Martes, Agosto 11, 2015

ANG ALAGA

Ang Alaga
ni Barbara Kimenye
Isinalin sa Filipino ni Prof. Magdalena O. Jocson

Naniniwala si Kibuka na hindi para sa kaniya ang pagreretiro. Isa siyang mapagkakatiwalaang kawani sa Ggogombola Headquarters. Hanggang isang araw, may pinapunta mula sa Komisyon ng Serbisyo Publiko sa kanilang tanggapan upang alamin kung sino ang mga kawaning dapat nang magretiro. Ang sumunod na pangyayari sa likod ng maitim na kulay ng kaniyang buhok, may pensiyon na siya, may Sertipiko ng Serbisyo, at wala ng trabaho.

                Sa pagkakaretiro niya, nag-aalala pa rin siya kung paano ginagawa sa kasalukuyan ang dati niyang trabaho. Minsan, ipinatawag siya sa dati niyang tanggapan upang tingnan kung kailangan ng kaniyang kapalit ang payo at tulong. Hindi siya makapaniwala sa nadatnan niyang makalat na mga papeles at napatunayan niya ang kawalan ng kaayusan. Sa buong paligid ng tanggapan, nagkalat din ang iba’t ibang papeles, maging ang mga kompidensiyal na papeles na hindi dapat makita ng kung sino-sino ay nababasa na ng lahat. Sa ganitong sitwasyon tila walang pakialam ang kaniyang kapalit. Mas binibigyang-pansin pa nito ang pakikipag-usap sa telepono habang napaliligiran ng ilang babae.

                Hindi naging maganda ang pagpunta niya sa dating tanggapan. Maging ang dati niyang mga kasamahan ay hindi na interesado sa sinasabi ni Kibuka.

                Ngayon, gugugulin niya ang kaniyang buhay sa maliit niyang dampa sa tabi ng ilog sa Kalansanda na maraming muling babalikan ngunit hindi gaano sa kaniyang haharapin. Nagkataon pa na ang matalik niyang kaibigan na si Yosefu Mukasa ay nasa Buddu Country para sa pagnenegosyo. Naiisip ni Kibuka na kaawa-awa na siya at mabuting mamatay na lamang. Paulit-ulit niya itong naiisip habang nag-iinit ng tubig para sa iinuming tsaa. Sa ganoong sitwasyon, nakarinig siya ng tunog ng paparating na kotse. Sabik niyang tinungo ang pinto ng bahay upang alamin kung sino ang dumating. Siya ang pinakamatanda sa kaniyang mga apo, mataas, payat, at kaboses ni Kibuka.

                Masayang-masaya si Kibuka habang nanginginig na niyakap ang apo.

                “Napakagandang sorpresa! Tuloy ka mahal kong apo, tamang-tama naghanda ako ng maiinom na tsaa.”

                “Lolo, sandali lang po ako. Hindi po ako magtatagal. Tiningnan ko lamang po ang katayuan ninyo at dinalhan ko po kayo ng pasalubong.”

“Napakabuti mo, aking apo. Ang biglang pagbisita mo at may pasalubong pa ay lubha kong ikinatuwa.” Dahil dito, nabaligtad na lahat ang hindi niya magagandang naiisip tungkol sa buhay, puno na siya ng kapanabikan.

                “Isang biik ang pasalubong ko po sa inyo mula sa Farm School. Hindi na siya mapakain doon at naisip ko na baka gusto ninyong mag-alaga nito.”

                Kinuha ng apo ni Kibuka ang itim na biik.

                Tuwang-tuwa si Kibuka. Ngayon lang siya nakakita ng napakaliit na biik. Sampung minuto ang ginugol niya para tingnan ang kabuuan ng biik: ang mapupungay na mata, mga kuko sa paa, at pagwagwag ng buntot. Masayang nagpaalam si Kibuka sa apo at habang kumakaway siya rito, sumisiksik naman sa kaniyang dibdib ang biik.
                Sinabi niya sa apo na dadalhin niya sa Markansas ang biik at kakausapin si Miriami na ihanda ang biik bilang espesyal na pagkain sa hapunan para sa pag-uwi ni Yosefu.

                Nagdalawang-isip si Kibuka para sa planong gagawin sa biik sapagkat sunod nang sunod ang biik at bawat pag-upo niya laging nasa paanan niya ito. Hindi ito umaalis sa tabi niya. Parang taong nakikinig sa bawat sasabihin ni Kibuka.

                Pagdating ng gabi, biglang maiisip ni Kibuka na pakainin ang biik ng tirang pagkain sa sarili niyang pinggan, bukod pa sa talagang kinakain niyon. Pagkalipas ng ilang araw, lumalaki na ang biik, malakas nang kumain at kailangang manguha ng matoke si Kibuka sa mga kaibigan at kapitbahay.

                Nalaman na sa buong Kabzanda na may alagang baboy si Kibuka. Mula noon, hindi na nagbabahay-bahay si Kibuka upang manguha ng matoke para sa alaga niyang baboy sapagkat ang mga babae at bata na nag-iigib ng tubig na malapit sa bahay ni Kibuka ang nagdadala na ng mga matoke. Nagiging dahilan iyon upang makita at makipaglaro sila sa alagang baboy ni Kibuka. Para na nilang kamag-anak ito na sinusundan at inaalam ang paglaki nito.

                Ito lamang ang baboy na napakalinis dahil naaalagaan ito nang maayos. Dahil dito, pinapayagan ni Kibuka na matulog ito sa kaniyang paanan bagaman ingat na ingat siya na malaman ito ng kaniyang mga kapitbahay. Naging mabilis ang paglaki ng alagang baboy. Lumaki ito sa maayos na kapaligiran at higit sa lahat, napamahal na iyon kay Kibuka.

                Sa paglipas ng mga linggo, habang lumalaki ang alagang baboy, maraming problema ang dumarating. Halimbawa, kailangan na nang mas maraming pagkain at hindi naman ganoon karami ang makukuha sa mga kapitbahay kaya kapag wala nang makain ang baboy, pupunta ito sa shamba ng mga kapitbahay at kakainin ang tanim na mga gulay at kape. Maging si Kibuka ay naninimot sa sarili niyang mga pagkain maibigay lamang sa alagang baboy.

  Hindi na rin gusto ni Kibuka na natutulog sa kaniyang paanan ang alagang baboy gaya noong biik pa lamang ito. Ngayon, napakalakas niyong maghilik na nakapagpapapuyat kay Kibuka. Isang mabigat na desisyon na hindi na magtatagal ay ilalabas na niya ang alagang baboy at itatali na lamang sa puno.Kung sino kaya ang magdurusa, si Kibuka o kaniyang alagang baboy ay mahirap na sagutin. Walang malayang alagang baboy at si Kibuka lamang ang makapagsasabi.

                Sa araw, malayang nakagagala pa ang baboy, bagaman laging nahuhulog sa ilog.

                Hindi tiyak ang lalim ng ilog sa Kalansanda. Karaniwang naliligo o nagtatampisaw ang mga taga-Kalansanda sa nasabing ilog. Minsan, kapag umuulan, malakas ang agos ng tubig na maaaring madala nito ang isang bata. Ibig na ibig ng alagang baboy na magtampisaw rito. Naglalaro sa imahinasyon ni Kibuka na baka paglaruan ang alagang baboy ng mga batang naglalaro na maaaring hulihin at dalhin sa gitna ng ilog at lunurin ang baboy.

                Para hindi ito mangyari, tuwing magdidilim na, pinapasyal niya ang alagang baboy na kinasanayan nang makita ng mga taga-Kalansanda at tanging hindi  mga tagaroon ang tila nagugulat sa ginagawa niyang pagpasyal sa alagang baboy habang may tali ito. Naging magandang ehersisyo ito ni Kibuka dahil sa pananakit ng kaniyang mga kalyo na sa bawat hakbang niya upang masiyahan ang alagang baboy ay katumbas naman ng labis na sakit ang dulot sa kaniya na halos ikaiyak niya. Sinabi niya kay Daudi Kulubya na nagmamalasakit sa papilay-pilay niyang lakad na nasisiyahan naman siya sa ginagawa niya sa alagang baboy. Masaya siyang uuwi at ibababad ang mga paa sa isang palanggana ng mainit na tubig ng isang oras. Hindi na niya iisipin ang pananakit ng kaniyang mga kalyo.
                Gaano pa katagal ang ganitong sitwasyon? May mga pagkakataon na kinakausap ni Kibuka ang ilang kilala niyang bumibili ng alaga niyang baboy. Ngunit ang pagmamahal sa alagang baboy ang namamayani kay Kibuka kaya hindi niya ito maipagbibili dahil para na rin itong pagtataksil sa alaga.

                Isang araw, habang papunta si Kibuka sa Sagradong Puno at habang naghahalukay sa kumpol ng mga sanga ang alagang baboy, isang di inaasahang pangyayari ang naganap. Si Kibuka, ang alagang baboy, at ang drayber ng isang motorsiklo ay tumilapon sa iba’t ibang direksiyon. Nasagasaan sina Kibuka at alagang baboy ng isang motorsiklo. Nang magkamalay na siya, natuwa siya sapagkat buo pa rin ang kaniyang katawan maliban sa isang balikat na sumasakit at dugo sa mga kamay niya. Nakilala niya ang drayber na si Nathaniel Kiggundu na tila hindi naman gaanong nasaktan. Inalis niya ang mga damong nakatabon sa kaniyang mukha at makikita ang mahabang punit ng pantalon sa tapat ng isa sa kaniyang tuhod.

                Mula sa kung saan, narinig nila ang napakalakas na iyak ng alagang baboy ni Kibuka at doon nagpunta ang dalawang lalaki. Pagdating nila, ay umiiyak ang baboy dahil sa pagkakaipit ng leeg nito at namatay na. Totoong nakasama kay Kibuka ang aksidente na nag-iwan sa kaniya ng kondisyong walang katiyakan. Habang nakaupo siya sa tabi ng namatay na alagang hayop, iniisip niya ang kasunod na mga pangyayari. Marami nang taong nag-uusyoso, titingnan si Kibuka at namatay na alagang hayop at pagkatapos ang motorsiklo naman ang kanilang titingnan. Dumating si Musisi, ang
Hepe ng Ggogombola. Kinuha ang pahayag ni Kiggundu at pagkatapos nilapitan si Kibuka at pinipilit na isakay sa kaniyang sasakyan upang iuwi sa bahay niya.

                “Sir, mukhang hindi pa maganda ang lagay ninyo, bukas na lang kayo kukunan ng pahayag. Magpahinga muna kayo.” “Pero hindi ko maaaring iwanan ang namatay kong alagang baboy.”

                “Maaari po nating ilagay sa likod ng aking sasakyan kung ibig po ninyo. Mas mabuti sana kung puputol-putulin na ito ng matadero dahil hindi na ito maaaring magtagal sa klase ng klima ngayon.”

                Kailanman ay hindi pumasok sa isipan ni Kibuka na kainin ang alagang hayop. Iniisip niya kung saang bahagi ng  shamba ililibing ang alagang hayop. Sinabi niya  na ang pagkain ng isang napamahal na alaga ay isang barbarong gawain. Naiisip niya na naghuhukay na siya ng paglilibingan ng alaga. Natitiyak niyang hindi siya tutulungan ng mga taga-kalsada na gawin ito. Sa bandang huli, naisip niya na bakit hindi magkaroon ng bahagi ang kaniyang mga kapitbahay sa namatay niyang alaga. Sila naman ang nagpakain sa nasabing alaga.

                Dinala sa Ggogombola Headquarters ang nasabing alaga ni Kibuka at ipahahati-hati ito sa askaris na naroon. Sinuman ang may gustong kumain ng baboy ay pumunta roon bago mag-ikapito ng gabi, ayon kay Musisi na siya nang nag-asikaso sa namatay na baboy.

                Sa pagbalik ni Kibuka sa kaniyang tahanan, ginamot niya ang kaniyang balikat ng gamot na karaniwang ginagamit niya sa anumang sakit na nararanasan niya. Umupo sandali habang umiinom ng tsaa. Maaga siyang natulog at nagising sa magandang sikat ng araw. Nasabi niya sa kaniyang sarili na ito ang pinakamaganda niyang pagtulog at nasiyahan siya pagkatapos ng maraming buwan na nagdaan. Dumating si Musisi habang papaalis na si Kibuka upang tingnan kung ang pata ng alaga niyang baboy ay nadala kay Yosefu at Miriamu.

                “Hindi pa, Sir, ngayon ko pa lamang dadalhin doon, ibig ba ninyong sumabay na sa akin pagpunta roon?”

                Pumayag si Kibuka na makisabay. Tinanggihan naman niya ang laman ng baboy na dinala sa kaniya ni Musisi.

                “Sa iyo na iyon, anak, hindi ako mahilig kumain ng baboy.”  Kinuha ni Miriamu ang pata ng baboy at ang interes naman ni Yosefu ay ang mga detalye ng aksidenteng naranasan ni Kibuka. Pinilit ni Yosefu at Miriamu na mananghalian sa kanila ang dalawa. Ngunit kailangang dumalo sa isang pulong ni Musisi sa Mmengo, kaya si Kibuka na lamang ang iniwan. Maraming napag-usapan sina Kibuka at Yosefu. Matagal silang hindi nagkita kaya magiging masarap ang pagkain nila ng pananghalian.

                “Talagang napakahusay mong magluto, Miriamu,” wika ni Kibuka habang naglalagay ng maraming pagkain sa kaniyang pinggan.”

                “Napakalambot ng karne ng baboy na iyon na parang isang manok at napakasarap pa,” pahayag naman ni Miriamu.


                May ilang sandali na nalulungkot siya sapagkat alam niya na karne ito ng mahal niyang alaga at masaya niyang kinakain ito. Ngunit sandali lamang ito at patuloy pa rin niyang nilalagyan ng karne ang kaniyang pinggan. Natatawa siya sa sarili at alam niya na hindi na siya maglalakad tuwing hapon at sa halip makakatulog na siya nang maayos.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento