Miyerkules, Hulyo 29, 2015

EPIKO NI GILGAMESH

Mula sa Epiko ni Gilgamesh
salin sa Ingles ni N.K. Sandars
saling-buod sa Filipino ni Cristina S. Chioco
     Mga Tauhan:
     Anu     -  Diyos ng kalangitan; ang Diyos Ama
     Ea       -  Diyos ng karunungan; kaibigan ng mga tao
     Enkido  -  Kaibigan ni Gilgamesh; matapang  na tao na nilikha mula sa luwad 
     Enlil    -  Diyos ng hangin at ng mundo
     Gilgamesh  -  Hari ng Uruk at ang bayani ng epiko
     Ishtar  -  Diyosa ng pag-ibig at digmaan; ang reyna ng mundo
     Ninurta  -  Diyos ng digmaan at pag-aalitan
     Shamash  -  Diyos na may kaugnayan sa araw at sa mga batas  ng tao
     Siduri  -   Diyosa ng alak at mga inumin
     Urshanabi  -   Mamamangkang  naglalakbay araw-araw sa dagat ng kamatayan patungo sa tahanan ng Utnapishtim
     Utnapishtim  -  Iniligtas ng mga diyos mula sa malaking baha upang sirain 
     ang mga tao; binigyan ng mga diyos ng buhay na walang hanggan.
 
1. Nagsimula ang epiko sa pagpapakilala kay Gilgamesh, ang hari ng lungsod ng Uruk, na ang dalawang katlo ng pagkatao ay diyos at ang sangkatlo ay tao. Matipuno, matapang, at makapangyarihan. Ngunit mayabang siya at abusado sa kaniyang kapangyarihan. Dahil sa kaniyang pang-aabuso, patuloy na nananalangin ang kaniyang mga nasasakupan na nawa’y makalaya sila sa kaniya.

2. Tinugon ng diyos ang kanilang dasal.  Nagpadala ito ng isang taong kasinlakas ni Gilgamesh, si Enkido, na lumaking kasama ng mga hayop sa kagubatan. Nagpang-amok ang dalawa nang sila ay magkita. Nanalo si Gilgamesh. Ngunit sa bandang huli ay naging matalik na magkaibigan sila. Di naglaon ay naging kasa-kasama na ni Gilgamesh si Enkido sa kaniyang mga pakikipaglaban. Una, pinatay nila si Humbaba, ang demonyong nagbabantay sa kagubatan ng Cedar. Pinatag nila ang kagubatan. Nang tangkain nilang siraan ang diyosang si Ishtar, na nagpahayag ng pagnanasa kay Gilgamesh, ipinadala nito ang toro ng Kalangitan upang wasakin ang kalupaang pinatag nila bilang parusa. Nagapi nina Gilgamesh at Enkido ang toro. Hindi pinahintulutan ng mga diyos ang kanilang kawalan ng paggalang kaya itinakda nilang dapat mamatay ang isa sa kanila, at iyon ay si Enkido na namatay sa matinding karamdaman.

3. Habang nakaratay si Enkido dahil sa matinding karamdaman, sa sama ng loob ay nasabi niya sa kaniyang kaibigan ang  ganito: “Ako ang pumutol sa punong Cedar, ako ang nagpatag ng kagubatan, ako ang nakapatay kay Humbaba, at ngayon, tingnan mo kung ano ang nangyari sa akin. Makinig ka kaibigan, nanaginip ako noong isang gabi. Nagngangalit ang kalangitan at sinagot ito ng galit din ng sangkalupaan. Sa pagitan ng dalawang ito ay nakatayo ako at sa harap ng isang taong ibon. Malungkot ang kaniyang mukha, at sinabi niya sa akin ang kaniyang layon. Mukha siyang bampira, ang kaniyang mga paa ay parang sa leon, ang kaniyang mga kamay ay kasintalim ng kuko ng agila. Sinunggaban niya ako, sinabunutan, at kinubabawan kaya ako ay nabuwal. Pagkatapos ay ginawa niyang pakpak ang aking mga kamay. Humarap siya sa akin at inilayo sa palasyo ni Irkalla, ang Reyna ng Kadiliman, patungo sa bahay na ang sinumang mapunta roon ay hindi na makababalik

4. Sa bahay kung saan ang mga tao ay nakaupo sa kadiliman, alikabok ang kanilang kinakain at luad ang kanilang karne. Ang damit nila’y parang mga ibon na ang pakpak ang tumatakip sa kanilang katawan, hindi sila nakakikita ng liwanag, kundi pawang kadiliman. Pumasok ako sa bahay na maalikabok, at nakita ko ang dating mga hari ng sandaigdigan na inalisan ng korona habang buhay, mga makapangyarihan, mga prinsipeng naghari sa mga nagdaang panahon. Sila na minsa’y naging mga diyos tulad nina Anu at Enlil ay mga alipin  ngayon na tagadala na lamang ng mga karne at tagasalok ng tubig sa bahay na maalikabok. Naroon din ang mga nakatataas na pari at ang kanilang mga sakristan. May mga tagapagsilbi sa templo, at nandun si Etana, ang hari ng Kish, na minsa’y inilipad ng agila sa kalangitan. Nakita ko rin si Samugan, ang hari ng mga tupa, naroon din si Ereshkigal, ang Reyna ng Kalaliman, at si Belit-Sheri na nakayuko sa harapan niya, ang tagatala ng mga diyos at tagapag-ingat ng aklat ng mga patay. Kinuha niya ang talaan, tumingin sa akin at nagtanong: “Sino ang nagdala sa iyo rito? Nagising akong maputlang-maputla, naguguluhan, tila nag-iisang tinatahak ang kagubatan at takot na takot.”

5. Pinunit ni Gilgamesh ang kaniyang damit, at pinunasan niya ang kaniyang luha. Umiyak siya nang umiyak. Sinabi niya kay Enkido, “Sino sa mga makapangyarihan sa Uruk ang may ganitong karunungan? Maraming di-kapani-paniwalang pangyayari ang nahayag. Bakit ganyan ang nilalaman ng iyong puso? Hindi kapani-paniwala at nakatatakot na panaginip. Kailangan itong paniwalaan bagaman ito’y nagdudulot ng katatakutan, sapagkat ito’y nagpapahayag na ang matinding kalungkutan ay maaaring dumating kahit sa isang napakalusog mang tao, na ang katapusan ng tao ay paghihinagpis.” At nagluksa si Gilgamesh. “Mananalangin ako sa mga dakilang diyos dahil ginamit niya ang aking kaibigan upang mahayag ang kasasapitan ng sinoman sa pamamagitan ng panaginip.”

6. Natapos ang panaginip ni Enkido at nakaratay pa rin siya sa karamdaman. Araw-araw ay palala nang palala ang kaniyang karamdaman. Sinabi niya kay Gilgamesh, “Minsan ay binigyan mo ako ng buhay, ngayon ay wala na ako kahit na ano.” Sa ikatlong araw ng kaniyang pagkakaratay ay tinawag ni Enkido si Gilgamesh upang siya’y itayo. Mahinang-mahina na siya, at ang kaniyang mga mata ay halos di na makakita sa kaiiyak. Inabot pa ng sampung araw ang kaniyang pagdadalamhati hanggang labindalawang araw. Tinawag niya si Gilgamesh, “Kaibigan, pinarusahan ako ng mga dakilang diyos at mamamatay akong kahiya-hiya. Hindi ako mamamatay tulad ng mga namatay sa labanan; natatakot akong mamatay, ngunit maligaya ang taong namatay sa pakikipaglaban, kaysa katulad kong nakahihiya ang pagkamatay.” Iniyakan ni Gilgamesh ang kaniyang kaibigan.


7. Pinagluksa ni Gilgamesh ang pagkamatay ng kaniyang kaibigan sa loob ng pitong araw at gabi. Sa huli, pinagpatayo niya ito ng estatwa sa tulong ng kaniyang mga tao bilang alaala.

Miyerkules, Hulyo 8, 2015

SA MGA KUKO NG LIWANAG (Isang Suring Basa)

Sa Mga Kuko ng Liwanag
(Isang Suring Basa)

Lumabas sa unang pagkakataon bilang isang serye sa mga pahina ng Liwayway Magazine ang nobelang Sa Mga Kuko ng Liwanag ni Edgardo M. Reyes. Isinasalaysay nito ang buhay pakikipagsapalaran nina Julio at Ligaya na kapwa galing probinsiya. Kinakatawan nila ang libo-libong kapuspalad na nakipagsapalaran sa Maynila.

Si Ligaya ang naunang nagbakasakali kasama ng isang matronang babae na nagnangangalang Mrs. Cruz na nangako sa kaniya ng isang simpleng trabaho na may posibilidad na siya ay makapag-aral pa at makapagpadala ng kaunting tulong sa naiwan niyang mga magulang at kapatid. Pagkalipas ng ilang panahon na hindi nakapagpadala ng sulat si Ligaya sa kaniyang mga magulang at pati na rin kay Julio, naisip nito na sundan sa Maynila si Ligaya upang hanapin.

                Sa paghahanap ni Julio ay naharap siya sa realidad ng buhay sa lungsod. Tulad ng ipinahihiwatig ng pamagat ng nobela, maaakit siya sa mga naggagandahang liwanag ng Kamaynilaan.

                Totoong may nilalaman ang pagkakasulat ng Sa Kuko. Ang mga simbolong tulad ng gusali na unti-unting nagagawa mula sa mga sangkap o materyales nito na bakal, graba at semento, na sa bandang huli ay magiging mistulang panginoon pa ng mga kamay at katawang humugis dito. Ang alamat ng esterong walang nagmalasakit na tandaan, na sa kaitiman ay maaaring nagsisimbolo na rin mismo sa kaibuturan ng lungsod.

                Tunay na nahuli ng nobela ang ingay at kalaswaan ng Maynila.  Talagang tugma ang pagsasalarawan nito sa mga lugar, pangyayari at tauhang mapupuntahan, mararanasan at makikilala nina Julio at Ligaya. Ibinibigay nito sa mambabasa ang isang makatotohanang buhay sa Lungsod ng mga Pangarap at Kasawian.

                Kung babasahin muli ang nobela, maiisip na maaari pa ring mangyari ang kuwento nito sa kasalukuyang panahon. Baguhin lamang ang mga pangalan ng kalye sa mga kasalukuyang pangalan nito, bigyan lang ng cellphone sina Mister Balajadia at Misis Cruz, gawin lang mas modern ang tindahan ni Ah Tek, pasakayin lang kahit minsan si Julio  sa LRT at iba pa. Sa tingin ko pa nga, kung may makakaisip mang gawin muling pelikula ang librong ito, magiging swak pa rin ito sa panlasa ng masa.

                Kung lubog man sa dumi at alikabok ang Maynilang inilarawan sa nobela, mayroon pa ring liwanag o pag-asang nagpupumilit na umilaw dito. Ang mga nakilala ni Julio na mabubuting tao, kapos man sila sa mismo sa materyal na mga bagay at kahit hindi nila halos maitawid ang kanilang mga sarili sa pang-araw-araw nilang pangangailangan, nagagawa pa rin nilang magbigay ng tulong at kabaitan kay Julio.

                Tunay na isang mabisa, walang kupas at makatotohanang salamin ng lipunan ang nobela. Mabisa sapagkat hindi nito itinatago ang katotohanan, bagkus ipinapakita nito sa mambabasa sa paraang hindi ito maaaring isantabi. Sa makatotohanan nitong pagkakasulat, wala kang magagawa kundi harapin at tanggapin ito.

                Totoo na malungkot mang isipin, kuwento ito ng libo libong Julio at Ligayang ipinapadpad ng kapalaran mula sa kanilang tahimik ngunit napakahirap na buhay sa probinsiya patungo sa buhay na hindi nila akalain na mas magiging mahirap pa.

                Makatotohanan ito sapagkat hindi nito inihihiwalay ang sarili nito sa realidad ng lipunang sinasalamin nito. Tinatalakay dito ang di-makatarungang sitwasyon ng mga manggagawa, ang kaawa-awang kalagayan ng mga maralitang tagalungsod, ang diskriminasyon ng ilang tao at ang bulok na sistema na nagpapatakbo rito.

                Ngunit higit sa lahat, ipinapakita ang pagkamakatotohanang ito sa katauhan ni Julio at sa kung paano siya kumilos at tumugon sa mga nangyayari sa kaniya. Hindi siya walang-kibong biktimang nagpapadala lamang sa kaniyang kapalaran. Hindi siya ang taong tama at wasto lamang ang gagawin ano pa man ang mangyari sa kaniya. Hindi si Ibarra si Julio na iniinda lamang ang mga kasamaang idinudulot sa kaniya ng kaniyang mga kaaway. Ngunit hindi rin naman siya si Simoun na naniniwalangna kasamaan din ang dapat iganti sa kaniyang mga kaaway. Sa huli,sabi nga ng may-akda, paano mo mamahalin ang isang tulad ni Julio? Ano ang karapat-dapat na redemption niya sa bandang huli? At ano ang kabuluhan at kahulugan ng kaniyang kinasapitan?

                Maaaring hindi intensiyon ng nobela na sagutin ang mga huling tanong na iyan. Maaaring inakala ng may-akda na sapat nang maging salamin ng realidad ang kaniyang nobela. Ipinauubaya niya marahil sa ating ang paghahanap ng mga sagot, ang pagbibigay ng kabuluhan at kahulugan sa nasabing realidad. Hindi man nito tuwirang sinasabi, maaaring inaanyayahan nito palawakin ng mambabasa ang kaniyang kamalayan sa realidad na ito at harinawa, sabayan ng pagkilos.

- halaw sa Isang Suring Basa (Sa mga Kuko ng Liwanag)
ni Kevin Ventura, kinuha noong Nobyembre 12, 2014 mula sa

http://vjk112001.blogspot.com/2008/02/sa-mga-kuko-ng-liwanag-isang-suring.html

ANG MATANDA AT ANG DAGAT

Ang Matanda at Ang Dagat
Isinalin sa Filipino mula sa Ingles ni Jesus Manuel Santiago
“The Old Man and the Sea” ni Ernest Hemingway
(bahagi lamang)

Maayos silang naglayag at ibinaba ni Santiago ang kaniyang mga kamay sa tubig-alat at sinikap na linawin ang kaniyang isip. Mataas ang  cumulus clouds at may sapat na cirrus sa ibabaw kaya alam ng matanda (Santiago) na tatagal ang simoy sa buong magdamag. Palaging tinitingnan ng matanda ang isda para makatiyak na totoo ito. Isang oras ito bago siya unang dinunggol ng pating.

                Hindi aksidente ang pating. Pumaimbabaw siya mula sa kalaliman ng tubig habang tumitining at kumakalat ang maitim na ulap ng dugo sa dagat na isang milya ang lalim. Napakabilis niyang pumaimbabaw at walang kaingat-ingat na binasag ang rabaw ng asul na tubig at nasinagan siya ng araw. Pagkaraa’y bumalik siya sa tubig at sinundan ang amoy at nagsimulang lumangoy patungo sa direksiyon ng bangka at ng isda.

                Kung minsan, naiwawaglit niya ang amoy. Pero malalanghap niya itong muli, o kahit bahagyang-bahagya lang ng amoy nito, at mabilis at masigla siyang lalangoy para sundan ito. Isa siyang napakalaking pating na Mako, ang katawan ay sadyang para lumangoy na kasimbilis ng pinakamabilis na isda sa dagat at napakaganda ng kaniyang kabuuan maliban sa kaniyang panga. Kasing asul ng isdang-espada ang kaniyang likod, at pilak ang tiyan, at madulas at makisig ang kaniyang balat. Kahawig siya ng espada maliban sa kaniyang dambuhalang panga na nakatikom ngayon habang matulin siyang lumalangoy, halos nasa rabaw, parang kutsilyong humihiwa sa tubig ang mataas niyang palikpik sa likod. Sa loob ng sarado niyang panga, nakahilig paloob ang kaniyang walong hanay na ngipin. Hindi siya katulad ng karaniwang hugis-piramidong ngipin ng karamihang pating. Kahugis sila ng mga daliri ng tao kapag nakabaluktot na parang sipit. Kasinghaba sila halos ng mga daliri ng matanda at sintalas ng labaha ang talim sa magkabilang gilid. Ito ang isdang nilikha para manginain sa lahat ng isda ng dagat, napakabilis at napakalakas at    armadong-armado kaya wala silang sinumang kaaway. Binilisan pa niya ngayon nang malanghap ang mas sariwang amoy at humiwa sa tubig ang kaniyang asul na palikpik sa likod.

Nang makita ng matanda na paparating ito, alam niyang isa itong pating na walang takot at gagawin ang lahat ng gusto nitong gawin. Inihanda niya ang salapang at hinigpitan ang lubid habang pinagmamasdan niya ang paglapit ng pating. Maigsi ang lubid dahil binawasan niya ito ng ipinangtali sa isda.

                Malinaw at matino ang isip ng matanda ngayon at buong-buo ang pasiya pero halos walang pag-asa. Sa loob-loob niya, makatagal sana ang katinuang ito. Pinagmasdan niyang maigi ang malaking isda habang pinanonood ang paglapit nito.Mas mabuti pang naging isang panaginip lang ito, sa loob-loob niya. Hindi ko siya mapipigil sa pag-atake sa akin pero baka makuha ko siya. Dentuso, sa loob-loob niya. Malasin sana ang nanay mo.

                Mabilis na nakalapit sa popa ang pating at nang sagpangin nito ang isda, nakita ng matanda ang pagbuka ng bunganga at ang kakatwa nitong mata at ang lumalagatok na pagtadtad ng mga ngipin habang nginangatngat ang karne sa may ibabaw ng buntot. Nakaangat sa tubig ang ulo ng pating at lumilitaw ang likod at naririnig ng matanda ang ingay ng balat at lamang nalalaslas sa malaking isda nang isalaksak niya ang salapang sa ulo ng pating sa dakong nagtatagpo ang guhit ng mga mata at ang guhit ng ilong. Walang gayong mga guhit. Ang naroon lamang ay ang mabigat at matulis na ulong asul at ang malalaking mata at ang lumalagutok, umuulos, nanlalamong mga panga. Pero ang kinalalagyan ng utak ang napuruhan ng matanda. Inulos niya ito ng mahusay na salapang na ubos-kayang ipinukol ng kaniyang kamay na nanlalagkit sa dugo. Inulos niya ito nang walang pag-asa pero may katatagan ng pasiya at lubos na hangaring maminsala.

                Kumampay ang pating at nakita ng matanda na walang buhay ang mga mata nito  at muli itong kumampay, at napuluputan siya ng dalawang ikid ng lubid. Alam ng matandang patay na pero hindi ito matanggap ng pating. Pagkatapos, nakatihaya, humahagupit ang buntot at lumalagutok ang mga panga, sinuyod ng pating ang tubig tulad sa paghaginit ng isang speed-boat. Puti ang tubig sa hambalos ng kaniyang buntot at tatlong sangkapat ng katawan ang nakaangat sa tubig nang mabanat ang lubid, kuminig at saka nalagot. Saglit na humigang tahimik sa ibabaw ng tubig ang pating at pinanood siya ng matanda. Pagkaraa’y dahan-dahan itong lumubog.

                “Mga kuwarenta libras ang dala niya,” malakas na sabi ng matanda. Tinangay nito ang salapang ko at ang buong lubid, sa loob-loob niya, at nagdurugo ngayon ang isda ko at marami pang susunod.

                Ayaw na niyang tingnan ang isda dahil nagkagutay-gutay na ito. Nang sagpangin ang isda, para siya rin ang nasagpang.

                Pero napatay ko ang pating na sumagpang sa isda ko, naisip niya. At siya ang pinakamalaking dentuso na nakita ko. At alam ng Diyos na nakakita na ako ng malalaki.

                Hindi kapani-paniwalang makatatagal siya, naisip niya. Sana’y isa lang itong panaginip ngayon at hindi ko sana nabingwit ang isda at nag-iisa akong nakahiga sa mga diyaryo.

                “Pero hindi nilikha ang tao para magapi,” sabi niya. “Maaaring wasakin ang isang tao pero hindi siya magagapi.” Nagsisisi ako na napatay ko ang isda, sa loob-loob niya. Parating na ngayon ang masamang panahon at wala man lang akong salapang. Malupit ang dentuso, at may kakayahan at malakas at matalino. Pero mas matalino ako kaysa kaniya. Siguro’y hindi, sa loob-loob niya. Siguro’y mas armado lang ako.

“Huwag kang mag-isip, tanda,” malakas niyang sabi. “Magpatuloy ka sa paglalayag at harapin ang anumang dumating.”

                Pero dapat akong mag-isip, naisip niya. Dahil iyon na lang ang natitira sa akin. Iyon at ang beisbol. Ewan ko kung magugustuhan ng dakilang DiMaggio ang pagkakaulos ko sa kaniya sa utak. Walang bagay ‘yon, sa loob-loob niya. Kayang gawin iyon ng kahit sino. Pero sa palagay mo ba’y malaking partida ang mga kamay ko kaysa mga taring buto? Hindi ko malalaman. Hindi ako nagkaroon kahit kailan ng sugat sa aking sakong maliban noong minsan na nakagat ito ng page nang matapakan ko siya nang lumalangoy at naparalisa ang ibabang binti at kumirot nang napakatindi.

                “Mag-isip ka ng isang bagay na masaya, tanda,” sabi niya. “Bawat sandali’y papalapit ka na sa bahay. Mas magaan ngayon ang paglalayag mo dahil sa pagkawala ng kuwarenta libras.”

                Alam na alam niya kung ano ang maaaring mangyari pagsapit niya sa panloob na bahagi ng agos. Pero wala nang magagawa ngayon.

                “Oo, meron pa,” malakas niyang sabi. “Puwede kong itali ang aking lanseta sa puluhan ng isang sagwan.”

                Kaya ginawa iyon habang kipkip ang timon at nakatapak sa tela ng layag.

                “Ngayon,” sabi niya. “Isa pa rin akong matanda. Pero meron akong armas.”

                Sariwa ngayon ang simoy at maayos siyang naglayag. Tiningnan niya ang bungad na bahagi ng isda at bumalik nang bahagya ang kaniyang pag-asa.

                Kalokohan ang hindi umasa, sa loob-loob niya. Bukod pa’y naniniwala akong kasalanan ‘yon. Huwag kang mag-isip tungkol sa kasalanan, naisip niya. Marami nang problema ngayon kahit walang kasalanan. T’saka hindi ko ito naiintindihan.

                Hindi ko iyon naiintindihan at hindi ko sigurado kung naniniwala ako roon. Kasalanan sigurong patayin ang isda. Iyon ang palagay ko kahit na ginawa ko iyon para ako mabuhay at mapakain ang maraming tao. Pero lahat naman ay kasalanan. Huwag kang mag-isip tungkol sa kasalanan. Masyado nang huli para diyan at may mga taong binabayaran para gawin iyon. Hayaan mong sila ang mag-isip tungkol doon. Isinilang ka para maging isang mangingisda tulad ng isda na ipinanganak para maging isang isda. Mangingisda si San Pedro at gayundin ang ama ng dakilang
DiMaggio.

                Pero gusto niyang pag-isipan ang lahat ng bagay na kinasasangkutan niya at nang husto at nag-isip siya nang nag-isip tungkol sa kasalanan. Hindi mo pinatay ang isda para lamang mabuhay ka  o para ibenta bilang pagkain, sa loob-loob niya. Pinatay mo siya dahil sa iyong dangal at dahil isa kang mangingisda. Minahal mo siya noong siya’y buhay pa at minahal mo siya pagkatapos. Kung mahal mo siya, hindi kasalanang patayin mo siya. O mas malaking kasalanan ‘yon?

                “Sobra kang mag-isip, tanda,” malakas niyang sabi.

                Pero tuwang-tuwa kang patayin ang dentuso, naisip niya. Nabubuhay siya sa buhay na isda, tulad mo. Hindi siya isang tagahalungkat ng basura o isa lamang gumagalang gutom tulad ng ilang pating. Maganda siya at marangal at walang kinakatakutan.

“Napatay ko siya sa pagtatanggol ko sa sarili,” malakas na sabi ng matanda.

“At pinatay ko siyang mahusay.”

                Bukod pa, naisip niya, pinapatay naman ng lahat ang isa’t isa, kahit paano. Kung paano ako pinapatay ng pangingisda, gayon din niya ako binubuhay. Binubuhay ako ng bata, sa loob-loob niya. Hindi ko dapat masyadong linlangin ang aking sarili.

                Sumandig siya sa gilid at pumilas ng kapirasong karne ng isda sa pinagkagatan ng pating. Nginuya niya ito at napansin niya ang kalidad at sarap ng lasa nito. Matigas ito at makatas, parang karne, pero hindi ito pula. Hindi ito mahilatsa at alam niyang mataas ang magiging presyo nito sa palengke. Pero hindi matatanggal ang amoy nito sa tubig at alam ng matanda na may dumating na malaking kamalasan.Panatag ang simoy. Medyo umatras ito sa may hilagang silangan at alam niya
ang ibig sabihin niyon ay hindi ito huhupa. Tumanaw sa malayo ang matanda pero wala siyang makitang mga layag at wala na rin siyang makitang ni balangkas o usok ng anumang bangka. Ang naroon lamang ay ang isdang-lawin na patalon-talon sa magkabilang gilid ng kaniyang prowa at ang mga dilaw na kumpol ng damong Gulpo.

Ni wala siyang makitang isa mang ibon.Dalawang oras na siyang naglalayag, nagpapahinga sa popa at paminsan-minsa’y ngumunguya ng kapirasong karne ng marlin, nagsisikap na magpahinga at magpalakas, nang makita niya ang una sa dalawang pating.
“Ay,” malakas niyang sabi. Walang salin para sa katagang ito at marahil ay isa lamang itong ingay na magagawa ng gayong tao, hindi sinasadya, na nakararamdam sa pagbutas ng pako sa kaniyang kamay at pagtagos nito sa kahoy.

“Galanos,” malakas niyang sabi. Nakita na niya ngayon ang pag-angat ng pangalawang palikpik sa likuran ng una at natukoy niya na ang mga ito ay pating na hugis-pala ang nguso batay sa kayumanggi, hugis-tatsulok na palikpik at sa pahalihaw na galaw ng buntot. Naamoy nila at tuwang-tuwa sila at sa kagunggongan ng kanilang matinding gutom, naiwawaglit nila at natatagpuan ang amoy sa kanilang katuwaan.

Pero palapit sila nang palapit.Mabilis na iniligpit ng matanda ang tela at isinisiksik ang timon. Pagkaraa’y kinuha niya ang sagwang tinalian niya ng lanseta. Maingat na maingat niyang binuhat ito dahil nagpupuyos sa sakit ang kaniyang mga kamay. Pagkaraa’y ibinukas-sara niya ang mga ito roon upang lumuwag sila. Isinara niya nang mahigpit para matiis ang sakit at huwag mamilipit at pinagmasdan niya ang pagdating ng mga pating.

Nakikita niya ngayon ang kanilang malapad, sapad, hugis-palang mga ulo at ang kanilang malalapad, puti ang dulong palikpik sa dibdib. Sila ay mga kamuhi-muhing pating, masama ang amoy, tagahalukay ng basura at mamamatay, at kapag sila’y gutom, kinakagat nila ang sagwan o katig ng isang bangka. Ang mga pating na ito ang pumuputol sa paa at kampay ng mga pagong kapag nakakatulog sa ibabaw ang mga pagong, at nanagpang sila ng taong nasa tubig, kung sila’y gutom, kahit hindi amoy dugo ng isda o malansan ang tao.

“Ay,” sabi ng matanda. “Galanos. Sige, Galanos.”

Dumating sila. Pero dumating silang di tulad ng Mako. Pumihit ang isa at naglaho sa paningin sa ilalim ng bangka at naramdaman ng matanda na naalog ang bangka habang kumikislot siya at hinihila ang isda. Pinanood ng isa ang matanda, naningkit ang dilaw na mga mata, at sinagpang ng kaniyang panga ang isda sa dakong nakagat na. Kitang-kita ang guhit sa ibabaw ng kaniyang kayumangging ulo at likod na hugpungan ng utak at gulugod at inulos ng matanda ang lanseta sa sagwansa hugpungan, hinugot ito, at muling iniulos sa dilaw, tila sa pusang mata ng pating.

Binitiwan ng pating ang isda at dumausdos, lulon-lulon ang kaniyang nakagat habang
siya’y namamatay.

Gumigiwang pa ang bangka dahil sa pamiminsala sa isda ng isa pang pating at binitiwan ng matanda ang layag para makabaling ang bangka at mapalitaw ang pating mula sa ilalim. Pagkakita niya sa pating, dumukwang siya sa gilid at hinambalos ito. Laman lamang ang tinamaan niya at matigas ang balat at hindi niya halos naibaon ang lanseta. Hindi lamang ang kaniyang mga kamay ang nasaktan sa kaniyang pag-ulos kundi pati ang kaniyang mga balikat. Pero mabilis na pumaimbabaw ang pating, una ang ulo, at tinamaan ito ng matanda sa gitnang-gitna ng  sapad na ulo habang lumilitaw sa tubig ang nguso at inginasab sa isda. Hinugot ng matanda ang talim at muling inulos sa dating lugar ang isda. Nakakapit pa rin siya sa isda, sarado ang panga, at sinaksak ito ng matanda sa kaliwa  nitong mata. Nakapangunyapit pa rin doon ang pating.

“Hindi pa rin?” sabi ng matanda at inulos niya ang patalim sa pagitan ng gulugod at utak. Madali na ngayon ang ulos na iyon at naramdaman niyang napatid ang litid. Binaligtad ng matanda ang sagwan at isiningit ang talim sa panga ng pating para buksan ito. Pinilipit niya ang talim sa panga ng pating para buksan ito. Pinilipit niya ang talim at habang dumadausdos ang pating, sabi niya, “Sige, galanos. Dumausdos ka nang isang milya ang lalim. Sumige ka at katagpuin ang iyong kaibigan, o baka iyon ang iyong ina.”

Pinunasan ng matanda ang talim ng kaniyang lanseta at inilapag ang sagwan. Pagkaraa’y nakita niyang lumulobo ang tela at layag at ibinalik niya ang bangka sa dating paglalayag.

“May sangkapat niya siguro ang natangay nila at ang pinakamahusay na laman,” malakas niyang sabi. “Sana’y panaginip lang ito at hindi ko sana siya nabingwit kailanman. Ikinalulungkot ko, isda. Dahil doo’y mali ang lahat.

Tumigil siya at ayaw na niyang tingnan ang isda ngayon. Said na ang dugo at lulutang-lutang, kakulay siya ng pilak na likod ng salamin at nakikita pa rin ang kaniyang mga paha.

“Hindi ako dapat nagpakalaot-laot, isda” sabi niya. “Hindi para sa iyo o para sa akin. Ikinalulungkot ko, isda.

”Ngayon, sabi niya sa sarili. Tingnan mo ang pagkakatali ng lanseta at tingnan mo kung nalagot. Pagkatapos ay ayusin mo ang iyong kamay dahil marami pang darating.

“Nakapagdala sana ako ng bato para sa lanseta,” sabi ng matanda matapos tingnan ang tali sa puluhan ng sagwan. “Dapat akong nagdala ng bato.” Marami kang dapat dinala, sa loob-loob niya. Pero hindi mo dinala, tanda. Hindi ngayon ang oras para isipin kung ano ang wala ka. Isipin mo kung ano ang magagawa sa kung ano ang naririyan.

“Sobra kang magpayo ng mabuti,” sabi niyang malakas. “Sawa na ko r’on.”

Kinipit niya ang timon at ibinabad ang dalawang kamay sa tubig habang umuusad ang bangka.

“Alam ng Diyos kung gaano ang nakuha ng huling iyon,” sabi niya. “Pero hamak na mas magaan siya ngayon.” Ayaw niyang isipin ang nagkagutay-gutay na tiyan ng isda. Alam niyang sa bawat pakislot na bunggo ng pating ay napipilas angkarne at ngayo’y sinlapad ng haywey sa dagat ang nalilikhang bakas ng isda na pagsusumundan ng lahat ng pating.

Mairaraos ng isang tao ang buong taglamig sa isdang iyon, sa loob-loob niya. Huwag mong isipin iyan. Magpahinga ka lang at ihanda ang mga kamay mo para sa ipagtanggol ang nalalabi sa kaniya. Balewala na ang amoy ng dugo sa mga kamay ko ngayong nangangamoy ang buong dagat. Bukod pa’y hindi na sila gaanong nagdurugo. Walang anumang sugat na dapat ikabahala. Baka makatulong pa ang pagdurugo para huwag pulikatin ang kaliwa.


Ano pa ba ang puwede kong isipin ngayon? Naisip niya. Wala. Wala akong dapat isipin at hintayin ang mga susunod pa. Sana nga’y panaginip lang iyon, sa loob-loob niya. Pero sino ang makapagsasabi? Baka naman mapaigi pa ‘yon.

HARRY POTTER AND THE SORCERER'S STONE (Isang Suring-Pelikula)

ISANG SURING-PELIKULA
“Harry Potter and the Sorcerer’s Stone”

Ang  Harry Potter and Sorcerer’s Stone (Philosopher’s Stone) ay unang libro ni J.K.Rowling mula sa serye ng Harry Potter. Sinasabing ang nobelang ito ay naghatid kay Rowling ng kasikatan bilang isang mahusay na manunulat sa buong mundo. Isinapelikula ito noong 2001 na idinirek ni Chris Columbus at ibinahagi ng Warner Bros. Pictures. Pinagbibidahan ito nina Daniel Radcliffe bilang Harry Potter, Rupert Grin bilang Ron Weasley at Emma Watson bilang Hermione Granger. Tinatayang umabot sa $980 milyon ang kinita nito na naging  worldwide box office hit at kinilala sa iba’t ibang award-giving bodies tulad ng Academy Awards.

Nagbukas sa isang pagdiriwang ang kuwento na kadalasang palihim dahil sa ang mga nagdaang taon ay laging ginugulo ni Lord Voldemort. Bago ang gabing iyon, natuklasan ni Voldemort ang pinagtataguan ng tagong mag-anak ng Potter, at pinatay sina Lily at James Potter. Ngunit nang itinuro na niya ang kaniyang wand sa sanggol nitong anak na si Harry, ang sumpang patayin ito ay bumalik sa kaniya. Ang kaniyang katawan ay nasira, at si Voldemort ay naging isang walang kapangyarihang kaluluwa,naghahanap ng isang lugar sa mundo na walang makaka-istorbo samantalang si Harry  naman ay naiwang may marka ng kidlat sa kaniyang noo, ang natatanging palatandaan ng sumpa ni Voldemort. Ang misteryosong pagkakatalo ni Voldemort kay Harry ay nagresulta sa pagkakakilalang “ang batang nabuhay” sa mundo ng mga wizard.

Ang ulilang si Harry Potter ay sumunod na pinalaki ng kaniyang malupit, at walang kapangyarihang kamag-anak, ang  Dursleys, na walang pakialam sa pinagmulan ng mahika at sa hinaharap ni Harry. Subalit, sa paparating na ikalabing-isa niyang kaarawan, nagkaroon si Harry ng kanyang unang kontak sa daigdig ng mahika nang makatanggap siya ng sulat galing sa Hogwarts School of Witchcraft
and Wizardry, na kinuha naman ng kaniyang Tiya at Tiyo bago pa niya ito magawang mabasa, Sa kaniyang ikalabing-isang kaarawan, sinabihan na siya ay isang wizard at inaanyayahan na pumunta sa Hogwarts. Sinabihan siya ni Hagrid na nagturo sa kaniya kung paano gumamit ng mahika  at gumawa ng  potions. Natutuhan din ni Harry na malampasan ang mga panlipunan at emosyonal na hadlang sa kaniya sa paglaban niya hanggang sa kaniyang pagbibinata at pagharap sa makapangyarihang si Voldemort.

Marami man ang nangyari kay Harry sa simula, nalagpasan niya ito sa tulong ng kaniyang mga kaibigan na sila Ron at Hermione. Katulong din niya si Professor Dumbledore na laging nariyan nagbibigay ng payo at paalala sa kaniya.

Totoo naman na nakuha ng pelikulang ito ang kiliti ng masa lalo ng kabataan. Ang mga karakter na ginamit dito ay nagpapaalala ng mga taong kilala na natin at sa mga taong dapat pa nating kilalanin. Tulad ng batang mataba na laki sa layaw na si Dudley o kaya ang mala ‘boss’ at mapanghimasok ngunit may malambot na pusong si Hermione. Malaking bilang rin ng mga batang manonood ang makaka-relate kay Harry partikular sa kaniyang inisyal na damdamin ng ganap na pagkakahiwalay at di kasali sa isang pamilya ngunit dumating ang panahon na dapat na niyang iwanan ang naturang buhay niya upang pumunta sa lugar kung saan siya kabilang at magiging ganap na masaya.

Sadyang nailarawan nang mabuti at detalyado ang Hogwarts bilang kaakit-akit na lugar na hindi lamang puno ng salamangka at mahika na tunay na katangiang pinapangarap na mapuntahan ng pangunahing tauhan. Iba’t ibang pakikipagsapalaran ang dinaanan ni Harry kasama ang dalawang kaibigan (Ron at Hermione) sa lugar ng Hogwarts. Malakas ang nais sabihin ng pelikula tungkol sa pakikipagkaibigan na naipakita sa mahusay na pagkakaganap ng mga artista. Mas lutang na lutang ang  kahusayan ni Daniel bilang si Harry na dumanas ng malaking hamon sa buhay.

Totoong magaling ang pagkakasulat ng iskrip.  Ang kasaysayan nito ay inilahad sa pamamagitan ng malalim na pananaliksik at pag-iisip. Buhay na buhay ang pelikula kung saan nakatulong ng malaki ang kulay na nakaangkop sa kapaligirang kinunan ng kamera bagaman hindi rin maiiwasan ang pagkakaroon ng larawang kulang sa ilaw.

Sa kabuuan, ang pelikulang Harry Potter and Sorcerer’s Stone ay isang napakagandang pelikula. Sa pamamagitan ng pelikulang ito, nakikilala natin ang kultura ng ibang bansa at impluwensiyang nadala nito sa atin.


- Mula sa Elements of Literature nina Holt et. al. 2008. Texas, USA

PARA SA KAGALINGAN AT KARAPATAN NG MGA BATA

Para sa Kagalingan at Karapatan ng mga Bata
Macky Macaspac

Katahimikan ang namayani sa bulwagan matapos magsalita si Melissa San Miguel sa mikropono. Garalgal ang tinig ng executive director ng Salinlahi Alliance for Children’s Concerns  at tila  nagpipigil ng hikbi. Inanunsiyo niya, sa harap ng pambansang kumperensiya para sa karapatan at kagalingan ng mga bata, isang malagim na pamamaslang sa isang bata sa Tarlac ang naganap pa lamang.

                Isang 15-anyos na bata ang namatay, matapos magpaputok ng baril ang mga pulis para gibain ang mga bahay ng maralita sa naturang probinsiya.

                Nagluksa ang mga delegado ng nasabing kumperensiya. May ilan sa 300 delegado mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang naiyak pa. “Opisyal na itinatala ng Salinlahi ang ikasiyam na batang pinaslang sa ilalim ng administrasyong Aquino,” malungkot na wika ni San Miguel.

                Ang kumperensiya’y inilunsad ng iba’t ibang grupong tagapagtaguyod ng karapatan ng mga bata, sa pangunguna ng Salinlahi, Children’s Rehabilitation Center (CRC) at Gabriela. Inilunsad nila ito dahil mismo sa nakakaalarmang padron ng pagkakabiktima ng mga bata sa iba’t ibang proyekto’t patakaran ng gobyerno, kabilang na ang kampanyang kontra-insurhensiya na Oplan Bayanihan.

                Nagluksa ang mga delegado sa balita ng pagpaslang kay John Cali Lagrimas sa Tarlac dahil pamilyar ang istorya nito sa kanila.

Kaibigan sa Kubol

Nauna nang magsalita sa kumperensiya ang kinatawan ng iba’t ibang rehiyon hinggil sa mga kaso ng paglabag sa karapatan ng mga bata. Matapos ibalita ang naganap kay John Cali, isang 10-anyos na bata mula sa Hacienda Luisita, Tarlac, na si Jojie ang di nakatuloy sa pagtetestimonya. “Kaibigan ko siya, kasama ko siyang natutulog sa kubol,” kuwento ni Jojie

Hindi umano taga-Luisita si John Cali, pero sumasama siya sa kaniyang mga magulang na taga-Brgy. San Roque na sumuporta sa “bungkalan” ng mga magsasaka sa lupang inaangkin ng Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC). Sa bungkalang ito nakilala niya si Jojie.

  Hindi na makapagsalita ang batang si Jojie na nagmula sa Hacienda Luisita, nang mabalitaan niyang napatay ang kaniyang kaibigan sa demolisyon sa Tarlac habang nagaganap ang kumperensiya. (Macky Macaspac)

  Nasaksihan din ng dalawang bata ang tangkang pagbuwag noon sa mga kubol sa lugar ng bungkalan kung saan pinaputukan ng mga guwardiya ng RCBC ang mga magsasaka. Sa testimonya ni Jojie, sinabi niiyang hindi iyon ang unang pagkakataon na makasaksi siya ng karahasan. Apat na taon pa lang si Jojie nang masaksihan niya ang karahasan sa sarili niyang pamilya. “Noong bata pa ako, nasaksihan ko po kung paano binugbog ng mga tauhan ni Hen. Jovito Palparan ang aking papa. Nakita ko nung pinasubo nila ng silencer ng baril si papa,” ayon sa testimonya ng bata.

  Kuwento ni Jojie, hindi nila makakalimutan ni John Cali ang pananakot ng mga guwardiya ng RCBC. “Pinaputukan kami ng mga security guard ng RCBC nang limang beses. Takot na takot kami,” ani Jojie.

  Bahagi ang paglabag ng mga karapatan nina Jojie at John Cali ng malawakang paglabag sa karapatan ng mga bata sa Pilipinas.

  “Patuloy na pinapahirapan ang mga bata dahil sa patuloy na pagpapatupad ng gobyerno sa mga patakarang neo-liberal na nakapaloob sa programa at proyekto ni Pangulong Benigno Aquino III,” pahayag ng Salinlahi.

Patakarang  Neo-Liberal

Sa panayam ng Pinoy Weekly, sinabi ni San Miguel na layunin ng kumperensiya na ipakita na hindi nagbago ang kalagayan ng mga bata sa loob ng 19 taon matapos iproklama ng United Nations ang buwan ng Oktubre bilang buwan ng mga bata.

  “Hindi pa rin maganda ang kalagayan ng mga bata at nagpapatuloy ang paglabag sa kanilang mga karapatan,” aniya.  Nagsagawa ng pag-aaral ang Salinlahi hinggil sa epekto sa mga bata ng mga patakarang ipinatutupad ng gobyerno. Ayon dito, apektado ang 35.1 milyong bata sa 11.7 milyong Pilipino na walang trabaho. Dahil apektado umano ang mga bata sa kawalan o kakulangan ng trabaho ng kanilang mga magulang, napipilitan silang magtrabaho sa murang edad.

  Kahit sa datos ng International Labor Organization (ILO) at National Statistics Office (NSO), nasa limang milyon ang mga batang manggagawa, kalakhan nito’y nasa sektor ng agrikultura.

  Ayon sa Salinlahi, pinalala ng mga patakaran tulad ng liberalisasyon sa pangangalakal ang kalagayan ng mga bata. Sa pagpasok ng  imported  na mga produktong agrikultural partikular na ang galing sa bansang US, mistulang pinapatay nito ang lokal na agrikultura ng bansa.

Inihalimbawa ng grupo ang kalagayan ng mga manggagawang bukid sa malalaking plantasyon ng asukal sa Negros Occidental. Dahil sa walang habas na importasyon ng asukal, halos patayin na nito ang lokal na industriya. Dahil sa matinding kompetisyon, nagresulta ito ng pagpasok ng sistemang pakyawan sa mga manggagawang bukid sa mga asyenda.

Para sa Kagalingan at Karapatan ng mga Bata, kinuha noong July 2, 2014,
mula (http://pinoyweekly.org/new/2012/10/para-sa-kagalingan-at-karapatan-

ng-mga-bata/comment-page-1/

AKO PO’Y PITONG TAONG GULANG

Ako Po’y Pitong Taong Gulang

Hello. Ang pangalan ko po ay Amelia at nakatira ako sa isang isla sa Caribbean. Ako po’y pitong taong gulang. Noon po’y ibinigay ako ng aking mahihirap na magulang sa isang mayamang pamilya na nakatira sa lungsod.

Ngayon pong araw na ito, gaya ng ginagawa ko araw-araw, gumigising po ako ng alas singko
ng umaga. Umiigib ako ng tubig sa isang balon na malapit sa amin. Napakahirap pong balansehin ang mabibigat na banga sa aking ulo.  Pagkatapos po ay naghanda na ako ng almusal at inihain ko po iyon sa pamilyang pinaglilingkuran. Medyo nahuli nga po akong ng paghahain ng almusal, kaya pinalo po ako ng aking amo ng sinturon.

Pagkatapos po ay inihatid ko sa paaralan ang kanilang limang taong gulang na anak na lalaki. Sumunod po, tumutulong ako sa paghahanda at paghahain ng tanghalian ng pamilya. Kung hindi pa po oras ng pagkain, kailangan ko pong mamili ng pagkain sa palengke at gawin ang mga utos nila, asikasuhin ang apuyan, walisan ang bakuran, labhan ang mga damit at hugasan ang pinagkainan at linisin ang kusina.  Hinihugasan ko rin po ang mga paa ng aking among babae. Galit na galit po siya ngayong araw na ito at sinampal po niya ako dahil sa galit. Sana’y hindi na po siya galit bukas.
 
Ipinakain po sa akin ang kanilang natirang pagkain, mas mabuti naman po ito kaysa giniling na mais na kinain ko po kahapon.  Gula-gulanit po ang aking damit at wala akong sapatos. Hindi po ako kailanman pinayagan ng aking mga amo na ipaligo ang tubig na iniigib ko para sa pamilya. Kagabi po ay sa labas ako natulog, kung minsan po ay pinatutulog nila ako sa sahig sa loob ng bahay. Nakalulungkot pong isipin na hindi ako ang mismong sumulat nito. Ayaw po nila kasi akong payagang mag-aral.

Maging maayos po sana ang araw ninyo. Amelia

- Mula sa Filipino 2 Pagbasa at Pagsulat Tungo sa Pananaliksik.

2011. Lorimar Publication

Biyernes, Hulyo 3, 2015

PINAGMULAN NG MGA ISLA NG CARIBBEAN

Pinagmulan ng mga Isla ng Caribbean

Sa loob ng isandaang taon, ang  Caribbean Islands ay pinaninirahan ng tatlong pangunahing katutubong tribo- ang Arawaks, ang Ciboney at ang tribo na nagbigay ng pangalan sa isla, ang Caribs. Sinasabing sa pagdating ni Christopher Columbus ang unang European na nakarating sa isla ay nagkaroon ng dramatikong pagbabago sa kasaysayan ng Caribbean.  Ang Spain ang orihinal na umangkin sa buong isla. Hindi ito ikinasiya ng mga taga-isla na nakatira roon maging ng mga bansa sa Europa na nag-aagawan sa isla tulad ng France, England, Netherlands, at Denmark.





Samantala, ang mga taal na katutubong tribo na nakatira sa isla ay halos nalipol. Kung nalipol ang mga tao ng isla gayundin ang kanilang pamumuhay kaya ang kultura ng  Caribbean ay madalas na nagbabago.  Karamihan ng mga taga-isla ay naging biktima ng pang-aalipin kung kaya napalitan ang katutubong kultura mula sa Africa. Di-kalaunan ang mga labanan ay natigil at karamihan sa mga isla ay natahimik. Bagaman ang pang-aalipin ang sumisira sa plantasyon ng asukal at kape sa lugar, karamihan ng mga labanan ay natigil dahil ang mga bansa sa Europa ay humubog ng sarili nilang kultura sa mga sarili nilang teritoryo. 




History of Caribbean Island, kinuha noong Marso 3, 2014,
mula sa (http://www.destination360.com/caribbean/history

MALIGAYANG PASKO

Maligayang Pasko
ni Eros S. Atalia

Pinatay niya na ang sauce. Luto  na rin ang noodles ng spaghetti. Sinilip niya ang oven.  Paluto na ang lechon de leche. Nagniningning sa mantika ang hamon, hotdog at bacon. Nasa gitna na ng mesa ang mansanas, ubas, kahel at peras. Hiwa na rin ang keso de bola. Timplado na rin ang juice.  Inilagay na niya sa mesa ang morcon, lechon manok, embutido, paella at pinasingaw na sugpo. Naglagay siya ng tatlong pinggan, baso, kutsara at tinidor sa mesa. Pati na rin ang napkin.

Maya-maya, bitbit na niya ang isang supot.  Sa loob nito ay may ilang nakabalot na ulam.

Lumabas na siya ng bahay. Tinahak na niya ang nagniningning na lansangan.  Habang naglalakad, sinilip niya ang laman ng supot. May apat na balot. Hindi niya maaninag kung ano-ano ang laman ng mga ito. Pero tamang-tama sa anim niyang anak at sa kanilang mag-asawa ang bitbit na pabaong Noche Buena.

Bukas, araw ng Pasko, maaga siyang babalik upang maghugas ng pinagkainan.


- Mula sa Wag Lang Di Makaraos (Atalia, 2011)

KAHIRAPAN: HAMON SA BAWAT PILIPINO

Kahirapan: Hamon sa Bawat Pilipino
ni Manny Villar


Hindi nakapagtataka na ang bawat administrasyon ay nagsisikap na pagandahin ang larawan ng bansa sa kabila ng matitinding suliranin, pero kung minsan ay tila nakakainsulto dahil sa kalabisan.

Isang halimbawa ang mga ginawang pagbabago sa paraan ng pagtaya sa lawak ng kahirapan.

Isa sa mga binago ay ang pinakamababang komposisyon ng pagkain ng mga nasa Metro Manila upang ang isang pamilya ay hindi mabilang na dukha.

Sa dating panukat, ang  food threshold sa almusal ay tortang kamatis, sinangag, kape para sa matatanda at gatas para sa bata.

Sa bagong panukat, ang dapat ihain sa almusal ay pritong itlog, kape na may gatas at kanin. Wala na ang gatas para sa mga bata. Marami ring nawala sa bagong panukat para sa tanghalian, meryenda at hapunan.

Dahil sa mga pagbabagong ito, bumaba ang katumbas na sustansiya mula sa kinakain ng mga Pilipino para hindi mabilang na dukha.

Ibinaba rin ang poverty income threshold o ang halagang dapat kitain ng isang pamilyang may limang miyembro para hindi mabilang na mahirap, mula sa dating P7,953.00 hanggang P7,017.00.

Dahil sa mga pagbabagong ito, ang bilang ng mahihirap na pamilya ay bumaba mula 4.9 milyon hanggang 3.9 milyon, at ang bilang ng mamamayang dukha ay bumaba ng isang milyon – mula sa 24.1 milyon hanggang 23.1 milyon.

Sa aking pananaw, hindi malulutas ng anumang pagbabago sa panukat ang kahirapan. Kahit ang 23.1 milyong lugmok sa kahirapan ay napakalaking bilang pa rin.

Tinatalakay ko ang paksang ito hindi para tuligsain ang pamahalaan kundi para ipakita na ang kahirapan ay isang hamon na dapat harapin ng lahat ng mga Pilipino.

Ang unang hakbang para malutas ang kahirapan ay ang pagtanggap na ito ay suliranin ng bansa. Sa isang maysakit, walang magagawa ang sinumang manggagamot hangga’t hindi tinatanggap ng isang pasyente na siya ay maysakit.

Sa halip na pagandahin ang larawan ng kahirapan sa pamamagitan ng pagmamanipula sa mga panukat ay dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang mga proyektong makakalikha ng hanapbuhay, na magtataas ng antas sa pamumuhay ng bawat pamilyang Pilipino at sa bandang huli ay tunay na magpapababa sa bilang ng mahihirap.

Kahirapan Hamon sa Bawat Pilipino, kinuha noong Nobyembre 8, 2014
mula sa (http://www.balita.net.ph/2012/01/18/kahirapan-hamon-sa-bawat-pilipino/)

SIPI MULA SA TALUMPATI NI DILMA ROUSSEFF SA KANIYANG INAGURASYON

Sipi mula sa Talumpati ni Dilma Rousseff sa Kaniyang Inagurasyon
(Kauna-unahang Pangulong Babae ng  Brazil)
Enero 1, 2011
Isinalin sa Filipino ni Sheila C. Molina


Minamahal kong Brazilians,
Tinitiyak ng aking pamahalaan na lalabanan at susugpuin ang labis na kahirapan, gayundin, ang lumikha ng mga pagkakataon para sa lahat.

Nakita natin noon sa dalawang terminong panunungkulan ni Pangulong Lula kung paano nagkaroon ng pagkilos sa kamalayang panlipunan. Gayunpaman, nanatili sa kahihiyan ang bansa sapagkat hindi nawala ang kahirapan at nagkaroon ng mga hadlang upang patunayang maunlad na nga tayo bilang mamamayan.

Hindi ako titigil hangga’t may Brazilians na walang pagkain sa kanilang hapag, may mga pamilyang pakalat-kalat sa mga lansangan na nawawalan ng pag-asa, at habang  may mahihirap na batang tuluyan nang inabandona. Magkakaroon ng pagkakaisa ang pamilya kung may pagkain, kapayapaan at kaligayahan.  Ito ang pangarap na pagsisikapan kong maisakatuparan.

Hindi ito naiibang tungkulin ng isang pamahalaan, isa itong kapasiyahan na dapat gampanan ng lahat sa lipunan.  Dahil dito, buong pagpapakumbaba kong hinihingi ang suporta ng mga institusyong pampubliko at pampribado, ng lahat ng mga partido, mga nabibilang sa negosyo at mga anggagawa, mga unibersidad, ang ating kabataan, ang pamamahayag, at ang lahat na naghahangad ng kabutihan para sa kapwa.

Sa pagsugpo nang labis na kahirapan, kailangang bigyang priyoridad ang mahabang panahong pagpapaunlad. Ang mahabang panahong pagpapaunlad ay lilikha ng mga hanapbuhay para sa kasalukuyan at sa darating pang henerasyon.

Kailangan ang paglagong ito, kasama ang matatag na programang panlipunan upang malabanan ang hindi pantay na kita at pagkakaroon ng rehiyunal na pagpapaunlad.

Nangangahulugang ito at muli kong sasabihin na ang pagpapanatili ng katatagan ng ekonomiya ang pinakamahalaga.  Sa nakasanayan na natin, kasama ang matibay na paniniwala na sinisira ng inflation ang ating ekonomiya na nakakaapekto sa kita ng mga manggagawa. Nakatitiyak ako na hindi natin papayagan ang lasong ito na sirain ang ating ekonomiya at magdusa ang mahihirap na pamilya.

Patuloy nating palalakasin ang ating panlabas na pondo upang matiyak na balanse ang panlabas na deposito at maiwasan ang pagkawala nito. Gagawin natin nang walang pag-aalinlangan sa mga multilateral na paraan na ipaglaban ang maunladat pantay na mga polisiyang pang-ekonomiya, na pangangalagaan ang bansa laban sa hindi maayos na kompetisyon at dapat na maunawaan ang daloy ng kapital na ipinakikipaglaban.

Hindi natin pahihintulutan ang mayayamang bansa na pinapangalagaan ang sariling interes na nagpapahirap sa maraming bansa  sa mundo sa kabila ng kanilang sama-samang pagpupunyagi ay walang pagbabagong nagaganap.

Ipagpapatuloy nating mapahusay ang paggastos ng pera ng bayan.

Sa buong kasaysayan ng Brazil, pinili nitong itayo ang isang estado na nagbibigay ng mga pangunahing pangangailangan at kapakanan ng mamamayan.

Malaking halaga ang kakailanganin nito para sa lahat, ngunit nangangahulugan ito na may tiyak na pensiyon, unibersal na pangangalaga sa kalusugan at mga serbisyong pang-edukasyon.  Samakatuwid, ang pagpapaunlad ng serbisyo publiko ay kailangan habang isinasaayos natin ang paggastos ng pamahalaan.

Isa pang mahalagang salik sa maayos na paggasta ay ang pagpapataas ng antas ng pamumuhunan sa punto ng pangkaraniwang gastusin sa pagpapatakbo ng negosyo.  Mahalaga ang pamumuhunang pampubliko sa pag-iimpluwensiya sa pamumuhunang pampribado at kasangkapan sa rehiyonal na pagpapaunlad.

Sa pamamagitan ng Growth Acceleration Program at My House, My Life Program, pananatilihin natin ang pamumuhunan sa mahigpit at maingat na pagsusuri ng Pangulo ng Republika at ng mga Ministro.

Patuloy na magsisilbing instrumento ang  Growth Acceleration Program na pagtutulungan ng pagkilos ng pamahalaan at boluntaryong koordinasyon ng pamumuhunang estruktura na binuo ng mga estado at mga munisipalidad.  Ituturo rin nito ang pagbibigay ng insentibo sa pamumuhunang pampribado na pinahahalagahan ang lahat ng insentibo upang buuin ang pangmatagalang mga pondong pampribado.

 Ang  pamumuhunan sa World Cup  at Olympics ang magbibigay ng pangmatagalang pakinabang sa kalidad ng pamumuhay sa lahat ng bumubuo ng rehiyon.

Magiging gabay rin ang prinsipyong ito sa polisiya ng panghimpapawid na transportasyon.  Walang duda na dapat nang mapaunlad at mapalaki  ang ating mga paliparan para sa World Cup at Olympics.  Ngunit ang pagpapaunlad na nabanggit ay nararapat na isagawa na ngayon sa tulong ng lahat ng Brazilian.

Dilma Rousseff Inauguration Speech: Brazil’s First Female President Addresses
Congress in Brasilia, kinuha nong Pebrero. 26, 2014,
mula sa (http://www.huffingtonpost.com/2011/01/03/dilma-rousseff-

inaugurati_1_n_803450.html)

Huwebes, Hulyo 2, 2015

SINO BA SI DILMA ROUSSEFF?

Sino ba si Dilma Rousseff?

Noong Enero 1, 2011, nanumpa ang kauna-unahang babaeng pangulo ng Brazil matapos manalo sa eleksiyon noong 2010. Siya ay si Dilma Rousseff.  Isinilang siya noong Disyembre 14, 1947 sa Belo, Horizonte, Brazil.  Ang kaniyang ama ay isang Bulgarian at ang kaniyang ina ay isang  Brazilian. Estudyante pa lamang si Dilma ay naugnay na siya  sa isang militanteng sosyalistang grupo kung saan nakasama niya  si Carlos Araujo na kinalaunan ay siya niyang naging pangalawang asawa.  Noong 1970, dahil sa kaniyang pakikipaglaban sa diktaturyal siya ay nakulong na tumagal ng tatlong taon. Habang nasa kulungan, nakaranas siya nang labis na pagpapahirap tulad ng electric shocks. Nang siya ay makalaya, tinapos niya ang kaniyang pag-aaral (1977) at pumasok sa lokal na politika bilang kasapi ng Democratic Labor Party. Sa loob ng dalawang dekada, ginampanan ni Rousseff ang pagiging consultant at mahusay na tagapamahala ng partido.

Nang mangampanya si Luis “Lula” de Silva bilang pangulo noong 2002, kinuha niya si Rousseff bilang consultant. Matapos ang eleksiyon hinirang siya bilang Minister ng Enerhiya. Dahil sa kaniyang kahusayan sa hinawakang posisyon, siya ay kinuha ni Pangulong “Lula” bilang Chief of Staff noong 2005 hanggang mapagdesisyunan niyang tumakbo sa eleksiyon bilang kahalili ni “Lula” noong 2010.

Biography of Dilma Rousseff, kinuha noong Marso 1, 2014,
- Mula sa (http://www.infoplease.com/biography/var/dilmarousseff.html)