Para sa Kagalingan at Karapatan ng mga Bata
Macky Macaspac
Katahimikan ang namayani sa
bulwagan matapos magsalita si Melissa San Miguel sa mikropono. Garalgal ang
tinig ng executive director ng Salinlahi Alliance for Children’s Concerns at tila
nagpipigil ng hikbi. Inanunsiyo niya, sa harap ng pambansang
kumperensiya para sa karapatan at kagalingan ng mga bata, isang malagim na
pamamaslang sa isang bata sa Tarlac ang naganap pa lamang.
Isang
15-anyos na bata ang namatay, matapos magpaputok ng baril ang mga pulis para
gibain ang mga bahay ng maralita sa naturang probinsiya.
Nagluksa
ang mga delegado ng nasabing kumperensiya. May ilan sa 300 delegado mula sa
iba’t ibang bahagi ng bansa ang naiyak pa. “Opisyal na itinatala ng
Salinlahi ang ikasiyam na batang pinaslang sa ilalim ng administrasyong
Aquino,” malungkot na wika ni San Miguel.
Ang
kumperensiya’y inilunsad ng iba’t ibang grupong tagapagtaguyod ng karapatan ng
mga bata, sa pangunguna ng Salinlahi, Children’s Rehabilitation Center (CRC) at
Gabriela. Inilunsad nila ito dahil mismo sa nakakaalarmang padron ng
pagkakabiktima ng mga bata sa iba’t ibang proyekto’t patakaran ng gobyerno,
kabilang na ang kampanyang kontra-insurhensiya na Oplan Bayanihan.
Nagluksa
ang mga delegado sa balita ng pagpaslang kay John Cali Lagrimas sa Tarlac dahil
pamilyar ang istorya nito sa kanila.
Kaibigan sa Kubol
Nauna nang magsalita sa
kumperensiya ang kinatawan ng iba’t ibang rehiyon hinggil sa mga kaso ng
paglabag sa karapatan ng mga bata. Matapos ibalita ang naganap kay John Cali,
isang 10-anyos na bata mula sa Hacienda Luisita, Tarlac, na si Jojie ang di
nakatuloy sa pagtetestimonya. “Kaibigan ko siya, kasama ko siyang natutulog sa
kubol,” kuwento ni Jojie
Hindi umano
taga-Luisita si John Cali, pero sumasama siya sa kaniyang mga magulang na
taga-Brgy. San Roque na sumuporta sa “bungkalan” ng mga magsasaka sa lupang
inaangkin ng Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC). Sa bungkalang ito
nakilala niya si Jojie.
Hindi na makapagsalita ang batang si Jojie na
nagmula sa Hacienda Luisita, nang mabalitaan niyang napatay ang kaniyang
kaibigan sa demolisyon sa Tarlac habang nagaganap ang kumperensiya. (Macky
Macaspac)
Nasaksihan din ng dalawang bata ang
tangkang pagbuwag noon sa mga kubol sa lugar ng bungkalan kung saan pinaputukan
ng mga guwardiya ng RCBC ang mga magsasaka. Sa testimonya ni Jojie, sinabi
niiyang hindi iyon ang unang pagkakataon na makasaksi siya ng karahasan. Apat
na taon pa lang si Jojie nang masaksihan niya ang karahasan sa sarili
niyang pamilya. “Noong bata pa ako, nasaksihan ko po kung paano
binugbog ng mga tauhan ni Hen. Jovito Palparan ang aking papa. Nakita ko
nung pinasubo nila ng silencer ng baril si papa,” ayon sa testimonya ng bata.
Kuwento ni Jojie, hindi nila
makakalimutan ni John Cali ang pananakot ng mga guwardiya ng RCBC. “Pinaputukan
kami ng mga security guard ng RCBC nang limang beses. Takot na takot
kami,” ani Jojie.
Bahagi ang paglabag ng mga karapatan nina
Jojie at John Cali ng malawakang paglabag sa karapatan ng mga bata sa
Pilipinas.
“Patuloy na pinapahirapan ang mga bata dahil
sa patuloy na pagpapatupad ng gobyerno sa mga patakarang neo-liberal na
nakapaloob sa programa at proyekto ni Pangulong Benigno Aquino III,” pahayag ng
Salinlahi.
Patakarang
Neo-Liberal
Sa panayam ng Pinoy Weekly,
sinabi ni San Miguel na layunin ng kumperensiya na ipakita na hindi nagbago ang
kalagayan ng mga bata sa loob ng 19 taon matapos iproklama ng United Nations
ang buwan ng Oktubre bilang buwan ng mga bata.
“Hindi pa rin maganda ang kalagayan ng mga
bata at nagpapatuloy ang paglabag sa kanilang mga karapatan,” aniya. Nagsagawa ng pag-aaral ang Salinlahi hinggil
sa epekto sa mga bata ng mga patakarang ipinatutupad ng gobyerno. Ayon dito,
apektado ang 35.1 milyong bata sa 11.7 milyong Pilipino na walang trabaho.
Dahil apektado umano ang mga bata sa kawalan o kakulangan ng trabaho ng
kanilang mga magulang, napipilitan silang magtrabaho sa murang edad.
Kahit sa datos ng International Labor Organization
(ILO) at National Statistics Office (NSO), nasa limang milyon ang mga batang
manggagawa, kalakhan nito’y nasa sektor ng agrikultura.
Ayon sa Salinlahi, pinalala ng mga patakaran
tulad ng liberalisasyon sa pangangalakal ang kalagayan ng mga bata. Sa pagpasok
ng imported na mga produktong agrikultural partikular na
ang galing sa bansang US, mistulang pinapatay nito ang lokal na agrikultura ng
bansa.
Inihalimbawa ng grupo ang
kalagayan ng mga manggagawang bukid sa malalaking plantasyon ng asukal sa
Negros Occidental. Dahil sa walang habas na importasyon ng asukal, halos
patayin na nito ang lokal na industriya. Dahil sa matinding kompetisyon,
nagresulta ito ng pagpasok ng sistemang pakyawan sa mga manggagawang bukid sa
mga asyenda.
Para sa Kagalingan at Karapatan ng mga Bata, kinuha noong July 2, 2014,
mula
(http://pinoyweekly.org/new/2012/10/para-sa-kagalingan-at-karapatan-
ng-mga-bata/comment-page-1/
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento