Miyerkules, Mayo 27, 2015

DEKADA '70

Dekada ’70 (Buod)
Ni Lualhati Bautista

Ang panahon ng Martial Law ay nagdulot ng ibayong hirap sa  mamamayang Pilipino. Isang di-makatao at di-makatarungang gobyerno na nagbibingi-bingihan sa daing ng mamamayan. Laganap sa bansa ang iba’t ibang klaseng krimen gaya ng salvaging. Magkabila ang rallies at iba pang demonstrasyon na kinabibilangan ng mga estudyanteng imbis na nag-aaral ay nakikipaglaban upang makamit ang kalayaan at ito ang lubhang bumagabag kay Amanda Bartolome, isang tipikal na maybahay, ina ng 5 anak na pulos lalaki. Ang kanyang buhay ay umikot na lang sa pagiging ina at asawa at nakuntento na siya sa pagiging ganito kahit na kakulangan ang nadarama niya para sa sarili. May mga pangarap siyang ninais din niyang matupad, itinuring niya na lang na ang katuparan ng mga pangarap ng kanyang mga anak ay katuparan na niya rin.

Una, ang panganay na si Jules, may liberal na pag-iisip. Naging isang komunista, di man matatawag na isang tunay na propesyon dito na niya natagpuan ang katuparan ng kaniyang pangarap, pangarap ng isang makataong lipunan para sa anak nila niMara at sa iba pang kabataan naghahangad ng mabuting kinabukasan. Sumunod ay si Gani, maagang nag-asawa’t nagkaanak ngunit mabilis din silang nagkahiwalay ni Evelyn. Pagkatapos, siya’y nanirahan na sa abroad kapiling ng kaniyang bagong pamilya. Ang pangatlo si Em, pinakamatalino sa magkakapatid naging isang magaling na manunulat sa isang lingguhang pahayagan na tumutuligsa sa Martial Law.

Ikatlo, ang pinakamalambing na si Jason, ang kakulangan niya bilang estudyande ay matagumpay na napagtatakpan na katangian niya bilang anak. Isang araw, sa di-inaasahang pagkakataon, natagpuan ang kaniyang bangkay sa isang basurahan, hubo’t hubad, labimpito ang saksak, tagos sa baga ang iba tuhog pati puso. May marka din ng itinaling alambre sa pulso, talop halos ang siko, tastas pati hita’t, tuhog, basag pati bayag. Malagim at malupit ang pagkamatay ni Jason, salvage dahil kung bakit at kung sino ang may gawa walang makapagsabi. Ang kaso ng pagkamatay ni Jason ay hindi na nagkamit ng hustisya.

Pagkatapos, ang bunsong si Bingo namulat sa mundong walang katahimikan at walang katiyakan, ngayo’y magtatapos na ng kolehiyo.

Iba’t iba ang kinahinatnan ng buhay ng mga anak ni Amanda. Sa loob ng 27 taon ng pagiging asawa at ina, sa  kaniyang palagay hindi siya ganap na umunlad bilang tao. Nagsilbi na lang siyang bantay sa paghahanap at pagkatagpo ni Julian ng katuparan niya bilang tao, sa paglaki ng kaniyang mga anak at pagtuklas ng kanilang kakayahan at kahalagahan.

Si Julian naman ay naging manhid at parang walang pakialam sa kakulangan nadarama ng kaniyang asawa, naging walang kibot sa mga problemang kinakaharap ng kanilang pamilya. Kaya minsan napag-isip-isip ni Amanda na makipaghiwalay na dito, sa kauna-unahang pagkakataon nagawa niyang ipaalam kay Julian ang pagkukulang niya sa kaniyang pamilya, lalo na kay Amanda. Pinigilan siya ni Julian at nangakong magbabago at kaniya namang tinupad ang pangakong iyon.

Paulit-ulit na binabalikan ni Amanda ang masasayang alaala ng kabataan ng kaniyang mga anak. Masarap ang maging ina habang maliliit pa ang mga anak mo, habang wala pa silang sinasaktan sa ‘yo kundi kalingkingan ng paa mo na natatapakan nila sa kasusunod at kapipilit magpakarga pero hintayin mo ang panahong kasintaas mo na siya, ‘yong panahon ng pagkakaroon niya ng sariling isip at buhay, buhay na hiwalay na sa’yo, at matitikman mo sa kamay niya ang mapapait na kamatayan habang inihahanda mo ang kasal na hindi niya gusto. Habang nagpuputukan sa tapat ng kongreso sa isang pagkakataong hindi pa siya umuuwi. Habang binabasa mo ang balitang nasugatan siya sa isang sagupaan. Habang ibinibigay nila sa’yo ang selyadong kabaong ng batang kailanma’y di mo malilimutan hinugot mula sa tiyan mo.

Ito ang nadama ni Amanda nang pumunta sila sa burol ni Willy, kaibigan at kasamahan ni Jules sa NPA na napatay sa isang engkwentro. Naging mahirap para kay Amanda na tanggapin ang pagkamatay ni Jason at ang pagsali ni Jules sa NPA, hindi niya mapigilan ang sarili sa pag-aalala sa kalagayan nito na minsan pa nga ay nagdadala ng mga kasamahang sugatan sa kanilang tahanan upang ipagamot sa ina. Maging ang pagkasira ng relasyon nila Gani at Evelyn. Ang pagkakamali at mga kabiguan ng kanyang mga anak ay nagagawa niyang isisi sa sarili, iniisip niya na marahil mayroon siyang pagkakamali sa pagpapalaki sa mga ito. Natamo niya ang kaganapan ng kanyang pagkatao sa pagtulong na kaniyang ginagawa sa mga sugatang kasama na dinadala ni Jules. Pagtulong na bukal sa kanyang puso, tungkulin hindi naman iniatas sa kanya ninuman o isang obligasyon, na kahit gaano man kapanganib ay nagawa pa rin niyang gampanan.Tuloy pa rin ang laban tungo sa kalayaan, nakaalpas man tayo sa pagmamalupit ng diktador, tuloy pa rin ang laban na sinumulan pa ng ating mga ninuno at hindi ito matatapos hanggang may mga taong gahaman sa kapangyarihan.


Sa madaling sabi, marami pang buhay na handang ibuwis at marami pang tulad nila Jules at Mara na handang makipaglaban upang makamtan ang kalayaan ng ating bayan. Bilang pagtatapos, natutuhan niyang pangibabawan ang kahinaa’t kahirapan. Sa mga kamay ng kaaway o sa larangan man. Magiting siyang nanindigan

ANG KUBA NG NOTRE DAME

Ang Kuba ng Notre Dame (Buod)
ni Victor Hugo
Isinalin sa Filipino ni Willita A. Enrijo

Sa isang malawak na espasyo ng Katedral nagkikita-kita ang mamamayan upang magsaya para sa “Pagdiriwang ng Kahangalan” na isinasagawa sa loob ng isang araw taon-taon. Taong 1482 nang itanghal si Quasimodo – ang kuba ng Notre Dame bilang “Papa ng Kahangalan” dahil sa taglay niyang labis na kapangitan. Siya ang itinuturing na pinakapangit na nilalang sa Paris. Nang araw na iyon, iniluklok siya sa trono at ipinarada palibot sa ilang lugar sa Paris sa pamamagitan ng pangungutya ng mga taong naroroon na nakikibahagi sa kasiyahan. Naroroon si Pierre Gringoire, ang nagpupunyaging makata at pilosopo sa lugar. Hindi siya naging matagumpay na agawin ang kaabalahan ng mga tao sa panonood ng nasabing parada. Malaki ang kaniyang panghihinayang sapagkat wala man lang nagtangkang manood ang kaniyang inihandang palabas. Habang isinasagawa ang mga panunuya kay Quasimodo, dumating ang paring si Claude Frollo at ipinatigil ang pagdiriwang. Inutusan niya si Quasimodo na bumalik sa Notre Dame na kasama niya.
       
Sa paghahanap ng makakain,  nasilayan ni Gringoire ang kagandahan ni La Esmeralda- ang dalagang mananayaw. Ipinasiya niyang sundan ang dalaga sa kaniyang pag-uwi. Habang binabagtas ni La Esmeralda ang daan, laking gulat niya nang sunggaban siya ng dalawang lalaki – sina Quasimodo at Frollo. Sinubukang tulungan ni Gringoire ang dalaga subalit hindi niya nakaya ang lakas ni Quasimodo kung kaya’t nawalan siya ng malay. Dagli namang nakatakas si Frollo. Dumating ang ilang alagad ng hari sa pangunguna ni Phoebus – ang kapitan ng mga tagapagtanggol sa kaharian.

Dinakip nila si Quasimodo. Samantala, hatinggabi na nang pagpasiyahan ng pangkat ng mga pulubi at magnanakaw na bitayin si Gringoire. Lumapit si La Esmeralda sa pinuno ng pangkat at nagmungkahing huwag ituloy ang pagbitay sapagkat handa siyang magpakasal sa lalaki sa loob lamang ng apat na taon, mailigtas lamang ang buhay ni Gringoire sa kamatayan.

Nang sumunod na araw, si Quasimodo ay nilitis at pinarusahan sa tapat ng palasyo sa pamamagitan ng paglatigo sa kaniyang katawan. Matindi ang sakit  ng bawat latay ng latigo na ipinapalo sa kaniyang katawan. Inisip niya ang dahilan ng kaniyang pagdurusa. Ang lahat ng iyon ay kagustuhan at ayon sa kautusan ni Frollo- na kailanman ay hindi niya nagawang tutulan dahil sa utang na loob.

Kasabay ng sakit na nadarama niya ay ang  matinding kirot na  nalalasap sa bawat panghahamak sa kaniya ng mga taong naroroon. Nagmakaawa siya na bigyan siya ng tubig subalit tila bingi ang mga taong nakatingin sa kaniya – na ang tanging gusto  ay lapastanganin at pagtawanan ang kaniyang kahabag-habag na kalagayan. Dumating si La Esmeralda.

Lumapit ang dalaga sa kaniya na may hawak na isang  basong tubig. Pinainom siya. Samantala, sa di kalayuan ay may babaeng baliw na sumisigaw kay La Esmeralda. Tinawag  siya ng babaeng “hamak na mananayaw” at “anak ng magnanakaw.”

Kilala ang babae sa tawag na Sister Gudule. Siya ay  pinaniniwalaan na dating mayaman subalit nawala ang bait nang mawala ang anak na babae, labinlimang taon na ang nakalilipas.

Makaraan ang ilang buwan, habang si La Esmeralda ay sumasayaw sa tapat ng Notre Dame at pinagkakaguluhan ng maraming tao, napagawi ang mga mata ni Phoebus sa mapang-akit na kagandahan ng dalaga. Nang mapuna ni La Esmeralda si Phoebus ay napaibig dito ang dalaga. Tila siya nawalan ng ulirat nang kaniyang marinig ang paanyaya ng binata na magkita sila mamayang gabi upang lubos na magkakilala. Si Frollo ay nakatanaw lamang mula sa tuktok ng Notre Dame at nakaramdam ng matinding panibugho sa nasasaksihan. Ang kaniyang matinding pagnanasa kay La Esmeralda ang nag-udyok sa kaniya na talikuran ang Panginoon at  pag-aralan ang itim na mahika. Mayroon siyang masamang balak. Nais niyang bihagin  ang dalaga at itago sa kaniyang selda sa Notre Dame. Nang sumapit ang hatinggabi, sinundan niya si Phoebus sa pakikipagtipan kay La Esmeralda. Habang masayang nag-uusap ang bagong magkakilala ay biglang may sumunggab ng saksak kay Phoebus ngunit mabilis ding naglaho ang may sala. Hinuli ng mga alagad ng hari si La Esmeralda sa pag-aakalang siya ang may kagagawan ng paglapastangan sa kapitan.

Matapos pahirapan sa paglilitis, sapilitang pinaako kay La Esmeralda ang kasalanang hindi niya ginawa.  Pinaratangan din siyang mangkukulam.  Siya ay nasintensiyahang bitayin sa harap ng palasyo. Dinalaw siya ni Frollo sa piitan at ipinagtapat ang pag-ibig sa kaniya. Nagmakaawa ang pari na mahalin din siya at magpakita man lang kahit kaunting awa ang dalaga subalit tinawag lamang siya ni La Esmeralda ng  tiyanak na monghe at pinaratangang mamamatay tao.  Tumanggi siya sa lahat ng alok ni Frollo.  Bago ang pagbitay,  iniharap si La Esmeralda sa maraming tao sa tapat ng Notre Dame upang kutyain. Napansin ng dalaga ang anyo ni Phoebus kaya isinigaw niya ang pangalan ng binata. Si Phoebus ay nakaligtas sa tangkang pagpatay sa kaniya. Tumalikod si Phoebus na tila walang naririnig at tinunton ang bahay ng babaeng kaniyang pakakasalan. Ilang sandali’y dumating si Quasimodo  galing sa tuktok ng Notre Dame patungo kay La Esmeralda gamit ang tali. Hinila niya paitaas ang dalaga patungo sa Katedral at tumatangis na isinigaw  ang katagang “Santuwaryo”. Si Quasimodo ay napaibig kay La Esmeralda nang araw na hatiran siya ng dalaga ng tubig sa panahong wala man lang magnasang tumulong sa kaniya. Matagal na niyang pinagplanuhan kung paano itatakas si La Esmeralda sa naging kalagayan ng dalaga. Batid ni Quasimodo na ang dalaga ay mananatiling ligtas hangga’t nasa katedral. Sa mga araw na magkasama ang dalawa, mahirap para kay La Esmeralda na titigan ang pangit na anyo ni Quasimodo. Di nagtagal, naging magkaibigan ang dalawa.

Lumusob sa katedral ang pangkat ng mga taong palaboy at magnanakaw – sila ang kinikilalang pamilya ni La Esmeralda . Naroon sila upang sagipin ang dalaga sapagkat narinig nila na nagbaba ng kautusan ang parliyamentaryo na paaalisin si La Esmeralda sa katedral. Samantala,  inakala naman ni Quasimodo na papatayin ng mga lumusob si La Esmeralda kaya gumawa siya ng paraan upang iligtas ang dalaga.

Malaking bilang ng mga lumusob ang napatay ni Quasimodo.  Habang nagkakagulo, sinamantala ni Frollo na makalapit kay La Esmeralda. Nag-alok siya ng dalawang pagpipilian ng dalaga: ang mahalin siya o ang mabitay? Mas pinili ni La Esmeralda ang mabitay kaysa mahalin ang isang hangal na tulad ni Frollo. Iniwan ni Frollo ang dalaga na kasama si Sister Gudule. Labis ang pagkamangha ng dalawa nang mabatid nila na sila ay mag-ina. Nakilala ni Sister Gudule si La Esmeralda dahil sa kuwintas na suot ng dalaga. Ito ang kaniyang palatandaan na suot ng kaniyang anak bago mawala. Ninasa ni Sister Gudule na iligtas ang anak subalit huli na ang lahat.

Nang mabatid ni Quasimodo na nawawala si La Esmeralda, tinunton niya ang tuktok ng tore at doon hinanap ang dalaga. Sa di kalayuan, napansin niya ang anyo ng dalaga. Si La Esmeralda ay nakaputing bestida at wala ng buhay. Naantig siya sa kaniyang nasaksihan. Labis na galit ang nararamdaman niya kay Frollo na noon pa man ay batid niya na may matinding pagnanasa sa dalaga. Nawala sa katinuan si Quasimodo. Nang mamataan niya si Frollo, hinila niya ito  at sa matinding lungkot na nararamdaman ay inihulog niya ito mula sa tore- ang paring kumupkop sa kaniya.

Inihulog niya sa kamatayan ang taong naghatid ng pagdurusa sa babaeng kaniyang minahal – si La Esmeralda. Habang nakatitig sa wala ng buhay na katawan ng dalaga,

sumigaw si Quasimodo, “walang ibang babae akong minahal.” Mula noon, hindi na muling nakita pa si Quasimodo.


Matapos ang ilang taon, nang matagpuan ng isang lalaking naghuhukay ng puntod ang libingan ni La Esmeralda, nasilayan niya ang hindi kapani-paniwalang katotohanan- nakayakap ang kalansay ng kuba sa katawan ng dalaga.

Martes, Mayo 26, 2015

ANG KUWINTAS

Ang Kuwintas
ni Guy de Maupassant

Siya’y isa sa magaganda’t mapanghalinang babae na sa pagkakamali ng tadhana ay isinilang sa angkan ng mga tagasulat. Pumayag siyang pakasal sa isang abang tagasulat sa Kagawaran ng Instruksyon Publiko sapagkat walang paraan upang siya’y makilala, panuyuan, bigyan ng dote, at pakasalan ng isang mayaman at tanyag na lalaki.

Pangkaraniwan lamang ang mga isinusuot niyang damit dahil sa hindi niya kayang magsuot ng magagara. Hindi siya maligaya. Sa pakiwari niya’y alangan sa kaniya ang lalaking nakaisang-dibdib sapagkat sa mga babae ay walang pagkakaiba-iba ng katayuan sa buhay. Ang ganda’t alindog ay sapat na upang maging kapantay ng sinumang hamak na babae ang isang babaing nagmula sa pinakadakilang angkan.

Ang isang babaing nagbuhat sa  karaniwang angkan ay magiging kasinghalaga ng mga maharlika sa pamamagitan ng pinong asal at pag-uugali, pagkakaroon ng pang-unawa sa tunay na kahulugan ng magara at makisig at kakaibang kislap ng diwa.

Labis ang kaniyang pagdurusa at paghihinagpis dahil may paniniwala siyang isinilang siya sa daigdig upang magtamasa ng lubos na kaligayahan sa buhay na maidudulot ng salapi. May taglay siyang alindog na hindi nababagay sa kasalukuyan niyang kalagayan. Ipinaghihinagpis niya ang karukhaan ng kaniyang lumang tahanan, ang nakaaawang anyo ng mga dingding, ang mga kurtinang sa paningin niya ay napakapangit. Malimit na sa pagmamasid niya sa babaing Briton na siyang gumaganap ng ilang abang pangangailangan niya sa buhay ay nakadarama siya ng panghihinayang at napuputos ng lumbay ang kaniyang puso kapag naiisip ang mga pangarap niya sa buhay na hindi yata magkakaroon ng katuparan. Naglalaro sa kaniyang balintataw ang anyo ng tahimik na tanggapang nasasabitan ng mamahaling kurtina, pinaliliwanag ng matatangkad na kandilerong bronse at may nagtatanod na dalawang naglalakihang bantay na dahil sa init ng pugon ay nakatulog na sa dalawang malaking silyon. Naiisip niya ang mahahabang bulwagang nagagayakan ng mga sedang tela ng unang panahon na nagsisilbing palamuti, mga mamahaling kasangkapan na ang mga hiwaga at kababalaghan ay walang kapantay na halaga, mga silid-bihisang marangya at humahalimuyak sa bango, mga taong tanyag na pinagmimithing makilala ng balana at makikisig na ginoong pinananabikang karinggan ng papuri at pinaglulunggatian  ng kababaihan.

Sa hapunan, sa tuwing uupo siya kaharap ang asawa sa harap ng mesang nalalatagan ng isang kayong pansapin na tatlong araw nang ginagamit ay iba ang laman ng kaniyang kaisipan. Kahit na naririnig niya ang malugod na pagsasabi ng asawa pagkabukas ng supera ng “A, ang masarap na potau-feu! Aywan nga ba kung may masarap pa riyan!” Ang nasa isip niya sa mga gayong sandali ay ang nakakainggit na masarap na hapunan, ang mga nagkikinangang kubyertos at ang marangyang kapaligiran. Kaagad na naiisip din niya ang mga malinamnam na pagkaing nakalagay sa magagandang pinggan. Naiisip din niya ang mga papuring ibinubulong sa kaniya na kunwari’y hindi niya napapansin ngunit sa katotohanan ay nakakikiliti sa kaniyang damdamin samantalang nilalasap niya ang malinamnam na mamula-mulang laman ng isda o kaya’y pakpak ng pugo.

Sa pakiwari niya’y iniukol siya ng tadhana na magkaroon ng mga bagay na lubhang malapit sa kaniyang puso katulad ng magagarang damit at mga hiyas ngunit wala siya ng mga iyon. Labis ang pagmimithi niyang masiyahan siya, maging kahali-halina, kaibig-ibig, maging tampulan ng papuri at pangimbuluhan ng ibang babae.

May isang naging kaklase siya sa kumbento na naging kaibigan niya. Mayaman iyon. Dati’y malimit niyang dalawin ang kaibigan ngunit nitong mga huling araw ay iniwasan na niyang dumalaw roon sapagkat lalo lamang tumitindi ang kapighatiang kaniyang nadarama sa kaniyang pag-uwi pagkatapos ng pagdalaw.

Isang gabi’y masayang dumating ang kaniyang asawa. Buong pagmamalaking iniabot sa kaniya ang hawak na malaking sobre. “Para sa iyo ito,” ang sabi sa kaniya.

Kaagad niyang inabot ang sobre at nagmamadaling pinunit ang dulo nito. Nabasa niya ang nakalimbag na mga salitang: “Malugod na inaanyayahan ng Ministro ng Instruksyon Publiko at ni Gng. George Ramponneau sina G. at Gng. Loisel sa isang kasayahang idaraos sa palasyo ng Ministeryo sa Lunes ng gabi, Enero 18.”

Sa halip na matuwa na siyang inaasahan ng lalaki ay padabog na inihagis ng kaniyang asawa sa ibabaw ng mesa ang paanyaya. Bumubulong na sinabing ano ang gagawin niya rito.

“Mahal, akala  ko’y ikatutuwa mo ang pagkakakuha ko sa paanyaya. Nais ko lamang na malibang ka, kailanma’y hindi ka nakapaglilibang at naisip kong ito’y isang mabuting pagkakataon para sa iyo. Nagnanais makadalo ng lahat kaya’t lubha akong nahirapang makakuha ng paanyaya. Matataas na tao sa pamahalaan ang inanyayahan at dadalo. Piling-pili lamang ang mga panauhin. Hindi sila nagbigay ng maraming paanyaya sa mga tagasulat.”

Pagalit na pinagmasdan ng babae ang asawa at payamot na sinabing, “Ano ang isasampay ko sa aking likod?” Naging pauntol-untol ang sagot ng lalaki dahil sa hindi niya kaagad naisip iyon.

“Para sa akin ay maganda ang damit mong isinusuot kung pumapasok tayo sa teatro kaya maaari na iyon.”

Nagulumihanang napahinto ang lalaki nang makita niyang umiiyak ang asawa. Naitanong niya kung ano ang nangyayari rito.

Pinagsikapan ng babaing mapaglabanan ang paghihinagpis at nang huminahon na siya’y sumagot, “Wala! Wala akong damit na maisusuot kaya hindi ako makadadalo sa kasayahang iyan. Ipamigay mo na lang ang paanyaya sa isa mong kasamahan na may nakahandang damit na isusuot ang asawa.”

Walang malamang gawin ang lalaki, pagkuwa’y nangusap sa asawa, “Hintay, Mathilde, tingnan muna natin. Sa palagay mo’y magkano ang magiging halaga ng isang bestidong magiging kasiya-siya sa iyo at maaari mo pang gamitin sa mga ibang pagkakataon?”

Nag-isip sumandali si Mathilde. Mabilisang gumawa siya ng pagtataya kung magkano ang maaari niyang hinging halaga sa matipid na asawa nang hindi masindak ito at tumanggi. Nag-aatubili siyang sumagot ng “Hindi ko natitiyak ang halaga, ngunit sa palagay ko’y maaari na ang apat na raang prangko.”

Natigilan sumandali ang lalaki at bahagyang namutla sapagkat ang natitipon niyang gayong halaga ay ipambibili niya ng isang baril na pang-ibon. Binabalak niyang mamaril ng ibon sa Kapatagan ng Nanterre sa darating na tag-araw. Sasama siya sa ilang kaibigang dati nang namamaril ng mga ibon doon.

Gayunpaman ay sinabi niya sa asawa, “Ayos na, ibibigay ko sa iyo ang apat na raang prangko. Bumili ka ng isang bestidong maganda.”

Malapit na ang araw ng sayawan ngunit waring malungkot si Mathilde, hindi siya mapalagay at tila may suliraning gumugulo sa isipan. Nakahanda na ang bestidong kaniyang gagamitin. Napansin ito ng lalaki at isang gabi’y inusisa ang asawa. “Magtapat ka sa akin, anong nangyayari sa iyo? Tatlong araw nang kakaiba ang kilos mo.”

Payamot na sumagot ang babae, “Mabuti pa kaya’y huwag na akong dumalo sa sayawan. Wala man lamang akong maisusuot kahit isang hiyas. Magmumukha akong kaawa-awa.”

“Usong-uso ang mga sariwang bulaklak sa ganitong panahon. Maaaring iyon ang isuot mo. Sapat na ang sampung prangko upang makabili ka ng dalawa o tatlong alehandriya.”

Waring hindi sang-ayon ang babae at ang sabi, “Hindi! Wala nang kahabag-habag na kalagayan kung hindi magmukhang maralita sa gitna ng mga babaing maykaya sa buhay.”

Napabulalas ang  lalaki. “Napakahangal  mo! Bakit hindi mo hanapin ang kaibigan mong si Madame Forestier. Humiram ka ng ilang hiyas sa kaniya. Hindi kaniya marahil tatanggihan dahil sa matalik mo siyang kaibigan.” Napasigaw sa tuwa si Mathilde, “Oo nga, hindi ko naalaala ang aking kaibigan.”

Nagtungo kinabukasan sa kaibigan si Mahtilde. Ipinagtapat niya rito ang kaniyang problema. Tinungo ni Madame Forestier ang taguan ng kaniyang mga hiyas at kinuha mula rito ang isang kahon. Binuksan ang kahon at pinamili ang kaibigan,

“Mamili ka, mahal.”

Ang una niyang nakita’y ang ilang pulseras, ang sumunod ay isang kuwintas na perlas at pagkaraan ng isang krus na Benesiyanong ginto na may mahahalagang bato at talagang kahanga-hanga ang pagkakayari. Sinubok  niyang isuot ang hiyas sa harap ng salamin, nagbabantulot siya at hindi mapagpasyahan kung ang mga iyon ay isasauli o hindi. Paulit-ulit siyang nagtatanong sa kaibigan, “Wala ka na bang iba pa?”

“Aba, mayroon pa! Mamili ka, hindi ko alam kung alin ang ibig mo.” Walang ano-ano’y may napansin siyang isang kahong nababalot ng itim  na satin, nasa loob nito ang isang kuwintas na diyamante na lubhang kahanga-hanga. Sumasal ang tibok ng kaniyang puso at nanginginig ang mga kamay na dinampot ang kuwintas. Isinuot niya ang kuwintas sa ibabaw ng kaniyang damit na may kataasan ang pinakaleeg.

Mahabang sandaling nalunod siya sa kaligayahan sa pagmamalas sa sariling alindog sa salamin. Pagkaraan ay nag-uulik-ulik siyang nagtanong, “Ipahihiram mo ba ito, ito lamang?” “Oo, mangyari pa?” Mahigpit na niyakap ni Mathilde ang kaibigan, pinupog ng halik at maligayang nagpaalam dito.

Sumapit ang inaasam niyang araw ng sayawan. Nagtamo ng malaking tagumpay si Madame Loisel. Nahigitan niya ang lahat ng mga babae sa ganda, sa rangya,  at sa pagiging kahali-halina kaya palagi siyang nakangiti dahil sa nag-uumapaw sa puso ang kaligayahan. Napako sa kaniya ang paningin ng kalalakihan at gumawa sila ng paraan upang makilala si Mathilde. Ninais siyang makasayaw ng lahat ng kagawad ng gabinete. Nag-ukol sa kaniya ng pansin pati ang ministro.

Buong pagkahaling siyang nakipagsayaw, lasing na lasing sa kaluwalhatian ng tagumpay na tinamo sa pamumukod ng kaniyang kagandahan. Tila siya lumulutang sa ulap dahil sa paghanga ng lahat sa kaniya na napakatamis at walang katumbas sa puso ng isang babaing katulad niya.

Mag-iikaapat na ng madaling araw nang silang mag-asawa ay umuwi. Hatinggabi pa lamang, ang asawa niya kasama ng tatlong lalaking ang mga asawa’y nagpapakalunod din sa kaligayahan, ay nakatulog na sa isang maliit na tanggapan.

Ibinalabal ng asawa sa balikat ni Mathilde ang isang abang pangginaw na ginagamit ng mga karaniwang tao, isang pangginaw na nakapupusyaw sa karangyaan ng pananamit ni Mathilde. Dinamdam niya ang pagkakaroon ng abang pangginaw at ninais niyang makatalilis agad upang hindi siya maging kapansin-pansin sa ibang babaing dumalo na nagsisipagsuot ng mamahalin nilang balabal.

