Martes, Agosto 11, 2015

AGINALDO NG MGA MAGO

Aginaldo ng mga Mago
O. Henry
Maikling Kuwento – United States of America
Salin  sa                Filipino ni Rufino Alejandro

Piso at walampu’t pitong sentimos. Iyan lang. At ang animnapung sentimos nito ay barya. Makaitlong bilangin ni Della. Piso at walumpu’t pitong sentimos.

At kinabukasan noon ay Pasko.Talagang wala nang dapat gawin kundi sumalagmak sa munting gusgusing sopa at magpalahaw. Kaya’t iyon nga ang ginawa ni Della.

Tinapos ni Della ang kaniyang pag-iyak at hinarap ang kaniyang mga pisngi. Siya’y nagpulbos. Tumayo siya sa tabi ng bintana at matamlay na pinagmasdan ang isang abuhing pusang nanunulay
sa isang abuhing bakod sa abuhing likod bahay.

Kinabukasan noon ay araw ng Pasko at ang pera niya’y wala kundi piso at walumpu’t pitong sentimos lamang para ipambili ng pang-aginaldo kay Jim. Kung ilang buwan siyang nagtabi ng pera-pera at ito ang kaniyang natipon. Gaano ba naman ang itatagal ng kitang dalawampung piso isang linggo! Naging malaki ang kaniyang mga gastos kaysa kaniyang inaasahan. Laging gayon ang nangyayari. Piso at walumpu’t pitong sentimos lamang na pambili ng aginaldo para kay Jim. Sa kaniyang Jim. Maraming oras ang ginugol niya sa pag-iisip ng isang magandang pang-aginaldo kay Jim. Isang pang-aginaldong maganda, pambihira at yari sa pilak – yaong maaari nang sabihing karapat-dapat ariin ni Jim.

Kagyat siyang pumihit at nilisan ang bintana at humarap sa salamin. Nagniningning ang kaniyang mga mata, datapwa’t dalawampung segundong nawalan ng kulay ang kaniyang pisngi. Maliksi niyang inilugay nang puspusan ang kaniyang buhok.

Ang mag-asawang James at Della Dillingham Young ay may dalawang ari-ariang ipinagmamalaki nila nang labis. Ang isa’y gintong relos ni Jim na minana niya sa kaniyang ama at sa ama ng kaniyang ama. Ang isa pa ay ang buhok ni Della.At ngayo’y nakalugay ang magandang buhok ni Della, alon-alon at kumikislap na parang buhos ng kayumangging tubig sa isang talon. Abot hanggang sa ibaba ng kaniyang tuhod at mistulang pananamit na niya. At pagkatapos ay maliksing pinusod niyang muli na nangangatog pa ang kaniyang mga kamay. Minsan siyang natigilan samantalang dalawang patak na luha ang tumulo sa gasgas na pulang karpet sa sahig.

Isinuot ang kaniyang lumang dyaket na kulay kape: isinuot ang kaniyang lumang sombrerong kulay-kape rin. Umalembong ang kaniyang saya at nagkikinang ang kaniyang mga mata nang siya’y humagibis na papalabas sa pintuan, manaog at lumabas sa lansangan.

Sa tapat ng hinintuan niya ay may karatulang ganito ang mababasa: “Mme. Sofronie. Lahat ng Uri ng Kagamitang Yari sa Buhok.” Patakbong pumanhik si Della sa unang hagdanan at saka naghinto upang bigyang-panahon ang kaniyang paghingal.

“Gusto ba ninyong bilhin ang aking buhok?” ang tanong ni Della.“Bumibili ako ng buhok,” sabi ng Madame. “Alisin mo ‘yang sombrero mo’t nang makita ko ang hitsura niyan.” ni Della ang alon-alon niyang buhok.

“Beinte pesos.” Ang wika ng Madame, habang iniaangat ng sanay na kamay ang makapal na buhok.
“Bayaran n’yo ako agad,” ang wika ni Della.

O, at ang sumunod na dalawang oras ay masayang nagdaan. Hindi pala. Sa loob ng dalawang oras na sumunod ay walang ginawa si Della kundi ang halughugin ang mga tindahan sa paghahanap ng maipang-aaginaldo kay Jim.

Sa wakas ay nakakita siya. Talagang bagay na bagay kay Jim. Parang ipinasadya. Walang ibang tindahang mayroon noon. Isang magandang kadenang platino, na ang disenyo ay simpleng-simple ngunit nakaaakit. Sa tingin lamang ay talagang makikilalang mamahalin. At sadyang karapat-dapat sa relos. Pagkakitang-pagkakita niya sa kadenang iyon ay sumaksak agad sa loob niya ang bagay na iyon
kay Jim. Katulad na katulad nito – mahinhin at mahalaga. Dalawampu’t isang piso ang ipinabayad nila roon sa kaniya at nagmamadali siyang umuwi, dala ang dalawampu’t pitong sentimos na natitira. Kapag nakabit na ang kadenang iyon sa kaniyang relos ay pihong madalas na titingnan ni Jim ang oras sa harap ng kaniyang mga kaibigan.

Bagaman sadyang maganda ang relos, palihim kung ito’y dukutin ni Jim upang tingnan ang oras dahil sa lumang katad na nakakabit.

Nang dumating ng bahay si Della, minabuti niya ang gumawa ng kaunting pag-iingat. Kinuha niya ang kaniyang pangulot at pinainit ang kalan at kinumpuni ang kasiraang nilikha ng pag-ibig na pinalubha pa ng kagandahang loob.

Nang alas-siyete na’y handa na ang kape at ang pagpriprituhan ng karne.Si Jim ay hindi kailan ginagabi ng dating. Kinuyom ni Della ang kadena sa kaniyang palad at naupo sa sulok ng mesang malapit sa pintong laging dinaraanan ni Jim.

Narinig niya ang mga yabag ni Jim sa unang hagdanan, at siya’y namutlang sandali. Ugali na niya ang magdasal nang kaunti patungkol sa mumunting bagay na nangyayari sa araw-araw at ngayo’y bumulong siya ng ganito, “O Poong Diyos, marapatin Mo pong sabihin niya na ako’y maganda pa rin.”

Bumukas ang pinto at pumasok si Jim at pagkatapos ay isinara uli iyon. Parang nangayayat siya at ang mukha niya’y walang bakas ng kagalakan. Kawawa naman!

Dadalawampu’t dalawang taon lamang siya at nag-iintindi na dahil sa kaniyang pamilya! Kailangan niya ang isang bagong damit na pang-ibabaw at wala pa rin siyang guwantes.

Pumasok si Jim at walang katinag-tinag. Ang mga mata niya’y nakapako kay Della at ang tingin niya’y nakapagpangilabot sa babae. Hindi naman galit, ni pagtataka, ni pagpipintas, ni hilakbot, ni ang alin man sa mga simbuyong pinaghahandaan na ni Della. Basta’t nakatitig si Jim sa kaniya na ang mga mata’y nagpapahayag ng isang damdaming hindi mahulaan.

Maingat na bumaba si Della mula sa mesang kaniyang kinauupuan at lumapit kay Jim.

“Jim, mahal ko,” ang wika niya, “huwag mo sana akong masdan nang papaganyan. Ipinaputol ko ang aking buhok at ipinagbili sapagkat hindi na ako makatatagal pa hanggang sa isang Pasko kung hindi kita mabibigyan ng isang aginaldo. Ito nama’y hahaba uli – huwag ka sanang magagalit ha, ha? Talagang kinailangang gawin ko iyon. Malakas namang humaba ang aking buhok. Hala, sabihin mong Maligayang Pasko, Jim at tayo’y magsaya. Hindi mo nalalaman kung gaano kaganda ang aginaldong binili ko para sa iyo.”

“Pinutol mo ang iyong buhok?” ang tanong ni Jim na parang naghihirap ng pagsasalita. “Ipinaputol ko at ipinagbili,” ang wika ni Della. “Hindi ba gusto mo rin ako kahit na putol ang aking buhok?” Dinukot ni Jim ang isang balutan sa kaniyang bulsa at inihagis sa mesa.

“Huwag ka sanang magkakamali tungkol sa akin, Della,” ang wika. “Sa palagay ko’y walang makababawas sa aking pagkagusto sa aking giliw dahil sa buhok o sa pabango, o ano pa man. Datapwat kung bubuksan mo ang pakete ay mauunawaan mo kung bakit ako nagkagayon noong bagong dating ako.”

Ang balutan ay pinunit ng mapuputi at magagandang daliri. At isang malakas na tili ng galak, at pagkatapos ay – isang hagulgol na sinasabayan ng pagdaloy ng masaganang luha.

Pagkat ang dala ni Jim para sa kaniya ay mga suklay – isang huwego ng mga suklay na malaon nang inaasam-asam ni Della mula nang ang mga iyon ay makita niya sa isang bintana ng tindahan sa Broadway. Idinaiti niya ang mga yaon sa kaniyang dibdib, at sa wakas ay naitaas niya ang kaniyang paninging hilam sa luha ang winika, “Malakas humaba ang buhok ko, Jim.”

At si Della’y lumuksong animo’y isang pusang napaso, at ang sabi, “Oh! Oh!” Hindi pa nakikita ni Jim ang magandang aginaldo sa kaniya. Iniabot iyon ni Della sabay pagbubukas ng kaniyang palad. Ang mahalagang metal ay kinang na gaya ng apoy ng kaniyang kaluluwa.

“Hindi ba maganda, Jim? Hinalughog ko ang buong bayan para lamang makita ko iyan. Pihong matitingnan mo na ngayon ang oras kahit makasandaang beses maghapon. Akina ang relos mo. Tingnan ko lamang kung gaano kaganda kung maikabit na ang kadena.”

Sa halip ng ibigay ang hinihingi, si Jim ay nagpatihiga sa sopa at iniunan ang kaniyang ulo sa kaniyang mga palad, at saka ngumiti.

Dell, itabi muna natin ang ating mga pang-aginaldo at itago natin ng ilang araw. Sayang na gamitin agad ngayon ang mga iyon. Ang relos ay ipinagbili ko para maibili ng mga suklay para sa iyo. Mabuti pa’y prituhin mo na ang karne.”

Gaya ng alam na ninyo, ang mga Mago ay mga taong marurunong – napakarurunong – at sila ay nagdala ng mga alay sa Sanggol sa sabsaban. Sila ang may imbento ng pagbibigay ng mga aginaldo kung Pasko. Palibhasa’y marurunong, pihong ang kanilang mga alay sa Sanggol ay may magagandang kahulugan, marahil ay yaong maaaring ipakipagpalitan kung sakaling magkakapareho. At dito’y pinag-inutan kong isalaysay sa inyo ang simpleng kasaysayan ng dalawang hangal na bata na nakatira sa isang abang tahanan, na buong talinong nagsakripisyo para sa isa’t isa kahit na mawala ang lalong mahalagang ari-ariang ipinagmamalaki ng kanilang tahanan.


Ngunit parang huling paalala sa marurunong ng ating kapanahunan, dapat sabihin dito na sa lahat ng nagbigay ng aginaldo, ang dalawang ito ay siyang pinakamarunong. Sa lahat ng nagbigay at tumanggap ng aginaldo, sila ang pinakamarunong. Sila ang pinakamarunong sa lahat ng dako. Sila ang mga Mago.

7 komento:

  1. yung mga malalalim na mga words pwede po paki translate? plss ass kisi namin.. 1.umalembong 2. sumalagmka 3.hilam 4. tangis

    TumugonBurahin
  2. Mga Tugon
    1. Ang mago ay ang haring matatalino na nagbigay ng aginaldo kay Hesus noong siya ay ipinanganak sa sabsaban. Ang mga mago ay may katalihunan at kanilang ibinigay ang pinakamahalagang regala para sa Diyos. Sapagkat alam ng mga mago na mas higit ang kanilang pagmamahal sa Diyos kesa sa kanilang mamahaling regalo.

      Aginaldo ng mga Mago ni O. Henry, ito ay isang maikling kuwento mula sa United States of America at isinalin sa Filipino ni Rufino Alejandro.

      Mga Tauhan:
      Delia Dilingham-

      James Dilingham

      Jim

      • Malapit na ang pasko at nag-iisip si Delia ng magandang pang regalo sa kanyang si Jim, nais niyang ibigay ang isang pambihirang regalo, pambihira at yari sa pilak. Mayroon lamang siyang piso at walumpu't pitong sentimos. Napakalungkot ni Delia noong mga panahong iyon.

      • Ang mag-asawang James at Delia ay mayroong ipinagmamalaki sa kanilang buhay. Ito ay ang relos ni ginto ni Jim na minana sa kanyang ama at ama ng kanyang ama at ang buhok ni Delia.

      Ang buhok ni Delia ay:

      1. Maganda

      2. Alon-alon

      3. Kumikislap na parang buhos ng kayumangging tubig sa isang talon

      4. Ito ay abot hanggang ibaba ng kanyang tuhod at mistulang pananamit niya ito.

      • Tumulo ang luha ni Delia sa sahig sa pulang karpet ng sahig.

      • Umalis siya at ibenenta ang kanyang buhok sa bumibili ng kagamitang yari sa buhok sa halagang beinte pesos

      • Umalis si Delia at kanyang hinalughog ang tindahan at siya ay naghanap ng regalo para sa kanyang Jim. Isa itong kadenang platino na ang disenyo na may simpleng simpleng disenyo ngunit nakakaakit.

      • Gabi noong umuwi si Jim ay nakapako ang mata ni Jim kay Delia marahil nagtataka kung bakit putol na ang buhok ni Delia

      • Itinapon ni Jim ang kanyang binalot na regalo sa lamesa. Ang regalo ni Jim ay mga suklay na kanyang inasam asam para sa kanyang buhok.

      • Nabili iyon ni Jim dahil ibenenta niya ang kanyang relos. Wala nang pagkakabitan ng kadenang ginto si Jim na regalo ni Delia.

      • Dahil sa pagmamahal ay isinakripisyo ni Jim at Delia ang mga mahahalagang ari-ariang ipinagmamalaki ng kanilang tahanan.

      • Ang pagbibigayan tuwing pasko ay nagmula sa mga mago na nagbigay ng aginaldo noong ipinanganak si Hesus sa sabsaban.

      -gawa ni misscheska

      Burahin
  3. PESOS!!! Pinag titripan mo ba kami,dolyar ang ginamit diyan,hanapin mo ang the gift of magi ,dolyar ang ginamit

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. kaya nga naisalin sa filipino eh. Naisain sa filipino kaya piso ang ginamit hindi dolyar. Tsaka mataas din naman ang halaga ng piso noon eh.

      Burahin
  4. ano po ba ang rason sa pagsulat ng akda?

    TumugonBurahin