Republikang Basahan
ni Teodoro
Agoncillo
Republika baga
itong busabos ka ng dayuhan?
Ang tingin sa
tanikala’y busilak ng kalayaan?
Kasarinlan baga
itong ang bibig mo’y nakasusi?
Ang mata mong
nakadilat ay bulag na di mawari,
Ang buhay mo’y
walang patid na hibla ng pagtataksil
Sa sarili, lipi’t
angkan, sa bayan mong dumarating!
Kalayaan!
Republika! Ang bayani’y dinudusta
Kalayaan pala
itong mamatay nang abang-aba!
Kasarinlan pala
itong ni hindi mo masarili
Ang dangal ng tahanan
mong ibo’t pugad ng pagkasi.
Malaya ka, bakit
hindi? Sa bitaya’n ikaw’y manhik,
At magbigting
mahinahon sa sarili na ring lubid!
Kalayaan – ito
pala’y mayron na ring tinutubo
Sa puhunang dila’t
laway, at hindi sa luha’t dugo!
Humimbing kang mapayapa,
mabuhay kang nangangarap,
Sa ganyan lang
mauulol ang sarili sa magdamag.
Lumakad ka, hilain
mo ang kadenang may kalansing,
Na sa taynga ng
busabos ay musikang naglalambing!
Limutin mo ang
nagdaan, ang sarili ay taglayin,
Subalit ang
iniisip ay huwag mong bibigkasin!
Magsanay ka sa
pagpukpok, sa pagpala at paghukay,
Pagkat ikaw ang
gagawa ng kabaong kung mamatay
Purihin mo ang
bayaning may dalisay na adhika,
Ngunit huwag
paparisan ang kanilang gawi’t gawa
Republika na nga
itong ang sa inyo’y hindi iyo,
Timawa ka at
dayuhan sa lupain at bayan mo!
Kalayaan! Malaya
ka, oo na nga, bakit hindi?
Sa patak ng iyong
luha’y malaya kang mamighati!
Sa simoy ng mga
hangin sa parang at mga bundok,
Palasapin mo ang
sukal ng loob mong kumikirot.
Kasarinlan!
Republika! Kayo baga’y nauulol,
Ang inyong
kalayaa’y tabla na rin ng kabaong?
Bawat hakbang na
gawin mo sa templo ng kalayaan
Ay hakbang na
papalapit sa bunganga ng libingan!
Republika!
Kasarinlan! Mandi’y hindi nadarama,
Ang paglaya’y sa
matapang at sa kanyon bumubuga!
Ang paglaya’y
nakukuha sa tulis ng isang sibat,
Ang tabak ay
tumatalim sa pingki ng kapuwa tabak
Ang paglaya’y
isang tining ng nagsamang dugo’t luha,
Sa saro ng
kagitinga’y bayani lang ang tutungga.
Bawat sinag ng
paglayang sa karimlan ay habulin,
Isang punyal sa
dibdib mo, isang kislap ng patalim!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento