18.”

Sa halip na matuwa na siyang inaasahan ng lalaki ay padabog na inihagis ng kaniyang asawa sa ibabaw ng mesa ang paanyaya. Bumubulong na sinabing ano ang gagawin niya rito.

“Mahal, akala  ko’y ikatutuwa mo ang pagkakakuha ko sa paanyaya. Nais ko lamang na malibang ka, kailanma’y hindi ka nakapaglilibang at naisip kong ito’y isang mabuting pagkakataon para sa iyo. Nagnanais makadalo ng lahat kaya’t lubha akong nahirapang makakuha ng paanyaya. Matataas na tao sa pamahalaan ang inanyayahan at dadalo. Piling-pili lamang ang mga panauhin. Hindi sila nagbigay ng maraming paanyaya sa mga tagasulat.”

Pagalit na pinagmasdan ng babae ang asawa at payamot na sinabing, “Ano ang isasampay ko sa aking likod?” Naging pauntol-untol ang sagot ng lalaki dahil sa hindi niya kaagad naisip iyon.

“Para sa akin ay maganda ang damit mong isinusuot kung pumapasok tayo sa teatro kaya maaari na iyon.”

Nagulumihanang napahinto ang lalaki nang makita niyang umiiyak ang asawa. Naitanong niya kung ano ang nangyayari rito.

Pinagsikapan ng babaing mapaglabanan ang paghihinagpis at nang huminahon na siya’y sumagot, “Wala! Wala akong damit na maisusuot kaya hindi ako makadadalo sa kasayahang iyan. Ipamigay mo na lang ang paanyaya sa isa mong kasamahan na may nakahandang damit na isusuot ang asawa.”

Walang malamang gawin ang lalaki, pagkuwa’y nangusap sa asawa, “Hintay, Mathilde, tingnan muna natin. Sa palagay mo’y magkano ang magiging halaga ng isang bestidong magiging kasiya-siya sa iyo at maaari mo pang gamitin sa mga ibang pagkakataon?”

Nag-isip sumandali si Mathilde. Mabilisang gumawa siya ng pagtataya kung magkano ang maaari niyang hinging halaga sa matipid na asawa nang hindi masindak ito at tumanggi. Nag-aatubili siyang sumagot ng “Hindi ko natitiyak ang halaga, ngunit sa palagay ko’y maaari na ang apat na raang prangko.”

Natigilan sumandali ang lalaki at bahagyang namutla sapagkat ang natitipon niyang gayong halaga ay ipambibili niya ng isang baril na pang-ibon. Binabalak niyang mamaril ng ibon sa Kapatagan ng Nanterre sa darating na tag-araw. Sasama siya sa ilang kaibigang dati nang namamaril ng mga ibon doon.

Gayunpaman ay sinabi niya sa asawa, “Ayos na, ibibigay ko sa iyo ang apat na raang prangko. Bumili ka ng isang bestidong maganda.”

Malapit na ang araw ng sayawan ngunit waring malungkot si Mathilde, hindi siya mapalagay at tila may suliraning gumugulo sa isipan. Nakahanda na ang bestidong kaniyang gagamitin. Napansin ito ng lalaki at isang gabi’y inusisa ang asawa. “Magtapat ka sa akin, anong nangyayari sa iyo? Tatlong araw nang kakaiba ang kilos mo.”

Payamot na sumagot ang babae, “Mabuti pa kaya’y huwag na akong dumalo sa sayawan. Wala man lamang akong maisusuot kahit isang hiyas. Magmumukha akong kaawa-awa.”

“Usong-uso ang mga sariwang bulaklak sa ganitong panahon. Maaaring iyon ang isuot mo. Sapat na ang sampung prangko upang makabili ka ng dalawa o tatlong alehandriya.”

Waring hindi sang-ayon ang babae at ang sabi, “Hindi! Wala nang kahabag-habag na kalagayan kung hindi magmukhang maralita sa gitna ng mga babaing maykaya sa buhay.”

Napabulalas ang  lalaki. “Napakahangal  mo! Bakit hindi mo hanapin ang kaibigan mong si Madame Forestier. Humiram ka ng ilang hiyas sa kaniya. Hindi kaniya marahil tatanggihan dahil sa matalik mo siyang kaibigan.” Napasigaw sa tuwa si Mathilde, “Oo nga, hindi ko naalaala ang aking kaibigan.”

Nagtungo kinabukasan sa kaibigan si Mahtilde. Ipinagtapat niya rito ang kaniyang problema. Tinungo ni Madame Forestier ang taguan ng kaniyang mga hiyas at kinuha mula rito ang isang kahon. Binuksan ang kahon at pinamili ang kaibigan,

“Mamili ka, mahal.”

Ang una niyang nakita’y ang ilang pulseras, ang sumunod ay isang kuwintas na perlas at pagkaraan ng isang krus na Benesiyanong ginto na may mahahalagang bato at talagang kahanga-hanga ang pagkakayari. Sinubok  niyang isuot ang hiyas sa harap ng salamin, nagbabantulot siya at hindi mapagpasyahan kung ang mga iyon ay isasauli o hindi. Paulit-ulit siyang nagtatanong sa kaibigan, “Wala ka na bang iba pa?”

“Aba, mayroon pa! Mamili ka, hindi ko alam kung alin ang ibig mo.” Walang ano-ano’y may napansin siyang isang kahong nababalot ng itim  na satin, nasa loob nito ang isang kuwintas na diyamante na lubhang kahanga-hanga. Sumasal ang tibok ng kaniyang puso at nanginginig ang mga kamay na dinampot ang kuwintas. Isinuot niya ang kuwintas sa ibabaw ng kaniyang damit na may kataasan ang pinakaleeg.

Mahabang sandaling nalunod siya sa kaligayahan sa pagmamalas sa sariling alindog sa salamin. Pagkaraan ay nag-uulik-ulik siyang nagtanong, “Ipahihiram mo ba ito, ito lamang?” “Oo, mangyari pa?” Mahigpit na niyakap ni Mathilde ang kaibigan, pinupog ng halik at maligayang nagpaalam dito.

Sumapit ang inaasam niyang araw ng sayawan. Nagtamo ng malaking tagumpay si Madame Loisel. Nahigitan niya ang lahat ng mga babae sa ganda, sa rangya,  at sa pagiging kahali-halina kaya palagi siyang nakangiti dahil sa nag-uumapaw sa puso ang kaligayahan. Napako sa kaniya ang paningin ng kalalakihan at gumawa sila ng paraan upang makilala si Mathilde. Ninais siyang makasayaw ng lahat ng kagawad ng gabinete. Nag-ukol sa kaniya ng pansin pati ang ministro.

Buong pagkahaling siyang nakipagsayaw, lasing na lasing sa kaluwalhatian ng tagumpay na tinamo sa pamumukod ng kaniyang kagandahan. Tila siya lumulutang sa ulap dahil sa paghanga ng lahat sa kaniya na napakatamis at walang katumbas sa puso ng isang babaing katulad niya.

Mag-iikaapat na ng madaling araw nang silang mag-asawa ay umuwi. Hatinggabi pa lamang, ang asawa niya kasama ng tatlong lalaking ang mga asawa’y nagpapakalunod din sa kaligayahan, ay nakatulog na sa isang maliit na tanggapan.

Ibinalabal ng asawa sa balikat ni Mathilde ang isang abang pangginaw na ginagamit ng mga karaniwang tao, isang pangginaw na nakapupusyaw sa karangyaan ng pananamit ni Mathilde. Dinamdam niya ang pagkakaroon ng abang pangginaw at ninais niyang makatalilis agad upang hindi siya maging kapansin-pansin sa ibang babaing dumalo na nagsisipagsuot ng mamahalin nilang balabal.

Pinigil siya ng lalaki, “Hintayin mo ako rito sandali, sisipunin ka sa labas. Tatawag ako ng sasakyan.” Ngunit hindi niya pinansin ang asawa at nagdudumali siyang nanaog sa hagdanan. Hindi sila nakakita ng sasakyan sa lansangan at sila’y nagsimulang maghanap. Tinahak nila ang daang patungo sa pampang ng ilog Seine.

Kapwa sila kumikinig sa ginaw at pinanawan na ng pag-asang makakita pa ng kanilang masasakyan. Sa wakas ay nakatagpo sila sa daungan ng isa sa matatandang dokar na dahil sa ikinahihiya ang karalitaan sa liwanag ng araw ay sa pagkagat ng dilim lamang nakikita sa mga lansangan ng Paris.

Pagkahatid sa kanila ng matandang dokar sa kanilang tinitirhan ay malungkot silang umakyat sa hagdanan. Tapos na ang maliligayang sandali kay Mathilde. Sa lalaki naman ay wala siyang iniisip kundi kailangan niyang makasapit sa Kagawaran sa ganap na ika-10:00 ng umaga.

Hinubad ng babae sa harap ng salamin ang kaniyang balabal upang minsan pang malasin ang kaniyang kagandahan. Napasigaw siya nang malakas. Wala sa kaniyang leeg ang kuwintas! Nag-usisa ang asawang noon ay nangangalahati na sa pagbibihis. “Anong nangyari sa iyo? Bakit?” Parang baliw niyang binalingan ang asawa. “Wala ang kuwintas ni Madame Forestier.” Ang nabiglang lalaki’y napalundag halos sa pagtayo. “Ano! Paanong nangyari? Imposible!”

Hinanap ng mag-asawa ang kuwintas sa kung saan-saan, sa mga lupi ng damit ni Mathilde, sa mga lupi ng kaniyang pangginaw, sa mga bulsa at sa iba pang lugar.

Hindi nila natagpuan ang kuwintas. “Natitiyak mo bang nakasuot sa iyo nang umalis tayo sa sayawan?” ang tanong ng lalaki. “Oo, natitiyak ko, nahipo ko pa nang nasa pasilyo ako ng palasyo,” ang tugon ni Mathilde. “Kung iyon naman ay sa daan nawala ay di narinig sana natin ang lagapak. May palagay akong nawala sa dokar.”

“Marahil nga. Kinuha mo ba ang numero ng dokar?”

“Hindi! At ikaw, napansin mo ba?”

“Hindi rin.”

Balisang nagkatinginan  ang mag-asawa. Muling nagbihis si M. Loisel.

“Pagbabalikan kong lahat ng pinagdaanan natin. Baka sakaling makita ko.” Nanaog na ang lalaki. Ang babae ay naghintay sa isang silya, hindi na niya inalis ang damit na ginamit sa sayawan. Tila nawalan siya ng lakas, kahit magtungo sa kama upang matulog. Labis ang kaniyang panlulumo, nawalan siya ng sigla at nawalan ng kakayahang mag-isip ng anoman.

Mag-iika-7:00 na ng umaga nang bumalik ang lalaki. Nanlulupaypay siya at ibinalita sa asawa na hindi niya nakita ang kuwintas. Sa harap ng gayong  nakagigimbal na pangyayari, si Mathilde ay maghapong naghihintay na sapupo ng di-matingkalang pangamba.

Bumalik kinagabihan ang lalaki, pagod na pagod, namumutla at nanlalalim ang mga mata; hindi niya natagpuan ang kuwintas. Pinayuhan ng lalaki ang asawa na sumulat sa kaibigan nito at sabihing nabali ang sarahan ng kuwintas at kasalukuyan pang ipinapagawa upang magkapanahon silang makapag-isip-isip. Ginawa naman ng babae ang payo ng asawa.

Pagkalipas ng isang linggo ay lubusan na silang pinanawan ng pag-asa. Sa maikling panahong iyon tumanda si M. Loisel nang limang taon.

Nagpahayag ang lalaki sa asawa na kailangang isipin nila kung paano mapapalitan ang nawalang kuwintas. Kinabukasan, ang mag-asawa’y nagtungo sa tanggapan ng alaherong nakasulat ang pangalan at direksyon sa loob ng kahon ng kuwintas. Hinanap ng alahero sa kaniyang talaan ang sinasabing kuwintas.

“Hindi ako ang nagbili ng kuwintas na ipinagtatanong ninyo, wala pong nanggaling sa akin kundi ang sisidlan lamang,” ang wika ng alahero kay Madame Loisel. Pinuntahan ng mag-asawa ang lahat ng mga maghihiyas upang  makakita ng katulad ng nawala na ang anyo ay buong pagsisikap na inalala samantalang kapwa sila nanlulupaypay sa pagkabigo at paghihirap ng kalooban.

Nakatagpo sila sa isang tindahan sa Palais Royal ng isang tuhog ng diyamanteng sa palagay nila ay katulad ng kanilang pinaghahanap na kuwintas. Nagkakahalaga ito ng apatnapung libong prangko, ngunit ibibigay na sa kanila sa halagang tatlumpu’t anim na libo. Pinakiusapan ng mag-asawa ang may-ari ng tindahan na huwag munang ipagbili ang kuwintas sa loob ng tatlong araw. Pinakiusapan din nila ang may-ari ngtindahan na kung sakaling bago magtapos ng buwan ng Pebrero ay makita nila ang nawawalang kuwintas, matapos nilang bayaran ang bagong kuwintas ay bibilhin itong muli ng may-ari ng tindahan sa halagang tatlumpu’t apat na libong prangko.

May namanang labingwalong libong prangko si M. Loisel sa namatay na ama. Hiniram niya ang kapupunan nito. Gayon din ang ginawa ng lalaki. Kung kani-kanino siya nanghiram, lumagda sa mga kasulatan, pinasok kahit na ang mga gipit na kasunduan, kumuha ng mga patubuan at pumatol sa lahat ng uri ng manghuhuthot.

Inilagay niya ang buong buhay niya sa alanganing katayuan, nakipagsapalaran sa paglagda sa gayong hindi niya natitiyak kung matutupad o hindi ang nilagdaan at ngayo’y nanggigipuspos siya dahil sa mga hirap na maaari pa niyang sapitin, ng nakaambang pagdurusa ng pangitain ng bukas na puspos ng pagsasalat at paghihirap ng kalooban. Nang matipon nang lahat ang halagang kinakailangan ay tinungo ni M. Loisel ang tindahan ng kuwintas at ibinagsak sa mesang bilangan ng may-ari ng tindahan ng mga hiyas ang tatlumpu’t anim na libong prangko.

Malamig ang pagtanggap ni Madame Forestier kay Mathilde nang isauli niya ang kuwintas. Nagsalita ito sa tuyot na tinig ng “Isinauli mo sana agad ang kuwintas, baka sakaling kinailangan ko ito.” Hindi na binuksan ng kaibigan ang kahon ng kuwintas. Naisip ni Matilde na kung sakaling nahalata ng kaibigan ang pagkakapalit ng kuwintas, ano kaya ang aakalain at sasabihin nito sa kaniya? Hindi kaya iisiping siya’y magnanakaw?

Ngayo’y lubos  na naunawaan ni Mathilde ang mamuhay sa gitna ng tunay na karalitaan. Nabigla man siya sa bagong papel na kailangan niyang gampanan ay tinanggap niya iyon at buong tatag na ginampanan. Dapat mabayaran ang napakalaki nilang pagkakautang. Pinaalis nila ang kanilang utusan, lumipat ng ibang tirahan, nagtiis sila sa pangungupahan sa isang maliit na silid sa kaituktukan ng isang bahay-paupahan.

Naranasan ni Mathilde ang mabibigat na gawain; ang nakayayamot na pangangasiwa sa kusina, paghuhugas ng mga pingggan, paglilinis ng mga kaldero at kawaling mamantika, paglalaba ng mga damit, mantel, serbilyeta at pamunas.

Ipinapanaog niya sa lansangan ang kanilang kakaning baboy sa tuwing umaga at nagpapanhik siya ng tubig na gamit nila sa itaas. Suot niya ang pananamit ng pangkaraniwang babae, siya’y nagtutungo sa tindahan ng prutas, de lata, at sa magkakarne. Nakasabit sa isang braso ang pangnan, nakikipagtawaran siya, nilalait at ipinakikipaglaban ang kakarampot niyang pamalengke. May pagkakautang silang binabayaran nang buwanan, may pinagkakautangan silang pinakikiusapan, humihingi ng kaunti pang panahon sa pagbabayad.

Pagsapit ng gabi, habang maaga pa’y inaayos na ni M. Loisel ang talaang tuusan ng sinumang mangangalakal na nangangailangan ng gayong paglilingkod at sa kalaliman ng gabi sa halagang limang sentimos isang pahina na ginagawa naman niya ang mga salin ng mga katha.

Tumagal ng sampung taon ang ganito nilang pamumuhay na mag-asawa. Sa wakas ay nabayaran din nila ang buong pagkakautang, kasama na ang mga tubo at nagkapatong-patong na tubo ng mga tubo.

Mukhang matanda na ngayon si Madame Loisel. Isa na siyang tunay na babae ng mga maralitang tahanan – matipuno ang katawan, matigas ang mga laman at magaspang ang mga kamay na namumula. Nakasabog ang kaniyang buhok at patabingi ang kaniyang saya. Matinis ang kaniyang tinig. Nanlalamira ang sahig kung siya’y mag-isis. Paminsan-minsan, kung nakaalis na ang asawa patungong opisina, si Madame Loisel ay nauupo sa tabi ng bintana. Pinagbabalikan niya sa gunita ang napakasayang gabing iyon na malaon nang nakalipas. Ang kaniyang kagandahang naging tampok sa sayawan at naging dahilan upang siya’y maging tampulan ng paghanga.

Ano ang maaaring nangyari kung hindi nawala ang kuwintas? Sino ang nakaaalam? Tunay na ang buhay ay kakatwa at mahiwaga! Sukat ang isang maliit na bagay upang tayo’y mapahamak at mapabuti!

Isang araw ng Linggo, samantalang si Mathilde ay naglalakad sa Champs Elysees, nagliliwaliw naman siya pagkatapos ng isang linggong singkad ng mga gawain sa bahay ay namataan niya ang isang babaing may akay-akay na bata. Ang babae’y si Madame Forestier, bata pa rin ang anyo, maganda pa ring katulad ng dati at taglay pa rin ang panghalina.

Nakangiti niyang sinalubong ang kaibigan at binati. “Magandang araw sa iyo, Jeanne.” Labis na nagtaka si Madame Forestier. Hindi siya nakilala nito at pinagtakhan ang palagay sa loob na pagbati sa kaniya ng isang maralitang babae. 

Pauntol-untol na wika nito, “Ngunit ginang, hindi ko kayo nakikilala. Marahil ay nagkakamali kayo.”

“Hindi! Ako’y si Mathilde Loisel.”

Napabulalas ang kaibigan. “O, kaawa-awa kong Matilde! Kay laki ng ipinagbago mo!”

“Oo nga, mahabang panahon ang ipinagtiis ko ng hirap mula nang huli nating pagkikita, at labis na kalungkutan ang dinanas ko… at ikaw ang dahilan ng lahat.

Napamulagat si Madame Forestier, “Dahil sa akin! Paano nangyari iyon?”

“Naaalaala mo pa ba ang hiniram kong kuwintas na diyamanteng isinuot ko sa sayawan sa kagawaran?”

“Oo, ay ano?”

“Ano pa, naiwala ko ang kuwintas na iyon.”

“Anong ibig mong sabihin? Isinauli mo sa akin ang kuwintas?”

“Isinauli ko sa iyo ang isang kuwintas na katulad na katulad ng hiniram ko sa iyo. Sampung taon kaming nagbayad ng mga utang. Alam mo namang hindi madali sa katulad naming mahirap ang gayong bagay. Ngunit nakalipas na ang lahat ng iyon at ngayon ay galak  na galak na ako.”

Natigilan si Madame Forestier.

“Sabi mo’y bumili ka ng kuwintas na diyamante na ipinalit mo sa hiniram mo sa akin na naiwala mo?”

“Oo, samakatuwid ay hindi mo pala napansin. Talagang kamukhang-kamukha iyon ng hiniram ko sa iyo.”

Ngumiti si Matilde nang may pagmamalaki, isang ngiting puspos ng kawalang-malay katulad ng ngiti ng isang paslit. Nabagbag nang gayon na lamang ang kalooban ng kaibigan.

“O, kahabag-habag kong Mathilde! Ang ipinahiram kong kuwintas sa iyo ay imitasyon lamang, puwit lamang ng baso. Ang pinakamataas na maihahalaga roon marahil ay limang daang prangko.



https://www.youtube.com/watch?v=iIZnWyu_8MI
- Mula sa Hiyas ng Wika nina Dominguez et. al. 1990. Abiva Publishing

KULTURA NG FRANCE: KAUGALIAN AT TRADISYON

Kultura ng France: Kaugalian at Tradisyon
Isinalin sa Filipino ni Joselyn C. Sayson

Kadalasan ay kinakabit ang kulturang Pranses sa Paris, na sentro ng moda, pagluluto, sining at arkitektura, subalit ang buhay sa labas ng Lungsod ng mga Ilaw ay ibang-iba at nagkakaiba sa bawat rehiyon. Magugunita na ang kultura ng  France ay naimpluwensiyahan ng Celtic at Gallo-Roman Culture, gayundin ang Franks, isang tribong  German.  Ang  France ay una nang tinawag na  Rhineland subalit  noong panahon ng Iron Age at Roman era ay tinawag na Gaul.

Habang ang malawak na pagkakaiba ay naghiwalay sa mga lungsod at punong - lungsod, sa loob ng nakalipas na 200 taon na digmaan – ang Digmaang Franco-Prussian, Unang Digmaang Pandaigdig at Ikalawang Digmaang Pandaigdig – nagkaroon ng magkaisang lakas.

Mga Wika sa France
French ang pangunahing wika ng 65.4 milyong mamamayan, subalit may iba pang wika ang mga rehiyon. Ang French, ang wikang opisyal ng France ay ang unang wika ng 88% ng populasyon samantalang ito naman ang  ikalawang wika ng mga tao rito na hindi French ang mother tongue o unang wika.

Tinatayang 3% ng populasyon ay nagsasalita ng wikang  German, nangingibabaw ito sa mga probinsiya sa silangan, at may maliit na pangkat na nagsasalita ng Flemish sa Hilagang-Silangan. Arabic ang ikatlong pinakamalaking wikang ginagamit.

Italian naman ang ikalawang wika ng mga nakatira sa hangganan ng Italy, at Basque na ginagamit ng mga nakatira sa French-Spanish Border.

Ang iba pang wika ay Catalan, Breton (the Celtic language), Occitan dialects, at  mga wika mula sa dating kolonya ng France tulad ng Kabyle at Antillean Creole.

Relihiyon ng France
Katoliko ang pangunahing relihiyon ng France – tinatayang 80% ay nagsasabing sila ay Katoliko. Ang iba pang pangunahing relihiyon ay Islam, (karaniwang relihiyon ng mga dayuhan mula sa hilagang Africa), Protestante, at Judaism.

Pagpapahalaga ng mga taga-France
Malaki ang pagpapahalaga ng mga taga-France sa kanilang bansa at pamahalaan at karaniwang nagagalit kapag nakaririnig ng negatibong komento tungkol sa kanilang bansa. Ang pag-uugali nilang ito ay karaniwang itinuturing  ng mga turista lalo na ng mga Amerikano na kawalang-galang.

Ang ekspresiyong  “chauvinism” ay nagmula sa France.  Bagaman ang kababaihan ay gumaganap ng mahahalagang papel sa pamilya at negosyo, marami pa rin ang naniniwalang ang France ay male-dominated culture.

Niyayakap ng mga taga-France ang estilo at sopistikasyon at ipinagmamalaki nila ang katotohanang kahit sa mga pampublikong lugar ay mala-maharlika sila.

Ang mga taga-France ay naniniwala  sa  “egalite”  na nangangahulugang pagkakapantay-pantay, at ito’y bahagi ng motto ng kanilang bansa: “Liberte, Egalite, Fraternite.” Marami ang nagsasabi na mas pinahahalagahan nila ang pagkakapantay-pantay kaysa kalayaan at pagkakapatiran, ang dalawang huling salita sa kanilang motto.

Lutuin
Ang pagkain at alak ay sentro ng buhay sa lahat ng antas ng lipunan, at maraming mga pagtitipon ang nagaganap sa isang marangyang hapunan. Palaging may tinapay sa bawat oras ng pagkain, at karaniwan nang makakita ng mahaba, crusty baguettes na iniuuwi sa bahay. Ang keso ay mahalaga ring sangkap ng bawat pagkaing French.

Bagaman  marami na ang pagbabago sa  estilo ng pagluluto, marami pa rin ang nag-uugnay sa kanilang lutuin sa malapot na sarsa at komplikadong paghahanda.

Ang ilan sa matataas na uri ng pagkain nila ay boeuf bourguignon – nilagang baka na kinulob sa red wine, beef broth at nilagyan ng bawang, sibuyas at kabute – at coq au vin, ulam na may manok, alak na Burgundy, Jardons (maliliit na hiwa ng taba ng baboy), button mushrooms, sibuyas at maaari ring lagyan ng bawang.

Pananamit
Ang Paris ay kilala sa matataas na uri ng  fashion houses; ang mga taga-France ay kilala sa hindi matatawarang mariringal na pananamit. Karamihan sa kanila ay sopistikado kung manamit, disente at sunod sa uso (professional and fashionable style), ngunit hindi sobra sa dekorasyon (overly fussy). Ang karaniwang damit nila ay mahahabang amerikana, terno, mga bandana (scarves) at berets o bilog at malalambot na sombrero.

Sining
Ang sining ay nasa lahat ng sulok ng France – lalo na sa Paris at iba pang pangunahing lungsod – at ang impluwensiyang  Gothic,  Romanesque Rococo at  Neoclassic  ay makikita sa maraming simbahan at iba pang pampublikong gusali.

Marami sa mga kilalang artist ng kasaysayan, kabilang ang Espanyol na si Pablo Picasso at Dutch-born Vincent van Gogh ay naghanap ng inspirasyon sa Paris, at sila rin ang nagpasimuno ng impressionism movement.

Ang  Louvre Museum sa Paris ay ilan sa pinakamalalaking museum at ang tahanan ng maraming kilalang gawa ng sining, kasama na ang Mona Lisa at Venus de Milo.

Mga Piyesta at Pagdiriwang
Ipinagdiriwang ng mga taga-France ang mga tradisyunal na piyesta ng mga Kristiyano tulad ng Pasko at Mahal na Araw. Inaalaala din nila ang May Day, kilala rin bilang Araw ng mga Manggagawa tuwing Mayo 1 at Araw ng Tagumpay sa Europa kapag Mayo 8 bilang pag-alaala sa pagtatapos ng pakikipaglaban sa Europa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang Araw ng Bastille ay ipinagdiriwang tuwing Hulyo 14, ang araw kung kailan ang  fortress ng Paris ay binagyo ng mga rebolosyunista upang masimulan na ang Rebolusyon sa France.

-French Culture: Customs and Traditions – LiveScience, kinuha noong
Disyembre 3, 2014; Mula sa www.livescience.com/39149-french-culture.html


MENSAHE NG BUTIL NG KAPE

Mensahe ng Butil ng Kape
“The Story of a Carrot, Egg, and a Coffee Bean”
(Isinalin sa Filipino ni Willita A. Enrijo)

Isang araw, habang nagbubungkal ng lupa ang magsasaka, narinig niyangnagmamaktol ang kaniyang anak na lalaki. Narinig nitong binabanggit ng kaniyang anak ang hirap at pagod na  nararanasan sa pagsasaka at pagbubungkal ng bukirin.

Ayon pa sa anak , nararamdaman niya na hindi makatarungan ang kaniyang buhaydahil sa hirap na nararanasan niya. Sa pagkakataong iyon, tiningnan  ng ama anganak  at tinawag  niya papunta sa  kusina.

Nilagyan ng ama ang tatlong palayok ng tubig at saka isinalang sa apoy.Walang narinig na ano mang salitaan sa mga oras na yaon. Hinayaan lamang nila angnakasalang na mga palayok. Hindi nagtagal, kumulo ang tubig. Sa unang palayok ,

inilagay ng ama ang carrot. Sa pangalawa naman ay mga itlog. Sa panghuli, butil ng kape ang inilahok.

“Sa tingin mo, ano ang maaaring mangyari sa carrot, itlog at butil ng kape na aking inilahok?”  tanong ng ama.

“Maluluto?” kibit-balikat na tugon ng anak.

Makalipas ang dalawampung minuto, inalis ng ama ang mga baga at pinalapit ang anak sa mga palayok.

“Damhin mo ang mga ito,” hikayat ng ama.

“Ano ang iyong napuna?” bulong ng ama.

Napansin ng anak na ang carrot ay lumambot. Inutusan naman siya ng ama na kunin ang itlog at hatiin ito. Matapos mabalatan ang itlog, napansin niya na buo at matigas na ito dahil sa pagkakalaga.

“Higupin mo ang kape,” utos ng ama.

“Bakit po?” nagugulumihanang tanong ng anak.

Nagsimulang magpaliwanag ang ama tungkol sa dinaanang proseso ng carrot, itlog,at butil ng kape. Pare-pareho itong inilahok sa kumukulong tubig subalit iba-iba ang naging reaksiyon.

Ang carrot na sa una ay matigas, malakas, at tila di matitinag subalit matapos mailahok sa kumukulong tubig ay nagging malambot na kumakatawan sa kahinaan. Ang itlog na may puti at manipis na balat bilang proteksiyon sa likidong nasa loob nito, ay naging matigas matapos mapakuluan. Samantala, ang butil ng kape nang ito ay mailahok sa kumukulong tubig ay natunaw ngunit kapalit nito ay karagdagang sangkap na magpapatingkad dito.

“Alin ka sa kanila? tanong ng ama sa anak.

“Ngayon, nais kong ikintal mo ito sa iyong isipan, ang kumukulong tubig ay katumbas ng suliranin sa buhay. Kapag ito ay kumatok sa ating pinto, paano ka tutugon? Ikaw ba ay magiging carrot, itlog o butil ng kape?” usal ng ama.

“Ikaw ba ay magiging carrot na malakas sa una subalit nang dumating ang pagsubok ay naging mahina? O kaya naman ay magiging tulad ng itlog na ang labas na balat ay nagpapakita ng kabutihan ng puso subalit nabago ng init ng kumukulong tubig? Ang itlog ay nagpapaalala na minsan may mga taong sa una ay may mabuting puso subalit kapag dumaan ang pagsubok tulad ng sigalot sa pamilya o mga kaibigan, sila ay nagkakaroon ng tigas ng kalooban upang hindi igawad ang kapatawaran sa nagkasala. O maging tulad ka kaya ng butil ng kape na nakapagpabago sa kumukulong tubig? Kapuna-puna na sa tulong ng butil ng kape, nadagdagan ng kulay at bango ang kumukulong tubig,” paliwanag ng ama.

“Kung ikaw ay tulad ng butil ng kape, ikaw ay magiging matatag sa oras ng pagsubok. Higit sa lahat, ikaw mismo ang magpapabago sa mga pangyayari sa paligid mo,” dagdag na paliwanag ng ama.

“Paano mo ngayon hinaharap ang mga suliranin sa iyong buhay?” Ikaw ba ay sumusunod lamang sa kung ano ang idinidikta ng sitwasyon o nagsusumikap kang maging matatag sa harap ng mga pagsubok. Gayundin, patuloy ka rin bang lumilikha ng positibong pagbabago na dulot ng di magagandang pangyayari?

“Kaya anak, ikaw ba ay carrot , itlog, o butil ng kape?” tanong muli ng ama.

Ngumiti ang anak, kasunod ang tugon – “ako ay magiging butyl ng kape...” katulad mo mahal na ama.


-Mula sa Elements of Literature nina Holt et. al. 2008. Texas, USA

ANG TUSONG KATIWALA

Ang Tusong Katiwala
(Lukas 16:1-15)
Philippine Bible Society

1) Nagsalita uli si Hesus sa kaniyang mga alagad, “May taong mayaman na may isang katiwala. May nagsumbong sa kaniyang nilulustay nito ang kaniyang ari-arian.  2) Kaya’t ipinatawag niya ang katiwala at tinanong, ‘Ano ba itong naririnig ko tungkol sa iyo? Ihanda mo ang ulat ng iyong pangangasiwa sapagkat tatanggalin na kita sa iyong tungkulin.’ 3) Sinabi ng katiwala sa kanyang sarili, ‘Ano ang gagawin ko? Aalisin na ako ng aking amo sa pangangasiwa. Hindi ko kayang magbungkal ng lupa; nahihiya naman akong magpalimos. 4) Alam ko na ang  aking gagawin! Maalis man ako sa pangangasiwa ay may tatanggap naman sa akin sa kanilang tahanan.

5) Isa-isa niyang tinawag ang mga may utang sa kaniyang amo. Tinanong niya ang una, ‘Magkano ang utang mo sa aking amo?’ 6) Sumagot ito, ‘Isandaang tapayang  langis po.’ ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang. Dali! Maupo ka’t palitan mo, gawin mong limampu,’ sabi ng katiwala. 7) At tinanong naman niya ang isa, ‘Ikaw, gaano ang utang mo?’ Sumagot ito, ‘Isandaang kabang trigo po.’ ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang,’ sabi niya. ‘Isulat mo, walumpu.’ 8) Pinuri ng amo ang tusong katiwala dahil sa katalinuhang ipinamalas nito. Sapagkat ang mga makasanlibutan ay mas mahusay gumawa ng paraan kaysa mga maka-Diyos sa paggamit ng mga bagay ng mundong ito.

  9) At nagpatuloy si Hesus sa pagsasalita, “Kaya’t sinasabi ko sa inyo, gamitin ninyo ang kayamanan ng mundong ito sa paggawa ng mabuti sa inyong mga kapwa upang kung maubos na iyon ay tanggapin naman kayo sa tahanang walang hanggan. 10)  Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay; ang mandaraya sa maliit na bagay ay mandaraya rin sa malaking bagay. 11) Kaya kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa mga kayamanan ng mundong ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? 12) At kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng talagang para sa inyo?

13) “Walang aliping maaaring maglingkod nang sabay sa dalawang panginoon sapagkat kamumuhian niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring maglingkod ng sabay sa Diyos at sa kayamanan.” 14) Nang marinig ito ng mga Pariseo, kinutya nila si Jesus sapagkat sakim sila sa salapi.  15) Kaya’t sinabi niya sa kanila, “Nagpapanggap kayong matuwid sa harap ng mga tao, ngunit alam ng Diyos ang nilalaman ng inyong mga puso. Sapagkat ang itinuturing na mahalaga ng mga tao ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos.