Martes, Agosto 11, 2015

SUNDIATA: ANG EPIKO NG SINAUNANG MALI

Sundiata: Ang Epiko ng Sinaunang Mali
Sundiata: An Epic of the Old Mali salin sa Ingles ni J.D. Pickett
Isinalin sa Filipino ni Mary Grace A. Tabora

Maghan Sundiata, na tinatawag ring Mari Djata, anak siya ni Haring Maghan Kon Fatta ng Mali sa kaniyang ikalawang asawa, si Sogolon Kadjou. Isang mahiwagang mangangaso ang humula na ang kanilang anak na lalaki ay magiging isang makapangyarihang pinuno na makahihigit pa kay Dakilang Alexander, ang maalamat na Griyegong mananakop. Ilang tao lamang ang naniniwala sa propesiya sapagkat pitong taong gulang na si Mari Djata ay hindi pa nakalalakad. Tila walang katiyakang mapabilang siya sa mga pagpipiliang maging emperador.

                Namatay si Haring Maghan Kon Fatta kaya’t hinirang ng  kaniyang unang asawang si Sassouma Bérété ang sariling anak na si Dankaran Touma na tagapagmana ng trono ng ama. Madalas silang naninibugho kay Mari Djata at sa kaniyang ina, kaya’t ipinatapon niya ang mag-anak sa likod ng palasyo. Napilitan ang mga itong mamuhay na isang kahig isang tuka.

                Nabuhay si Sogolon Kedjou sampu ng kaniyang mga anak sa tira ng Inang Reyna, pinagyayaman niya ang maliit na halamanan sa likuran ng nayon. Sa taniman, nagagalak siya na pagmasdan ang mga tanim na ubas at  gnougous. Isang araw, kinapos siya ng pampalasa at nagtungo sa Inang Reyna upang magmakaawa ng kaunting dahon ng baobab.

                “Tingnan mo ang iyong sarili,” wika ng mapanghamak na si Sassouma. Ang aking  calabash ay puno. Tulungan mo ang iyong sarili, maralitang babae. Para sa akin, mayroon akong anak na nakalalakad sa edad na pito at siya ang nangangalap ng mga dahon ng baobab na iyan. Maaari mong kunin ang mga iyan sapagkat ang iyong anak ay hindi makalalamang sa aking anak.” Siya’y nanunudyong humalakhak nang matinis na pumupunit sa laman at tumatagos sa kaibuturan.

                Natigagal si Sogolon. Hindi niya maisip na ang galit ay may puwersang napakalakas. Nilisan niya si Sassouma nang may bikig sa lalamunan. Sa labas ng kanilang kubo, si Mari Djata ay nakaupo sa kaniyang walang silbing mga binti at walang pakialam na sumusubo’t tangan-tangan ang calabash. Hindi napigilan ni Sogolon ang kaniyang sarili, siya’y napahikbi at dumampot ng kaputol na kahoy, hinagupit niya ang anak.

                “Oh anak ng kasawiang-palad, hindi ka ba makalalakad? Dahil sa iyong pagkukulang ako’y nakaranas ng matinding pangdudusta sa aking buhay! Ano ang aking pagkakamali?  Panginoon, bakit mo ako pinarurusahan nang ganito?”

                Dinampot ni Mari Djata ang kaputol na kahoy at matiim na tumitig sa ina,   “Inay, anong problema?”

                “Manahimik ka, walang makapaparam ng pang-iinsultong aking tinamo.”

                “Ano ba yaon?”

                “Si Sassouma’y pinahiya ako dahil lamang sa dahon ng  baobab. Sa edad mong iyan, ang kaniyang anak ay nakapipitas na ng dahong iyon para sa kaniyang ina.” “Huminahon ka ina, kalimutan mo na iyon.”

                “Hindi. Ito’y sobra na. Hindi maaari.”

                “Mahusay, kung gayon, ako’y maglalakad sa araw na ito,” sabi ni Mari Djata. “Puntahan mo ang panday ni ama at utusang hulmahin ang pinakamabigat na bakal. Inay, dahon lamang ba ng baobab ang iyong kailangan o nais mong dalhin ko sa iyo ang buong puno?”

                “Ah aking anak, upang tangayin ng hangin ang pang-aalipustang ito, ibig ko ng puno’t ugat sa aking paanan sa labas ng ating dampa.”

                Nang oras na iyon ay naroroon si Balla Fasséké, humangos siya sa pinakamahusay na panday, si Farakourou, upang magpagawa ng tungkod na bakal.

                Umupo si Sogolon sa harapan ng kanilang dampa. Siya’y tahimik na lumuluha habang sakbibi ng kalungkutan. Binalikan ni Mari Djata ang kaniyang pagkain na tila walang nangyari. Maya’t maya niyang sinusulyapan ang kaniyang ina na bumubulong, “Ibig ko ang buong puno, sa harap ng aking dampa, ang buong puno.”

                Walang ano-ano, sumambulat ang isang malakas na tinig na humahalakhak mula sa likod ng kubo. Ito’y likha ng buktot na si Sassouma na nagsasalaysay sa kaniyang utusan tungkol sa panghihiyang ginawa kay Sogolon, sinasadya niyang madinig ito ng huli. Mabilis na pumasok si Sogolon sa kaniyang silid at tinakpan ang ulo ng kumot upang hindi masilayan ang pabayang anak na abalang-abala sa kaniyang pagkain kaysa sa ano pa mang bagay. Walang tigil sa pananangis si Sogolon. Nilapitan siya ng kaniyang anak na babae, Sogolon Djamarou, at tumabi sa kaniya, “Tahan na ina. Bakit ka umiiyak?”

                Nasimot ni Mari Djata ang kaniyang pagkain at pilit na kinaladkad ang katawan, umupo sa malilim na dingding ng kubo sapagkat nakapapaso ang sinag ng araw. Kung ano ang nanunulay sa kaniyang kamalayan, tanging siya ang nakaaalam.

                Ang laksang panday na nasa labas ng maharlikang pader ay okupado ng paggawa ng pana’t palaso, sibat, at kalasag na ginagamit ng mga mandirigma ng Niani. Nang dumating si Balla Fasséké at humiling ng tungkod na bakal, napabulalas si Farakourou, “Dumatal na ba ang dakilang araw?”

                “Tumpak, ngayon ay isang namumukod na araw, isisiwalat ang hindi pa nasaksihan sa anomang pagkakataon.”

                Ang puno ng mga panday ay anak ng matandang si Noufaïri, at kawangki ng ama niya ay isa ring manghuhula. Sa kaniyang pagawaan ay katakot-takot ang nakaimbak na bareta ng bakal na niyari ng kaniyang ama. Lahat ay nagtataka kung saan nakalaan ang mga bakal. Tinawag ni Farakourou ang anim na baguhang manggagawa at ipinabuhat ang mga bakal upang dalhin sa tahanan ni Sogolon.

                Nang maibaba ang mga dambuhalang bakal, ang ingay na nilikha nito’y nakapangingilabot,pati si Sogolon ay nagulantang at napalundag. Pagkatapos ay nangusap si Balla Fasséké, anak ni Gnankouman Doua, “Naririto na ang dakilang araw, Mari Djata. Ika’y aking kinakausap, Maghan, anak ni Sogolon. Ang kristal ng Niger ay pumapawi ng mantsa ng katawan ngunit hindi kayang lipulin ang pang-uusig. Tumindig ka, batang leon, umatungal, at ihayag sa palumpong na simula ngayon sila
ay may panginoon.”

                Sumaksi ang mga baguhang panday sa nagaganap, lumabas si Sogolon at pinanood si Mari Djata. Siya’y painod-inod na gumapang at lumapit sa mga baretang bakal. Sa tulong ng kaniyang tuhod at isang kamay siya’y lumuhod, samantalang ang isang kamay ay umaabot ng baretang bakal na walang kaabog-abog na itinindig. Humawak ang dalawang kamay sa mga bakal habang nakaluhod. Isang nakamamatay na katahimikan ang sumakbibi sa lahat. Mariing pumikit si Sogolon Djata, kinuyom ang mga kamao’t umigting ang kalamnan. Sa isang marahas na paghila, iwinasiwas ni Djata ang katawan at umangat ang kaniyang tuhod sa lupa. Pinagtuunan ng pansin ni Sogolon ang mga binti ng anak na nangangatal na tila kinukoryente. Pinagpapawisan nang malapot si Djata na umaagos mula sa kaniyang noo. Buong igting niyang itinuwid ang katawan gamit ang mga paa subalit biglang bumaluktot at nagbagong anyo ang bakal na hawak, ito’y naging pana!

                Biglang umawit si Balla Fasséké ng “Himno ng Pana” sa madamdaming tinig:     

“Kunin mo ang iyong pana,
At tayo ay humayo.
Kunin mo ang iyong pana,
Butihing gerero.”

                Nang makita ni Sogolon ang anak na nakatayo, siya’y saglit na naumid, pagkatapos ay kara-karakang humimig ng papuri sa Diyos na naghimala sa anak:         

“Anong rikit ng umaga?
Araw ng labis na saya.
Allah, makapangyarihang Allah,
Banal na manlilikha,
Yaring anak ay may halaga!”

                Ang tinig ni Balla Fasséké ang namalita sa buong palasyo ng nagaganap, ang mga tao’y humahangos na nagtungo sa kanilang kinaroroonan at ang lahat ay namangha sa nasaksihang pagbabago sa anak ni Sogolon. Ang Inang Reyna ay napasugod din at nang makitang nakatayo si Mari Djata siya’y nangatog at pinanghinaan ng tuhod. Matapos mahabol ang hininga, inalis ni Djata ang bakal, ang kaniyang unang hakbang ay dambuhala. Napayukod at itinuro ni Balla Fasséké si Djata, siya’y napasigaw:

“Ang lahat ay tumabi,
Tayo’y gumalaw.
Ang leon ay nabuhay,
Antelope’y magkubli.”

                Sa likuran ng Niani ay nakatanim ang munting puno ng baobab, doon namimitas ng dahon ang mga supling ng nayon para sa kanilang ina. Buong lakas na binunot at pinasan ni Djata ang puno. Inilagak niya ito sa harapan ng kanilang kubo, “Inay, naririto ang ilang dahon ng baobab para sa iyo. Simula ngayon, ito’y mananatili sa labas ng ating dampa at ang lahat ng kababaihan ng Niani ay tutungo rito upang mangalakal.”Nakalakad si Mari Djata. Buhat nang araw na yaon, hindi na natahimik ang kalooban ng Inang Reyna. Ngunit sino nga ba ang makasasalungat sa tadhana? Wala, ang taong nasa impluwensiya ng kahibanga’y naniniwalang kaya niyang baguhin ang itinakda ng Panginoon. Subalit ito’y binabalangkas Niya sa paraang kailanman ay hindi malilirip ng kamalayan ng tao. Samakatuwid, lahat ng hakbang ni Sassouma laban sa anak ni Sogolon ay nawalan ng saysay. Hamakin ang mga nakalipas na panahon at tutulan ang panlilibak sa harap ng madla. Ngayon, ang anak ni Sogolon ay kasing palasak ng dating pang-aalimura sa kaniya. Hindi mabilang ang nagmamahal at nasisindak sa kaniyang angking lakas. Sa bayan ng Niani, walang ibang pinag-uusapan kundi si Djata; ang mga ina’y hinihikayat ang kanilang mga anak na lalaki na samahan si Djata sa pangangaso o makipaglaro sapagkat nais nilang makinabang ang mga inakay sa tinatamasang kabantugan ng anak ng babaing magsasaka. Ang pahayag ni Doua sa araw ng pagngangalan sa anak ni Sogolon ay nanariwa sa kalalakihan. Si Sogolon ay napapalibutan ngayon ng mataas na paggalang; sa mga umpukan madalas na inihahambing ang kayumian ni Sogolon sa kapalalua’t masamang hangarin ni Sassouma Barété sapagkat ang una’y isang huwarang asawa at ina kayat dininig ng Panginoon ang kaniyang panalangin, pinananaligang kung higit na lumalalim ang pagmamahal at paggalang sa kabiyak at ang pagsasakripisiyo para sa anak ay magiging magiting at matapang ang kanilang anak pagsapit ng tamang panahon. Ang bawat anak ay anak ng kaniyang ina, hinding-hindi makahihigit ang anak sa kaniyang ina. Hindi kataka-taka kung bakit si Dankaran Touma ay walang kabuhay-buhay, palibhasa’y ang kaniyang ina ay hindi man lamang nagpamalas nang kahit na katiting na pagpapahalaga sa kaniyang asawa, sa naparam na Haring Maghan Kon Fatta, hindi siya nagpakita ng pagpapakumbaba na isinasabuhay ng bawat asawang babae sa kanilang kaisang-dibdib. Ginunita ng mga tao ang mga tagpo nang siya’y nanibugho, nayamot at nagbitiw ng mga maaanghang na pananalitang ikinalat laban sa mga kapwa niya asawang babae at mga anak nito. Kayat seryosong napagtibay ng mga tao, “Sino ang nakakaalam ng misteryo ng Diyos. Ang ahas ay walang binti’t paa ngunit kasimbilis ng mga hayop na may apat na paa.”

                Bata pa lamang si Sundiata ay naging mahusay ng mangangaso. Naging matalik niyang kaibigan si Manding Bory, ang anak ng kaniyang ama sa ikatlong asawa. Nang mabigo ang balak na pag-utas kay Djata nina Sassouma at Dankaran, ipinatapon nila ang mag-anak. Ang bayani sampu ng kadugo ay nakahanap ng kanlungan sa kaharian ng Mema.

                Habang nagbibinata si Sundiata, ang maitim na budhing si Soumaoro Kanté, isang manggagaway na hari ng kanugnog na kaharian ay nang-aagaw at nananakop ng maraming bayan. Gayon pa man si Sundiata’y nakagawa ng paraan na makarating sa Sosso, ang kabisera ng lungsod ni Soumaoro upang makaharap ang halimaw na pinuno. Maraming digmaan ang pinangunahan at pinagtagumpayan ni Sundiata habang patungo sa Sosso. Siya’y naging popular na lider, maraming kawal ang sumapi sa kaniya.

                Humayo si Sundiata at nagtayo ng kampo sa Dayala na nasa lambak ng Niger. Hinarangan niya ang daan ni Soumaoro patungo sa Timog. Sa panahong iyon, patuloy ang labanan sa pagitan ng dalawa bagaman wala ni isa man ang naghayag ng digmaan. Walang nagtataguyod ng isang digmaan nang hindi inilalahad ang ugat nito. Ang nagtutunggali ay nararapat na isa-isahin ang kanilang karaingan bago ihudyat ang simula ng digmaan. Kaparis ng isang salamangkero na kailangang huwag lusubin ang isang tao nang hindi siya inaanyayahang tanggapin ang tungkulin na gawin ang masamang gawain, dahil dito ang hari’y hindi dapat mandigma nang hindi ibinubuka ang bibig sa sanhi ng pagsasakatuparan nito. Sumulong si Soumaoro hanggang sa Krina, malapit sa nayon ng Dayala na nasa Niger at nagpasyang sabihin ang kaniyang karapatan bago lumusong sa madugong labanan. Batid ni Soumaoro na si Sundiata ay kagaya niyang salamangkero kayat sa halip na magpadala ng sugo, ipinasaulo niya ang kaniyang saloobin sa isa sa alagang kuwago. Nang gabing iyon, dumapo ang ibon sa bubong ng kulandong ni Djata at nangusap. Ang ginoo nama’y nagsugo rin ng kuwago kay Soumaoro. Nagsagutan ang dalawang salamangkerong-hari:

                “Hinto, binata. Ako ang Hari ng Mali. Kung hinahangad mo ang kapayapaan, bumalik ka sa iyong pinagmulan,” litanya ni Soumaoro.

                “Ako’y nagbabalik Soumaoro upang muling yakapin ang aking kaharian. Kung hangad mo ang kapayapaan, ika’y magbayad-pinsala sa aking mga kapanalig at umuwi sa Sosso kung saan ika’y hari.”

                “Ako ang Hari ng Mali sa pamamagitan ng puwersa ng aking kamao. Ang aking karapatan ay maluwat nang napatunayan ng aking pananakop.”

                “Kung gayon, aagawin ko ang Mali sa iyo gamit ang puwersa ng aking kamao at tutugisin kita hanggang  sa iyong kaharian.”

                “Samakatuwid, kailangan mong mabatid na ako ang mabangis na nami sa batuan, walang sinomang makapagpapalayas sa akin sa Mali.”

                “At kailangan mo ring mabatid, ako’y may katotong pitong panday na dudurog sa batuhan. Pagkatapos, nami, ika’y aking lalamunin.”

                “Ako ang makamandag na kabute na nagdudulot ng mabangis na pagbuga.”
      
                “Para sa akin, ako ang mapanagpang na tandang; ang lason ay walang bisa sa akin.”

                “Ika’y magtino, munting bata, baka pagliliyabin ko ang iyong mga paa, dahil ako ang pula’t mainit na baga.”

                “Datapuwat ako, ako ang ulan na papawi sa baga: Ako ang malakas na agos na tatangay sa iyo.”

                “Ako ang makapangyarihang sutlang-puno ng bulak, na matayog sa ibang puno.”

                “At ako, ako ang nananakal na baging na gagapang sa tuktok ng higanteng kagubatan.”

                “Husto na ang pangangatuwirang ito. Hindi mo mapapasakamay ang Mali.”

                “Tandaan, walang silid para sa dalawang hari sa isang reyno Soumaoro; pahintulutan mo akong agawin ang iyong puwesto.”

                “Magaling, sapagkat digmaan ang iyong ninasa, ika’y hindi ko uurungan subalit itimo mong siyam na hari ang aking pinugutan ng ulo at inadorno sa aking silid. Tunay na kaawa-awa, ang iyong ulo’y matatabi sa kapwa mo pangahas.”

“Ihanda mo ang iyong sarili Soumaoro, ang delubyo’y mananalasa, sasalpok at bubura sa iyo sa lupa.”

                Sa ibang banda, ang griot ni Djatang si Ball Fasséké at Nana Triban, kapatid niyang babae sa ama na nadakip at nakulong sa karsel sa palasyo ni Soumaoro ay nakatakas.  Sumali sila sa pakikipagdigma ni Sundiata sa gabi ng mismong labanan sa Krina. Si Fakoli Korona, pamangkin ni Soumaoro ay dumating din sa kampo. Dahil sa dinukot ni Soumaoro ang kabiyak niya, sumumpa siyang maghihiganti. Ipinangako nina Nana Triban at Fakoli ang katapatan kay Sundiata. Inilantad ni Nana Triban ang lihim ni Soumaoro, inilahad niya kung paano matitiyak ni Sundiata na magagapi niya ang kalaban sa pamamagitan ng pagdampi sa balat niya ng tari ng tandang. Pagsapit ng bukang-liwayway bumuo ng plano sina Sundiata at Manding Bory upang mahubaran ng kapangyarihan si Soumaoro.

                “Kapatid, naihanda mo na ba ang iyong pana?” tanong ni Manding Bory.

                “Oo, iyong masdan,” ang sagot ni Sundiata.

                Inalis niya ang mahiwagang palaso sa pagkakasabit sa dingding. Ito’y tila hindi bakal, waring kahoy, at ang dulo’y ang matalim na tari ng puting tandang na makatatanggal ng tana ni Soumaoro, isang lihim na nailabas ni Nana Triban sa Sosso.

                “Kapatid, sa oras na ito’y pihadong batid na ni Soumaoro na ako’y nakatakas. Pilitin mong makalapit sa kaniya sapagkat asahan mong siya’y iiwas sa iyo,” ang paalala ni Nana Triban.

                Nabahala si Djata sa mga binitiwang pahayag ni Nana Triban subalit kinalamay ni Balla Fasséké ang kaniyang kalooban sa pagsasabi sa kaniyang panaginip ay kaniyang malulupig ang mortal na kaaway.

                Sa kabilang ibayo’y mahinhing sumikat ang araw at nagsabog ng liwanag sa kapaligiran. Ang pangkat ni Sundiata’y pumuwesto mula sa gilid ng ilog hanggang sa kabilang ibayo, ngunit bulto ang bitbit na hukbo ni Soumaoro kayat ang ibang sofas na naiwan sa Krina ay umakyat sa burol upang panoorin ang digmaan. Dahil sa malaking koronang suot ni Soumaoro, agad siyang nakita’t natukoy mula sa kalayuan. Ang kaniyang sandataan ay hindi mahulugang karayom, pinuno ang magkabilang ibayo ng burol.

                Hindi ikinalat ni Sundiata ang lahat ng kaniyang kawal. Ang mga namamana ng Wagadou at Djallonkés ay pumuwesto sa hulihan at handang magpaulan ng palaso sa bahaging kaliwa ng burol kapag tumagal ang digmaan. Sina Fakoli Korona at Kamandjan ay kahilera ni Sundiata at nangunguna sa bungad sampu ng kaniyang kabalyeriya.

                Sa kaniyang makapangyarihang tinig, sumigaw si Sundiata “An gwewa!” Ang kautusan ay umalingawngaw sa bawat tribo at nagsimulang sumulong ang bataliyon. Si Soumaoro’y nakatindig sa gawing kanan kasama ang kaniyang kabalyeriya.

                Mabilis na sumalakay sina Sundiata ngunit sila’y napigilan ng mga kabalyero ng Diaghan at ang pagsasagupaan ay nagsimula nang kumalat. Si Tabon Wana at ang mga mamamana ng Wagadou ay sumulong sa direksiyon ng burol at matuling lumaganap ang digmaan habang ang araw ay hindi natitinag sa pamamayagpag sahimpapawid. Ang mga kabayo ng Mema ay lubhang maliksi at tumakbong nakataas ang unahang paa na sumikwat sa mga kabalyero ng Diaghan. Nagpagulong-gulong, at tinapakan ng mga kabayo. Nagbigay ng puwang ang pagbagsak at pag-atras ng mga kalalakihan ng Diaghan. Ang pusod ng kalaban ay nabuwag.

                Sa puntong iyon, biglang kinabig ni Manding Bory si Sundiata at ibinalitang si Soumaoro’y palusob kasama ang mga itinagong kawal kay Fakoli at sa mga panday nito upang lantarang parusahan ang nagtaksil na pamangkin. Pagkat nalipol ang malaking bilang ng mga sofas ni Soumaoro, ang mga kasamahan ni Fakoli ay unti-unting nagkawatak-watak. Ang digmaa’y hindi pa naipapanalo.

                Nagliliyab ang mga mata ni Sundiata sa poot. Tinipon niya ang kabalyeriya sa kaliwang dako ng burol kung saan magiting na iniinda ni Fakoli ang panlulupig ng tiyo. Kaalinsabay nito, ang lahat ng maraanan ni Sundiata’y namamalita na nagagalak si Kamatayan at ang kaniyang panandaliang  pagtigil ay nagpapanumbalik ng pagtitiwala ng kaniyang kawal bagaman hindi nauubos ang mga sofas ni Soumaoro. Hinanap ni Djata ang salamangkerong-hari. Nasulyapan niya ito sa gitna ng labanan. Sinunggaban ni Sundiata ang bawat Sossong  sofas, kaliwa’t kanan ang ginawang pagbalya, nagkakandahirap na tumatabi ang mga ito kung kayat madali siyang nakalapit kay Soumaoro. Nang mapansin ng huli ang ikinikilos ni Djata, siya’y dahan-dahang bumuwelta subalit siya’y nasundan ng tingin ng matapang na bayani.

                Huminto si Sundiata at hinutok ang kaniyang pana. Lumipad ang palaso at dumaplis sa balikat ni Soumaoro. Nang tumama ang tari ng tandang, naramdaman niyang ito’y hindi lamang munting gasgas kayat kagyat naglaho ang kaniyang kapangyarihan. Nagtagpo ang mata nila ni Sundiata. Siya’y nangatal na tila dinapuan ng matinding lagnat, napatingala ang nauupos na si Soumaoro sa langit. Isang malaking ibon ang paikot-ikot na lumilipad at kaniyang napagtanto. Ito ay ang ibon ng kasawian.

                “Ang ibon ng Krina,” ang kaniyang naungol.

                Ang Hari ng Sosso’y sumigaw nang ubod lakas. Napalingon ang kaniyang kabayo at siya’y tumalilis. Nakita ng mga Sosso ang kanilang hari, siya’y kanilang pinarisan, lumiko ang mga Sossong sofas at mabilis ding tumakas. Ang kamatayan ay mamamasdan sa paligid, nagkalat ang mga duguan at naghihingalo. Sino ang makapagsasabi kung ilang Sosso ang nasawi sa Krina? Ang pagtakas ay naisakatuparan at hinabol ni Sundiata si Soumaoro.

                Hindi nagtagumpay sina Sundiata’t Fakoli na tugisin si Soumaoro datapuwat napasakamay nila si Sosso Balla, ang anak ng haring umalpas patungo sa yungib at naglahong parang bula. Pumunta si Sundiata sa kalapit na nayon, Koulikoro, dito niya hinintay ang kanilang hukbo.

                Ang panalo sa Krina’y nakasisilaw. Ang mga Sossong sofas ay umuwi’t nagtago, ang Imperyong Sosso ay natalo. Lahat ng mga hari sa kapuluan ay nagpasailalim sa kapangyarihan ni Sundiata. Ang Hari ng Guidimakhan ay nagpadala ng mamamahaling muwebles kay Sundiata at ipinagkasundo ang kaniyang anak na babae sa nagwaging binata. Natipon ang mga sugo sa Koulikoro subalit nang nakumpleto ang hukbo ni Sundiata sila’y nagmartsa sa direksiyon ng Sosso na lungsod ni Soumaoro. Itong Sosso ay lungsod ng mga dalubhasang panday sa paghawak ng sibat.Sa pagkawala nina Soumaoro at Sosso Balla, si Noumounkeba, ang puno ng tribo ang tumayong lider upang depensahan ang lungsod. Daglian niyang tinipon ang lahat maging ang mga kalapit na kabukiran upang makapaghanda.

                Ang Sosso ay maringal na lungsod. Ang makaikatlong tulis ng tore nito’y halos umabot sa langit. Ang lungsod ay binubuo ng walungpu’t walong muog at ang palasyo ni Soumaoro’y maaaninag sa itaas ng lungsod tulad ng isang malaking tore. Ang Sosso ay mayroon lamang isang pasukan; gahiganteng gawa sa bakal na ginawa ng mga anak ng apoy. Umasa si Noumounkeba na magapi si Sundiata sa labas ng Sosso sapagkat ang kanilang pagkain ay husto lamang para sa isang taon.

                Papalubog na ang araw nang marating nina Sundiata ang Sosso. Sa tuktok ng burol, minalas nina Sundiata at ng kaniyang heneral ang kinatatakutang lungsod ng mapandigmang hari. Ang hukbo niya’y nagkampo sa kapatagan na kabilang ibayo ng malaking tarangkahan ng Sosso. Napagpasiyahan ni Sundiata na sakupin ang bayan sa loob nang maghapon. Binusog niya nang labis ang mga sofas na katoto habang walang humpay ang pagtambol ng mga  tam-tam upang ipaalala’t pukawin ang pagtatagumpay sa Krina.

                Sa pamimitik ng araw, ang tore’y nagkulay itim sa pagkakahanay ng  mga sofas. Ang iba ay nakaposisyon sa mga muog, sila ang mga mamamana, ang mga Mandingo na bihasa sa sining ng pagkubkob ng bayan. Sa harap ni Sundiata nakapuwesto naman ang mga sofas ng Mali. Samantalang ang mga may bitbit ng hagdan ay nasa ikalawang linya na nakakubli sa mga kalasag ng mga maninibat. Ang pinakapunong katawan ng hukbo ang siyang aatake sa pasukan ng lungsod. Nang handa na ang lahat, inihudyat ni Sundiata ang paglusob. Ang mga tambol at tambuli’y sabay-sabay na pinatunog, katulad ng kati unti-unting umusad ang mga Mandingong nasa harapan na ginigiya ng mga makapangyarihang sigaw. Nakatakip ang mga kalasag sa ulo, marahan silang sumulong sa paanan ng pader, at nagsimulang maghulog ng malalaking bato ang mga Sosso sa mga kaaway. Gumanti ang mga Wagadou na nasa dulong hanay, sila’y nagbuhos ng sunod-sunod na palaso. Si Sundiata ay may itinatagong kawal na pinakamagaling, sila ang mga mamamana ng Hari ng Bobos na kaagad na ipinadala bago pa man naganap ang sa Krina, ang pinakadalubhasa sa pamamaraan. Pinaulanan ng nagniningas na mga palaso ang kuta ng mga Sosso. Nagliyab ang mga kabayanan. Naitayo ng mga Mandingo ang mga hagdan at umakyat sa tuktok ng pader. Sinaklot ng sindak ang mga Sosso nang makitang nasusunog ang kanilang bayan, sila’y natigilan. Bumagsak ang bakal na pasukan sa palad ng mga panday ni Fakoli sapagkat sila ang maestro nito. Napasok nila ang lungsod, ang hiyawan ng mga bata’t kababaihan ay nagbunsod ng pagkalito sa mga Sosso kayat nabuksan ang
pasukan, ang pangunahing pangkat ng hukbo ni Sundiata ay tuluyang nakapasok.

                Pagkatapos ay nagsimula ang nakahihindik na patayan. Ang kababaihan at kabataan na nasa kalagitnaan ng pagtakas ay nagsumamo. Napadpad sina Sundiata at ang kaniyang kabalyeriya sa harap ng kamangha-manghang palasyo ni Soumaoro. Kahit natitiyak ni Noumounkeba na siya ay talunan, pangahas na itinaas niya ang espada at akmang uundayan si Sundiata, ngunit siya’y nalansi ng huli, nadakma’t malupit na pinihit ang kaniyang bisig, marahas na inginudngod sa sahig hanggang
mailaglag niya ang espada. Hindi pinatay ni Sundiata si Noumounkeba bagkus ay inilagak sa kamay ni Manding Bory.

                Sa wakas, nasa pagpapala na ni Djata ang reyno ni Soumaoro.Habang saanmang dako ng Sosso’y mauulinig ang pagbabangayan ng magkakanayon.Pinangunahan ni Balla Fasséké kasunod ni Sundiata ang pagpasok sa tore ni Soumaoro. Alam ng griot ang pasikot-sikot at kasulok-sulukan ng palasyo mula sa kaniyang alaala nang siya’y mabihag, itinuro niya kay Djata ang maharlikang silid-tulugan.

                Nang buksan ni Balla Fasséké ang pinto ng silid, natuklasan nilang naiba ang anyo nito buhat nang matamaan ng mortal na palaso ang nagmamay-ari ng silid na nawalan ng kapangyarihan. Ang ahas sa babasaging pitsel ay naghihingalo, ang mga kuwagong nasa dapuan ay kalunos-lunos na pumapagaspas padausdos sa sahig. Lahat ay nag-aagaw-buhay sa adobe  ng salamangkero, lahat ng nakakabit sa kapangyarihan ni Soumaoro. Sinamsam ni Sundiata ang mga anting-anting ni Soumaoro at marahas na tinipon ang lahat ng asawa’t mga prinsesa ng kaharian. Itinali ang mga bilanggo’t sama-samang pinastol. At ayon sa kagustuhan ni Sundiata, napasakaniya ang Sosso nang araw na iyon. Nang makalabas ang lahat, inatas ni Djata ang ganap na paggunaw sa Sosso. Sinunog ang mga kabahayan, walang itinira at ginamit ang mga preso sa pagtibag ng mga pader. Samakatuwid, ang balak ni Sundiatang wasakin ang pundasyon ng Sosso ay maningning na naisagawa.

                Tama, ang Sosso ay naging alikabok at humalo sa lupa, ang matayog na lungsod ni Soumaoro na dating niyuyukuran ng mga hari. Ito ay naging nangungulilang parang, ang Sosso ay tahanan ngayon ng mga naliligaw na hayop.

                Gumulong ang panahon, patuloy ang pagbagtas ng buwan sa kalangitan. Sa kasalukuyan, ang Sosso ay isa na lamang balintataw sa panaginip ng mga griot. Ang mga hayna ay nananaghoy sa pook sa kailaliman ng gabi, ang mga usa’t liyebre naman ay naging silong ito sa paghahanap ng pagkain, nasaan na ang haring nakadamit ng roba na gawa sa balat ng tao?


                Tanging si Sundiata, anak ng magsasaka, ang naghandog ng kapanglawan sa pook. Matapos lamunin ng lupa ang lungsod ni Soumaoro, ang mundo’y walang ibang kinilalang panginoon kundi si… Sundiata.

40 komento:

  1. wala ngang boud pati yong listahan ng mga tauhan <_>

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. MGA TAUHAN:
      Maghan Sundiata aka Mari Djata – ayon sa hula, siya ay nakatakdang magiging isang makapangyarihang pinuno. Hindi pa nakakalakad sa edad na pitong taon.
      Haring Maghan Kon Fatta ng Mali – Ama ni Maghan Sundiata
      Sogolon Kadjou – Ina ni Maghan Sundiata, Ikalawang asawa ni Haring Maghan Kon Fatta
      Sassouma Bérété – Unang asawa ni Haring Maghan Kon Fatta ng Mali. Nagpalayas sa pamilya ni Sundiata ng namatay ang hari.
      Dankaran Touma – Anak ng Haring Maghan Kon Fatta at ni Sassouma Berete; Naging hari ng Mali sa pagkamatay ng ama.
      Farakourou – pinakamahusay na panday sa Mali
      Balla Fasséké - anak ni Gnankouman Doua, siya ang tumungo kay Farakourou upang hingin ang mga bakal na hiniling ni Maghan Sundiata Manding Bory – Kapatid ni Sundiata sa ikatlong asawa ng Haring Maghan Kon Fatta. Matalik na kaibigina ni Sundiata
      Soumaoro – ang mapangdigmang hari ng Sosso na sumakop sa Mali. Tinalo ni Sundiata sa pamamagitan ng pag pana nito

      Burahin
    2. Ano Po ung katangian ni sundiata

      Burahin
    3. ano po dito sagot po sa tila walang katiyakan mapabilang siya sa mga pagpipilian maging Emperador
      a.namumuno sa imperya o kaharian
      b.kawal
      c.kalaban
      pangungusap.?

      Burahin
    4. A.namumuno sa imperya o kaharian

      Burahin
  2. wla po ba kayong buod?? mas nakakatulong pa yun kesa ganyan..

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. Ang Sundiata ay isang kilalang epiko ng Imperyong Mali sa Aprika.

      BUOD NG EPIKO
      Si Naré Maghann Konaté ay hari ng mga Mandinka.

      Isang araw, may dumalaw sa kanyang isang mangangaso na may kakayahang manghula. Ayon sa manghuhula, si Haring Konaté ay makapapangasawa ng isang pangit na babae na magsisilang ng isang sanggol na lalaki na magiging napaka-makapangyarihang hari.

      Noong panahong iyon, si Konaté ay may asawa na; ang pangalan ng kanyang reyna ay Sassouma Bereté. Mayroon na silang anak na lalaki na ang pangalan ay Dankaran Toumani Keïta.

      Ganunpaman, isang araw ay may dalawang mangangalakal na dumalaw kay Haring Konaté para iprisinta sa kanya ang isang kuba at pangit na babae na ang pangalan ay Sogolon. Naalala ng hari ang sinabi ng manghuhula at pinakasalan niya ang kuba. Makatapos ng sampung buwan, nagsilang ang babae ng isang sanggol na lalaki na pinangalanan nilang Sundiata Keita.

      Minana ng batang Sundiata ang kapangitan ng kanyang ina, at hindi niya makayanang lumakad nang maayos, kaya lagi siyang kinukutya ni Reyna Sassouma.

      Bagaman mahina ang katawan ni Sundiata, binigyan pa rin siya ng kanyang amang hari ng kanyang sariling griot (isang manganganta na ang tungkulin ay alalahanin ang mga kaganapang nangyayari at magbigay payo). Tradisyon noon na magkaroon ng griot na alalay ang bawat importanteng miyembro ng pamilya ng hari.

      Nang namatay si Haring Konaté noong taong 1224, ang kanyang panganay na anak na si Dankaran ang umakyat sa trono. Si Sundiata at ang kanyang kubang ina na si Sogolon ay lalo pang inapi.

      Nang minsan ay may nag-insulto kay Sogolon, nagpakuha si Sundiata ng isang bakal na tungkod na nabali nang subukan niyang gamitin upang tulungan ang sarili na tumayo. Ang iisang tungkod na hindi nabakli ay nagmula sa isang sanga ng puno ng S’ra. Parang milagro, ang kahoy na ito ay nakatulong kay Sundiata na makatayo at makalakad nang maayos.

      Pinatapon ni Hari Dankaran ang mag-inang sina Sogolon at Sundiata. Nanirahan sila sa kaharian ng Mema kung saan lumakas ang katawan ni Sundiata. Siya’y naging isang dakilang mandirigma hangga’t siya’y inatasang maging tagapagmana ng trono ng Mema.

      Samantala, ang kaharian ng mga Mandinka ay pinuntirya ng isang malupit na mananalakay na ang pangalan ay Soumaoro. Ang hari ng mga Mandinka na si Dankaran ay tumakas kung kaya’t humiling ang mga Mandinka ng tulong kay Sundiata.

      Nagtagumpay si Sundiata laban sa mga mananalakay at dahil sa pinagsama-samang lupain sa ilalim ng kanyang administrasyon tulad ng Mema at Mandinka, siya ay tinaguriang pinakaunang tagapamuno ng imperyo ng Mali.

      Ayon sa mga griot, maihahalintulad ang lawak ng nasakop ni Sundiata sa Aprika sa kalawakan ng mga lupaing napailalim kay Alexander the Great sa dakong Europa noong sinaunang panahon.

      Burahin
  3. panu ko po makontak si ms tabora
    ?

    TumugonBurahin
  4. thank you so much... hindi ko na kailangan pang mag type at maghanap ng descriptions para sa mga tauhan...hehehehe.... thank you very much!

    TumugonBurahin
  5. SINO ANG NANAY NI MANDING BORY NA IKATLONG ASAWA NG HARI?

    TumugonBurahin
  6. Saan ang magandang sitwasyong nakakamangha at ipaliwanag kung bakit

    TumugonBurahin
  7. Reading this in in a nice ambiance will surely make you feel interested.Check here to see a lot of options for your home: house design

    TumugonBurahin
  8. Ano yung mga salawikain sa kwento??

    TumugonBurahin
  9. Wala po bang buod? Tas yung about din po sa author ng epic?

    TumugonBurahin
  10. Ano po ang mga katangian ng mga bawat tauhan sa kwento?, at sino po ang pinaka mabuting loob sa kanila??

    TumugonBurahin
  11. Ano po abg kaugnayan sa pandaigdigang pangyayari/lipunan dyan? Tsaka paki paliwanag na din😁

    TumugonBurahin
  12. Ilan taon nga ba namuno si Sundiata sa Imperyong Mandingo? TOTOO BANG 25 NA TAON?

    TumugonBurahin