Martes, Agosto 11, 2015

SA LOOB NG LOVE CLASS

Sa Loob ng Love Class
ni Eric O. Cariño

Lunes na naman. At tulad ng iba pang mga Lunes na nagdaan sa mga nakalipas na mga linggo, wala itong ipinagkaiba. Muli na naman akong maghahanda para sa isang buong linggong pakikipagsapalaran sa piling ng mahigit dalawandaang mag-aaral – ng iba’t ibang mag-aaral na may iba’t ibang kuwento rin ng buhay.

Pagkatapos ng maikling programa upang ianunsiyo ng iba’t ibang departamento ang nakamit na parangal sa mga paligsahang dinaluhan at pinanalunan, sabay-sabay naming tutunguhin kasama ng aking advisory class ang aming silid-aralan sa unang palapag sa gusali ng JDV. Doon ang aming kaharian at lugar na tinatahanan.

Payak lamang ang maraming pangyayari sa aming klase sa araw-araw na nagdaraan. Kung hindi man aralin sa mga pahina ng aklat ang aming pinag-aaralan, sama-sama kaming nakikipagsapalaran upang tuklasin at pag-aralan ang tungkol sa buhay-buhay – ng kanilang mga problema sa buhay, sa pamilya, sa mga kaibigan, at maging sa mga napupusuan. At ang tanging pang-aliw na ginagawa ko sa kanila ay ang busugin sila ng maraming katatawanan, punchline, at mga joke upang kahit sa sansaglit makita nilang masaya ang buhay at may mga dahilan para tumawa at maging maligaya.

Halos lahat ng mga mag-aaral ko sa aking klase ay malapit sa akin at “in love” ako sa kanila – isang kakaibang uri ng pagmamahal na nasa hanggahan ng pagiging nakatatandang kapatid at tapat na kaibigan sa kanila.

Kinaibigan ko ang marami sa kanila at sinadya ko iyon sapagkat sa paraang iyon ko maaaring mapasok ang buhay at maintindihan ang pagkatao ng ilan sa kanila.

Hindi ko lubos na maunawaan kung bakit madalas silang taguriang “pasaway” – mga hanay ng mag-aaral na madalas ay ituring ng iba pa nilang mga guro bilang “problem students,” mga tinaguriang  trouble makers ng taon dahil sa maraming negatibong komento sa kanila. Ngunit hindi sa klase ko. Hindi ko kailanman tinitingnan ang kapintasang ipinupukol sa kanila bilang isang negatibong puwersa upang kamuhian ko rin sila. Marahil kung katulad din ako ng iba nilang mga guro, sino pa kaya ang magmumulat sa kanila na kailanman ay hindi sila pasanin sa loob ng eskuwelahan? Sino pa ang magpapaunawa sa kanila na sila ay mga espesyal na indibidwal at maaaring kapakinabangan ng lipunan sa paglipas ng mga taon? Sila ay mga bata at nangangailangan ng paglingap na hindi nila maramdaman o makita sa kanilang sariling mga tahanan.

Marami sa mga mag-aaral sa aking klase, kung hindi man produkto ng broken family ay walang mga magulang na kumakalinga sa kanila. Mga batang napapabayaan.

Alam ko iyan at nalaman ko iyan nang minsang dinalaw ko at nagsagawa ng home visit  at background check. Doon, namulat ang aking isipan sa masaklap na karanasan ng kabataang ito – bagay na hindi alam ng iba pa nilang mga guro.

Ikinalungkot ko ang mga pangyayari sa buhay ng ilan sa aking mga mag-aaral. Si Aldrin, iniwan ng kaniyang ina, nangibang-bansa at iniwan sa  pangangalaga ng isang malayong kamag-anak. Sinasaktan siya ng pinag-iwanan sa kaniya kaya’t lumayas siya at nakikitira ngayon sa mga kaibigan. Napasok ko rin ang buhay ni Sarah na minsan o dalawang beses lamang nakapapasok sa eskuwela. Nalaman ko sa kaniyang ina na siya lamang ang nakatutulong niya sa pag-aalaga sa apat pang maliliit na kapatid habang sila ay nasa bukid. Si Miguel naman, bagsak sa mga major subject niya dahil sa gabi-gabing pagpupuyat sa pagtitinda ng lugaw at kape sa plasa. Ang plasa ay buhay at pinagkukunan niya ng pang-agdong buhay sa piling ng paralisadong ama. Lalo pang kinurot ng malungkot na kapalaran ni Jessa ang aking damdamin nang mabatid kong dalawang buwan siyang buntis sa kaniyang lasenggong tiyuhin. Ang masaklap pa nito, hindi alam ng kaniyang mga magulang ang pangmomolestiya nito sa kaniya. Pinagkunan na niyang minsan ng mga halamang-ugat si Aling Loring upang wakasan ang buhay ng nasa kaniyang sinapupunan subalit napigilan lamang siya ng kaniyang kasintahan. Lahat ng mga pangyayaring ito ay hindi lantad sa paningin ng marami sa aking mga kasamahang guro. Isang maling panghuhusga ang walang kabutihang maitutulong sa kanila upang kahit papaano’y malaman nila na kailanman ay hindi sila pasanin at may mabibigat na problemang dinadala.


Ang lahat ng katotohanang natuklasan ko ay ikinabahala ng aking mulat na pang-unawa. Simula noon, tinalikdan ko ang pagtuturo lamang ng mga aralin at sinimulan ko silang turuan ng mga aralin tungkol sa buhay, ng mga aralin sa labas ng paaralan, at ng mga karanasan na wala sa mga pahina ng mga aklat. Nagbago ang aking pananaw at doon ko sinimulang iparamdam ang higit na pagmamahal, pag-unawa at pagkalinga sa kanila. Ang tanging kailangan lamang nila ay isang pusong magpaparamdaman at magpapaunawa sa kanila na higit pa palang mas mahirap ang mga aralin sa buhay na kinakaharap nila kaysa mga leksiyon sa Agham, Ingles, o Matematika. Doon ko lubos na naunawaan ang kuwento ng kanilang buhay na salat sa pagmamahal. Dito man lamang sa loob ng pangalawa nilang tahanan maramdaman nilang ang mga “problem maker” ay maaari namang maging “dream makers.”

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento