Martes, Agosto 11, 2015

PAGLISAN (BUOD)

Paglisan (Buod)
Things Fall Apart ni Chinua Achebe
Isinalin sa Filipino ni Julieta U. Rivera

Si Okonkwo, isang matapang at respetadong mandirigma, nagmula sa lahi ng mga Umuofia, isang hindi gaanong kilala at hindi kalakihang tribo sa Nigeria. 

Labingwalong taong gulang noon si Okonkwo nang matalo niya sa isang labanan si Amalinze, ang Pusa. Dahil dito kinilala ang katapangan ni Okonkwo mula Umuofia hanggang Mbaino.  Sa  maraming pagkakataon, ipinamalas ni Okonkwo ang kaniyang katapangan upang mapagtakpan ang laman ng kaniyang dibdib laban sa kaniyang ama, si Unoka na sa kaniyang tingin ay mahina at talunan. Walang nagawang mahusay ang kaniyang amang si Unoka dahil sa kaniyang katamaran. Sa halip, puro kahihiyan ang iniwan nito sa kanilang pamilya sapagkat nag-iwan pa ito ng maraming utang sa mga kanayon bukod pa sa pinabayaan niya ang kaniyang pamilya. Ang naging buhay na  ito ni Unoka ay laban kay Okonkwo. Kaya pinatunayan niyang naiiba siya sa kaniyang ama. Para patunayan ang kaniyang kakayahan sa pamumuno, pinamahalaan niya ang siyam na nayon. At siya ay nagtagumpay. Tatlo ang kaniyang naging asawa, nakapundar ng mga ari-arian na nagpapatunay lamang ng kaniyang pagiging masipag. Naging matapang na mandirigma at makapangyarihan siya sa buong nayon. Dahil dito, siya ay kinilalang lider ng kanilang tribo.

Dahil sa kaniyang kakayahan sa pamumuno, pinili si Okonkwo ng mga kanayon upang ipagtanggol si Ikemefuna, ang lalaking kinuha bilang tanda ng  pakikipagkasundo sa kapayapaan sa pagitan ng Umuofia at isang nayon pagkatapos mapatay ng tatay ni Ikemefuna ang isang babaeng Umuofian. Tumira ang batang lalaki kina Okonkwo. Naging magiliw at magkasundo naman ang dalawa. Itinuring ng bata si Okonkwo bilang pangalawang magulang. 

Isang araw, lihim na ipinaalam  ni Ogbuefi Ezeudu, isa sa matatandang taga-Umuofia, ang planong pagpatay kay Ikemefuna. Binalaan ni Ezeudo na huwag makialam sa planong ito si Okonkwo. “Hindi ka dapat makialam  sa isasagawang iyon ng  kalalakihan ng Umuofia sapagkat isang ama na ang turing ni Ikemefuna sa iyo,” wika ni Ogbuefi Ezeudu kay Okonkwo. Dahil dito, gumawa ng paraan si Okonkwo.  PInaniwala niyang ihahatid na si Ikemefuna sa kaniyang tunay na ina. Naglakbay ang bata kasama ang ilang kalalakihan ng Umuofia. Sa gitna ng kanilang paglalakbay, sinugod ng mga kasamang lalaki si Ikemefuna upang patayin ngunit nakatakas ang bata. Nagpasaklolo ito sa kaniyang ama-amahan. Noon ay nasa harapan ng mga katribo si Okonkwo upang mapanatili ang ipinakitang katapangan, tinaga niya ang bata sa harapan nila sa kabila ng paghingi ng awa sa itinuring na ama. Nakalimutan ni Okonkwo ang naging usapan nila ni Ogbuefi Ezeudu. Umuwi si Okonkwo na mag-isa. Wala na ang batang tumulong at gumabay sa kaniya. Naging simula naman iyon ng malaking pagbabago kay Okonkwo. Hindi na siya makakain, hindi na makatulog, hindi na rin makapag-isip nang maayos.  Ramdam niya sa kaniyang sarili ang depresyong siya rin naman ang may pagkakamali  kaya’t upang maibsan ang kapighatian at huwag matulad sa kaniyang ama na isang sawi ay nagtungo siya sa kaniyang kaibigang si Obierika. Humingi siya ng payo rito  at nakaramdam naman siya ng kaunting gaan ng loob. Nagkasakit naman noon si Ezinma, anak na babae ni Okonkwo, ngunit gumaling din sa tulong ng mga halamang gamot na ipinanlunas ng kaniyang ama.

Lumipas ang panahon, nabalitaan ni Okonkwo na namatay si  Ogbuefi Ezeudu. Nakaramdam  ng konsensiya  si Okonkwo sapagkat nang huling makausap niya ito  ay noong bigyan siya nito ng babala tungkol sa pagkonsulta sa orakulo na papatayin si Ikemefuna. Pinuno ng malalakas na tunog ng tambol na sinasabayan ng alingawngaw ng  malakas na putok ng baril ang maririnig  sa paligid habang nakaburol si Ogbuefi Ezeudu.  Kagimbal-gimbal na trahedya ang bumulaga sa lahat ng mga naroroon nang pumutok ang baril ni Okonkwo at tamaan ang labing-anim na taong gulang na anak ng yumao. Dahil dito, kailangang pagbayaran ni Okonkwo ang nagawang kasalanan laban sa kaniyang kaangkan. Isang malaking pagkakasala sa diyosa ng Lupa ang pumatay at makapatay ng kauri. Hinakot lahat ni Okonkwo ang kaniyang mga ari-arian at mahahalagang kagamitan at nagtungo sa Mbanta, lugar ng kapanganakan  ng kaniyang ina dala ang kaniyang buong pamilya. Sinunog ang mga natirang hayop, kubo, at mga naiwang pag-aari ni Okonkwo tanda ng paglilinis sa buong pamayanan sa kasalanan nito. Malugod naman silang tinanggap ng mga kaanak higit lalo ang tiyuhin nitong si Uchendu. Tinulungan nila sina Okonkwo na makapagpatayo ng kanilang munting pamayanan at pinahiram ng mga butil na pagsisimulan ng kanilang munting kabukiran. Malagim at mahirap man ang sinapit ni Okonkwo, pinilit niyang tanggapin ang lahat at muling magbalik sa kung saan siya nagmula. 

                Dumaan ang dalawang taon ng pagkakapatapon kina Okonkwo. Sa mga taong iyon matiyagang kinukuha at inaani ni Obierika ang mga pananim ni Okonkwo sa dating lugar. Ibinebenta niya ito at ibinibigay ang pinagbilihan kay Okonkwo. Buong sipag niya itong ginagawa hanggang sa makabalik na si Okonkwo sa Umuofia. Isang masamang balita naman noon ang ipinabatid ni Obierika nang minsang nagdala siya ng pinagbilhan kay Okonkwo. Winasak daw  ng mga puti ang Abame, isa ding pamayanan ng mga Umuofia. 

                Hindi naglaon, may mga dumating na misyonero sa Mbanta.  Sa tulong ng isang interpreter na si G. Kiaga, kinausap ni G. Brown, lider ng mga misyonero ang mga taga-Mbanta. Ayon sa kanila, ang pagsamba sa mga diyos-diyosan ay isang malaking kasalanan at hindi katanggap-tanggap sa  simbahan. Lalong  hindi  maunawaan ng mga taga-Mbanta kung paanong  ang Tatlong Persona ay naging iisang Diyos katulad ng ipinaliliwanag ng mga misyonero tungkol sa dapat na pagsamba sa iisa lamang na Panginoon. Layunin ng mga misyonero na dalhin ang Kristiyanismo sa Mbanta at hindi ang tuligsain sila. Nagkasakit si G. Brown at pinalitan ni Rev. James Smith, isang malupit at bugnuting misyonero. Nagkaroon ng relihiyon ang mga taga-Mbanta. Habang isinasagawa ang taunang seremonya para sa pagsamba sa Bathala ng Lupa hinablot ni Enoch ang takip sa mukha ng isang Egwugwu, katumbas ng pagkitil sa espiritu ng mga ninuno. Kinabukasan, sinunog ng Egwugwu ang tahanan ni Enoch at ang simbahang itinayo nina Rev. Smith.

                Ikinapanlumo ng Komisyoner ng distrito ang naganap na panununog sa kanilang  simbahan. Dahil dito humiling siya ng pakikipagpulong sa pinuno ng mga Umuofia. Sa pulong, pinosasan ang mga dumalong pinuno ng mga Umuofia at ikinulong. Nakatikim ng pandudusta, masasakit na salita at pang-aabuso ang mga pinuno ng Umuofia.

                Pagkatapos mapalaya ang mga bilanggo, agad silang nagpulong at napagkasunduang tumiwalag. Inakala ni Okonkwo na nais ng mga kaangkan na maghimagsik kung kaya’t gamit ang machete pinatay niya ang pinuno ng mga mensaherong lumapit sa mga kaangkan niya. Hinayaan naman ng tao na makatakas ang iba pang mensahero at doon napagtanto ni Okonkwo na hindi handa ang kaniyang mga kaangkan sa isang giyera.

Dumating sa lugar ni Okonkwo ang Komisyoner ng Distrito upang imbitahan siya sa isang pagdinig sa korte subalit  natagpuan na lamang niyang nakabitin si Okonkwo. Nagpatiwakal si Okonkwo.  Ibinaba nina Obierika ang katawan ni Okonkwo. Gumimbal sa buong nayon ang nangyaring ito  sapagkat kinikilala nila na ang pagpapatiwakal ay isang malaking kasalanan at bukod dito si Okonkwo ay nakilala sa pagiging matapang at malakas. “Ang taong iyan ay kilala at tanyag sa buong nayon, dahil sa kaniyang ginawang pagpapatiwakal, matutulad lamang siya sa isang inilibing na aso.” Sabi ni Obierika, ang kaniyang kaibigan.



- Mula sa Elements of Literature nina Holt et. al. 2008. Texas, USA

SUNDIATA: ANG EPIKO NG SINAUNANG MALI

Sundiata: Ang Epiko ng Sinaunang Mali
Sundiata: An Epic of the Old Mali salin sa Ingles ni J.D. Pickett
Isinalin sa Filipino ni Mary Grace A. Tabora

Maghan Sundiata, na tinatawag ring Mari Djata, anak siya ni Haring Maghan Kon Fatta ng Mali sa kaniyang ikalawang asawa, si Sogolon Kadjou. Isang mahiwagang mangangaso ang humula na ang kanilang anak na lalaki ay magiging isang makapangyarihang pinuno na makahihigit pa kay Dakilang Alexander, ang maalamat na Griyegong mananakop. Ilang tao lamang ang naniniwala sa propesiya sapagkat pitong taong gulang na si Mari Djata ay hindi pa nakalalakad. Tila walang katiyakang mapabilang siya sa mga pagpipiliang maging emperador.

                Namatay si Haring Maghan Kon Fatta kaya’t hinirang ng  kaniyang unang asawang si Sassouma Bérété ang sariling anak na si Dankaran Touma na tagapagmana ng trono ng ama. Madalas silang naninibugho kay Mari Djata at sa kaniyang ina, kaya’t ipinatapon niya ang mag-anak sa likod ng palasyo. Napilitan ang mga itong mamuhay na isang kahig isang tuka.

                Nabuhay si Sogolon Kedjou sampu ng kaniyang mga anak sa tira ng Inang Reyna, pinagyayaman niya ang maliit na halamanan sa likuran ng nayon. Sa taniman, nagagalak siya na pagmasdan ang mga tanim na ubas at  gnougous. Isang araw, kinapos siya ng pampalasa at nagtungo sa Inang Reyna upang magmakaawa ng kaunting dahon ng baobab.

                “Tingnan mo ang iyong sarili,” wika ng mapanghamak na si Sassouma. Ang aking  calabash ay puno. Tulungan mo ang iyong sarili, maralitang babae. Para sa akin, mayroon akong anak na nakalalakad sa edad na pito at siya ang nangangalap ng mga dahon ng baobab na iyan. Maaari mong kunin ang mga iyan sapagkat ang iyong anak ay hindi makalalamang sa aking anak.” Siya’y nanunudyong humalakhak nang matinis na pumupunit sa laman at tumatagos sa kaibuturan.

                Natigagal si Sogolon. Hindi niya maisip na ang galit ay may puwersang napakalakas. Nilisan niya si Sassouma nang may bikig sa lalamunan. Sa labas ng kanilang kubo, si Mari Djata ay nakaupo sa kaniyang walang silbing mga binti at walang pakialam na sumusubo’t tangan-tangan ang calabash. Hindi napigilan ni Sogolon ang kaniyang sarili, siya’y napahikbi at dumampot ng kaputol na kahoy, hinagupit niya ang anak.

                “Oh anak ng kasawiang-palad, hindi ka ba makalalakad? Dahil sa iyong pagkukulang ako’y nakaranas ng matinding pangdudusta sa aking buhay! Ano ang aking pagkakamali?  Panginoon, bakit mo ako pinarurusahan nang ganito?”

                Dinampot ni Mari Djata ang kaputol na kahoy at matiim na tumitig sa ina,   “Inay, anong problema?”

                “Manahimik ka, walang makapaparam ng pang-iinsultong aking tinamo.”

                “Ano ba yaon?”

                “Si Sassouma’y pinahiya ako dahil lamang sa dahon ng  baobab. Sa edad mong iyan, ang kaniyang anak ay nakapipitas na ng dahong iyon para sa kaniyang ina.” “Huminahon ka ina, kalimutan mo na iyon.”

                “Hindi. Ito’y sobra na. Hindi maaari.”

                “Mahusay, kung gayon, ako’y maglalakad sa araw na ito,” sabi ni Mari Djata. “Puntahan mo ang panday ni ama at utusang hulmahin ang pinakamabigat na bakal. Inay, dahon lamang ba ng baobab ang iyong kailangan o nais mong dalhin ko sa iyo ang buong puno?”

                “Ah aking anak, upang tangayin ng hangin ang pang-aalipustang ito, ibig ko ng puno’t ugat sa aking paanan sa labas ng ating dampa.”

                Nang oras na iyon ay naroroon si Balla Fasséké, humangos siya sa pinakamahusay na panday, si Farakourou, upang magpagawa ng tungkod na bakal.

                Umupo si Sogolon sa harapan ng kanilang dampa. Siya’y tahimik na lumuluha habang sakbibi ng kalungkutan. Binalikan ni Mari Djata ang kaniyang pagkain na tila walang nangyari. Maya’t maya niyang sinusulyapan ang kaniyang ina na bumubulong, “Ibig ko ang buong puno, sa harap ng aking dampa, ang buong puno.”

                Walang ano-ano, sumambulat ang isang malakas na tinig na humahalakhak mula sa likod ng kubo. Ito’y likha ng buktot na si Sassouma na nagsasalaysay sa kaniyang utusan tungkol sa panghihiyang ginawa kay Sogolon, sinasadya niyang madinig ito ng huli. Mabilis na pumasok si Sogolon sa kaniyang silid at tinakpan ang ulo ng kumot upang hindi masilayan ang pabayang anak na abalang-abala sa kaniyang pagkain kaysa sa ano pa mang bagay. Walang tigil sa pananangis si Sogolon. Nilapitan siya ng kaniyang anak na babae, Sogolon Djamarou, at tumabi sa kaniya, “Tahan na ina. Bakit ka umiiyak?”

                Nasimot ni Mari Djata ang kaniyang pagkain at pilit na kinaladkad ang katawan, umupo sa malilim na dingding ng kubo sapagkat nakapapaso ang sinag ng araw. Kung ano ang nanunulay sa kaniyang kamalayan, tanging siya ang nakaaalam.

                Ang laksang panday na nasa labas ng maharlikang pader ay okupado ng paggawa ng pana’t palaso, sibat, at kalasag na ginagamit ng mga mandirigma ng Niani. Nang dumating si Balla Fasséké at humiling ng tungkod na bakal, napabulalas si Farakourou, “Dumatal na ba ang dakilang araw?”

                “Tumpak, ngayon ay isang namumukod na araw, isisiwalat ang hindi pa nasaksihan sa anomang pagkakataon.”

                Ang puno ng mga panday ay anak ng matandang si Noufaïri, at kawangki ng ama niya ay isa ring manghuhula. Sa kaniyang pagawaan ay katakot-takot ang nakaimbak na bareta ng bakal na niyari ng kaniyang ama. Lahat ay nagtataka kung saan nakalaan ang mga bakal. Tinawag ni Farakourou ang anim na baguhang manggagawa at ipinabuhat ang mga bakal upang dalhin sa tahanan ni Sogolon.

                Nang maibaba ang mga dambuhalang bakal, ang ingay na nilikha nito’y nakapangingilabot,pati si Sogolon ay nagulantang at napalundag. Pagkatapos ay nangusap si Balla Fasséké, anak ni Gnankouman Doua, “Naririto na ang dakilang araw, Mari Djata. Ika’y aking kinakausap, Maghan, anak ni Sogolon. Ang kristal ng Niger ay pumapawi ng mantsa ng katawan ngunit hindi kayang lipulin ang pang-uusig. Tumindig ka, batang leon, umatungal, at ihayag sa palumpong na simula ngayon sila
ay may panginoon.”

                Sumaksi ang mga baguhang panday sa nagaganap, lumabas si Sogolon at pinanood si Mari Djata. Siya’y painod-inod na gumapang at lumapit sa mga baretang bakal. Sa tulong ng kaniyang tuhod at isang kamay siya’y lumuhod, samantalang ang isang kamay ay umaabot ng baretang bakal na walang kaabog-abog na itinindig. Humawak ang dalawang kamay sa mga bakal habang nakaluhod. Isang nakamamatay na katahimikan ang sumakbibi sa lahat. Mariing pumikit si Sogolon Djata, kinuyom ang mga kamao’t umigting ang kalamnan. Sa isang marahas na paghila, iwinasiwas ni Djata ang katawan at umangat ang kaniyang tuhod sa lupa. Pinagtuunan ng pansin ni Sogolon ang mga binti ng anak na nangangatal na tila kinukoryente. Pinagpapawisan nang malapot si Djata na umaagos mula sa kaniyang noo. Buong igting niyang itinuwid ang katawan gamit ang mga paa subalit biglang bumaluktot at nagbagong anyo ang bakal na hawak, ito’y naging pana!

                Biglang umawit si Balla Fasséké ng “Himno ng Pana” sa madamdaming tinig:     

“Kunin mo ang iyong pana,
At tayo ay humayo.
Kunin mo ang iyong pana,
Butihing gerero.”

                Nang makita ni Sogolon ang anak na nakatayo, siya’y saglit na naumid, pagkatapos ay kara-karakang humimig ng papuri sa Diyos na naghimala sa anak:         

“Anong rikit ng umaga?
Araw ng labis na saya.
Allah, makapangyarihang Allah,
Banal na manlilikha,
Yaring anak ay may halaga!”

                Ang tinig ni Balla Fasséké ang namalita sa buong palasyo ng nagaganap, ang mga tao’y humahangos na nagtungo sa kanilang kinaroroonan at ang lahat ay namangha sa nasaksihang pagbabago sa anak ni Sogolon. Ang Inang Reyna ay napasugod din at nang makitang nakatayo si Mari Djata siya’y nangatog at pinanghinaan ng tuhod. Matapos mahabol ang hininga, inalis ni Djata ang bakal, ang kaniyang unang hakbang ay dambuhala. Napayukod at itinuro ni Balla Fasséké si Djata, siya’y napasigaw:

“Ang lahat ay tumabi,
Tayo’y gumalaw.
Ang leon ay nabuhay,
Antelope’y magkubli.”

                Sa likuran ng Niani ay nakatanim ang munting puno ng baobab, doon namimitas ng dahon ang mga supling ng nayon para sa kanilang ina. Buong lakas na binunot at pinasan ni Djata ang puno. Inilagak niya ito sa harapan ng kanilang kubo, “Inay, naririto ang ilang dahon ng baobab para sa iyo. Simula ngayon, ito’y mananatili sa labas ng ating dampa at ang lahat ng kababaihan ng Niani ay tutungo rito upang mangalakal.”Nakalakad si Mari Djata. Buhat nang araw na yaon, hindi na natahimik ang kalooban ng Inang Reyna. Ngunit sino nga ba ang makasasalungat sa tadhana? Wala, ang taong nasa impluwensiya ng kahibanga’y naniniwalang kaya niyang baguhin ang itinakda ng Panginoon. Subalit ito’y binabalangkas Niya sa paraang kailanman ay hindi malilirip ng kamalayan ng tao. Samakatuwid, lahat ng hakbang ni Sassouma laban sa anak ni Sogolon ay nawalan ng saysay. Hamakin ang mga nakalipas na panahon at tutulan ang panlilibak sa harap ng madla. Ngayon, ang anak ni Sogolon ay kasing palasak ng dating pang-aalimura sa kaniya. Hindi mabilang ang nagmamahal at nasisindak sa kaniyang angking lakas. Sa bayan ng Niani, walang ibang pinag-uusapan kundi si Djata; ang mga ina’y hinihikayat ang kanilang mga anak na lalaki na samahan si Djata sa pangangaso o makipaglaro sapagkat nais nilang makinabang ang mga inakay sa tinatamasang kabantugan ng anak ng babaing magsasaka. Ang pahayag ni Doua sa araw ng pagngangalan sa anak ni Sogolon ay nanariwa sa kalalakihan. Si Sogolon ay napapalibutan ngayon ng mataas na paggalang; sa mga umpukan madalas na inihahambing ang kayumian ni Sogolon sa kapalalua’t masamang hangarin ni Sassouma Barété sapagkat ang una’y isang huwarang asawa at ina kayat dininig ng Panginoon ang kaniyang panalangin, pinananaligang kung higit na lumalalim ang pagmamahal at paggalang sa kabiyak at ang pagsasakripisiyo para sa anak ay magiging magiting at matapang ang kanilang anak pagsapit ng tamang panahon. Ang bawat anak ay anak ng kaniyang ina, hinding-hindi makahihigit ang anak sa kaniyang ina. Hindi kataka-taka kung bakit si Dankaran Touma ay walang kabuhay-buhay, palibhasa’y ang kaniyang ina ay hindi man lamang nagpamalas nang kahit na katiting na pagpapahalaga sa kaniyang asawa, sa naparam na Haring Maghan Kon Fatta, hindi siya nagpakita ng pagpapakumbaba na isinasabuhay ng bawat asawang babae sa kanilang kaisang-dibdib. Ginunita ng mga tao ang mga tagpo nang siya’y nanibugho, nayamot at nagbitiw ng mga maaanghang na pananalitang ikinalat laban sa mga kapwa niya asawang babae at mga anak nito. Kayat seryosong napagtibay ng mga tao, “Sino ang nakakaalam ng misteryo ng Diyos. Ang ahas ay walang binti’t paa ngunit kasimbilis ng mga hayop na may apat na paa.”

                Bata pa lamang si Sundiata ay naging mahusay ng mangangaso. Naging matalik niyang kaibigan si Manding Bory, ang anak ng kaniyang ama sa ikatlong asawa. Nang mabigo ang balak na pag-utas kay Djata nina Sassouma at Dankaran, ipinatapon nila ang mag-anak. Ang bayani sampu ng kadugo ay nakahanap ng kanlungan sa kaharian ng Mema.

                Habang nagbibinata si Sundiata, ang maitim na budhing si Soumaoro Kanté, isang manggagaway na hari ng kanugnog na kaharian ay nang-aagaw at nananakop ng maraming bayan. Gayon pa man si Sundiata’y nakagawa ng paraan na makarating sa Sosso, ang kabisera ng lungsod ni Soumaoro upang makaharap ang halimaw na pinuno. Maraming digmaan ang pinangunahan at pinagtagumpayan ni Sundiata habang patungo sa Sosso. Siya’y naging popular na lider, maraming kawal ang sumapi sa kaniya.

                Humayo si Sundiata at nagtayo ng kampo sa Dayala na nasa lambak ng Niger. Hinarangan niya ang daan ni Soumaoro patungo sa Timog. Sa panahong iyon, patuloy ang labanan sa pagitan ng dalawa bagaman wala ni isa man ang naghayag ng digmaan. Walang nagtataguyod ng isang digmaan nang hindi inilalahad ang ugat nito. Ang nagtutunggali ay nararapat na isa-isahin ang kanilang karaingan bago ihudyat ang simula ng digmaan. Kaparis ng isang salamangkero na kailangang huwag lusubin ang isang tao nang hindi siya inaanyayahang tanggapin ang tungkulin na gawin ang masamang gawain, dahil dito ang hari’y hindi dapat mandigma nang hindi ibinubuka ang bibig sa sanhi ng pagsasakatuparan nito. Sumulong si Soumaoro hanggang sa Krina, malapit sa nayon ng Dayala na nasa Niger at nagpasyang sabihin ang kaniyang karapatan bago lumusong sa madugong labanan. Batid ni Soumaoro na si Sundiata ay kagaya niyang salamangkero kayat sa halip na magpadala ng sugo, ipinasaulo niya ang kaniyang saloobin sa isa sa alagang kuwago. Nang gabing iyon, dumapo ang ibon sa bubong ng kulandong ni Djata at nangusap. Ang ginoo nama’y nagsugo rin ng kuwago kay Soumaoro. Nagsagutan ang dalawang salamangkerong-hari:

                “Hinto, binata. Ako ang Hari ng Mali. Kung hinahangad mo ang kapayapaan, bumalik ka sa iyong pinagmulan,” litanya ni Soumaoro.

                “Ako’y nagbabalik Soumaoro upang muling yakapin ang aking kaharian. Kung hangad mo ang kapayapaan, ika’y magbayad-pinsala sa aking mga kapanalig at umuwi sa Sosso kung saan ika’y hari.”

                “Ako ang Hari ng Mali sa pamamagitan ng puwersa ng aking kamao. Ang aking karapatan ay maluwat nang napatunayan ng aking pananakop.”

                “Kung gayon, aagawin ko ang Mali sa iyo gamit ang puwersa ng aking kamao at tutugisin kita hanggang  sa iyong kaharian.”

                “Samakatuwid, kailangan mong mabatid na ako ang mabangis na nami sa batuan, walang sinomang makapagpapalayas sa akin sa Mali.”

                “At kailangan mo ring mabatid, ako’y may katotong pitong panday na dudurog sa batuhan. Pagkatapos, nami, ika’y aking lalamunin.”

                “Ako ang makamandag na kabute na nagdudulot ng mabangis na pagbuga.”
      
                “Para sa akin, ako ang mapanagpang na tandang; ang lason ay walang bisa sa akin.”

                “Ika’y magtino, munting bata, baka pagliliyabin ko ang iyong mga paa, dahil ako ang pula’t mainit na baga.”

                “Datapuwat ako, ako ang ulan na papawi sa baga: Ako ang malakas na agos na tatangay sa iyo.”

                “Ako ang makapangyarihang sutlang-puno ng bulak, na matayog sa ibang puno.”

                “At ako, ako ang nananakal na baging na gagapang sa tuktok ng higanteng kagubatan.”

                “Husto na ang pangangatuwirang ito. Hindi mo mapapasakamay ang Mali.”

                “Tandaan, walang silid para sa dalawang hari sa isang reyno Soumaoro; pahintulutan mo akong agawin ang iyong puwesto.”

                “Magaling, sapagkat digmaan ang iyong ninasa, ika’y hindi ko uurungan subalit itimo mong siyam na hari ang aking pinugutan ng ulo at inadorno sa aking silid. Tunay na kaawa-awa, ang iyong ulo’y matatabi sa kapwa mo pangahas.”

“Ihanda mo ang iyong sarili Soumaoro, ang delubyo’y mananalasa, sasalpok at bubura sa iyo sa lupa.”

                Sa ibang banda, ang griot ni Djatang si Ball Fasséké at Nana Triban, kapatid niyang babae sa ama na nadakip at nakulong sa karsel sa palasyo ni Soumaoro ay nakatakas.  Sumali sila sa pakikipagdigma ni Sundiata sa gabi ng mismong labanan sa Krina. Si Fakoli Korona, pamangkin ni Soumaoro ay dumating din sa kampo. Dahil sa dinukot ni Soumaoro ang kabiyak niya, sumumpa siyang maghihiganti. Ipinangako nina Nana Triban at Fakoli ang katapatan kay Sundiata. Inilantad ni Nana Triban ang lihim ni Soumaoro, inilahad niya kung paano matitiyak ni Sundiata na magagapi niya ang kalaban sa pamamagitan ng pagdampi sa balat niya ng tari ng tandang. Pagsapit ng bukang-liwayway bumuo ng plano sina Sundiata at Manding Bory upang mahubaran ng kapangyarihan si Soumaoro.

                “Kapatid, naihanda mo na ba ang iyong pana?” tanong ni Manding Bory.

                “Oo, iyong masdan,” ang sagot ni Sundiata.

                Inalis niya ang mahiwagang palaso sa pagkakasabit sa dingding. Ito’y tila hindi bakal, waring kahoy, at ang dulo’y ang matalim na tari ng puting tandang na makatatanggal ng tana ni Soumaoro, isang lihim na nailabas ni Nana Triban sa Sosso.

                “Kapatid, sa oras na ito’y pihadong batid na ni Soumaoro na ako’y nakatakas. Pilitin mong makalapit sa kaniya sapagkat asahan mong siya’y iiwas sa iyo,” ang paalala ni Nana Triban.

                Nabahala si Djata sa mga binitiwang pahayag ni Nana Triban subalit kinalamay ni Balla Fasséké ang kaniyang kalooban sa pagsasabi sa kaniyang panaginip ay kaniyang malulupig ang mortal na kaaway.

                Sa kabilang ibayo’y mahinhing sumikat ang araw at nagsabog ng liwanag sa kapaligiran. Ang pangkat ni Sundiata’y pumuwesto mula sa gilid ng ilog hanggang sa kabilang ibayo, ngunit bulto ang bitbit na hukbo ni Soumaoro kayat ang ibang sofas na naiwan sa Krina ay umakyat sa burol upang panoorin ang digmaan. Dahil sa malaking koronang suot ni Soumaoro, agad siyang nakita’t natukoy mula sa kalayuan. Ang kaniyang sandataan ay hindi mahulugang karayom, pinuno ang magkabilang ibayo ng burol.

                Hindi ikinalat ni Sundiata ang lahat ng kaniyang kawal. Ang mga namamana ng Wagadou at Djallonkés ay pumuwesto sa hulihan at handang magpaulan ng palaso sa bahaging kaliwa ng burol kapag tumagal ang digmaan. Sina Fakoli Korona at Kamandjan ay kahilera ni Sundiata at nangunguna sa bungad sampu ng kaniyang kabalyeriya.

                Sa kaniyang makapangyarihang tinig, sumigaw si Sundiata “An gwewa!” Ang kautusan ay umalingawngaw sa bawat tribo at nagsimulang sumulong ang bataliyon. Si Soumaoro’y nakatindig sa gawing kanan kasama ang kaniyang kabalyeriya.

                Mabilis na sumalakay sina Sundiata ngunit sila’y napigilan ng mga kabalyero ng Diaghan at ang pagsasagupaan ay nagsimula nang kumalat. Si Tabon Wana at ang mga mamamana ng Wagadou ay sumulong sa direksiyon ng burol at matuling lumaganap ang digmaan habang ang araw ay hindi natitinag sa pamamayagpag sahimpapawid. Ang mga kabayo ng Mema ay lubhang maliksi at tumakbong nakataas ang unahang paa na sumikwat sa mga kabalyero ng Diaghan. Nagpagulong-gulong, at tinapakan ng mga kabayo. Nagbigay ng puwang ang pagbagsak at pag-atras ng mga kalalakihan ng Diaghan. Ang pusod ng kalaban ay nabuwag.

                Sa puntong iyon, biglang kinabig ni Manding Bory si Sundiata at ibinalitang si Soumaoro’y palusob kasama ang mga itinagong kawal kay Fakoli at sa mga panday nito upang lantarang parusahan ang nagtaksil na pamangkin. Pagkat nalipol ang malaking bilang ng mga sofas ni Soumaoro, ang mga kasamahan ni Fakoli ay unti-unting nagkawatak-watak. Ang digmaa’y hindi pa naipapanalo.

                Nagliliyab ang mga mata ni Sundiata sa poot. Tinipon niya ang kabalyeriya sa kaliwang dako ng burol kung saan magiting na iniinda ni Fakoli ang panlulupig ng tiyo. Kaalinsabay nito, ang lahat ng maraanan ni Sundiata’y namamalita na nagagalak si Kamatayan at ang kaniyang panandaliang  pagtigil ay nagpapanumbalik ng pagtitiwala ng kaniyang kawal bagaman hindi nauubos ang mga sofas ni Soumaoro. Hinanap ni Djata ang salamangkerong-hari. Nasulyapan niya ito sa gitna ng labanan. Sinunggaban ni Sundiata ang bawat Sossong  sofas, kaliwa’t kanan ang ginawang pagbalya, nagkakandahirap na tumatabi ang mga ito kung kayat madali siyang nakalapit kay Soumaoro. Nang mapansin ng huli ang ikinikilos ni Djata, siya’y dahan-dahang bumuwelta subalit siya’y nasundan ng tingin ng matapang na bayani.

                Huminto si Sundiata at hinutok ang kaniyang pana. Lumipad ang palaso at dumaplis sa balikat ni Soumaoro. Nang tumama ang tari ng tandang, naramdaman niyang ito’y hindi lamang munting gasgas kayat kagyat naglaho ang kaniyang kapangyarihan. Nagtagpo ang mata nila ni Sundiata. Siya’y nangatal na tila dinapuan ng matinding lagnat, napatingala ang nauupos na si Soumaoro sa langit. Isang malaking ibon ang paikot-ikot na lumilipad at kaniyang napagtanto. Ito ay ang ibon ng kasawian.

                “Ang ibon ng Krina,” ang kaniyang naungol.

                Ang Hari ng Sosso’y sumigaw nang ubod lakas. Napalingon ang kaniyang kabayo at siya’y tumalilis. Nakita ng mga Sosso ang kanilang hari, siya’y kanilang pinarisan, lumiko ang mga Sossong sofas at mabilis ding tumakas. Ang kamatayan ay mamamasdan sa paligid, nagkalat ang mga duguan at naghihingalo. Sino ang makapagsasabi kung ilang Sosso ang nasawi sa Krina? Ang pagtakas ay naisakatuparan at hinabol ni Sundiata si Soumaoro.

                Hindi nagtagumpay sina Sundiata’t Fakoli na tugisin si Soumaoro datapuwat napasakamay nila si Sosso Balla, ang anak ng haring umalpas patungo sa yungib at naglahong parang bula. Pumunta si Sundiata sa kalapit na nayon, Koulikoro, dito niya hinintay ang kanilang hukbo.

                Ang panalo sa Krina’y nakasisilaw. Ang mga Sossong sofas ay umuwi’t nagtago, ang Imperyong Sosso ay natalo. Lahat ng mga hari sa kapuluan ay nagpasailalim sa kapangyarihan ni Sundiata. Ang Hari ng Guidimakhan ay nagpadala ng mamamahaling muwebles kay Sundiata at ipinagkasundo ang kaniyang anak na babae sa nagwaging binata. Natipon ang mga sugo sa Koulikoro subalit nang nakumpleto ang hukbo ni Sundiata sila’y nagmartsa sa direksiyon ng Sosso na lungsod ni Soumaoro. Itong Sosso ay lungsod ng mga dalubhasang panday sa paghawak ng sibat.Sa pagkawala nina Soumaoro at Sosso Balla, si Noumounkeba, ang puno ng tribo ang tumayong lider upang depensahan ang lungsod. Daglian niyang tinipon ang lahat maging ang mga kalapit na kabukiran upang makapaghanda.

                Ang Sosso ay maringal na lungsod. Ang makaikatlong tulis ng tore nito’y halos umabot sa langit. Ang lungsod ay binubuo ng walungpu’t walong muog at ang palasyo ni Soumaoro’y maaaninag sa itaas ng lungsod tulad ng isang malaking tore. Ang Sosso ay mayroon lamang isang pasukan; gahiganteng gawa sa bakal na ginawa ng mga anak ng apoy. Umasa si Noumounkeba na magapi si Sundiata sa labas ng Sosso sapagkat ang kanilang pagkain ay husto lamang para sa isang taon.

                Papalubog na ang araw nang marating nina Sundiata ang Sosso. Sa tuktok ng burol, minalas nina Sundiata at ng kaniyang heneral ang kinatatakutang lungsod ng mapandigmang hari. Ang hukbo niya’y nagkampo sa kapatagan na kabilang ibayo ng malaking tarangkahan ng Sosso. Napagpasiyahan ni Sundiata na sakupin ang bayan sa loob nang maghapon. Binusog niya nang labis ang mga sofas na katoto habang walang humpay ang pagtambol ng mga  tam-tam upang ipaalala’t pukawin ang pagtatagumpay sa Krina.

                Sa pamimitik ng araw, ang tore’y nagkulay itim sa pagkakahanay ng  mga sofas. Ang iba ay nakaposisyon sa mga muog, sila ang mga mamamana, ang mga Mandingo na bihasa sa sining ng pagkubkob ng bayan. Sa harap ni Sundiata nakapuwesto naman ang mga sofas ng Mali. Samantalang ang mga may bitbit ng hagdan ay nasa ikalawang linya na nakakubli sa mga kalasag ng mga maninibat. Ang pinakapunong katawan ng hukbo ang siyang aatake sa pasukan ng lungsod. Nang handa na ang lahat, inihudyat ni Sundiata ang paglusob. Ang mga tambol at tambuli’y sabay-sabay na pinatunog, katulad ng kati unti-unting umusad ang mga Mandingong nasa harapan na ginigiya ng mga makapangyarihang sigaw. Nakatakip ang mga kalasag sa ulo, marahan silang sumulong sa paanan ng pader, at nagsimulang maghulog ng malalaking bato ang mga Sosso sa mga kaaway. Gumanti ang mga Wagadou na nasa dulong hanay, sila’y nagbuhos ng sunod-sunod na palaso. Si Sundiata ay may itinatagong kawal na pinakamagaling, sila ang mga mamamana ng Hari ng Bobos na kaagad na ipinadala bago pa man naganap ang sa Krina, ang pinakadalubhasa sa pamamaraan. Pinaulanan ng nagniningas na mga palaso ang kuta ng mga Sosso. Nagliyab ang mga kabayanan. Naitayo ng mga Mandingo ang mga hagdan at umakyat sa tuktok ng pader. Sinaklot ng sindak ang mga Sosso nang makitang nasusunog ang kanilang bayan, sila’y natigilan. Bumagsak ang bakal na pasukan sa palad ng mga panday ni Fakoli sapagkat sila ang maestro nito. Napasok nila ang lungsod, ang hiyawan ng mga bata’t kababaihan ay nagbunsod ng pagkalito sa mga Sosso kayat nabuksan ang
pasukan, ang pangunahing pangkat ng hukbo ni Sundiata ay tuluyang nakapasok.

                Pagkatapos ay nagsimula ang nakahihindik na patayan. Ang kababaihan at kabataan na nasa kalagitnaan ng pagtakas ay nagsumamo. Napadpad sina Sundiata at ang kaniyang kabalyeriya sa harap ng kamangha-manghang palasyo ni Soumaoro. Kahit natitiyak ni Noumounkeba na siya ay talunan, pangahas na itinaas niya ang espada at akmang uundayan si Sundiata, ngunit siya’y nalansi ng huli, nadakma’t malupit na pinihit ang kaniyang bisig, marahas na inginudngod sa sahig hanggang
mailaglag niya ang espada. Hindi pinatay ni Sundiata si Noumounkeba bagkus ay inilagak sa kamay ni Manding Bory.

                Sa wakas, nasa pagpapala na ni Djata ang reyno ni Soumaoro.Habang saanmang dako ng Sosso’y mauulinig ang pagbabangayan ng magkakanayon.Pinangunahan ni Balla Fasséké kasunod ni Sundiata ang pagpasok sa tore ni Soumaoro. Alam ng griot ang pasikot-sikot at kasulok-sulukan ng palasyo mula sa kaniyang alaala nang siya’y mabihag, itinuro niya kay Djata ang maharlikang silid-tulugan.

                Nang buksan ni Balla Fasséké ang pinto ng silid, natuklasan nilang naiba ang anyo nito buhat nang matamaan ng mortal na palaso ang nagmamay-ari ng silid na nawalan ng kapangyarihan. Ang ahas sa babasaging pitsel ay naghihingalo, ang mga kuwagong nasa dapuan ay kalunos-lunos na pumapagaspas padausdos sa sahig. Lahat ay nag-aagaw-buhay sa adobe  ng salamangkero, lahat ng nakakabit sa kapangyarihan ni Soumaoro. Sinamsam ni Sundiata ang mga anting-anting ni Soumaoro at marahas na tinipon ang lahat ng asawa’t mga prinsesa ng kaharian. Itinali ang mga bilanggo’t sama-samang pinastol. At ayon sa kagustuhan ni Sundiata, napasakaniya ang Sosso nang araw na iyon. Nang makalabas ang lahat, inatas ni Djata ang ganap na paggunaw sa Sosso. Sinunog ang mga kabahayan, walang itinira at ginamit ang mga preso sa pagtibag ng mga pader. Samakatuwid, ang balak ni Sundiatang wasakin ang pundasyon ng Sosso ay maningning na naisagawa.

                Tama, ang Sosso ay naging alikabok at humalo sa lupa, ang matayog na lungsod ni Soumaoro na dating niyuyukuran ng mga hari. Ito ay naging nangungulilang parang, ang Sosso ay tahanan ngayon ng mga naliligaw na hayop.

                Gumulong ang panahon, patuloy ang pagbagtas ng buwan sa kalangitan. Sa kasalukuyan, ang Sosso ay isa na lamang balintataw sa panaginip ng mga griot. Ang mga hayna ay nananaghoy sa pook sa kailaliman ng gabi, ang mga usa’t liyebre naman ay naging silong ito sa paghahanap ng pagkain, nasaan na ang haring nakadamit ng roba na gawa sa balat ng tao?


                Tanging si Sundiata, anak ng magsasaka, ang naghandog ng kapanglawan sa pook. Matapos lamunin ng lupa ang lungsod ni Soumaoro, ang mundo’y walang ibang kinilalang panginoon kundi si… Sundiata.

ANG ALAGA

Ang Alaga
ni Barbara Kimenye
Isinalin sa Filipino ni Prof. Magdalena O. Jocson

Naniniwala si Kibuka na hindi para sa kaniya ang pagreretiro. Isa siyang mapagkakatiwalaang kawani sa Ggogombola Headquarters. Hanggang isang araw, may pinapunta mula sa Komisyon ng Serbisyo Publiko sa kanilang tanggapan upang alamin kung sino ang mga kawaning dapat nang magretiro. Ang sumunod na pangyayari sa likod ng maitim na kulay ng kaniyang buhok, may pensiyon na siya, may Sertipiko ng Serbisyo, at wala ng trabaho.

                Sa pagkakaretiro niya, nag-aalala pa rin siya kung paano ginagawa sa kasalukuyan ang dati niyang trabaho. Minsan, ipinatawag siya sa dati niyang tanggapan upang tingnan kung kailangan ng kaniyang kapalit ang payo at tulong. Hindi siya makapaniwala sa nadatnan niyang makalat na mga papeles at napatunayan niya ang kawalan ng kaayusan. Sa buong paligid ng tanggapan, nagkalat din ang iba’t ibang papeles, maging ang mga kompidensiyal na papeles na hindi dapat makita ng kung sino-sino ay nababasa na ng lahat. Sa ganitong sitwasyon tila walang pakialam ang kaniyang kapalit. Mas binibigyang-pansin pa nito ang pakikipag-usap sa telepono habang napaliligiran ng ilang babae.

                Hindi naging maganda ang pagpunta niya sa dating tanggapan. Maging ang dati niyang mga kasamahan ay hindi na interesado sa sinasabi ni Kibuka.

                Ngayon, gugugulin niya ang kaniyang buhay sa maliit niyang dampa sa tabi ng ilog sa Kalansanda na maraming muling babalikan ngunit hindi gaano sa kaniyang haharapin. Nagkataon pa na ang matalik niyang kaibigan na si Yosefu Mukasa ay nasa Buddu Country para sa pagnenegosyo. Naiisip ni Kibuka na kaawa-awa na siya at mabuting mamatay na lamang. Paulit-ulit niya itong naiisip habang nag-iinit ng tubig para sa iinuming tsaa. Sa ganoong sitwasyon, nakarinig siya ng tunog ng paparating na kotse. Sabik niyang tinungo ang pinto ng bahay upang alamin kung sino ang dumating. Siya ang pinakamatanda sa kaniyang mga apo, mataas, payat, at kaboses ni Kibuka.

                Masayang-masaya si Kibuka habang nanginginig na niyakap ang apo.

                “Napakagandang sorpresa! Tuloy ka mahal kong apo, tamang-tama naghanda ako ng maiinom na tsaa.”

                “Lolo, sandali lang po ako. Hindi po ako magtatagal. Tiningnan ko lamang po ang katayuan ninyo at dinalhan ko po kayo ng pasalubong.”

“Napakabuti mo, aking apo. Ang biglang pagbisita mo at may pasalubong pa ay lubha kong ikinatuwa.” Dahil dito, nabaligtad na lahat ang hindi niya magagandang naiisip tungkol sa buhay, puno na siya ng kapanabikan.

                “Isang biik ang pasalubong ko po sa inyo mula sa Farm School. Hindi na siya mapakain doon at naisip ko na baka gusto ninyong mag-alaga nito.”

                Kinuha ng apo ni Kibuka ang itim na biik.

                Tuwang-tuwa si Kibuka. Ngayon lang siya nakakita ng napakaliit na biik. Sampung minuto ang ginugol niya para tingnan ang kabuuan ng biik: ang mapupungay na mata, mga kuko sa paa, at pagwagwag ng buntot. Masayang nagpaalam si Kibuka sa apo at habang kumakaway siya rito, sumisiksik naman sa kaniyang dibdib ang biik.
                Sinabi niya sa apo na dadalhin niya sa Markansas ang biik at kakausapin si Miriami na ihanda ang biik bilang espesyal na pagkain sa hapunan para sa pag-uwi ni Yosefu.

                Nagdalawang-isip si Kibuka para sa planong gagawin sa biik sapagkat sunod nang sunod ang biik at bawat pag-upo niya laging nasa paanan niya ito. Hindi ito umaalis sa tabi niya. Parang taong nakikinig sa bawat sasabihin ni Kibuka.

                Pagdating ng gabi, biglang maiisip ni Kibuka na pakainin ang biik ng tirang pagkain sa sarili niyang pinggan, bukod pa sa talagang kinakain niyon. Pagkalipas ng ilang araw, lumalaki na ang biik, malakas nang kumain at kailangang manguha ng matoke si Kibuka sa mga kaibigan at kapitbahay.

                Nalaman na sa buong Kabzanda na may alagang baboy si Kibuka. Mula noon, hindi na nagbabahay-bahay si Kibuka upang manguha ng matoke para sa alaga niyang baboy sapagkat ang mga babae at bata na nag-iigib ng tubig na malapit sa bahay ni Kibuka ang nagdadala na ng mga matoke. Nagiging dahilan iyon upang makita at makipaglaro sila sa alagang baboy ni Kibuka. Para na nilang kamag-anak ito na sinusundan at inaalam ang paglaki nito.

                Ito lamang ang baboy na napakalinis dahil naaalagaan ito nang maayos. Dahil dito, pinapayagan ni Kibuka na matulog ito sa kaniyang paanan bagaman ingat na ingat siya na malaman ito ng kaniyang mga kapitbahay. Naging mabilis ang paglaki ng alagang baboy. Lumaki ito sa maayos na kapaligiran at higit sa lahat, napamahal na iyon kay Kibuka.

                Sa paglipas ng mga linggo, habang lumalaki ang alagang baboy, maraming problema ang dumarating. Halimbawa, kailangan na nang mas maraming pagkain at hindi naman ganoon karami ang makukuha sa mga kapitbahay kaya kapag wala nang makain ang baboy, pupunta ito sa shamba ng mga kapitbahay at kakainin ang tanim na mga gulay at kape. Maging si Kibuka ay naninimot sa sarili niyang mga pagkain maibigay lamang sa alagang baboy.

  Hindi na rin gusto ni Kibuka na natutulog sa kaniyang paanan ang alagang baboy gaya noong biik pa lamang ito. Ngayon, napakalakas niyong maghilik na nakapagpapapuyat kay Kibuka. Isang mabigat na desisyon na hindi na magtatagal ay ilalabas na niya ang alagang baboy at itatali na lamang sa puno.Kung sino kaya ang magdurusa, si Kibuka o kaniyang alagang baboy ay mahirap na sagutin. Walang malayang alagang baboy at si Kibuka lamang ang makapagsasabi.

                Sa araw, malayang nakagagala pa ang baboy, bagaman laging nahuhulog sa ilog.

                Hindi tiyak ang lalim ng ilog sa Kalansanda. Karaniwang naliligo o nagtatampisaw ang mga taga-Kalansanda sa nasabing ilog. Minsan, kapag umuulan, malakas ang agos ng tubig na maaaring madala nito ang isang bata. Ibig na ibig ng alagang baboy na magtampisaw rito. Naglalaro sa imahinasyon ni Kibuka na baka paglaruan ang alagang baboy ng mga batang naglalaro na maaaring hulihin at dalhin sa gitna ng ilog at lunurin ang baboy.

                Para hindi ito mangyari, tuwing magdidilim na, pinapasyal niya ang alagang baboy na kinasanayan nang makita ng mga taga-Kalansanda at tanging hindi  mga tagaroon ang tila nagugulat sa ginagawa niyang pagpasyal sa alagang baboy habang may tali ito. Naging magandang ehersisyo ito ni Kibuka dahil sa pananakit ng kaniyang mga kalyo na sa bawat hakbang niya upang masiyahan ang alagang baboy ay katumbas naman ng labis na sakit ang dulot sa kaniya na halos ikaiyak niya. Sinabi niya kay Daudi Kulubya na nagmamalasakit sa papilay-pilay niyang lakad na nasisiyahan naman siya sa ginagawa niya sa alagang baboy. Masaya siyang uuwi at ibababad ang mga paa sa isang palanggana ng mainit na tubig ng isang oras. Hindi na niya iisipin ang pananakit ng kaniyang mga kalyo.
                Gaano pa katagal ang ganitong sitwasyon? May mga pagkakataon na kinakausap ni Kibuka ang ilang kilala niyang bumibili ng alaga niyang baboy. Ngunit ang pagmamahal sa alagang baboy ang namamayani kay Kibuka kaya hindi niya ito maipagbibili dahil para na rin itong pagtataksil sa alaga.

                Isang araw, habang papunta si Kibuka sa Sagradong Puno at habang naghahalukay sa kumpol ng mga sanga ang alagang baboy, isang di inaasahang pangyayari ang naganap. Si Kibuka, ang alagang baboy, at ang drayber ng isang motorsiklo ay tumilapon sa iba’t ibang direksiyon. Nasagasaan sina Kibuka at alagang baboy ng isang motorsiklo. Nang magkamalay na siya, natuwa siya sapagkat buo pa rin ang kaniyang katawan maliban sa isang balikat na sumasakit at dugo sa mga kamay niya. Nakilala niya ang drayber na si Nathaniel Kiggundu na tila hindi naman gaanong nasaktan. Inalis niya ang mga damong nakatabon sa kaniyang mukha at makikita ang mahabang punit ng pantalon sa tapat ng isa sa kaniyang tuhod.

                Mula sa kung saan, narinig nila ang napakalakas na iyak ng alagang baboy ni Kibuka at doon nagpunta ang dalawang lalaki. Pagdating nila, ay umiiyak ang baboy dahil sa pagkakaipit ng leeg nito at namatay na. Totoong nakasama kay Kibuka ang aksidente na nag-iwan sa kaniya ng kondisyong walang katiyakan. Habang nakaupo siya sa tabi ng namatay na alagang hayop, iniisip niya ang kasunod na mga pangyayari. Marami nang taong nag-uusyoso, titingnan si Kibuka at namatay na alagang hayop at pagkatapos ang motorsiklo naman ang kanilang titingnan. Dumating si Musisi, ang
Hepe ng Ggogombola. Kinuha ang pahayag ni Kiggundu at pagkatapos nilapitan si Kibuka at pinipilit na isakay sa kaniyang sasakyan upang iuwi sa bahay niya.

                “Sir, mukhang hindi pa maganda ang lagay ninyo, bukas na lang kayo kukunan ng pahayag. Magpahinga muna kayo.” “Pero hindi ko maaaring iwanan ang namatay kong alagang baboy.”

                “Maaari po nating ilagay sa likod ng aking sasakyan kung ibig po ninyo. Mas mabuti sana kung puputol-putulin na ito ng matadero dahil hindi na ito maaaring magtagal sa klase ng klima ngayon.”

                Kailanman ay hindi pumasok sa isipan ni Kibuka na kainin ang alagang hayop. Iniisip niya kung saang bahagi ng  shamba ililibing ang alagang hayop. Sinabi niya  na ang pagkain ng isang napamahal na alaga ay isang barbarong gawain. Naiisip niya na naghuhukay na siya ng paglilibingan ng alaga. Natitiyak niyang hindi siya tutulungan ng mga taga-kalsada na gawin ito. Sa bandang huli, naisip niya na bakit hindi magkaroon ng bahagi ang kaniyang mga kapitbahay sa namatay niyang alaga. Sila naman ang nagpakain sa nasabing alaga.

                Dinala sa Ggogombola Headquarters ang nasabing alaga ni Kibuka at ipahahati-hati ito sa askaris na naroon. Sinuman ang may gustong kumain ng baboy ay pumunta roon bago mag-ikapito ng gabi, ayon kay Musisi na siya nang nag-asikaso sa namatay na baboy.

                Sa pagbalik ni Kibuka sa kaniyang tahanan, ginamot niya ang kaniyang balikat ng gamot na karaniwang ginagamit niya sa anumang sakit na nararanasan niya. Umupo sandali habang umiinom ng tsaa. Maaga siyang natulog at nagising sa magandang sikat ng araw. Nasabi niya sa kaniyang sarili na ito ang pinakamaganda niyang pagtulog at nasiyahan siya pagkatapos ng maraming buwan na nagdaan. Dumating si Musisi habang papaalis na si Kibuka upang tingnan kung ang pata ng alaga niyang baboy ay nadala kay Yosefu at Miriamu.

                “Hindi pa, Sir, ngayon ko pa lamang dadalhin doon, ibig ba ninyong sumabay na sa akin pagpunta roon?”

                Pumayag si Kibuka na makisabay. Tinanggihan naman niya ang laman ng baboy na dinala sa kaniya ni Musisi.

                “Sa iyo na iyon, anak, hindi ako mahilig kumain ng baboy.”  Kinuha ni Miriamu ang pata ng baboy at ang interes naman ni Yosefu ay ang mga detalye ng aksidenteng naranasan ni Kibuka. Pinilit ni Yosefu at Miriamu na mananghalian sa kanila ang dalawa. Ngunit kailangang dumalo sa isang pulong ni Musisi sa Mmengo, kaya si Kibuka na lamang ang iniwan. Maraming napag-usapan sina Kibuka at Yosefu. Matagal silang hindi nagkita kaya magiging masarap ang pagkain nila ng pananghalian.

                “Talagang napakahusay mong magluto, Miriamu,” wika ni Kibuka habang naglalagay ng maraming pagkain sa kaniyang pinggan.”

                “Napakalambot ng karne ng baboy na iyon na parang isang manok at napakasarap pa,” pahayag naman ni Miriamu.


                May ilang sandali na nalulungkot siya sapagkat alam niya na karne ito ng mahal niyang alaga at masaya niyang kinakain ito. Ngunit sandali lamang ito at patuloy pa rin niyang nilalagyan ng karne ang kaniyang pinggan. Natatawa siya sa sarili at alam niya na hindi na siya maglalakad tuwing hapon at sa halip makakatulog na siya nang maayos.

ANG MATANDA AT ANG BATANG PARUPARO

Ang Matanda at ang Batang Paruparo
Rafael Palma

Isang paruparo na may katandaan,
Sa lakad sa mundo ay sanay na sanay;
Palibhasa’y di nasisilaw sa ilaw
Binigyan ang anak ng ganitong aral:

Ang ilaw na iyang maganda sa mata
Na may liwanag nang kahali-halina
Dapat mong layuan, iyo’y palamara,
Pinapatay bawat malapit sa kaniya.

“Ako na rin itong sa pagiging sabik!
Pinangahasan kong sa kaniya’y lumapit,
ang aking napala’y palad ko pang tikis
nasunog ang aking pakpak na lumiit.”

“At kung ako’y itong nahambing sa iba
na di nagkaisip na layuan siya,
disin ako ngayo’y katulad na nila,
nawalan ng buhay at isang patay na.”

Ang pinangaralang anak ay natakot
at pinangako ang kaniyang pagsunod;
ngunit sandali lang. Sa sariling loob
ibinulong-bulong ang ganitong kutob;

“Bakit gayon na lang kahigpit ang bilin
ng ina ko upang lumayo sa ningning?
Diwa’y ibig niyang ikait sa akin
ang sa buong mundo’y ilaw na pang-aliw.”

“Anong pagkaganda ng kaliwanagan!
isang bagay na hindi dapat layuan,
itong matanda ay totoo nga namang
sukdulan ng lahat nitong karuwagan!”

“Akala’y isa nang elepanteng ganid
ang alin mang langaw na lubhang maliit,
at kung ang paningin nila ang manaig
magiging higante ang unanong paslit.”

“Kung ako’y lumapit na nananagano
ay ano ang sama ng mapapala ko?
Kahit na nga niya murahin pa ako
ay sa hindi naman hangal na totoo.”

“Iyang mga iba’y bibigyan ng matwid
sa kanilang gawa ang aking paglapit,
sa pananakali’y di magsisigasig
sa nagniningningang ilaw na marikit.”

Nang unang sandaliy’ walang naramdaman
kundi munting init na wari’y pambuhay,
ito’y siyang nagpapabuyo pang tunay
upang magtiwala’t lumapit sa ilaw.

Natutuwa pa nga’t habang naglalaro
ay lapit nang lapit na di nahihinto
sa isang pag-iwas ay biglang nasulo
tuloy-tuloy siyang sa ningas nalikmo.

Nang unang sandali’y walang naramdaman
kundi munting init na wari’y pambuhay,
ito’y siya pa ngang nagpabuyong tunay
upang magtiwala’t lumapit sa ilaw.

At siya’y hindi na muling makalipad
hanggang sa mamatay ang kahabag-habag,
ang ganyang parusa’y siyang nararapat
sa hindi marunong sumunod na anak.


- Mula sa Diwang Kayumanggi. 1970

HELE NG INA SA KANIYANG PANGANAY

Hele ng Ina sa Kaniyang Panganay
A Song of a Mother to Her Firstborn salin sa Ingles ni Jack H. Driberg
Isinalin sa Filipino ni Mary Grace A. Tabora

Mangusap ka, aking sanggol na sinisinta.
Mangusap ka sa iyong namimilog at nagniningning na mga mata,
Wangis ng mata ng bisirong-toro ni Lupeyo.

Mangusap ka, aking musmos na supling.
Ang iyong mga kamay na humahaplos sa akin.
Na puno ng tibay at tatag bagaman yari’y munsik.
Magiging kamay ito ng mandirigma, aking anak.
Kamay na magpapasaya sa iyong ama.
Tingnan mo’t nananabik na ako’y sapulin:
Nagbabalak nang humawak ng panulag na matalim.
Aking giliw, ngalan ng mandirigma sa’yo ilalaan,
at mamumuno sa kalalakihan.
At ika’y hahalikan sa yapak ng mga kaapo-apohan,
Kahit pa malaon nang naparam sa sanlibutan.
Ngunit lagi kong maaalala ang pagkapit mo sa akin,
Maging ang paghimlay mo sa aking dibdib,
At ang pagsulyap-sulyap sa akin.
Kapag ika’y itinanghal na gererong marangal,
Ako’y malulunod sa luha ng paggunita.

Munting mandirigma, paano ka namin pangangalanan?
Masdan ang pagbubuskala sa pagkakakilanlan.
Hindi hamak na ngalan sa iyo’y ibibigay,
Hindi ka rin ipapangangalan sa iyong amang si Nawal sapagkat ika’y panganay.
Higit kang pagpapalain ng poon at ang iyong kawan.
Ikaw ba’y tatawaging “Hibang” o “Kapusugan?”
Ikaw ba’y tatawaging waring dumi ng baka na “anak ng kamalasan?”
Ang poo’y di  marapat na pagnakawan,
Sa iyo’y wala silang masamang pinapagimpan.
Ika’y kanilang pinaliguan at dinamitan ng kagandahan.
Ika’y biniyayaan ng mga matang naglalagablab.
At ang pambihirang pangungunot ng iyong kilay
Ay hindi ba palatandaan na ika’y maingat nilang pinanday?
Yaman ni Zeus at Aphrodite sa iyo’y kanilang inalay.
At ang katalinuhang nangungusap sa iyong mga mata,
Maging  sa iyong halakhak.
Paano ka pangangalanan, aking inakay?
Ikaw ba’y lahi na iyong lahi o naiibang nilalang?

Munting mandirigma, sinong anito sa iyo’y nananahan?
Kaninong mapagpalang kamay ang sa aking dibdib dumadantay?
Sinong yumuyungyong sa iyo’t nagpapasigla ng buhay?
Ikaw ba’y kanlong ng kapayapaan?
Ngunit ika’y tila leopardong nasa palumpong at tumatanaw.
Hayaan, sa araw na yao’y iyong ibubuyangyang.
Aking supling, ngayon ako’y nasa kaluwalhatian.
Ngayon, ako’y ganap na asawa.
Hindi na isang nobya, kundi isang ina.
Maging maringal, aking supling na ninanasa.
Maging mapagmalaki  kaparis ng aking pagmamalaki.
Ika’y magbunyi kaparis ng aking pagbubunyi.
Ika’y irugin kaparis ng pagliyag na aking nadarama.
Anak, na ibinunga ng pag-ibig ng matipunong kabiyak.
Sa wakas, ako’y kahati ng kaniyang puso, ina ng kaniyang unang anak.
Ang kaniyang kaluluwa’y ligtas sa iyong pag-iingat,
Aking supling, ako, ako na sadyang sa iyo’y humulma.

Samakatuwid, ako’y minahal.
Samakatuwid, ako’y lumigaya.
Samakatuwid, ako’y  kapilas ng buhay.
Samakatuwid, ako’y nagtamasa ng dangal.

Iingatan mo ang kaniyang libingan kung siya’y nahimlay.
Tuwinang gugunitain yaring kaniyang palayaw.
Aking supling, mananatili siya sa iyong panambitan,
Walang wakas sa kaniya’y daratal mula sa pagsibol ng ‘yong kabataan.
Ikaw ang kaniyang kalasag at sibat, pag-asa’t kaligtasan sa hukay.
Sa iyo, siya’y muling mabubuhay tulad ng suwi sa kalupaan.
At ako ang ina ng kaniyang panganay.
Ika’y mahimbing, supling ng leon, nyongeza’t nyumba.
Ika’y mahimbing,

Ako’y wala nang mahihiling.

AKO AY IKAW

Ako ay Ikaw
ni Hans Roemar T. Salum

“Ako’y isang Pinoy, sa puso’t diwa. Pinoy na isinilang sa ating bansa. Ako’y hindi sanay sa mga wikang banyaga, ako’y Pinoy na may sariling wika. Wikang Pambansa, ang gamit kong salita…” Hay, napakaganda sa pandinig ang awiting ito ni Florante. Damang-dama ang pagmamahal ng mang-aawit sa akin.

                Matagal na panahon na rin simula nang ako ay ipaglaban ni dating Pangulong Manuel L. Quezon. Ang pakikipaglaban niyang ito ay daan upang ako ay umusbong, gamitin, at tangkilikin. Ako ang simbolo ng pagkakakilanlan ng ating bansa, ang Pilipinas. Sa totoo lang, ako ay ginagamit sa maraming sitwasyon at pagkakataon. Ah, tunay ngang malayo na ang aking narating bilang isang instrumento ng komunikasyon. Patunay nito, sa paglipas ng panahon ay mabilis na naging moderno na ang ating bansa. Modernong kagamitan, pamumuhay, moderno na rin pati kabataan. Talagang ang mga Pinoy ay hindi nagpapahuli. Subalit, kasabay ng pagbabago at pagiging modernong ito ay ginawa na rin akong moderno. Pakiramdam ko ay binihisan ako upang sumabay sa makabagong panahon. Sa katunayan, ang wika ng kabataan ngayon ay tinatawag na Taglish, mga jejemon wika nga. Ang salitang nanay sasabihing mudra, ang tatay ay pudra. May magsasabi ring  I wanna make bili that sapatos! Hay, kailangan bang kasabay ng pagbabago ay pagbabago sa akin? Nasaan na ang ipinaglabang wika? Mga kabataan, ang totoo, ako ay ikaw na sasalamin sa ating bansa. Hindi masama ang pag-unlad at ang pagbabago kung ang pagbabagong ito ay para sa ikabubuti at ikaaayos ng komunikasyon. Sa makabagong panahon, gamitin mo ako sa iyong wika kung iyan ang ibig mo, piliin lamang sa tamang panahon at tamang sitwasyon, tiyak na ang ating patuloy na pag-unlad at ang pagbabago kung ang pagbabagong ito ay para sa ikabubuti at ikaaayos ng komunikasyon. Sa makabagong panahon, gamitin mo ako sa iyong wika kung iyan ang ibig mo, piliin lamang sa tamang panahon at tamang sitwasyon, tiyak na ang ating patuloy na pag-unlad.

NELSON MANDELA: BAYANI NG AFRICA

Nelson Mandela: Bayani ng Africa
Isinalin sa Filipino ni Roselyn T. Salum

Sa mga kapita-pitagan, kataas-taasang mga panauhin, mga kasama, at mga kaibigan…

                Ngayon, lahat tayong naririto ay pagkalooban nawa ng pagpapala at pag-asa sa kasisilang na kalayaan gayundin naman sa mga nagdiriwang sa iba pang bahagi ng mundo.

                Mula sa mga karanasan ng di-pangkaraniwang kapahamakan ng tao na namayani nang matagal, isisilang ang lipunang ipagmamalaki ng sangkatauhan.

                Ang ating mga nagawa bilang ordinaryong mamamayan ng Timog Africa ay kailangang magbunga ng tunay na mamamayan nito na magpapalawak sa paniniwala ng sangkatauhan sa katarungan, magpapalakas sa tiwala sa kadakilaan ng kaluluwa, at magtutustos sa lahat ng ating pag-asa sa kapakinabangan ng buhay ng lahat.

                Ang lahat ng ito ay utang natin sa ating mga sarili at sa mga taong naririto ngayon.
                Sa aking mga kababayan, wala akong alinlangang sabihin na ang bawat isa sa atin ay kasinlapit ang puso sa lupa ng napakagandang bansang ito, sa tanyag na puno ng jacaranda sa Pretoria, at sa mga puno ng mimosa.

                Sa bawat oras, bawat isa sa atin ay dadamhin ang lupang ito, mararamdaman natin ang pansariling pagbabago. Ang kalagayan ng bansa ay magbabago tulad ng panahon.

                Tayo ay kumilos nang may kaligayahan at kagalakan sa paglunti ng kapaligiran at sa pagbukadkad ng mga bulaklak.

                Ang espiritwal at pisikal na kaisahan na ating ibinabahagi sa lupaing ito ay nagpapaliwanag sa lalim ng sakit na dala-dala ng ating mga puso sa tuwing makikita natin ang ating bansa na unti-unting nalulugmok ng di pagkakasundo, at sa tuwing makikita natin ang pagtanggi, ang paglaban sa batas, at paghihiwalay ng mga tao sa mundo. Ito ay dahil sa naging pambansang batayan ang nakamamatay na ideolohiya at pagkakaroon ng rasismo.

                Tayo, ang mga mamamayan ng Timog Africa, ay nakadama ng kapayakan nang ibinalik sa sangkatauhan ang pagkakaibigan.  Tayo, na pinagkaitan ng batas kamakailan lang, ay binigyan ng bihirang pribilehiyong mamahala sa mga bansa sa sarili nating lupain.

                Pinasasalamatan namin ang aming mga pinagpipitaganang panauhin sa pagparito upang angkinin, kasama ang mamamayan ng aming bansa, ang tagumpay para sa katarungan, para sa kapayapaan, at para sa dignidad.

                Naniniwala kami na ipagpapatuloy ninyo ang pagtulong sa amin sa pagharap sa mga  pagsubok sa pagbuo ng kapayapaan, kaunlaran, pagkakapantay-pantay ng mga lalaki at babae, walang diskriminasyon sa lahi, at demokrasya.

Malugod naming tinatanggap ang tungkulin na ang aming mamamayan at ang kanilang kalayaang politikal, pananampalataya, kababaihan, kabataan, negosyo, tradisyunal, at mga pinuno na isagawa ang kongklusyong ito. Hindi mawawala riyan ang aking Second Deputy President, ang Kagalang-galang na si F. W. de Klerk.
                Pinasasalamatan din namin ang lahat ng bumubuo sa hukbong panseguridad sa pagganap sa kanilang tungkulin na pangalagaan ang ating unang malayang eleksiyon at ang transisyon sa demokrasya, mula sa “hukbong uhaw sa dugo” na nag-aalangan pa ring makakita ng liwanag.

                Ang panahon para sa paghilom ng sugat ay naririto na.
                Ang panahon upang pag-ugnayin ang pagkakaiba-iba ng opinyon na nagiging dahilan ng pagkakahati-hati ay dumating na.

                Ang panahon upang bumuo ay nasa atin na.
                Sa wakas ay naabot na natin ang emansipasyon sa politika. Nangako tayong palalayain ang ating mamamayan sa kahirapan, kakulangan, pagdurusa, kasarian, at iba pang diskriminasyon.

                Nagtagumpay tayo sa ating huling hakbang sa pagkakaroon ng kapayapaan. Itinalaga natin ang ating sarili sa pagbuo ng kumpleto, makatarungan, at panghabambuhay na kapayapaan.

                Tayo ay nagtagumpay na magtanim ng pag-asa sa milyon-milyong mamamayan. Pumasok tayo sa kasunduan na bubuo tayo ng lipunan kung saan ang lahat ng mamamayan ng Timog Africa, itim man o puti, ay maglalakad na walang takot sa kanilang mga puso, tiyak ang kanilang karapatan sa pagkakaroon ng dignidad – isang bansang may kapayapaang pansarili at pambansa.

                Bilang simbolo ng pagbabago sa ating bansa, ang bagong Interim Government of National Unity ay sa panahon ng biglaang pangangailangan, bibigyang-pansin ang isyu ng amnestiya ng mga taong kasalukuyang nakakulong.

                Inaalay namin ang araw na ito sa lahat ng mga bayani ng bansang ito at sa iba pang bahagi ng mundo na nagsakripisyo at isinuko ang kanilang mga buhay upang tayo ay lumaya.

                Ang kanilang mga pangarap ay naging makatotohanan. Kalayaan ang kanilang handog.
                Tayo ay may pagpapakumbaba at pagmamalaki sa karangalan at pribelehiyo na ikaw, mamamayan ng Timog Africa ay iginagawad sa atin, bilang unang Pangulo ng nagkakaisa, malaya, walang diskriminasyon ng lahi, at pamahalaang naniniwala sa pagkakapantay-pantay ng kasarian.

                Nauunawan naming walang madaling daan para sa kalayaan.
                Batid naming kung nag-iisa ay hindi maaabot ang tagumpay.Kailangan nating kumilos nang sama-sama bilang nagkakaisang mamamayan para sa pambansang pagkakasundo-sundo, para sa pambansang pagkakabuo-buo, para sa pagsilang ng bagong mundo.

                Magkaroon nawa ng katarungan para sa lahat.
                Magkaroon nawa ng kapayapaan para sa lahat.
                Magkaroon nawa ng hanapbuhay, tinapay, tubig, at asin para sa lahat.
                Malaman nawa ng bawat isa na ang katawan, ang isip, at ang kaluluwa ay dapat lumaya upang mabigyang kasiyahan ang kanilang mga sarili.

                Hindi, hinding-hindi na muling makararanas ang magandang lupaing ito ng kawalang-katarungan at sakripisyo sa kawalang dignidad at kahalagahan ng pagiging katutubo sa mundo.

                Maghari nawa ang kalayaan.
                Pagpalain ka ng Diyos, Africa!
                Salamat.

  - Mula sa http://www.anc.org.za/show.php?id=3132