Miyerkules, Hulyo 8, 2015

PARA SA KAGALINGAN AT KARAPATAN NG MGA BATA

Para sa Kagalingan at Karapatan ng mga Bata
Macky Macaspac

Katahimikan ang namayani sa bulwagan matapos magsalita si Melissa San Miguel sa mikropono. Garalgal ang tinig ng executive director ng Salinlahi Alliance for Children’s Concerns  at tila  nagpipigil ng hikbi. Inanunsiyo niya, sa harap ng pambansang kumperensiya para sa karapatan at kagalingan ng mga bata, isang malagim na pamamaslang sa isang bata sa Tarlac ang naganap pa lamang.

                Isang 15-anyos na bata ang namatay, matapos magpaputok ng baril ang mga pulis para gibain ang mga bahay ng maralita sa naturang probinsiya.

                Nagluksa ang mga delegado ng nasabing kumperensiya. May ilan sa 300 delegado mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang naiyak pa. “Opisyal na itinatala ng Salinlahi ang ikasiyam na batang pinaslang sa ilalim ng administrasyong Aquino,” malungkot na wika ni San Miguel.

                Ang kumperensiya’y inilunsad ng iba’t ibang grupong tagapagtaguyod ng karapatan ng mga bata, sa pangunguna ng Salinlahi, Children’s Rehabilitation Center (CRC) at Gabriela. Inilunsad nila ito dahil mismo sa nakakaalarmang padron ng pagkakabiktima ng mga bata sa iba’t ibang proyekto’t patakaran ng gobyerno, kabilang na ang kampanyang kontra-insurhensiya na Oplan Bayanihan.

                Nagluksa ang mga delegado sa balita ng pagpaslang kay John Cali Lagrimas sa Tarlac dahil pamilyar ang istorya nito sa kanila.

Kaibigan sa Kubol

Nauna nang magsalita sa kumperensiya ang kinatawan ng iba’t ibang rehiyon hinggil sa mga kaso ng paglabag sa karapatan ng mga bata. Matapos ibalita ang naganap kay John Cali, isang 10-anyos na bata mula sa Hacienda Luisita, Tarlac, na si Jojie ang di nakatuloy sa pagtetestimonya. “Kaibigan ko siya, kasama ko siyang natutulog sa kubol,” kuwento ni Jojie

Hindi umano taga-Luisita si John Cali, pero sumasama siya sa kaniyang mga magulang na taga-Brgy. San Roque na sumuporta sa “bungkalan” ng mga magsasaka sa lupang inaangkin ng Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC). Sa bungkalang ito nakilala niya si Jojie.

  Hindi na makapagsalita ang batang si Jojie na nagmula sa Hacienda Luisita, nang mabalitaan niyang napatay ang kaniyang kaibigan sa demolisyon sa Tarlac habang nagaganap ang kumperensiya. (Macky Macaspac)

  Nasaksihan din ng dalawang bata ang tangkang pagbuwag noon sa mga kubol sa lugar ng bungkalan kung saan pinaputukan ng mga guwardiya ng RCBC ang mga magsasaka. Sa testimonya ni Jojie, sinabi niiyang hindi iyon ang unang pagkakataon na makasaksi siya ng karahasan. Apat na taon pa lang si Jojie nang masaksihan niya ang karahasan sa sarili niyang pamilya. “Noong bata pa ako, nasaksihan ko po kung paano binugbog ng mga tauhan ni Hen. Jovito Palparan ang aking papa. Nakita ko nung pinasubo nila ng silencer ng baril si papa,” ayon sa testimonya ng bata.

  Kuwento ni Jojie, hindi nila makakalimutan ni John Cali ang pananakot ng mga guwardiya ng RCBC. “Pinaputukan kami ng mga security guard ng RCBC nang limang beses. Takot na takot kami,” ani Jojie.

  Bahagi ang paglabag ng mga karapatan nina Jojie at John Cali ng malawakang paglabag sa karapatan ng mga bata sa Pilipinas.

  “Patuloy na pinapahirapan ang mga bata dahil sa patuloy na pagpapatupad ng gobyerno sa mga patakarang neo-liberal na nakapaloob sa programa at proyekto ni Pangulong Benigno Aquino III,” pahayag ng Salinlahi.

Patakarang  Neo-Liberal

Sa panayam ng Pinoy Weekly, sinabi ni San Miguel na layunin ng kumperensiya na ipakita na hindi nagbago ang kalagayan ng mga bata sa loob ng 19 taon matapos iproklama ng United Nations ang buwan ng Oktubre bilang buwan ng mga bata.

  “Hindi pa rin maganda ang kalagayan ng mga bata at nagpapatuloy ang paglabag sa kanilang mga karapatan,” aniya.  Nagsagawa ng pag-aaral ang Salinlahi hinggil sa epekto sa mga bata ng mga patakarang ipinatutupad ng gobyerno. Ayon dito, apektado ang 35.1 milyong bata sa 11.7 milyong Pilipino na walang trabaho. Dahil apektado umano ang mga bata sa kawalan o kakulangan ng trabaho ng kanilang mga magulang, napipilitan silang magtrabaho sa murang edad.

  Kahit sa datos ng International Labor Organization (ILO) at National Statistics Office (NSO), nasa limang milyon ang mga batang manggagawa, kalakhan nito’y nasa sektor ng agrikultura.

  Ayon sa Salinlahi, pinalala ng mga patakaran tulad ng liberalisasyon sa pangangalakal ang kalagayan ng mga bata. Sa pagpasok ng  imported  na mga produktong agrikultural partikular na ang galing sa bansang US, mistulang pinapatay nito ang lokal na agrikultura ng bansa.

Inihalimbawa ng grupo ang kalagayan ng mga manggagawang bukid sa malalaking plantasyon ng asukal sa Negros Occidental. Dahil sa walang habas na importasyon ng asukal, halos patayin na nito ang lokal na industriya. Dahil sa matinding kompetisyon, nagresulta ito ng pagpasok ng sistemang pakyawan sa mga manggagawang bukid sa mga asyenda.

Para sa Kagalingan at Karapatan ng mga Bata, kinuha noong July 2, 2014,
mula (http://pinoyweekly.org/new/2012/10/para-sa-kagalingan-at-karapatan-

ng-mga-bata/comment-page-1/

AKO PO’Y PITONG TAONG GULANG

Ako Po’y Pitong Taong Gulang

Hello. Ang pangalan ko po ay Amelia at nakatira ako sa isang isla sa Caribbean. Ako po’y pitong taong gulang. Noon po’y ibinigay ako ng aking mahihirap na magulang sa isang mayamang pamilya na nakatira sa lungsod.

Ngayon pong araw na ito, gaya ng ginagawa ko araw-araw, gumigising po ako ng alas singko
ng umaga. Umiigib ako ng tubig sa isang balon na malapit sa amin. Napakahirap pong balansehin ang mabibigat na banga sa aking ulo.  Pagkatapos po ay naghanda na ako ng almusal at inihain ko po iyon sa pamilyang pinaglilingkuran. Medyo nahuli nga po akong ng paghahain ng almusal, kaya pinalo po ako ng aking amo ng sinturon.

Pagkatapos po ay inihatid ko sa paaralan ang kanilang limang taong gulang na anak na lalaki. Sumunod po, tumutulong ako sa paghahanda at paghahain ng tanghalian ng pamilya. Kung hindi pa po oras ng pagkain, kailangan ko pong mamili ng pagkain sa palengke at gawin ang mga utos nila, asikasuhin ang apuyan, walisan ang bakuran, labhan ang mga damit at hugasan ang pinagkainan at linisin ang kusina.  Hinihugasan ko rin po ang mga paa ng aking among babae. Galit na galit po siya ngayong araw na ito at sinampal po niya ako dahil sa galit. Sana’y hindi na po siya galit bukas.
 
Ipinakain po sa akin ang kanilang natirang pagkain, mas mabuti naman po ito kaysa giniling na mais na kinain ko po kahapon.  Gula-gulanit po ang aking damit at wala akong sapatos. Hindi po ako kailanman pinayagan ng aking mga amo na ipaligo ang tubig na iniigib ko para sa pamilya. Kagabi po ay sa labas ako natulog, kung minsan po ay pinatutulog nila ako sa sahig sa loob ng bahay. Nakalulungkot pong isipin na hindi ako ang mismong sumulat nito. Ayaw po nila kasi akong payagang mag-aral.

Maging maayos po sana ang araw ninyo. Amelia

- Mula sa Filipino 2 Pagbasa at Pagsulat Tungo sa Pananaliksik.

2011. Lorimar Publication

Biyernes, Hulyo 3, 2015

PINAGMULAN NG MGA ISLA NG CARIBBEAN

Pinagmulan ng mga Isla ng Caribbean

Sa loob ng isandaang taon, ang  Caribbean Islands ay pinaninirahan ng tatlong pangunahing katutubong tribo- ang Arawaks, ang Ciboney at ang tribo na nagbigay ng pangalan sa isla, ang Caribs. Sinasabing sa pagdating ni Christopher Columbus ang unang European na nakarating sa isla ay nagkaroon ng dramatikong pagbabago sa kasaysayan ng Caribbean.  Ang Spain ang orihinal na umangkin sa buong isla. Hindi ito ikinasiya ng mga taga-isla na nakatira roon maging ng mga bansa sa Europa na nag-aagawan sa isla tulad ng France, England, Netherlands, at Denmark.





Samantala, ang mga taal na katutubong tribo na nakatira sa isla ay halos nalipol. Kung nalipol ang mga tao ng isla gayundin ang kanilang pamumuhay kaya ang kultura ng  Caribbean ay madalas na nagbabago.  Karamihan ng mga taga-isla ay naging biktima ng pang-aalipin kung kaya napalitan ang katutubong kultura mula sa Africa. Di-kalaunan ang mga labanan ay natigil at karamihan sa mga isla ay natahimik. Bagaman ang pang-aalipin ang sumisira sa plantasyon ng asukal at kape sa lugar, karamihan ng mga labanan ay natigil dahil ang mga bansa sa Europa ay humubog ng sarili nilang kultura sa mga sarili nilang teritoryo. 




History of Caribbean Island, kinuha noong Marso 3, 2014,
mula sa (http://www.destination360.com/caribbean/history

MALIGAYANG PASKO

Maligayang Pasko
ni Eros S. Atalia

Pinatay niya na ang sauce. Luto  na rin ang noodles ng spaghetti. Sinilip niya ang oven.  Paluto na ang lechon de leche. Nagniningning sa mantika ang hamon, hotdog at bacon. Nasa gitna na ng mesa ang mansanas, ubas, kahel at peras. Hiwa na rin ang keso de bola. Timplado na rin ang juice.  Inilagay na niya sa mesa ang morcon, lechon manok, embutido, paella at pinasingaw na sugpo. Naglagay siya ng tatlong pinggan, baso, kutsara at tinidor sa mesa. Pati na rin ang napkin.

Maya-maya, bitbit na niya ang isang supot.  Sa loob nito ay may ilang nakabalot na ulam.

Lumabas na siya ng bahay. Tinahak na niya ang nagniningning na lansangan.  Habang naglalakad, sinilip niya ang laman ng supot. May apat na balot. Hindi niya maaninag kung ano-ano ang laman ng mga ito. Pero tamang-tama sa anim niyang anak at sa kanilang mag-asawa ang bitbit na pabaong Noche Buena.

Bukas, araw ng Pasko, maaga siyang babalik upang maghugas ng pinagkainan.


- Mula sa Wag Lang Di Makaraos (Atalia, 2011)

KAHIRAPAN: HAMON SA BAWAT PILIPINO

Kahirapan: Hamon sa Bawat Pilipino
ni Manny Villar


Hindi nakapagtataka na ang bawat administrasyon ay nagsisikap na pagandahin ang larawan ng bansa sa kabila ng matitinding suliranin, pero kung minsan ay tila nakakainsulto dahil sa kalabisan.

Isang halimbawa ang mga ginawang pagbabago sa paraan ng pagtaya sa lawak ng kahirapan.

Isa sa mga binago ay ang pinakamababang komposisyon ng pagkain ng mga nasa Metro Manila upang ang isang pamilya ay hindi mabilang na dukha.

Sa dating panukat, ang  food threshold sa almusal ay tortang kamatis, sinangag, kape para sa matatanda at gatas para sa bata.

Sa bagong panukat, ang dapat ihain sa almusal ay pritong itlog, kape na may gatas at kanin. Wala na ang gatas para sa mga bata. Marami ring nawala sa bagong panukat para sa tanghalian, meryenda at hapunan.

Dahil sa mga pagbabagong ito, bumaba ang katumbas na sustansiya mula sa kinakain ng mga Pilipino para hindi mabilang na dukha.

Ibinaba rin ang poverty income threshold o ang halagang dapat kitain ng isang pamilyang may limang miyembro para hindi mabilang na mahirap, mula sa dating P7,953.00 hanggang P7,017.00.

Dahil sa mga pagbabagong ito, ang bilang ng mahihirap na pamilya ay bumaba mula 4.9 milyon hanggang 3.9 milyon, at ang bilang ng mamamayang dukha ay bumaba ng isang milyon – mula sa 24.1 milyon hanggang 23.1 milyon.

Sa aking pananaw, hindi malulutas ng anumang pagbabago sa panukat ang kahirapan. Kahit ang 23.1 milyong lugmok sa kahirapan ay napakalaking bilang pa rin.

Tinatalakay ko ang paksang ito hindi para tuligsain ang pamahalaan kundi para ipakita na ang kahirapan ay isang hamon na dapat harapin ng lahat ng mga Pilipino.

Ang unang hakbang para malutas ang kahirapan ay ang pagtanggap na ito ay suliranin ng bansa. Sa isang maysakit, walang magagawa ang sinumang manggagamot hangga’t hindi tinatanggap ng isang pasyente na siya ay maysakit.

Sa halip na pagandahin ang larawan ng kahirapan sa pamamagitan ng pagmamanipula sa mga panukat ay dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang mga proyektong makakalikha ng hanapbuhay, na magtataas ng antas sa pamumuhay ng bawat pamilyang Pilipino at sa bandang huli ay tunay na magpapababa sa bilang ng mahihirap.

Kahirapan Hamon sa Bawat Pilipino, kinuha noong Nobyembre 8, 2014
mula sa (http://www.balita.net.ph/2012/01/18/kahirapan-hamon-sa-bawat-pilipino/)

SIPI MULA SA TALUMPATI NI DILMA ROUSSEFF SA KANIYANG INAGURASYON

Sipi mula sa Talumpati ni Dilma Rousseff sa Kaniyang Inagurasyon
(Kauna-unahang Pangulong Babae ng  Brazil)
Enero 1, 2011
Isinalin sa Filipino ni Sheila C. Molina


Minamahal kong Brazilians,
Tinitiyak ng aking pamahalaan na lalabanan at susugpuin ang labis na kahirapan, gayundin, ang lumikha ng mga pagkakataon para sa lahat.

Nakita natin noon sa dalawang terminong panunungkulan ni Pangulong Lula kung paano nagkaroon ng pagkilos sa kamalayang panlipunan. Gayunpaman, nanatili sa kahihiyan ang bansa sapagkat hindi nawala ang kahirapan at nagkaroon ng mga hadlang upang patunayang maunlad na nga tayo bilang mamamayan.

Hindi ako titigil hangga’t may Brazilians na walang pagkain sa kanilang hapag, may mga pamilyang pakalat-kalat sa mga lansangan na nawawalan ng pag-asa, at habang  may mahihirap na batang tuluyan nang inabandona. Magkakaroon ng pagkakaisa ang pamilya kung may pagkain, kapayapaan at kaligayahan.  Ito ang pangarap na pagsisikapan kong maisakatuparan.

Hindi ito naiibang tungkulin ng isang pamahalaan, isa itong kapasiyahan na dapat gampanan ng lahat sa lipunan.  Dahil dito, buong pagpapakumbaba kong hinihingi ang suporta ng mga institusyong pampubliko at pampribado, ng lahat ng mga partido, mga nabibilang sa negosyo at mga anggagawa, mga unibersidad, ang ating kabataan, ang pamamahayag, at ang lahat na naghahangad ng kabutihan para sa kapwa.

Sa pagsugpo nang labis na kahirapan, kailangang bigyang priyoridad ang mahabang panahong pagpapaunlad. Ang mahabang panahong pagpapaunlad ay lilikha ng mga hanapbuhay para sa kasalukuyan at sa darating pang henerasyon.

Kailangan ang paglagong ito, kasama ang matatag na programang panlipunan upang malabanan ang hindi pantay na kita at pagkakaroon ng rehiyunal na pagpapaunlad.

Nangangahulugang ito at muli kong sasabihin na ang pagpapanatili ng katatagan ng ekonomiya ang pinakamahalaga.  Sa nakasanayan na natin, kasama ang matibay na paniniwala na sinisira ng inflation ang ating ekonomiya na nakakaapekto sa kita ng mga manggagawa. Nakatitiyak ako na hindi natin papayagan ang lasong ito na sirain ang ating ekonomiya at magdusa ang mahihirap na pamilya.

Patuloy nating palalakasin ang ating panlabas na pondo upang matiyak na balanse ang panlabas na deposito at maiwasan ang pagkawala nito. Gagawin natin nang walang pag-aalinlangan sa mga multilateral na paraan na ipaglaban ang maunladat pantay na mga polisiyang pang-ekonomiya, na pangangalagaan ang bansa laban sa hindi maayos na kompetisyon at dapat na maunawaan ang daloy ng kapital na ipinakikipaglaban.

Hindi natin pahihintulutan ang mayayamang bansa na pinapangalagaan ang sariling interes na nagpapahirap sa maraming bansa  sa mundo sa kabila ng kanilang sama-samang pagpupunyagi ay walang pagbabagong nagaganap.

Ipagpapatuloy nating mapahusay ang paggastos ng pera ng bayan.

Sa buong kasaysayan ng Brazil, pinili nitong itayo ang isang estado na nagbibigay ng mga pangunahing pangangailangan at kapakanan ng mamamayan.

Malaking halaga ang kakailanganin nito para sa lahat, ngunit nangangahulugan ito na may tiyak na pensiyon, unibersal na pangangalaga sa kalusugan at mga serbisyong pang-edukasyon.  Samakatuwid, ang pagpapaunlad ng serbisyo publiko ay kailangan habang isinasaayos natin ang paggastos ng pamahalaan.

Isa pang mahalagang salik sa maayos na paggasta ay ang pagpapataas ng antas ng pamumuhunan sa punto ng pangkaraniwang gastusin sa pagpapatakbo ng negosyo.  Mahalaga ang pamumuhunang pampubliko sa pag-iimpluwensiya sa pamumuhunang pampribado at kasangkapan sa rehiyonal na pagpapaunlad.

Sa pamamagitan ng Growth Acceleration Program at My House, My Life Program, pananatilihin natin ang pamumuhunan sa mahigpit at maingat na pagsusuri ng Pangulo ng Republika at ng mga Ministro.

Patuloy na magsisilbing instrumento ang  Growth Acceleration Program na pagtutulungan ng pagkilos ng pamahalaan at boluntaryong koordinasyon ng pamumuhunang estruktura na binuo ng mga estado at mga munisipalidad.  Ituturo rin nito ang pagbibigay ng insentibo sa pamumuhunang pampribado na pinahahalagahan ang lahat ng insentibo upang buuin ang pangmatagalang mga pondong pampribado.

 Ang  pamumuhunan sa World Cup  at Olympics ang magbibigay ng pangmatagalang pakinabang sa kalidad ng pamumuhay sa lahat ng bumubuo ng rehiyon.

Magiging gabay rin ang prinsipyong ito sa polisiya ng panghimpapawid na transportasyon.  Walang duda na dapat nang mapaunlad at mapalaki  ang ating mga paliparan para sa World Cup at Olympics.  Ngunit ang pagpapaunlad na nabanggit ay nararapat na isagawa na ngayon sa tulong ng lahat ng Brazilian.

Dilma Rousseff Inauguration Speech: Brazil’s First Female President Addresses
Congress in Brasilia, kinuha nong Pebrero. 26, 2014,
mula sa (http://www.huffingtonpost.com/2011/01/03/dilma-rousseff-

inaugurati_1_n_803450.html)

Huwebes, Hulyo 2, 2015

SINO BA SI DILMA ROUSSEFF?

Sino ba si Dilma Rousseff?

Noong Enero 1, 2011, nanumpa ang kauna-unahang babaeng pangulo ng Brazil matapos manalo sa eleksiyon noong 2010. Siya ay si Dilma Rousseff.  Isinilang siya noong Disyembre 14, 1947 sa Belo, Horizonte, Brazil.  Ang kaniyang ama ay isang Bulgarian at ang kaniyang ina ay isang  Brazilian. Estudyante pa lamang si Dilma ay naugnay na siya  sa isang militanteng sosyalistang grupo kung saan nakasama niya  si Carlos Araujo na kinalaunan ay siya niyang naging pangalawang asawa.  Noong 1970, dahil sa kaniyang pakikipaglaban sa diktaturyal siya ay nakulong na tumagal ng tatlong taon. Habang nasa kulungan, nakaranas siya nang labis na pagpapahirap tulad ng electric shocks. Nang siya ay makalaya, tinapos niya ang kaniyang pag-aaral (1977) at pumasok sa lokal na politika bilang kasapi ng Democratic Labor Party. Sa loob ng dalawang dekada, ginampanan ni Rousseff ang pagiging consultant at mahusay na tagapamahala ng partido.

Nang mangampanya si Luis “Lula” de Silva bilang pangulo noong 2002, kinuha niya si Rousseff bilang consultant. Matapos ang eleksiyon hinirang siya bilang Minister ng Enerhiya. Dahil sa kaniyang kahusayan sa hinawakang posisyon, siya ay kinuha ni Pangulong “Lula” bilang Chief of Staff noong 2005 hanggang mapagdesisyunan niyang tumakbo sa eleksiyon bilang kahalili ni “Lula” noong 2010.

Biography of Dilma Rousseff, kinuha noong Marso 1, 2014,
- Mula sa (http://www.infoplease.com/biography/var/dilmarousseff.html)