Pinigil siya ng lalaki, “Hintayin mo ako rito sandali, sisipunin ka sa labas. Tatawag ako ng sasakyan.” Ngunit hindi niya pinansin ang asawa at nagdudumali siyang nanaog sa hagdanan. Hindi sila nakakita ng sasakyan sa lansangan at sila’y nagsimulang maghanap. Tinahak nila ang daang patungo sa pampang ng ilog Seine.

Kapwa sila kumikinig sa ginaw at pinanawan na ng pag-asang makakita pa ng kanilang masasakyan. Sa wakas ay nakatagpo sila sa daungan ng isa sa matatandang dokar na dahil sa ikinahihiya ang karalitaan sa liwanag ng araw ay sa pagkagat ng dilim lamang nakikita sa mga lansangan ng Paris.

Pagkahatid sa kanila ng matandang dokar sa kanilang tinitirhan ay malungkot silang umakyat sa hagdanan. Tapos na ang maliligayang sandali kay Mathilde. Sa lalaki naman ay wala siyang iniisip kundi kailangan niyang makasapit sa Kagawaran sa ganap na ika-10:00 ng umaga.

Hinubad ng babae sa harap ng salamin ang kaniyang balabal upang minsan pang malasin ang kaniyang kagandahan. Napasigaw siya nang malakas. Wala sa kaniyang leeg ang kuwintas! Nag-usisa ang asawang noon ay nangangalahati na sa pagbibihis. “Anong nangyari sa iyo? Bakit?” Parang baliw niyang binalingan ang asawa. “Wala ang kuwintas ni Madame Forestier.” Ang nabiglang lalaki’y napalundag halos sa pagtayo. “Ano! Paanong nangyari? Imposible!”

Hinanap ng mag-asawa ang kuwintas sa kung saan-saan, sa mga lupi ng damit ni Mathilde, sa mga lupi ng kaniyang pangginaw, sa mga bulsa at sa iba pang lugar.

Hindi nila natagpuan ang kuwintas. “Natitiyak mo bang nakasuot sa iyo nang umalis tayo sa sayawan?” ang tanong ng lalaki. “Oo, natitiyak ko, nahipo ko pa nang nasa pasilyo ako ng palasyo,” ang tugon ni Mathilde. “Kung iyon naman ay sa daan nawala ay di narinig sana natin ang lagapak. May palagay akong nawala sa dokar.”

“Marahil nga. Kinuha mo ba ang numero ng dokar?”

“Hindi! At ikaw, napansin mo ba?”

“Hindi rin.”

Balisang nagkatinginan  ang mag-asawa. Muling nagbihis si M. Loisel.

“Pagbabalikan kong lahat ng pinagdaanan natin. Baka sakaling makita ko.” Nanaog na ang lalaki. Ang babae ay naghintay sa isang silya, hindi na niya inalis ang damit na ginamit sa sayawan. Tila nawalan siya ng lakas, kahit magtungo sa kama upang matulog. Labis ang kaniyang panlulumo, nawalan siya ng sigla at nawalan ng kakayahang mag-isip ng anoman.

Mag-iika-7:00 na ng umaga nang bumalik ang lalaki. Nanlulupaypay siya at ibinalita sa asawa na hindi niya nakita ang kuwintas. Sa harap ng gayong  nakagigimbal na pangyayari, si Mathilde ay maghapong naghihintay na sapupo ng di-matingkalang pangamba.

Bumalik kinagabihan ang lalaki, pagod na pagod, namumutla at nanlalalim ang mga mata; hindi niya natagpuan ang kuwintas. Pinayuhan ng lalaki ang asawa na sumulat sa kaibigan nito at sabihing nabali ang sarahan ng kuwintas at kasalukuyan pang ipinapagawa upang magkapanahon silang makapag-isip-isip. Ginawa naman ng babae ang payo ng asawa.

Pagkalipas ng isang linggo ay lubusan na silang pinanawan ng pag-asa. Sa maikling panahong iyon tumanda si M. Loisel nang limang taon.

Nagpahayag ang lalaki sa asawa na kailangang isipin nila kung paano mapapalitan ang nawalang kuwintas. Kinabukasan, ang mag-asawa’y nagtungo sa tanggapan ng alaherong nakasulat ang pangalan at direksyon sa loob ng kahon ng kuwintas. Hinanap ng alahero sa kaniyang talaan ang sinasabing kuwintas.

“Hindi ako ang nagbili ng kuwintas na ipinagtatanong ninyo, wala pong nanggaling sa akin kundi ang sisidlan lamang,” ang wika ng alahero kay Madame Loisel. Pinuntahan ng mag-asawa ang lahat ng mga maghihiyas upang  makakita ng katulad ng nawala na ang anyo ay buong pagsisikap na inalala samantalang kapwa sila nanlulupaypay sa pagkabigo at paghihirap ng kalooban.

Nakatagpo sila sa isang tindahan sa Palais Royal ng isang tuhog ng diyamanteng sa palagay nila ay katulad ng kanilang pinaghahanap na kuwintas. Nagkakahalaga ito ng apatnapung libong prangko, ngunit ibibigay na sa kanila sa halagang tatlumpu’t anim na libo. Pinakiusapan ng mag-asawa ang may-ari ng tindahan na huwag munang ipagbili ang kuwintas sa loob ng tatlong araw. Pinakiusapan din nila ang may-ari ngtindahan na kung sakaling bago magtapos ng buwan ng Pebrero ay makita nila ang nawawalang kuwintas, matapos nilang bayaran ang bagong kuwintas ay bibilhin itong muli ng may-ari ng tindahan sa halagang tatlumpu’t apat na libong prangko.

May namanang labingwalong libong prangko si M. Loisel sa namatay na ama. Hiniram niya ang kapupunan nito. Gayon din ang ginawa ng lalaki. Kung kani-kanino siya nanghiram, lumagda sa mga kasulatan, pinasok kahit na ang mga gipit na kasunduan, kumuha ng mga patubuan at pumatol sa lahat ng uri ng manghuhuthot.

Inilagay niya ang buong buhay niya sa alanganing katayuan, nakipagsapalaran sa paglagda sa gayong hindi niya natitiyak kung matutupad o hindi ang nilagdaan at ngayo’y nanggigipuspos siya dahil sa mga hirap na maaari pa niyang sapitin, ng nakaambang pagdurusa ng pangitain ng bukas na puspos ng pagsasalat at paghihirap ng kalooban. Nang matipon nang lahat ang halagang kinakailangan ay tinungo ni M. Loisel ang tindahan ng kuwintas at ibinagsak sa mesang bilangan ng may-ari ng tindahan ng mga hiyas ang tatlumpu’t anim na libong prangko.

Malamig ang pagtanggap ni Madame Forestier kay Mathilde nang isauli niya ang kuwintas. Nagsalita ito sa tuyot na tinig ng “Isinauli mo sana agad ang kuwintas, baka sakaling kinailangan ko ito.” Hindi na binuksan ng kaibigan ang kahon ng kuwintas. Naisip ni Matilde na kung sakaling nahalata ng kaibigan ang pagkakapalit ng kuwintas, ano kaya ang aakalain at sasabihin nito sa kaniya? Hindi kaya iisiping siya’y magnanakaw?

Ngayo’y lubos  na naunawaan ni Mathilde ang mamuhay sa gitna ng tunay na karalitaan. Nabigla man siya sa bagong papel na kailangan niyang gampanan ay tinanggap niya iyon at buong tatag na ginampanan. Dapat mabayaran ang napakalaki nilang pagkakautang. Pinaalis nila ang kanilang utusan, lumipat ng ibang tirahan, nagtiis sila sa pangungupahan sa isang maliit na silid sa kaituktukan ng isang bahay-paupahan.

Naranasan ni Mathilde ang mabibigat na gawain; ang nakayayamot na pangangasiwa sa kusina, paghuhugas ng mga pingggan, paglilinis ng mga kaldero at kawaling mamantika, paglalaba ng mga damit, mantel, serbilyeta at pamunas.

Ipinapanaog niya sa lansangan ang kanilang kakaning baboy sa tuwing umaga at nagpapanhik siya ng tubig na gamit nila sa itaas. Suot niya ang pananamit ng pangkaraniwang babae, siya’y nagtutungo sa tindahan ng prutas, de lata, at sa magkakarne. Nakasabit sa isang braso ang pangnan, nakikipagtawaran siya, nilalait at ipinakikipaglaban ang kakarampot niyang pamalengke. May pagkakautang silang binabayaran nang buwanan, may pinagkakautangan silang pinakikiusapan, humihingi ng kaunti pang panahon sa pagbabayad.

Pagsapit ng gabi, habang maaga pa’y inaayos na ni M. Loisel ang talaang tuusan ng sinumang mangangalakal na nangangailangan ng gayong paglilingkod at sa kalaliman ng gabi sa halagang limang sentimos isang pahina na ginagawa naman niya ang mga salin ng mga katha.

Tumagal ng sampung taon ang ganito nilang pamumuhay na mag-asawa. Sa wakas ay nabayaran din nila ang buong pagkakautang, kasama na ang mga tubo at nagkapatong-patong na tubo ng mga tubo.

Mukhang matanda na ngayon si Madame Loisel. Isa na siyang tunay na babae ng mga maralitang tahanan – matipuno ang katawan, matigas ang mga laman at magaspang ang mga kamay na namumula. Nakasabog ang kaniyang buhok at patabingi ang kaniyang saya. Matinis ang kaniyang tinig. Nanlalamira ang sahig kung siya’y mag-isis. Paminsan-minsan, kung nakaalis na ang asawa patungong opisina, si Madame Loisel ay nauupo sa tabi ng bintana. Pinagbabalikan niya sa gunita ang napakasayang gabing iyon na malaon nang nakalipas. Ang kaniyang kagandahang naging tampok sa sayawan at naging dahilan upang siya’y maging tampulan ng paghanga.

Ano ang maaaring nangyari kung hindi nawala ang kuwintas? Sino ang nakaaalam? Tunay na ang buhay ay kakatwa at mahiwaga! Sukat ang isang maliit na bagay upang tayo’y mapahamak at mapabuti!

Isang araw ng Linggo, samantalang si Mathilde ay naglalakad sa Champs Elysees, nagliliwaliw naman siya pagkatapos ng isang linggong singkad ng mga gawain sa bahay ay namataan niya ang isang babaing may akay-akay na bata. Ang babae’y si Madame Forestier, bata pa rin ang anyo, maganda pa ring katulad ng dati at taglay pa rin ang panghalina.

Nakangiti niyang sinalubong ang kaibigan at binati. “Magandang araw sa iyo, Jeanne.” Labis na nagtaka si Madame Forestier. Hindi siya nakilala nito at pinagtakhan ang palagay sa loob na pagbati sa kaniya ng isang maralitang babae. 

Pauntol-untol na wika nito, “Ngunit ginang, hindi ko kayo nakikilala. Marahil ay nagkakamali kayo.”

“Hindi! Ako’y si Mathilde Loisel.”

Napabulalas ang kaibigan. “O, kaawa-awa kong Matilde! Kay laki ng ipinagbago mo!”

“Oo nga, mahabang panahon ang ipinagtiis ko ng hirap mula nang huli nating pagkikita, at labis na kalungkutan ang dinanas ko… at ikaw ang dahilan ng lahat.

Napamulagat si Madame Forestier, “Dahil sa akin! Paano nangyari iyon?”

“Naaalaala mo pa ba ang hiniram kong kuwintas na diyamanteng isinuot ko sa sayawan sa kagawaran?”

“Oo, ay ano?”

“Ano pa, naiwala ko ang kuwintas na iyon.”

“Anong ibig mong sabihin? Isinauli mo sa akin ang kuwintas?”

“Isinauli ko sa iyo ang isang kuwintas na katulad na katulad ng hiniram ko sa iyo. Sampung taon kaming nagbayad ng mga utang. Alam mo namang hindi madali sa katulad naming mahirap ang gayong bagay. Ngunit nakalipas na ang lahat ng iyon at ngayon ay galak  na galak na ako.”

Natigilan si Madame Forestier.

“Sabi mo’y bumili ka ng kuwintas na diyamante na ipinalit mo sa hiniram mo sa akin na naiwala mo?”

“Oo, samakatuwid ay hindi mo pala napansin. Talagang kamukhang-kamukha iyon ng hiniram ko sa iyo.”

Ngumiti si Matilde nang may pagmamalaki, isang ngiting puspos ng kawalang-malay katulad ng ngiti ng isang paslit. Nabagbag nang gayon na lamang ang kalooban ng kaibigan.

“O, kahabag-habag kong Mathilde! Ang ipinahiram kong kuwintas sa iyo ay imitasyon lamang, puwit lamang ng baso. Ang pinakamataas na maihahalaga roon marahil ay limang daang prangko.



https://www.youtube.com/watch?v=iIZnWyu_8MI
- Mula sa Hiyas ng Wika nina Dominguez et. al. 1990. Abiva Publishing

KULTURA NG FRANCE: KAUGALIAN AT TRADISYON

Kultura ng France: Kaugalian at Tradisyon
Isinalin sa Filipino ni Joselyn C. Sayson

Kadalasan ay kinakabit ang kulturang Pranses sa Paris, na sentro ng moda, pagluluto, sining at arkitektura, subalit ang buhay sa labas ng Lungsod ng mga Ilaw ay ibang-iba at nagkakaiba sa bawat rehiyon. Magugunita na ang kultura ng  France ay naimpluwensiyahan ng Celtic at Gallo-Roman Culture, gayundin ang Franks, isang tribong  German.  Ang  France ay una nang tinawag na  Rhineland subalit  noong panahon ng Iron Age at Roman era ay tinawag na Gaul.

Habang ang malawak na pagkakaiba ay naghiwalay sa mga lungsod at punong - lungsod, sa loob ng nakalipas na 200 taon na digmaan – ang Digmaang Franco-Prussian, Unang Digmaang Pandaigdig at Ikalawang Digmaang Pandaigdig – nagkaroon ng magkaisang lakas.

Mga Wika sa France
French ang pangunahing wika ng 65.4 milyong mamamayan, subalit may iba pang wika ang mga rehiyon. Ang French, ang wikang opisyal ng France ay ang unang wika ng 88% ng populasyon samantalang ito naman ang  ikalawang wika ng mga tao rito na hindi French ang mother tongue o unang wika.

Tinatayang 3% ng populasyon ay nagsasalita ng wikang  German, nangingibabaw ito sa mga probinsiya sa silangan, at may maliit na pangkat na nagsasalita ng Flemish sa Hilagang-Silangan. Arabic ang ikatlong pinakamalaking wikang ginagamit.

Italian naman ang ikalawang wika ng mga nakatira sa hangganan ng Italy, at Basque na ginagamit ng mga nakatira sa French-Spanish Border.

Ang iba pang wika ay Catalan, Breton (the Celtic language), Occitan dialects, at  mga wika mula sa dating kolonya ng France tulad ng Kabyle at Antillean Creole.

Relihiyon ng France
Katoliko ang pangunahing relihiyon ng France – tinatayang 80% ay nagsasabing sila ay Katoliko. Ang iba pang pangunahing relihiyon ay Islam, (karaniwang relihiyon ng mga dayuhan mula sa hilagang Africa), Protestante, at Judaism.

Pagpapahalaga ng mga taga-France
Malaki ang pagpapahalaga ng mga taga-France sa kanilang bansa at pamahalaan at karaniwang nagagalit kapag nakaririnig ng negatibong komento tungkol sa kanilang bansa. Ang pag-uugali nilang ito ay karaniwang itinuturing  ng mga turista lalo na ng mga Amerikano na kawalang-galang.

Ang ekspresiyong  “chauvinism” ay nagmula sa France.  Bagaman ang kababaihan ay gumaganap ng mahahalagang papel sa pamilya at negosyo, marami pa rin ang naniniwalang ang France ay male-dominated culture.

Niyayakap ng mga taga-France ang estilo at sopistikasyon at ipinagmamalaki nila ang katotohanang kahit sa mga pampublikong lugar ay mala-maharlika sila.

Ang mga taga-France ay naniniwala  sa  “egalite”  na nangangahulugang pagkakapantay-pantay, at ito’y bahagi ng motto ng kanilang bansa: “Liberte, Egalite, Fraternite.” Marami ang nagsasabi na mas pinahahalagahan nila ang pagkakapantay-pantay kaysa kalayaan at pagkakapatiran, ang dalawang huling salita sa kanilang motto.

Lutuin
Ang pagkain at alak ay sentro ng buhay sa lahat ng antas ng lipunan, at maraming mga pagtitipon ang nagaganap sa isang marangyang hapunan. Palaging may tinapay sa bawat oras ng pagkain, at karaniwan nang makakita ng mahaba, crusty baguettes na iniuuwi sa bahay. Ang keso ay mahalaga ring sangkap ng bawat pagkaing French.

Bagaman  marami na ang pagbabago sa  estilo ng pagluluto, marami pa rin ang nag-uugnay sa kanilang lutuin sa malapot na sarsa at komplikadong paghahanda.

Ang ilan sa matataas na uri ng pagkain nila ay boeuf bourguignon – nilagang baka na kinulob sa red wine, beef broth at nilagyan ng bawang, sibuyas at kabute – at coq au vin, ulam na may manok, alak na Burgundy, Jardons (maliliit na hiwa ng taba ng baboy), button mushrooms, sibuyas at maaari ring lagyan ng bawang.

Pananamit
Ang Paris ay kilala sa matataas na uri ng  fashion houses; ang mga taga-France ay kilala sa hindi matatawarang mariringal na pananamit. Karamihan sa kanila ay sopistikado kung manamit, disente at sunod sa uso (professional and fashionable style), ngunit hindi sobra sa dekorasyon (overly fussy). Ang karaniwang damit nila ay mahahabang amerikana, terno, mga bandana (scarves) at berets o bilog at malalambot na sombrero.

Sining
Ang sining ay nasa lahat ng sulok ng France – lalo na sa Paris at iba pang pangunahing lungsod – at ang impluwensiyang  Gothic,  Romanesque Rococo at  Neoclassic  ay makikita sa maraming simbahan at iba pang pampublikong gusali.

Marami sa mga kilalang artist ng kasaysayan, kabilang ang Espanyol na si Pablo Picasso at Dutch-born Vincent van Gogh ay naghanap ng inspirasyon sa Paris, at sila rin ang nagpasimuno ng impressionism movement.

Ang  Louvre Museum sa Paris ay ilan sa pinakamalalaking museum at ang tahanan ng maraming kilalang gawa ng sining, kasama na ang Mona Lisa at Venus de Milo.

Mga Piyesta at Pagdiriwang
Ipinagdiriwang ng mga taga-France ang mga tradisyunal na piyesta ng mga Kristiyano tulad ng Pasko at Mahal na Araw. Inaalaala din nila ang May Day, kilala rin bilang Araw ng mga Manggagawa tuwing Mayo 1 at Araw ng Tagumpay sa Europa kapag Mayo 8 bilang pag-alaala sa pagtatapos ng pakikipaglaban sa Europa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang Araw ng Bastille ay ipinagdiriwang tuwing Hulyo 14, ang araw kung kailan ang  fortress ng Paris ay binagyo ng mga rebolosyunista upang masimulan na ang Rebolusyon sa France.

-French Culture: Customs and Traditions – LiveScience, kinuha noong
Disyembre 3, 2014; Mula sa www.livescience.com/39149-french-culture.html


MENSAHE NG BUTIL NG KAPE

Mensahe ng Butil ng Kape
“The Story of a Carrot, Egg, and a Coffee Bean”
(Isinalin sa Filipino ni Willita A. Enrijo)

Isang araw, habang nagbubungkal ng lupa ang magsasaka, narinig niyangnagmamaktol ang kaniyang anak na lalaki. Narinig nitong binabanggit ng kaniyang anak ang hirap at pagod na  nararanasan sa pagsasaka at pagbubungkal ng bukirin.

Ayon pa sa anak , nararamdaman niya na hindi makatarungan ang kaniyang buhaydahil sa hirap na nararanasan niya. Sa pagkakataong iyon, tiningnan  ng ama anganak  at tinawag  niya papunta sa  kusina.

Nilagyan ng ama ang tatlong palayok ng tubig at saka isinalang sa apoy.Walang narinig na ano mang salitaan sa mga oras na yaon. Hinayaan lamang nila angnakasalang na mga palayok. Hindi nagtagal, kumulo ang tubig. Sa unang palayok ,

inilagay ng ama ang carrot. Sa pangalawa naman ay mga itlog. Sa panghuli, butil ng kape ang inilahok.

“Sa tingin mo, ano ang maaaring mangyari sa carrot, itlog at butil ng kape na aking inilahok?”  tanong ng ama.

“Maluluto?” kibit-balikat na tugon ng anak.

Makalipas ang dalawampung minuto, inalis ng ama ang mga baga at pinalapit ang anak sa mga palayok.

“Damhin mo ang mga ito,” hikayat ng ama.

“Ano ang iyong napuna?” bulong ng ama.

Napansin ng anak na ang carrot ay lumambot. Inutusan naman siya ng ama na kunin ang itlog at hatiin ito. Matapos mabalatan ang itlog, napansin niya na buo at matigas na ito dahil sa pagkakalaga.

“Higupin mo ang kape,” utos ng ama.

“Bakit po?” nagugulumihanang tanong ng anak.

Nagsimulang magpaliwanag ang ama tungkol sa dinaanang proseso ng carrot, itlog,at butil ng kape. Pare-pareho itong inilahok sa kumukulong tubig subalit iba-iba ang naging reaksiyon.

Ang carrot na sa una ay matigas, malakas, at tila di matitinag subalit matapos mailahok sa kumukulong tubig ay nagging malambot na kumakatawan sa kahinaan. Ang itlog na may puti at manipis na balat bilang proteksiyon sa likidong nasa loob nito, ay naging matigas matapos mapakuluan. Samantala, ang butil ng kape nang ito ay mailahok sa kumukulong tubig ay natunaw ngunit kapalit nito ay karagdagang sangkap na magpapatingkad dito.

“Alin ka sa kanila? tanong ng ama sa anak.

“Ngayon, nais kong ikintal mo ito sa iyong isipan, ang kumukulong tubig ay katumbas ng suliranin sa buhay. Kapag ito ay kumatok sa ating pinto, paano ka tutugon? Ikaw ba ay magiging carrot, itlog o butil ng kape?” usal ng ama.

“Ikaw ba ay magiging carrot na malakas sa una subalit nang dumating ang pagsubok ay naging mahina? O kaya naman ay magiging tulad ng itlog na ang labas na balat ay nagpapakita ng kabutihan ng puso subalit nabago ng init ng kumukulong tubig? Ang itlog ay nagpapaalala na minsan may mga taong sa una ay may mabuting puso subalit kapag dumaan ang pagsubok tulad ng sigalot sa pamilya o mga kaibigan, sila ay nagkakaroon ng tigas ng kalooban upang hindi igawad ang kapatawaran sa nagkasala. O maging tulad ka kaya ng butil ng kape na nakapagpabago sa kumukulong tubig? Kapuna-puna na sa tulong ng butil ng kape, nadagdagan ng kulay at bango ang kumukulong tubig,” paliwanag ng ama.

“Kung ikaw ay tulad ng butil ng kape, ikaw ay magiging matatag sa oras ng pagsubok. Higit sa lahat, ikaw mismo ang magpapabago sa mga pangyayari sa paligid mo,” dagdag na paliwanag ng ama.

“Paano mo ngayon hinaharap ang mga suliranin sa iyong buhay?” Ikaw ba ay sumusunod lamang sa kung ano ang idinidikta ng sitwasyon o nagsusumikap kang maging matatag sa harap ng mga pagsubok. Gayundin, patuloy ka rin bang lumilikha ng positibong pagbabago na dulot ng di magagandang pangyayari?

“Kaya anak, ikaw ba ay carrot , itlog, o butil ng kape?” tanong muli ng ama.

Ngumiti ang anak, kasunod ang tugon – “ako ay magiging butyl ng kape...” katulad mo mahal na ama.


-Mula sa Elements of Literature nina Holt et. al. 2008. Texas, USA

ANG TUSONG KATIWALA

Ang Tusong Katiwala
(Lukas 16:1-15)
Philippine Bible Society

1) Nagsalita uli si Hesus sa kaniyang mga alagad, “May taong mayaman na may isang katiwala. May nagsumbong sa kaniyang nilulustay nito ang kaniyang ari-arian.  2) Kaya’t ipinatawag niya ang katiwala at tinanong, ‘Ano ba itong naririnig ko tungkol sa iyo? Ihanda mo ang ulat ng iyong pangangasiwa sapagkat tatanggalin na kita sa iyong tungkulin.’ 3) Sinabi ng katiwala sa kanyang sarili, ‘Ano ang gagawin ko? Aalisin na ako ng aking amo sa pangangasiwa. Hindi ko kayang magbungkal ng lupa; nahihiya naman akong magpalimos. 4) Alam ko na ang  aking gagawin! Maalis man ako sa pangangasiwa ay may tatanggap naman sa akin sa kanilang tahanan.

5) Isa-isa niyang tinawag ang mga may utang sa kaniyang amo. Tinanong niya ang una, ‘Magkano ang utang mo sa aking amo?’ 6) Sumagot ito, ‘Isandaang tapayang  langis po.’ ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang. Dali! Maupo ka’t palitan mo, gawin mong limampu,’ sabi ng katiwala. 7) At tinanong naman niya ang isa, ‘Ikaw, gaano ang utang mo?’ Sumagot ito, ‘Isandaang kabang trigo po.’ ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang,’ sabi niya. ‘Isulat mo, walumpu.’ 8) Pinuri ng amo ang tusong katiwala dahil sa katalinuhang ipinamalas nito. Sapagkat ang mga makasanlibutan ay mas mahusay gumawa ng paraan kaysa mga maka-Diyos sa paggamit ng mga bagay ng mundong ito.

  9) At nagpatuloy si Hesus sa pagsasalita, “Kaya’t sinasabi ko sa inyo, gamitin ninyo ang kayamanan ng mundong ito sa paggawa ng mabuti sa inyong mga kapwa upang kung maubos na iyon ay tanggapin naman kayo sa tahanang walang hanggan. 10)  Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay; ang mandaraya sa maliit na bagay ay mandaraya rin sa malaking bagay. 11) Kaya kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa mga kayamanan ng mundong ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? 12) At kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng talagang para sa inyo?

13) “Walang aliping maaaring maglingkod nang sabay sa dalawang panginoon sapagkat kamumuhian niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring maglingkod ng sabay sa Diyos at sa kayamanan.” 14) Nang marinig ito ng mga Pariseo, kinutya nila si Jesus sapagkat sakim sila sa salapi.  15) Kaya’t sinabi niya sa kanila, “Nagpapanggap kayong matuwid sa harap ng mga tao, ngunit alam ng Diyos ang nilalaman ng inyong mga puso. Sapagkat ang itinuturing na mahalaga ng mga tao ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos.

PUASA: PAG-AAYUNONG ISLAM

Puasa: Pag-aayunong Islam
Halaw sa Ingles na isinalin sa Filipino ni Elvira Estravo

Nag-aayuno ang mga Muslim. Tinatawag itong Puasa ng mga Muslim sa Pilipino at Saum sa Arabic. Ginagawa ito upang tupdin ang turo ng Qur’an na nagsasaad ng ganito: “Kayo na naniniwala! Ang pag-aayuno ay iniuutos sa inyo at inutos din sa mga nauna sa inyo, upang inyong matutuhan ang disiplina sa sarili.”

Ang puasa ay isang ganap na pag-aayuno sa pagkain, pag-inom, kasama na ang ano mang masasamang gawi laban sa kapwa mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito. Hinihinging mag-ayuno ang mga Muslim sa loob ng 29 hanggang 30 araw ng Ramadam, ang ikasiyam na buwan sa kalendaryong Islam. Napili ang buwang ito dahil dito nangyari ang unang paghahayag ng Qur’an kay Propeta Mohammad, sa kuweba ng Hira.

Kinahapunan ng unang araw ng Ramadan, mga bandang ikaanim ng hapon, sama-sama o grupo-grupong naliligo ang mga Muslim bilang paglilinis at bilang paghahanda sa  puasa. Ang araw na ito’y tinatawag na peggang ng mga taga-Maguindanao. Naghahanda ng kanduli o pagkain ang bawat bahay. Kung minsan, ang mga pagkain sa iba’t ibang bahay ay dinadala sa mosque at ipinakakain sa mga naroon. Ang kanduli at paliligo ang simula ng gawaing Ramadan sa loob ng 29 hanggang 30 araw batay sa paglitaw ng bagong buwan.

Sa pagitan ng ikatlo at ikaapat ng umaga o bago sumikat ang araw, ang bawat Muslim na may kakayahang mag-ayuno ay kumakaing mabuti ng almusal na tinatawag na saul. Pagkakain ng saul o kaya’y bago sumikat ng araw, lahat ng uri ng pagkain, maiinom o ano mang dadaan sa bibig ay ipinagbabawal. Pagkakain, maaaring bumalik sa pagtulog o magbasa ng Qur’an.

Ipinagpapatuloy ang araw-araw na gawain sa panahong ito ng puasa. Ang ila’y umuuwi nang maaga sa bahay o nagtitipon sa mosque kasama ang mga kaibigan, nagbabasa ng Qur’an o nag-uusap ukol sa relihiyon. Mahigpit na ipinagbabawal  ang pagtsitsimis.

Ang pag-aayuno ay natitigil paglubog ng araw. Sa ilang pagkakataon, ang pagtigil ng pag-aayuno ay ginagawa sa bahay ng datu o sinuman sa komunidad na boluntaryong maghahanda ng pagkain. Tinatawag na pembuka ang paghahandang ito.

- Mula sa Hiyas ng Lahi 9, Vibal Publishing House, 2013

ANG NINGNING AT ANG LIWANAG

Ang Ningning at Ang Liwanag
(Mula sa Liwanag at Dilim)
ni Emilio Jacinto

Ang ningning ay nakasisilaw at nakasisira sa paningin. Ang liwanag ay kinakailangan ng mata, upang mapagwari ang buong katunayan ng mga bagay-bagay.

Ang bubog kung tinatamaan ng nag-aapoy ng sikat na araw ay nagniningning; ngunit sumusugat sa kamay ng nagaganyak na dumampot.

Ang ningning ay maraya.

Ating hanapin ang liwanag; tayo’y huwag mabighani sa ningning.

Sa katunayan ng masamang kaugalian: Nagdaraan ang isang  karuaheng maningning na hinihila ng kabayong matulin. Tayo’y magpupugay at ang isasaloob ay mahal na tao ang nakalulan. Datapua’y marahil naman ay isang magnanakaw, marahil sa isang malalim ng kaniyang ipinatatanghal na kamahalan at mga hiyas na tinataglay ay natatago ang isang sukaban.

Nagdaraan ang isang maralita na nagkakanghihirap  sa pinapasan. Tayo’y napapangiti, at isasaloob.

Saan kaya ninakaw? Datapua’y maliwanag nating nakikita sa pawis ng kaniyang noo at sa hapo ng kaniyang katawan na siya’y nabubuhay sa sipag kapagalang tunay.

Ay! Sa ating naging ugali ay lubhang nangapit ang pagsamba sa ningning at pagtakwil sa liwanag. Ito nga ang dahilan kung kaya ang mga loob na inaakay ng kapalaluan at ng kasakiman ay nagpupumilit na lumitaw na maningning, lalong-lalong na nga ang mga pinuno na pinagkatiwalaan ng ikagiginhawa ng kanilang mga sakop at walang ibang nasa kundi ang mamalagi sa kapangyarihan sukdang ikainis at ikamatay ng bayan na nagbibigay sa kanila ng kapangyarihan.

Tayo’y mapagsampalataya sa ningning, huwag nating pagtakhan ang ibig mabuhay sa dugo ng ating mga ugat at magbalat-kayong maningning.

Ay! Kung ang ating dinudulugan at hinahainan na puspos na galang ay ang maliwanag, ang magandang asal at matapat na loob, walang magpapaningning pagka’t di natin pahahalagahan. At ang mga isip at akalang ano pa man ay hindi hihiwalay sa maliwanag na banal na landas ng katuwiran.

Ang kaliluhan at ang katampalasanan ay humahanap ng ningning upang hindi mapagmalas ng mga matang tumatanghal ang kanilang kapangitan; nguni’t ang   kagalingan at ang pag-ibig na dalisay ay hubad sa ningning, mahinhin, at maliwanag na mapatatanaw sa paningin.

Ang mahabang panahong  lumipas ay isang labis na nagpapatunay ng  katotohanan nito.
Mapalad ang araw ng liwanag!

Ay! Ang Anak ng Bayan, ang kapatid ko, ay matututo kaya na kumuha ng  halimbawa at lakas sa pinagdaanang mga hirap at binatang mga kaapihan? 

- Mula sa Panitikan ng Pilipinas nina Panganiban at Panganiban, 1998


ANG ALEGORYA NG YUNGIB

Ang Alegorya ng Yungib
ni Plato
(Isinalin sa Filipino ni Willita A. Enrijo)

At ngayon, sinasabi ko na hayaan mong ipakita ko ang isang anyo na dapat mabatid o hindi mabatid tungkol sa ating kalikasan: Pagmasdan! May mga taong naninirahan sa yungib na may lagusan patungo sa liwanag na umaabot sa kabuuan nito. Sila’y naroroon mula pagkabata, at ang kanilang mga binti at leeg ay nakakadena kung kaya’t hindi sila makagalaw, hadlang ito sa pagkilos pati ng kanilang mga ulo . Sa di kalayuan, sa taas at likod nila ay may apoy na nagliliyab,  sa pagitan ng apoy at mga bilanggo may daang papataas. Kung ang paningin mo ay dadako sa mababang pader nito, maihahalintulad ito sa isang tabing na pinagtatanghalan ng mga puppet.

Nasilayan ko.

At nasilayan mo rin ba  ang mga taong dumadaan sa pagitan ng mga dingding  na  may dala- dalang mga monumento  at larawan ng mga hayop na likha sa kahoy at bato? Ang iba sa kanila ay nagsasalita, ang iba ay tahimik. Naipakita  mo sa akin ang kakaiba nilang imahe. Sila nga ay kakaibang mga bilanggo.

Katulad natin, ang tugon ko,  na ang tangi nilang  nakikita  ay pawang  sarili nilang mga anino?

Totoo, ang sabi niya, paano nila makikita ang ano man kung hindi sila pinahihintulutang gumalaw maging ang kanilang mga ulo? At may mga bagay na dapat lamang dalhin sa paraang dapat lamang makita ng mga anino? Oo, sabi niya. At kung nakaya nilang hindi sumang-ayon sa isa’t isa, hindi ba nila ipinalalagay na sila ay tumutukoy ng  kung ano pa man para sa kanila?

Tunay nga.

 At sa higit pang pagpapalagay na ang mga bilanggo ay may alingawngaw mula sa ibang dako, hindi ba nila natitiyak na  baka guniguni lamang ito ng isang dumaan at may ipinagpapalagay tungkol sa pinagmumulan ng tinig?

Walang tanong-tanong, ang tugon.

Sa kanila, ang sabi ko, ang katotohanan ay walang kahulugan kundi ang anino ng mga imahe. Iyan ang tiyak. Ngayon, balikan muli natin kung ano ang likas na magaganap kung sakaling ang mga bilanggo ay maging malaya at di maaabuso sa kanilang pagkakamali. Sa una, kung ang isa sa kanila ay mapalalaya at biglang tumayo, lumingon, lumakad at tumingin patungo sa liwanag. Magdurusa sa sobrang sakit. Ito mismo ang magpapalungkot sa kaniya. Gayundin hindi niya makikita ang dati niyang kalagayan sapagkat ang tanging nakikita  niya ay mga anino lamang. Pagkatapos isaisip,  tinuran ng isa na ang kaniyang nakita noong una ay guniguni lamang, ngunit ngayon, siya ay papalapit na sa pagkatao. Nakikita niya, mayroon na siyang  maliwanag na pananaw- ano ang magiging tugon niya?

O kaya’y, maaari mong isipin na ang kaniyang guro ay nagtuturo ng mga bagay na dapat niya lamang kilalanin. Hindi ba siya nagugulumihanan?  Hindi kaya siya mahumaling na ang anino na kaniyang nakita  noong una ay mas tunay kaysa mga bagay na nakikita niya sa kasalukuyan?

Malayong katotohanan.

At kung siya ay napilitang tumingin nang diretso sa liwanag, wala ba siyang  nararamdamang sakit upang siya’y magkubli sa nakikitang bagay? Kaniya bang aakalain na siya ay nasa katotohanang mas maliwanag  kaysa  mga bagay na nakikita sa kasalukuyan?

Totoo, ang sabi niya.

At kung ipinalalagay pang muli na siya ay atubiling hinila pataas sa matarik at bako-bakong daan hanggang sapilitan siyang makarating sa harap mismo ng araw, hindi ba siya mahihirapan at magagalit? Kapag nilapitan niya ang liwanag, ang kaniyang mga mata ay maaaring masilaw at hindi niya magagawang makita ang mga bagay-bagay sa kasalukuyan - ang katotohanan.

Hindi muna sa kasalukuyan, sabi niya.

Kailangang mahirati ang kaniyang paningin sa dakong itaas ng mundo. At makita niya nang maliwanag ang mga anino, kasunod ay ang repleksiyon ng tao at  iba pang bagay sa tubig, at ang mismong mga bagay. Pagkatapos, tititig siya sa liwanag ng buwan at mga bituin, at sa maningning na kalangitan; at kaniyang makikita ang ulap at mga bituin sa gabi nang mas maningning kaysa liwanag  ng araw na hatid ng umaga.

Tiyak.

Higit sa lahat, magkakaroon siya ng kakayahang makita  ang araw, hindi lamang ang repleksiyon niya sa tubig kundi makikita niya  ang sarili sa kinaroroonan, at hindi sa iba pa man, at siya ay makapagninilay-nilay kung sino siya.

Tiyak.

At siya ay makararating sa pagtatalo na siya mismo ay naglaan ng panahon. At ang gumagabay sa lahat ng ito ay yaong nakikita sa mundo, na naging dahilan upang siya at ang kaniyang kapwa ay masanay sa pagtitig.

Maliwanag, sabi niya, una niyang makikita ang liwanag pagkatapos ang dahilan tungkol sa kaniyang sarili. At kung maalala niya ang dating tahanan, at ang karunungan sa yungib pati ang mga kapuwa bilanggo, hindi ba niya maipalalagay na mapaliligaya niya ang sarili sa pagbabago at kaawaan na lamang sila?

Tiyak at tumpak.

At kung sila ay nasanay na sa pagtanggap ng mga karangalan sa kung sino sa kanila ang mabilis na makapuna sa pagdaan ng mga anino at makapagsabi kung sino ang nakaranas niyon dati? Kung sinuman ang makapagpapasiya nang mahusay para sa kinabukasan, sa iyo bang palagay sino ang makapag-iingat sa tinatawag na dangal at kaluwalhatian? O kaya’y kainggitan ba ang may taglay nito? Hindi ba niya babanggitin ang tinuran ni Homer.

“Mas mabuting maging mahirap na alipin ng dukhang  panginoon.” At matututuhang tiisin ang mga bagay kaysa isaisip ang kanilang ginagawa at mamuhay katulad ng kanilang gawi?

Oo, ang sabi niya. Sa palagay ko ay pipiliin niyang magtiis kaysa aliwin ang mga huwad na akala at mabuhay sa kahabag-habag na kalagayan.

Para makatiyak, sabi niya.

At kung mayroon mang paligsahan, at kailangan niyang makipagtagisan sa pagsukat sa mga anino kasama ang mga bilanggo na kailanman ay di nakalaya mula sa yungib. Sa sandaling ang paningin ay nananatiling mahina, at bago ito maging matatag (may dapat isaalang – alang sa panahon na kakailanganin upang makamit ang bagong kalagayan ng paningin) hindi ba siya katawa-tawa? Sasabihin ng tao sa kaniya na ang pagpunta at pagdating niya nang wala ang mga paningin ay mas mabuti na hindi na lamang isaisip ang pag-unlad. At kung sinuman ang sumubok na palayain ang iba at gabayan  patungo sa liwanag; hayaang  hulihin ang nagkasala at dalhin  nila  sa  kamatayan.

Walang tanong, ang sabi niya.

Ito ang kabuuan ng alegorya,  ang sabi ko; maaari mong dagdagan mahal kong Glaucon  ang mga dating katuwiran. Ang bilangguan ay mundo ng paningin, ang ilaw ng apoy ay ang araw. Hindi mo ako mamamali kung ipakakahulugan mo na ang paglalakbay papataas ay maging  pag-ahon ng kaluluwa patungo sa intelektuwal na mundo batay sa mahina kong paniniwala.  Aking ipinahahayag, ito ay batid ng Diyos maging tama man o mali. Ngunit tunay man o huwad, ang aking opinyon sa mundo ng karunungan ay ito, ang ideya ng kabutihan ay nananatili sa huli at matatagpuan lamang nang may pagpupunyagi; at kapag ito’y natagpuan, ang lahat ng bagay na maganda at tama sa daigdig at ang pangunahing pinagmumulan  ng dahilan at katotohanan ay yaong sinumang may kapangyarihang kumilos nang may katuwiran sa publiko o pribadong buhay. Samakatuwid kailangan na ang kaniyang mga mata  ay may matibay na tuon para sa mga bagay na ito.

Sumasang-ayon ako, sabi niya, hanggat may kakayahan akong maunawaan ka.

At ang sabi ko, huwag kang magtaka sa iba na may magandang pananaw na ayaw man lang magbahagi  para sa kapakanan ng tao; para sa kanilang kaluluwa sa itaas ng mundo ay madali lamang kung saan sila’y naghahangad na manirahan; magiging likas ang kanilang paghahangad, kung ang ating alegorya ay  mapagkakatiwalaan.

Oo, tunay na likas.

At mayroon bang bagay na nakapagtataka sa mga taong nakadaan mula sa banal na pagninilay-nilay patungo sa makasalanan nilang kalagayan o gumawa ng labag sa kagandahang-asal? Samantala, habang ang kaniyang mga mata ay kumukurap bago siya mahirati sa kadiliman, siya ay mapipilitang lumaban sa korte o sa ibang lugar, tungkol sa anino ng imahe ng katarungan at  magpupunyaging maunawaan nang ganap ang katarungan.

Anuman, ngunit kamangha-mangha ang kaniyang tugon.

Sinuman ang  may wastong pag-iisip ay mababatid na ang pagkalito ng mga paningin ay dalawang uri o nanggaling sa dalawang dahilan, maaaring mula sa paglabas ng liwanag o patungo sa liwanag. Kapag nakita niya na sinuman na may pananaw na magulo at mahina ay masasabing hindi pa handang humalakhak. Una niyang itatanong kung ang kaluluwa ba ng tao ay maghahatid nang maliwanag na buhay? O kaya’y maglalapit mula  kadiliman patungo sa araw na labis na nakasisilaw? At kaniyang bibilangin ang maligayang kalagayan niya, at siya ay maaawa sa iba, o kung nasa isipan man niyang pagtawanan ang kaluluwa na nanggaling mula ilalim patungo sa liwanag, mayroon pang mga dahilan bukod dito kaysa mga halakhak na bumati sa kaniya at bumalik mula sa itaas ng liwanag patungo sa yungib.

Iyan, ang sabi niya na dapat itangi.


NAGKAROON NG ANAK SINA WIGAN AT BUGAN

Nagkaroon ng Anak sina Wigan at Bugan
Muling isinalaysay sa Ingles ni: Maria Luisa B. Aguilar-CariƱo
Isinalin ni: Vilma C. Ambat

“Hay, ano ang saysay ng buhay?” naibulalas ni Bugan sa kaniyang asawang si Wigan. “Hindi man lang tayo magkaroon ng anak; mukhang hindi pinakikinggan ng mga diyos ang ating mga panalangin!”

Sumang-ayon naman si Wigan, “Oo, tama ka! Pero halika muna, mag-momma tayo at saka natin isipin kung ano ang dapat nating gawin.”

Matagal na nag-isip ang mag-asawa hanggang nakapagdesisiyon si Bugan na magtungo sa tahanan ng mga diyos sa silangan. “Dito ka lang, Wigan, pupuntahan ko ang mga diyos na sina Ngilin, Bumakker, Bolang at ang diyos ng mga hayop.”

Sinimulan ni Bugan ang kaniyang paglalakbay. Pumunta siya sa Ibyong, dumaan sa Poitan, nagtungo siya sa silangan papuntang Nahbah, Baninan. Tumawid siya sa ilog ng Kinakin at narating niya ang lawa sa Ayangan. Nakakita siya ng igat sa lawa. Tinanong siya nito “Saan ka pupunta Bugan?” Sumagot si Bugan, “Pupunta ako ng Silangan para maghanap ng lalamon sa akin, sapagkat hindi kami magkaroon ng anak ni Wigan.” Tumawa ang igat. “Huwag kang malungkot, Bugan,” wika ng nito. “Sige magtungo ka sa silangan at makipagkita ka sa mga diyos.”

Ipinagpatuloy ni Bugan ang kaniyang paglalakbay patungo sa lugar ng mga diyos. Narating niya ang lawa sa Lagud. Nakita niya roon ang isang buwaya. “Tao, bakit ka naririto?” pag-uusisa ng buwaya. “Ako si Bugan ng Kiyangan, at naghahanap ako ng lalamon sa akin. Wala kaming anak ng aking asawa,” sagot ni Bugan. Humikab ang buwaya at nagsabing, “ Hindi kita maaaring kainin sapagka’t  napakaganda mo.”

Ipinagpatuloy muli ni Bugan ang kanyang paglalakbay at nakarating sa tahanan ng kinatatakutang pating. Nilabanan niya ang pangangatog ng kaniyang tuhod. Hinarap niya ang pating at nagwika “Pakiusap, kainin mo na ako.  Kaming mag-asawa ay walang anak. Ayaw ko nang mabuhay pa kung hindi ako magkakaroon ng anak.”

Sumagot ang pating, “Isang malaking kahihiyan kapag kinain kita. Napakaganda mo. Halika muna sa aking tahanan at kumain; bago mo ipagpatuloy ang iyong paglalakbay.” Pagkatapos saluhan ang pating sa hapag-kainan, muling naglakad patungong silangan si Bugan. Sa wakas ay narating niya ang tahanan ng mga diyos na sina Ngilin, Bumabakker, at iba pang mga diyos. Labis siyang napagod kaya humiga siya sa lusong na nasa labas ng bahay. Doon hinintay ang mga diyos. Lingid sa kaniyang
kaalaman, nasa loob lamang ng bahay si Bumabbaker.

“May naamoy akong tao,” sabi ni Bumabbaker. Lumabas siya ng bahay upang hanapin ang pinanggagalingan ng amoy. Nakita niya ang isang magandang babae na nakaupo sa kanyang lusong. “Ano’ng ginagawa mo dito, Bugan?” tanong niya habang  kinikilala kung si Bugan nga iyon.

“Naku, nagpunta ako rito upang mamatay, sapagkat hindi pa rin kami nagkakaroon ng anak ni Wigan pagkalipas ng ilang taon,” wika ni Bugan.

“Kahibangan,” wika ni Bumabbaker habang tumatawa. “Halika, hanapin natin si Ngilin at kung nasaan pa ang iba,” wika ni Bumabbaker.

Nalugod ang mga diyos na makita si Bugan. Nagbigay sila ng regalong baboy, manok at kalabaw. “Sasama kami sa iyo pabalik sa Kiyangan. Doon ka namin tuturuan ng ritwal na Bu-ad upang mabiyayaan ka ng mga anak, masaganang ani at pamumuhay.”

Inihatid ng mga diyos si Bugan kay Wigan. Tinuruan nila ang mag-asawa ng panalanging dapat nilang sambitin sa pagsasagawa ng ritwal na Bu-ad. Isinagawa ni Wigan at Bugan ang ritwal at pinasalamatan ang kanilang mga diyos. Pagkalipas ng ilang buwan, walang mapagsidlan ng kaligayahan ang mag-asawa dahil sa buhay na tumitibok sa sinapupunan ni Bugan.