Martes, Agosto 11, 2015

AKASYA O KALABASA

Akasya o Kalabasa
Consolation P. Conde
        
Hindi maikakaila na kung malaki ang puhunan ay maaaring tumubo rin iyon nang malaki kaysa maliit ang naturan. Gayundin ang paghahanda at pagpupunyagi ng tao na pinamumuhunanan ng puu-puung taong pag-aaral at pagpapakasakit. Karaniwan nang sa may mataas na pinag-aralan ay maamo ang kapalaran. At ito’y maitutulad din nga sa paghahalaman.

                Pasukan na naman. Nagbukas na ang mga pamantasan at matataas na paaralan sa Maynila.

                Samantala, sa nayon ng Kamias, hindi kalayuan sa lungsod…

                Maagang nagbangon nang umagang yaon si Aling Irene at inihanda kapagkaraka ang mga pangangailangan ng kabutong anak na si Iloy. Si Mang Simon naman ay hindi muna nagtungo sa linang upang samahan sa pagluwas ang anak na pag-aaralain sa Maynila.

                Awa naman ng Diyos ay maluwalhating nakarating sa lungsod ang mag-ama. Isang balitang paaralang sarili ang kanilang tinungo agad. Dinatnan nila ang tagatala na abalang-abala sa pagtanggap ng di-kakaunting mga batang nagsisipagprisinta.

                Nagpalinga-linga si Mang Simon. Nang makita ang babalang nakasabit sa may pintuan ng Tanggapan ng Punung-guro ay kinawit sa bisig si Iloy. “Halika at makikipag-usap muna ako sa punung-guro.”

                “Magandang umaga po sa kanila,” panabay na bating galang ng mag-ama.
                “Magandang umaga po naman,” tugon ng punung-guro na agad namang nagtindig sa pagkakaupo at nag-alok ng upuan. “Ano po ang maipaglilingkod ko sa kanila?”

                “E, ibig ko po sanang ipasok ang aking anak dito sa inyong paaralan.”

                “A, opo. Sa ano po namang baitang?” usisa ng punung-guro.

                “Katatapos pa po lamang niya ng elementarya sa aming nayon noong nakaraang Marso,” paliwanag ni Mang Simon.

                “Kung gayon po’y sa unang taon ng haiskul, ano po?”

                “Ngunit… ibig ko po sanag malaman kung maaaring ang kunin na lamang niya ay isang maikli-ikling kurso ukol sa isang tanging karunungan upang siya’y makatapos agad, maaari po ba?”

“Aba, opo,” maaga pa na tugon ng punong-guro. “Maaaring ang lalong pinakamaikling kurso ang kaniyang kunin. Iyan ay batay sa kung ano ang gusto ninyong kalabasan niya. Kung ang nais ninyo ay magpatubo ng isang mayabong na punong akasya, gugugol kayo ng puu-puung taon, subalit ang kakailanganin ninyo ay ilang buwan lamang upang makapaghalaman kayo ng isang kalabasa.”

                Dili di natubigan si Mang Simon sa huling pangungusap ng punong-guro. Gayundin si Iloy. Pagkuwan ay nagbulungan ang mag-ama.


                At… umuwi nang nag-iisa si Mang Simon. Habang naglalakbay na patungong lalawigan ay tatambis-tambis sa sarili: “A, mabuti na nga ang kunin niyang buo ang kurso sa haiskul at saka na siya kumarera. Higit na magiging mayabong ang kaniyang kinabukasan.”
  - Mula sa Diwang Kayumanggi. 1970

3 komento:

  1. Gusto lang iparating ng kuwento na ang pag-aaral ay dapat hindi minamadali dahil lahat ng pinaghihirapan o ginagawa ng bawat tao ay may karampatang resulta. Sinabi ng punung-guro na pede siyang magbigay ng isang maikling kurso, yun ay kung ayos lang sa magulang ni Iloy na magkaroon ng hindi gaanong magandang bunga ang pag-aaral ng bata, gaya ng pagtatanim ng kalabasa. Madaling itanim at tumubo ngunit hindi ganoon kalago, samantalang ang mahabang proseso ng pagtatanim at pagpapatubo ng akasya ay "worth it" sa paglago nito. Ganiyan ihinambing ng may-akda ang akasya at kalabasa sa pag-aaral.

    I hope this will help you... :)

    TumugonBurahin