Sa Loob ng Love Class
ni Eric O. Cariño
Lunes na
naman. At tulad ng iba pang mga Lunes na nagdaan sa mga nakalipas na mga
linggo, wala itong ipinagkaiba. Muli na naman akong maghahanda para sa isang
buong linggong pakikipagsapalaran sa piling ng mahigit dalawandaang mag-aaral –
ng iba’t ibang mag-aaral na may iba’t ibang kuwento rin ng buhay.
Pagkatapos
ng maikling programa upang ianunsiyo ng iba’t ibang departamento ang nakamit na
parangal sa mga paligsahang dinaluhan at pinanalunan, sabay-sabay naming
tutunguhin kasama ng aking advisory class
ang aming silid-aralan sa unang palapag sa gusali ng JDV. Doon ang aming
kaharian at lugar na tinatahanan.
Payak
lamang ang maraming pangyayari sa aming klase sa araw-araw na nagdaraan. Kung
hindi man aralin sa mga pahina ng aklat ang aming pinag-aaralan, sama-sama
kaming nakikipagsapalaran upang tuklasin at pag-aralan ang tungkol sa
buhay-buhay – ng kanilang mga problema sa buhay, sa pamilya, sa mga kaibigan,
at maging sa mga napupusuan. At ang tanging pang-aliw na ginagawa ko sa kanila
ay ang busugin sila ng maraming katatawanan, punchline, at mga joke
upang kahit sa sansaglit makita nilang masaya ang buhay at may mga dahilan para
tumawa at maging maligaya.
Halos lahat
ng mga mag-aaral ko sa aking klase ay malapit sa akin at “in love” ako sa kanila – isang kakaibang uri ng pagmamahal na nasa
hanggahan ng pagiging nakatatandang kapatid at tapat na kaibigan sa kanila.
Kinaibigan
ko ang marami sa kanila at sinadya ko iyon sapagkat sa paraang iyon ko maaaring
mapasok ang buhay at maintindihan ang pagkatao ng ilan sa kanila.
Hindi ko
lubos na maunawaan kung bakit madalas silang taguriang “pasaway” – mga hanay ng
mag-aaral na madalas ay ituring ng iba pa nilang mga guro bilang “problem students,” mga tinaguriang trouble
makers ng taon dahil sa maraming negatibong komento sa kanila. Ngunit hindi
sa klase ko. Hindi ko kailanman tinitingnan ang kapintasang ipinupukol sa
kanila bilang isang negatibong puwersa upang kamuhian ko rin sila. Marahil kung
katulad din ako ng iba nilang mga guro, sino pa kaya ang magmumulat sa kanila
na kailanman ay hindi sila pasanin sa loob ng eskuwelahan? Sino pa ang
magpapaunawa sa kanila na sila ay mga espesyal na indibidwal at maaaring
kapakinabangan ng lipunan sa paglipas ng mga taon? Sila ay mga bata at
nangangailangan ng paglingap na hindi nila maramdaman o makita sa kanilang
sariling mga tahanan.
Marami sa
mga mag-aaral sa aking klase, kung hindi man produkto ng broken family ay walang mga magulang na kumakalinga sa kanila. Mga
batang napapabayaan.
Alam ko
iyan at nalaman ko iyan nang minsang dinalaw ko at nagsagawa ng home visit
at background check. Doon,
namulat ang aking isipan sa masaklap na karanasan ng kabataang ito – bagay na
hindi alam ng iba pa nilang mga guro.
Ikinalungkot
ko ang mga pangyayari sa buhay ng ilan sa aking mga mag-aaral. Si Aldrin,
iniwan ng kaniyang ina, nangibang-bansa at iniwan sa pangangalaga ng isang malayong kamag-anak.
Sinasaktan siya ng pinag-iwanan sa kaniya kaya’t lumayas siya at nakikitira
ngayon sa mga kaibigan. Napasok ko rin ang buhay ni Sarah na minsan o dalawang
beses lamang nakapapasok sa eskuwela. Nalaman ko sa kaniyang ina na siya lamang
ang nakatutulong niya sa pag-aalaga sa apat pang maliliit na kapatid habang
sila ay nasa bukid. Si Miguel naman, bagsak sa mga major subject niya dahil sa gabi-gabing pagpupuyat sa pagtitinda ng
lugaw at kape sa plasa. Ang plasa ay buhay at pinagkukunan niya ng
pang-agdong buhay sa piling ng paralisadong ama. Lalo pang kinurot ng
malungkot na kapalaran ni Jessa ang aking damdamin nang mabatid kong dalawang
buwan siyang buntis sa kaniyang lasenggong tiyuhin. Ang masaklap pa nito, hindi
alam ng kaniyang mga magulang ang pangmomolestiya nito sa kaniya. Pinagkunan
na niyang minsan ng mga halamang-ugat si Aling Loring upang wakasan ang
buhay ng nasa kaniyang sinapupunan subalit napigilan lamang siya ng kaniyang
kasintahan. Lahat ng mga pangyayaring ito ay hindi lantad sa paningin ng marami
sa aking mga kasamahang guro. Isang maling panghuhusga ang walang kabutihang
maitutulong sa kanila upang kahit papaano’y malaman nila na kailanman ay hindi
sila pasanin at may mabibigat na problemang dinadala.
Ang
lahat ng katotohanang natuklasan ko ay ikinabahala ng aking mulat na pang-unawa.
Simula noon, tinalikdan ko ang pagtuturo lamang ng mga aralin at sinimulan ko
silang turuan ng mga aralin tungkol sa buhay, ng mga aralin sa labas ng
paaralan, at ng mga karanasan na wala sa mga pahina ng mga aklat. Nagbago ang
aking pananaw at doon ko sinimulang iparamdam ang higit na pagmamahal,
pag-unawa at pagkalinga sa kanila. Ang tanging kailangan lamang nila ay isang
pusong magpaparamdaman at magpapaunawa sa kanila na higit pa palang mas mahirap
ang mga aralin sa buhay na kinakaharap nila kaysa mga leksiyon sa Agham,
Ingles, o Matematika. Doon ko lubos na naunawaan ang kuwento ng kanilang buhay na
salat sa pagmamahal. Dito man lamang sa loob ng pangalawa nilang tahanan
maramdaman nilang ang mga “problem maker”
ay maaari namang maging “dream makers.”
G.R.E.A.T
TumugonBurahin